Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?
“MALIBAN sa tuklas na ang mga pagbabago sa edad ay nangyayari sa loob ng indibiduwal na mga selula,” si Dr. Leonard Hayflick ay umaamin, “hindi natin nalalaman nang higit sa ngayon ang tungkol sa pangunahing dahilan ng pagtanda kaysa nalalaman natin isang dantaon na ang nakalipas.” Sa katunayan, sabi niya: “Wala tayong nalalamang mabuting dahilan kung bakit dapat mangyari ang pagtanda.”
Ang mga eksperimento sa laboratoryo na isinagawa mga 30 taon na ang nakalipas ay nagsiwalat na kapag ang normal na mga selula ng tao na kinuha mula sa isang fetus ay palakihin sa ilalim ng pinakamabuting mga kalagayan, ang kamatayan ay nangyari pagkatapos na humigit-kumulang 50 paghahati ng mga selula. Sa kabilang dako naman, ang mga selulang kinuha sa isang napakatandang tao ay naghati lamang sa pagitan ng dalawa at sampung ulit bago ito namatay. Kaya, ang aklat ng National Geographic Society na The Incredible Machine ay nagsasabi: “Ang katibayan sa mga eksperimento ay nagpapatunay sa idea na ang kamatayan ay nakaprograma sa bawat isa sa atin sa pagsilang.”
Gayunman, hindi ba maiiwasan ang paghinto ng paghahati ng selula? Hindi, hindi ito maiiwasan. “Tunay,” sabi ng dalawang dalubhasa tungkol sa pagtanda, sina Propesor Robert M. Sapolsky at Caleb E. Finch, “lumilitaw na ang pananatiling bata [hindi ang pagtanda] ang orihinal na katayuan ng nabubuhay na mga bagay sa lupa.” Balintuna nga, kahit na ang ilang di-normal na mga selula ng tao sa ngayon ay hindi tumatanda.
Ang aklat na The Body Machine, inedit ni Dr. Christiaan Barnard, na nagsagawa ng unang tao-sa-tao na paglilipat ng puso, ay nagpaliwanag: “Ang pagkatuklas ng ‘imortal na mga selula’ ay nagharap ng malaking problema sa mga biyologo na interesado sa pagtanda, hanggang sa naging maliwanag na ang mga selulang iyon ay di-normal.” Oo, ang ilang uri ng mga selula ng kanser ay maaaring panatilihing lumaki sa pamamagitan ng tila walang katapusang paghahati! Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Kung matitiyak ng mga siyentipiko kung paano nabubuhay ang di-normal na mga selulang iyon, maaari nilang maunawaan ang proseso ng pagtanda ng selula.” Kaya, sa ngayon, ang ilang selula ng kanser ay maliwanag na maaaring dumami nang walang katapusan sa laboratoryo, subalit ang normal na selulang pinalalaki ay tumatanda at namamatay.
Isang May-Depektong Mekanismo
Gaya ng pagkakasabi ng The Body Machine, ang pagtanda at kamatayan ba ng tao ay resulta ng “kawalan ng kakayahan na magparami sa [normal] na populasyon ng selula”? Kung gayon, sabi ng aklat, “mahalaga na hanapin at unawain ang mekanismo na sumusupil sa may katapusan at paulit-ulit na kakayahang ito upang mapakilos ito sa isang pagsisikap na dagdagan ang haba ng buhay ng tao.”
Kung magugunita mo mula sa naunang artikulo, binanggit ni Dr. Hayflick ang tungkol sa “mga himala na nagdala sa atin mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang at pagkatapos sa seksuwal na pagkamaygulang at pagiging adulto.” Saka niya tinukoy ang “isang mas simpleng mekanismo upang panatilihin ang mga himalang ito magpakailanman.”
Sa kabila ng mga taon ng puspusang pagsisikap, hindi natuklasan ng mga siyentipiko ang isang mekanismo na magpapanatili sa buhay magpakailanman. “Ang mga dahilan ng pagtanda ay nananatiling isang hiwaga,” sabi ng aklat na The Incredible Machine.
Subalit, ang dahilan ng pagtanda at kamatayan sa katunayan ay hindi lihim. Ang sagot ay makukuha.
Ano ang Sagot?
Ang isa na may kasagutan ay ang isa na siyang may pananagutan sa “mga himala na nagdadala sa atin mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang,” ang ating matalino-sa-lahat na Maylikha, ang Diyos na Jehova. “Ikaw ang bukal ng buhay,” sabi ng Bibliya tungkol sa kaniya. “Alamin ninyo na si Jehova ang Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang atin.”—Awit 36:9; 100:3.
Isip-isipin kung gaano kamangha-manghang iprinograma ng Diyos na Jehova ang iyong paglaki sa loob ng bahay-bata, sa wari, sinusulat ang isang aklat ng mga tagubilin upang gawin kang isang natatanging indibiduwal! “Ikaw mismo ang gumawa ng aking mga bato; iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina,” sulat ng isang salmista ng Bibliya. “Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim . . . Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.” (Awit 139:13, 15, 16) Maliwanag, ang ating kamangha-manghang idinisenyong mga sangkap ng tao ay hindi nagkataon lamang!
Gayunman, kung nilalang tayong sakdal ng Diyos na Jehova upang tayo’y mabuhay magpakailanman, bakit tayo tumatanda at namamatay? Ang sagot ay masusumpungan sa isang pagbabawal na inilagay sa unang tao, si Adan, na inilagay ng Diyos sa isang magandang tahanan sa lupa. Siya’y pinag-utusan ng Diyos: “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:16, 17.
Ano ang nangyari? Sa halip na sundin ang kaniyang makalangit na Ama, si Adan ay sumuway, nakisama sa kaniyang asawa, si Eva, sa pagkain sa bunga ng punungkahoy. May kasakiman nilang sinunggaban ang huwad na pangako ng isang rebeldeng anghel. (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Kaya, gaya ng ibinabala ng Diyos, sila’y namatay. Bagaman sina Adan at Eva ay dinisenyo taglay ang potensiyal na mabuhay magpakailanman, ito’y nakasalalay sa pagsunod sa Diyos. Sa pagiging masuwayin, sila’y nagkasala. Pagkatapos, bilang mga makasalanan, ipinasa nila sa lahat nilang mga anak ang nakamamatay na depekto sa kanilang mga katawan. “Sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”—Roma 5:12; Job 14:4.
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na wala nang pag-asa upang madaig ang pagtanda at kamatayan. Hindi mahirap paniwalaan na magagamot ng ating matalino-sa-lahat na Maylikha ang anumang henetikong pagkukulang at matutustusan ang lakas para magpatuloy magpakailanman ang ating buhay. Ngunit paano niya gagawin ito? At ano ang dapat nating gawin upang tamasahin ang kaniyang mga pangako ng walang-hanggang buhay?