Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 4/15 p. 4-9
  • Posible Nga ba ang Buhay na Walang Hanggan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Posible Nga ba ang Buhay na Walang Hanggan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dinisenyo Upang Mabuhay Magpakailanman
  • Ang Hangaring Mabuhay Magpakailanman
  • Sino ang Dapat Nating Pagtiwalaan?
  • Talaga Bang Ito ang Layunin ng Diyos?
  • Hindi Nagbago ang Layunin ng Diyos
  • Puwede Tayong Mabuhay Magpakailanman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Ang Mabuhay Magpakailanman ay Hindi Panaginip Lamang
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Kung Paano Ka Maaaring Mabuhay Magpakailanman
    Gumising!—1995
  • Pagbuhay-Muli sa mga Nasa Libingan​—Talagang Posible!
    Gumising!—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 4/15 p. 4-9

Posible Nga ba ang Buhay na Walang Hanggan?

“Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang-hanggan?”​—Mateo 19:16.

1. Ano ang masasabi tungkol sa haba ng buhay ng tao?

ANG Persianong Haring Jerjes I, na nakilala sa Bibliya bilang si Ahasuero, ay nag-iinspeksiyon sa kaniyang mga kawal bago makipagbaka noong taóng 480 B.C.E. (Esther 1:1, 2) Ayon sa Griegong mananalaysay na si Herodotus, lumuha ang hari habang pinagmamasdan ang kaniyang mga tauhan. Bakit? “Nalulungkot ako,” sabi ni Jerjes, “kapag aking naaalaala ang kaiklian ng buhay ng tao. Sapagkat sa lahat ng mga lalaking ito, wala ni isa man ang mananatiling buháy isang daang taon mula ngayon.” Malamang na napansin mo rin na nakapanghihinayang ang kaiklian ng buhay at na walang nagnanais na tumanda, magkasakit, at mamatay. Oh, kung sana’y matatamasa lamang natin ang buhay taglay ang kalusugan ng kabataan at kaligayahan!​—Job 14:1, 2.

2. Anong pag-asa ang iniisip ng marami, at bakit?

2 Kapansin-pansin naman, itinampok sa The New York Times Magazine ng Setyembre 28, 1997, ang artikulong “Ibig Nilang Mabuhay.” Sinipi nito ang sinabi ng isang mananaliksik na bumulalas: “Talagang naniniwala ako na posibleng tayo ang magiging unang salinlahi na mabubuhay magpakailanman”! Marahil ay naniniwala ka rin na posible ang buhay na walang hanggan. Maaaring gayon ang iniisip mo dahil nangangako ang Bibliya na maaari tayong mabuhay magpakailanman dito sa lupa. (Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4) Gayunman, naniniwala ang ilang tao na posible ang buhay na walang hanggan dahil sa ibang mga kadahilanan bukod sa mga nasusumpungan sa Bibliya. Ang pagtalakay sa ilan sa mga dahilang ito ay tutulong sa atin na maunawaang posible nga ang buhay na walang hanggan.

Dinisenyo Upang Mabuhay Magpakailanman

3, 4. (a) Bakit naniniwala ang ilan na dapat sana tayong mabuhay magpakailanman? (b) Ano ang sinabi ni David tungkol sa pagkakaanyo sa kaniya?

3 Ang isang dahilan ng marami na naniniwalang dapat sanang mabuhay ang tao magpakailanman ay may kaugnayan sa kamangha-manghang paraan ng pagkalalang sa atin. Halimbawa, tunay na isang himala ang paraan ng pagkakaanyo sa atin sa loob ng bahay-bata ng ating ina. Isa sa mga nangungunang awtoridad tungkol sa pagtanda ang sumulat: “Matapos isagawa ang mga himala na nagdala sa atin mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang at pagkatapos ay sa seksuwal na pagkamaygulang at pagiging nasa hustong gulang, minabuti ng kalikasan na huwag lumikha ng waring isang mas simpleng paraan para mapanatili magpakailanman ang mga himalang iyon.” Oo, kung isasaalang-alang ang ating kahima-himalang kayarian, namamalagi ang tanong na, Bakit tayo kailangang mamatay?

4 Libu-libong taon na ang nakalipas, pinag-isipan ng manunulat sa Bibliya na si David ang mismong mga himalang iyon, bagaman hindi niya aktuwal na nakikita ang nasa loob ng bahay-bata na gaya ng nakikita ng mga siyentipiko sa ngayon. Pinagtuunan ng isip ni David ang tungkol sa pagkakaanyo ng kaniyang sarili nang, gaya ng isinulat niya, siya ay ‘ikinubli sa tiyan ng kaniyang ina.’ Nang panahong iyon, ayon sa kaniya, ‘ang kaniyang mga bato ay ginawa.’ Binanggit din niya ang tungkol sa pagkakaanyo ng kaniyang “mga buto” nang, gaya ng sabi niya, “Ako ay ginawa sa lihim.” Pagkatapos ay binanggit ni David ang tungkol sa “kaniyang binhi” at sinabi may kinalaman sa binhing iyan sa loob ng bahay-bata ng kaniyang ina: “Ang lahat ng bahagi nito ay nakasulat.”​—Awit 139:13-16.

5. Anong mga himala ang nasasangkot sa pagkakaanyo sa atin sa loob ng bahay-bata?

5 Maliwanag, walang literal na sulat-kamay na plano para sa pagkakaanyo kay David sa loob ng bahay-bata ng kaniyang ina. Ngunit sa pagbubulay-bulay ni David tungkol sa pagkakagawa sa kaniyang “mga bato,” sa kaniyang “mga buto,” at sa iba pang sangkap ng kaniyang katawan, waring ang pagkabuo ng mga ito ay alinsunod sa isang plano​—na ang lahat ay, wika nga, “nakasulat.” Para bang ang pertilisadong selula sa loob ng kaniyang ina ay may isang malaking silid na punô ng mga aklat na may detalyadong tagubilin kung paano bubuo ng isang sanggol na tao at ang masalimuot na mga tagubiling ito ay ipinapasa sa bawat sumusunod na nabuong selula. Kaya naman, ginagamit ng magasing Science World ang metapora ng ‘bawat selula sa isang lumalaking binhi na may kumpletong kabinet ng mga plano.’

6. Ano ang patotoo na tayo, gaya ng isinulat ni David, ay “ginawa sa kamangha-manghang paraan”?

6 Napag-isipan mo na ba ang kahima-himalang ginagawa ng mga sangkap sa ating katawan? Ganito ang sabi ng biyologong si Jared Diamond: “Pinapalitan natin ang mga selulang nakasapin sa ating bituka tuwing ilang araw, yaong mga nakasapin sa pantog tuwing ikalawang buwan, at ang ating mga pulang selulang dugo minsan sa ikaapat na buwan.” Nahinuha niya: “Araw-araw tayong nilalansag at muling binubuo ng kalikasan.” Ano ang talagang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na gaano man karaming taon ang itagal ng ating buhay​—iyon ma’y 8, 80, o 800 pa nga​—ang ating pisikal na katawan ay nananatiling batang-bata. Ganito minsan ang naging pagtantiya ng isang siyentipiko: “Sa loob ng isang taon, humigit-kumulang sa 98 porsiyento ng mga atomong nasa atin ngayon ay papalitan ng ibang atomo na ating nakukuha sa ating paghinga, pagkain, at pag-inom.” Tunay, gaya ng papuri ni David, tayo ay “ginawa sa kamangha-manghang paraan.”​—Awit 139:14.

7. Batay sa disenyo ng ating pisikal na katawan, ano ang sinabi ng ilan?

7 Batay sa disenyo ng ating pisikal na katawan, isang pangunahing awtoridad tungkol sa pagtanda ang nagsabi: “Hindi maliwanag kung bakit dapat mangyari ang pagtanda.” Talagang lumilitaw na dapat tayong mabuhay magpakailanman. At ito ang dahilan kung bakit sinisikap ng mga tao na matamo ang mithiing ito sa pamamagitan ng kanilang teknolohiya. Hindi pa natatagalan, si Dr. Alvin Silverstein ay buong-pagtitiwalang sumulat sa kaniyang aklat na Conquest of Death: “Ating matutuklasan ang kahulugan ng buhay. Ating mauunawaan . . . kung paano tumatanda ang isang tao.” Ano ang resulta? Humula siya: “Mawawala na ang mga taong ‘matanda,’ sapagkat ang kaalaman na magpapangyaring madaig ang kamatayan ay siya ring magdudulot ng walang-hanggang kabataan.” Kung isasaalang-alang ang modernong siyentipikong pagsasaliksik tungkol sa kayarian ng tao, wari bang imposible ang ideya ng buhay na walang hanggan? May isa pang mas matibay na dahilan para maniwalang posible ang buhay na walang hanggan.

Ang Hangaring Mabuhay Magpakailanman

8, 9. Anong likas na hangarin ang taglay ng mga tao sa buong kasaysayan?

8 Napansin mo na ba na ang mabuhay magpakailanman ay isang likas na hangarin ng tao? Sumulat ang isang doktor sa isang peryodikong Aleman: “Ang pangarap na buhay na walang hanggan ay malamang na sintanda mismo ng sangkatauhan.” Sa paglalarawan sa mga paniniwala ng ilang sinaunang Europeo, sinabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga taong karapat-dapat ay mabubuhay magpakailanman sa isang maringal na bulwagang pinalamutian ng ginto.” Oo, totoong labis-labis ang ginawa ng mga tao sa pagsisikap na mabigyang-kasiyahan ang likas na mithiing iyon na buhay na walang hanggan!

9 Sinasabi ng The Encyclopedia Americana na sa Tsina mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas, “pinabayaan kapuwa ng mga emperador at mga [karaniwang] tao, sa pangunguna ng mga paring Taoista, ang kanilang trabaho upang hanapin ang eliksir ng buhay”​—isang diumano’y bukal ng kabataan. Sa katunayan, sa buong kasaysayan, naniwala ang mga tao na kung kakain sila ng iba’t ibang tinimplang pagkain, o iinom pa nga ng isang uri ng tubig, maaari silang manatiling bata.

10. Anong modernong pagsisikap ang ginawa upang matamo ang mas mahabang buhay?

10 Kapansin-pansin din ang modernong mga pagsisikap upang mabigyang-kasiyahan ang likas na hangarin ng tao na mabuhay nang walang hanggan. Ang isang tanyag na halimbawa ay ang pamamaraan ng pagpapayelo sa isang taong namatay dahil sa sakit. Ginagawa ito sa pag-asang maisauli ang buhay nito sa hinaharap kapag mayroon nang natuklasang gamot para sa sakit na iyon. Isang tagapagtaguyod ng pamamaraang ito, na tinatawag na cryonics, ang sumulat: “Kung mapatunayang tama ang aming inaasahan at matutuhan kung paano gagamutin o aayusin ang lahat ng kapinsalaan​—lakip na ang mga pinsalang dulot ng katandaan​—kung gayon yaong mga ‘mamamatay’ ngayon ay magkakaroon ng walang-katapusang buhay sa hinaharap.”

11. Bakit hangad ng mga tao na mabuhay magpakailanman?

11 Baka itanong mo, bakit ba nakabaon sa ating pag-iisip ang ganitong hangaring mabuhay nang walang hanggan? Iyon ba’y dahil sa “inilagay [ng Diyos] ang kawalang-hanggan sa isip ng tao”? (Eclesiastes 3:11, Revised Standard Version) Ito’y dapat na seryosong pag-isipan! Pag-isipan ito: Bakit mayroon tayong likas na hangaring mabuhay nang walang hanggan​—magpakailanman​—kung hindi layunin ng ating Maylalang na bigyang-kasiyahan ang hangaring ito? At isa bang pag-ibig na lalangin niya tayo na taglay ang hangaring mabuhay nang walang-hanggan at pagkatapos ay bibiguin niya tayo sa pagkakamit ng katuparan ng hangaring iyan?​—Awit 145:16.

Sino ang Dapat Nating Pagtiwalaan?

12. Anong pagtitiwala ang taglay ng ilan, ngunit naniniwala ka ba na ito ay may matibay na saligan?

12 Saan, o sa ano, tayo dapat magtiwala upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Sa ika-20- o ika-21-siglo ba ng teknolohiya ng tao? Ang artikulo sa The New York Times Magazine na “Ibig Nilang Mabuhay” ay may binanggit na “diyos: ang teknolohiya” at “pananabik tungkol sa potensiyal ng teknolohiya.” Isang mananaliksik ang sinasabi pa ngang “lubusang nagtitiwala . . . na ang mga pamamaraan ng henetikong pagpapalawig ay matutuklasan balang araw upang iligtas [tayo] sa pamamagitan ng paghadlang sa pagtanda, baka mapaurong pa nga ito.” Subalit ang totoo, napatunayang ganap na kabiguan ang mga pagsisikap ng tao na mapahinto ang pagtanda o madaig ang kamatayan.

13. Paano ipinakikita ng kayarian ng ating utak na tayo ay nilayong mabuhay magpakailanman?

13 Ibig bang sabihin nito na wala nang paraan upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Hinding-hindi! May paraan! Ang kayarian ng ating kagila-gilalas na utak, na may halos walang-limitasyong kakayahan na matuto, ay dapat makakumbinsi sa atin sa bagay na ito. Tinawag ng molecular biologist na si James Watson ang ating utak na “ang pinakamasalimuot na bagay na ating natuklasan hanggang ngayon sa ating uniberso.” At sinabi ng neurologong si Richard Restak: “Kahit saan sa kilalang uniberso ay walang umiiral na katulad nito kahit bahagya man.” Bakit mayroon tayong utak na may kakayahang mag-imbak at makaunawa ng halos pagkarami-raming impormasyon at isang katawan na dinisenyong mabuhay magpakailanman kung hindi naman tayo nilayon na magtamasa ng buhay na walang hanggan?

14. (a) Anong konklusyon ang itinuturo ng mga manunulat ng Bibliya tungkol sa buhay ng tao? (b) Bakit dapat nating ilagak ang ating tiwala sa Diyos at hindi sa tao?

14 Ano, kung gayon, ang tanging makatuwiran at makatotohanang konklusyon na magagawa natin? Hindi ba ang bagay na tayo’y dinisenyo at nilalang ng isang makapangyarihan-sa-lahat at matalinong Maylikha upang tayo’y maaaring mabuhay magpakailanman? (Job 10:8; Awit 36:9; 100:3; Malakias 2:10; Gawa 17:24, 25) Kaya hindi ba katalinuhan na sundin ang kinasihang utos ng salmista sa Bibliya: “Huwag ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na walang kaligtasan”? Bakit hindi dapat magtiwala sa tao? Sapagkat, gaya ng isinulat ng salmista, “ang kaniyang espiritu ay nawawala, bumabalik siya sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay napaparam ang kaniyang mga kaisipan.” Sa katunayan, sa kabila ng potensiyal na mabuhay magpakailanman, ang mga tao ay walang magawa sa harap ng kamatayan. Nagtapos ang salmista: “Maligaya ang isa . . . na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos.”​—Awit 146:3-5.

Talaga Bang Ito ang Layunin ng Diyos?

15. Ano ang nagpapakita na layunin ng Diyos na tayo’y mabuhay magpakailanman?

15 Subalit maitatanong ninyo, Talaga bang layunin ni Jehova na ating matamasa ang buhay na walang hanggan? Oo, gayon nga! Napakaraming ulit na ipinangangako ito ng kaniyang Salita. “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan,” ang pagtiyak sa atin ng Bibliya. Sumulat ang lingkod ng Diyos na si Juan: “Ito ang ipinangakong bagay na ipinangako mismo [ng Diyos] sa atin, ang walang-hanggang buhay.” Hindi nakapagtataka na isang kabataang lalaki ang nagtanong kay Jesus: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang-hanggan?” (Roma 6:23; 1 Juan 2:25; Mateo 19:16) Sa katunayan, sumulat si apostol Pablo tungkol sa “pag-asa sa buhay na walang-hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.”​—Tito 1:2.

16. Maaaring sa anong diwa nangako ang Diyos ng buhay na walang hanggan “bago pa ang lubhang mahabang mga panahon”?

16 Ano ang ibig sabihin na nangako ang Diyos ng buhay na walang hanggan “bago pa ang lubhang mahabang mga panahon”? Iniisip ng ilan na ang ibig sabihin ni apostol Pablo ay na bago lalangin ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, nilayon na ng Diyos na mabuhay magpakailanman ang mga tao. Gayunman, kung ang tinutukoy ni Pablo ay isang panahon matapos lalangin ang mga tao at nang sabihin ni Jehova ang kaniyang layunin, maliwanag pa rin na kasali sa kalooban ng Diyos ang buhay na walang hanggan para sa mga tao.

17. Bakit pinalayas sina Adan at Eva mula sa hardin ng Eden, at bakit nagtalaga ng mga kerubin sa pasukan nito?

17 Sinasabi ng Bibliya na sa hardin ng Eden, “pinangyari ng Diyos na Jehova na tumubo mula sa lupa . . . ang punungkahoy ng buhay.” Ang dahilang ibinigay sa pagpapalayas kay Adan mula sa hardin ay upang “hindi niya iunat ang kaniyang kamay at talagang kumuha rin ng bunga mula sa punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay”​—oo, magpakailanman! Matapos palayasin sina Adan at Eva mula sa hardin ng Eden, itinalaga ni Jehova ang “mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak na umiikot nang patuluyan upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.”​—Genesis 2:9; 3:22-​24.

18. (a) Mangangahulugan sana ng ano kina Adan at Eva ang pagkain mula sa punungkahoy ng buhay? (b) Ano ang inilalarawan ng pagkain mula sa punungkahoy na iyon?

18 Kung sina Adan at Eva ay pinahintulutang kumain mula sa punungkahoy na iyon ng buhay, mangangahulugan iyon ng ano para sa kanila? Aba, ng pribilehiyong mabuhay magpakailanman sa Paraiso! Ganito ang palagay ng isang iskolar sa Bibliya: “Marahil ang punungkahoy ng buhay ay may taglay na kapangyarihan na sa pamamagitan nito ang katawan ng tao ay pananatilihing malaya mula sa panghihina na dulot ng katandaan, o sa pagkaluoy na nauuwi sa kamatayan.” Sinabi pa man din niya na “may kapangyarihan sa mga damong-gamot sa paraiso na kayang paglabanan ang mga epekto” ng pagtanda. Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na ang punungkahoy ng buhay sa ganang sarili ay may nagbibigay-buhay na mga katangian. Sa halip, ang punungkahoy na iyon ay kumatawan lamang sa garantiya ng Diyos sa buhay na walang hanggan para sa isa na pahihintulutang kumain ng bunga nito.​—Apocalipsis 2:7.

Hindi Nagbago ang Layunin ng Diyos

19. Bakit namatay si Adan, at bakit tayong mga supling niya ay namamatay rin?

19 Nang magkasala si Adan, naiwala niya ang karapatan sa buhay na walang hanggan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang di-pa-naisisilang na mga supling. (Genesis 2:17) Nang siya’y naging makasalanan dahil sa kaniyang pagsuway, siya’y nagkaroon ng depekto, anupat naging di-sakdal. Mula noon, ang katawan ni Adan, sa diwa, ay naiprograma para sa kamatayan. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Bukod dito, ang di-sakdal na mga supling ni Adan ay naiprograma rin para sa kamatayan, hindi para sa buhay na walang hanggan. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

20. Ano ang nagpapakita na ang mga tao ay nilayong mabuhay magpakailanman sa lupa?

20 Subalit paano kung hindi nagkasala si Adan? Paano kung hindi siya sumuway sa Diyos at pinahintulutan siyang kumain mula sa punungkahoy ng buhay? Saan niya tatamasahin ang kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan? Sa langit? Hindi! Walang sinabi ang Diyos tungkol sa pag-akyat ni Adan sa langit. Binigyan siya ng gawain dito sa lupa. Ipinaliliwanag ng Bibliya na “pinangyari ng Diyos na Jehova na tumubo mula sa lupa ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin,” at sinasabi nito: “Kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siya sa hardin ng Eden upang iyon ay sakahin at ingatan.” (Genesis 2:9, 15) Matapos lalangin si Eva bilang kabiyak ni Adan, ang dalawa ay binigyan ng karagdagang atas dito sa lupa. Sinabi ng Diyos sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.”​—Genesis 1:28.

21. Anong kamangha-manghang pag-asa ang tinamasa ng unang mga tao?

21 Isipin na lamang ang kamangha-manghang pag-asa sa lupa na binuksan para kina Adan at Eva ng mga tagubiling iyon mula sa Diyos! Sila’y magpapalaki ng sakdal at malulusog na mga anak sa lupang Paraiso. Habang nagkakaedad ang kanilang minamahal na anak, ang mga ito’y tutulong sa kanila sa pagiging mabunga at sa kasiya-siyang paghahalaman upang panatilihin ang Paraisong iyon. Yamang ang lahat ng hayop ay nagpapasakop sa kanila, magiging lubusang panatag ang buhay ng tao. Isipin ang kagalakan sa pagpapalawak ng mga hangganan ng hardin ng Eden anupat pagdating ng panahon, ang buong lupa ay magiging paraiso! Gugustuhin ba ninyong mabuhay kasama ng sakdal na mga anak sa gayon kagandang tahanan sa lupa, nang walang anumang agam-agam hinggil sa pagtanda at kamatayan? Hayaang ang likas na hilig ng iyong puso ang sumagot sa tanong na iyan.

22. Bakit tayo makatitiyak na hindi binago ng Diyos ang kaniyang layunin para sa lupa?

22 Buweno, nang sumuway sina Adan at Eva at palayasin sila sa hardin ng Eden, binago ba ng Diyos ang kaniyang layunin na ang mga tao ay mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Hinding-hindi! Kung gagawin ito ng Diyos ay para bang inaamin niya na wala siyang kakayahang tuparin ang kaniyang orihinal na layunin. Makatitiyak tayo na tinutupad ng Diyos ang kaniyang ipinangangako, gaya ng ipinahayag niya mismo: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi iyon babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito ang kinalulugdan ko, at iyon ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na aking pinagsuguan.”​—Isaias 55:11.

23. (a) Ano ang muling nagpapatunay na layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman sa lupa ang mga taong nakahilig sa katuwiran? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod?

23 Na hindi nagbago ang layunin ng Diyos para sa lupa ay niliwanag sa Bibliya, kung saan nangangako ang Diyos: “Mamanahin ng mga matuwid ang lupa, at sila ay tatahan doon magpakailanman.” Kahit si Jesu-Kristo, sa kaniyang Sermon sa Bundok, ay nagsabi na ang maaamo ay magmamana ng lupa. (Awit 37:29; Mateo 5:5) Subalit paano natin matatamo ang buhay na walang hanggan, at ano ang dapat nating gawin upang tamasahin ang gayong buhay? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Bakit marami ang naniniwala na posible ang buhay na walang hanggan?

◻ Ano ang dapat makakumbinsi sa atin na tayo’y nilayong mabuhay magpakailanman?

◻ Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa?

◻ Bakit tayo makatitiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang orihinal na layunin?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share