Kung Paano Ka Maaaring Mabuhay Magpakailanman
YAMANG ang katawan ng tao ay maliwanag na may potensiyal para sa mas mahabang buhay kaysa tinatamasa ng mga tao sa ngayon, ang ilan ay naglalagak ng kanilang tiwala sa siyensiya upang matuklasan kung paano sila maaaring mabuhay magpakailanman. “Habang tayo ay nagtatamo ng mas kompletong kaalaman tungkol sa mga kemikal ng katawan at kung paano ito kumikilos sa isa’t isa,” sulat ni Dr. Alvin Silverstein, “ating tutuklasin ang kahulugan ng buhay. Ating uunawain . . . kung paano tumatanda ang tao.”
Taglay ang anong mga kahihinatnan? Ito’y aakay sa “isang bagong panahon sa kasaysayan ng tao,” sabi ni Silverstein. “Wala nang ‘matanda,’ sapagkat ang kaalaman na magpapangyaring madaig ang kamatayan ay magdadala rin ng walang-hanggang kabataan.”
Magagawa ba ito ng mga tao? “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas,” ang payo ng Bibliya. “Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Hindi naituro ng mga tao, ni naituwid man, ang likas na depekto na nagbubunga ng pagtanda at kamatayan, gaya ng nakikita natin. Tanging ang ating Maylikha lamang ang makagagawa niyan.
Subalit, talaga bang layunin ng Diyos na ang mga tao’y mabuhay magpakailanman sa lupa?
Ang Layunin ng Diyos
Saan ba inilagay ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa upang mabuhay? Ito’y sa isang makalupang paraiso. At sila’y pinag-utusang “magpalaanakin at magpakarami at kalatan ang lupa at supilin ito.” (Genesis 1:28) Oo, ang layunin ng Diyos ay, sa paglipas ng panahon, ang buong lupa ay paninirahan ng isang matuwid na sambahayan ng tao na namumuhay na magkakasama sa kapayapaan at kaligayahan.—Isaias 45:18.
Bagaman ang sentensiyang kamatayan ay ipinataw kay Adan dahil sa kaniyang pagsuway, ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ay hindi nagbago. (Genesis 3:17-19) “Aking sinalita ito,” sabi ng Diyos, “akin din namang gagawin ito.” (Isaias 46:11; 55:11) Ipinakita ng Diyos na ang kaniyang layunin tungkol sa lupa ay hindi nagbago nang sabihin niya: “Ang mga matuwid mismo ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.
Bilang ang ating Maylikha, ang Diyos ay nasa kalagayang ituwid ang depekto na nagpapangyari sa mga tao na tumanda at mamatay. Salig sa ano niya ginagawa ito? Yamang ang depekto ay minana mula sa unang tao, si Adan, inilaan ng Diyos bilang isang haing pantubos ang sakdal na buhay tao ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, “upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16; Mateo 20:28.
Sa katunayan, hinahalinhan ni Jesu-Kristo ang orihinal na Adan bilang ating ama, o tagapagbigay-buhay. Iyan ang dahilan kung bakit sa Bibliya si Jesus ay tinatawag na “ang huling Adan.” (1 Corinto 15:45) Kaya sa halip na mahatulan sa kamatayan bilang mga anak ng makasalanang si Adan, ang masunuring sangkatauhan ay maaaring maging karapat-dapat tumanggap ng buhay na walang-hanggan bilang mga anak ng kanilang “Walang-hanggang Ama,” si Jesu-Kristo.—Isaias 9:6.
Mangyari pa, “ang Haring walang-hanggan” at “ang Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo” ay ang Diyos na Jehova. (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 15:3; Colosas 1:3) Gayunman si Jesu-Kristo, bukod sa inilaan bilang ating “Walang-hanggang Ama” at “Tagapagligtas,” ay siya ring “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Lucas 2:11) Bilang kinatawan ng kaniyang Ama, isasagawa ni Kristo ang makaprinsipeng awtoridad upang magdala ng kapayapaan sa lupa.—Awit 72:1-8; 110:1, 2; Hebreo 1:3, 4.
Sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo, ang makalupang Paraiso na naiwala ay matatamong muli. Ito’y mangyayari, sabi ni Jesus, “sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mateo 19:28) Ang tapat na mga tagasunod ni Kristo—144,000 na lahat—ay maghaharing kasama niya sa Paraisong lupa. (2 Timoteo 2:11, 12; Apocalipsis 5:10; 14:1, 3) Milyun-milyon ang makikinabang mula sa matuwid na pamamahalang iyon sa pamamagitan ng pagtatamasa ng buhay sa lupa sa Paraiso. Kabilang sa kanila ay yaong kriminal na namatay na katabi ni Jesus at na pinangakuan ni Jesus: “Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
Sa gayon, kahit ang di-matuwid na mga patay ay bubuhaying-muli at bibigyan ng pagkakataon na maging kuwalipikado para sa buhay na walang-hanggan sa lupa. (Gawa 24:15) Magandang inilalarawan ng Bibliya ang pag-aalis ng sakit, pagtanda, at kamatayan, na sinasabi: “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Kung Paano Mabubuhay Magpakailanman
Tiyak na nais mong mapabilang sa mga magmamana ng lupa at maninirahan dito magpakailanman. Kung gayon, dapat mong matugunan ang mga kahilingan para mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi ni Jesu-Kristo ang pangunahing kahilingan, sa pagsasabing: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa iyo na kumuha ng nagbibigay-buhay na kaalamang ito. Hilingin lamang sa kanila at sila’y walang bayad na dadalaw sa iyo sa isang kombinyenteng panahon at tatalakayin kung paano nilalayon ng Diyos na dalhin ang sangkatauhan sa espirituwal at pisikal na kasakdalan. Makatitiyak ka na ang ating makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha ay may ganap na kakayahang ituwid ang likas na depekto na siyang dahilan ng pagtanda at kamatayan. Dumarating ang panahon, at ito’y malapit na, kapag ang buhay ay hindi na magiging napakaikli. Pagpapalain ni Jehova ang kaniyang bayan ng “buhay hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 133:3.
[Larawan sa pahina 10]
Sa ilalim ng makaprinsipeng pamamahala ni Kristo, ang pagtanda at ang kamatayan ay madaraig