Dinisenyo Upang Mabuhay Magpakailanman
ANG katawan ng tao ay kamangha-mangha ang pagkakadisenyo. Ang pagbubuo at paglaki nito ay isang himala. Isang sinaunang manunulat ang bumulalas: “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” (Awit 139:14) Lubusang nalalaman ang mga kababalaghan ng katawan ng tao, nasusumpungan ng ilang makabagong mga siyentipiko na isang palaisipan ang pagtanda at kamatayan. Ikaw rin ba?
“Ang pagtanda,” sulat ng biyologong si Steven Austad ng Harvard University, “ay lagi nating nakakaharap anupat nagugulat ako na mas maraming tao ang hindi nakauunawa rito bilang isang mahalagang biyolohikal na hiwaga.” Ang bagay na ang lahat ay tumatanda, sabi ni Austad, “ay gumagawa [sa pagtanda] na magtinging hindi gaanong nakalilito.” Gayunpaman, kung pag-iisipan mo ito, makatuwiran ba ang pagtanda at kamatayan?
Noong nakaraang taon, sa kaniyang aklat na How and Why We Age, kinilala ni Dr. Leonard Hayflick ang mga kababalaghan ng buhay at paglaki ng tao at sumulat: “Pagkatapos gawin ang mga himala na nagdala sa atin mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang at pagkatapos ay sa seksuwal na pagkamaygulang at pagiging adulto, pinili ng kalikasan na huwag gumawa ng mas simpleng mekanismo upang hadlangan ang pagtanda at panatilihin ang mga himalang ito magpakailanman. Ang pagkaunawang ito ay nakalito sa mga biogerontologist [yaong mga nag-aaral sa biyolohikal na mga aspekto ng pagtanda] sa loob ng mga dekada.”
Malaking palaisipan din ba sa iyo ang pagtanda at kamatayan? Anong layunin nito? Ganito ang sabi ni Hayflick: “Tunay na ang lahat ng biyolohikal na mga pangyayari mula sa paglilihi hanggang sa pagiging maygulang ay waring may layunin, ngunit ang pagtanda ay walang layunin. Hindi maliwanag kung bakit dapat mangyari ang pagtanda. Bagaman marami tayong natutuhan tungkol sa biyolohiya ng pagtanda . . . nakakaharap pa rin natin ang hindi maiiwasang resulta ng walang layuning pagtanda na sinusundan ng kamatayan.”
Posible kayang tayo ay hindi nilayong tumanda at mamatay kundi mabuhay magpakailanman sa lupa?
Pagnanais na Mabuhay
Tiyak na alam mo na kinaiinisan ng lahat halos ang pagtanda at pagkamatay. Sa katunayan, ikinatatakot ng marami ang pagtanda at kamatayan. Sa kaniyang aklat na How We Die, ang medikal na doktor na si Sherwin B. Nuland ay sumulat: “Walang sinuman sa atin ang tila nakatatanggap sa isipan tungkol sa ating katayuan ng kamatayan, taglay ang idea ng isang permanenteng kawalang-malay na doo’y alin sa walang halaga o walang saysay—na doo’y walang anumang bagay.” May nakikilala ka ba na gustong tumanda, magkasakit, at mamatay?
Subalit, kung ang katandaan at kamatayan ay likas at bahagi ng ilang panlahat na plano, hindi ba natin tatanggapin ito? Subalit hindi natin ito tinatanggap. Bakit hindi? Ang sagot ay masusumpungan sa paraan ng pagkakagawa sa atin. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Inilagay [ng Diyos] ang walang-hanggan sa [ating] mga isipan.” (Eclesiastes 3:11, Byington) Dahil sa pagnanais na ito para sa isang walang-katapusang hinaharap, malaon nang hinahanap ng mga tao ang tinatawag na bukal ng kabataan. Nais nilang manatiling bata magpakailanman. Ito’y nagbabangon ng tanong, May potensiyal ba tayo para sa mas mahabang buhay?
Dinisenyo Upang Magkumpuni sa Sarili
Sumusulat sa magasing Natural History, iniharap ng biyologong si Austad ang karaniwang palagay: “Waring iniisip natin ang ating mga sarili at ang ibang mga hayop na gaya ng pag-iisip natin sa mga makina: hindi maiiwasan ang pagkasira.” Ngunit hindi ito totoo. “Ang mga sangkap ng katawan ay talagang naiiba sa mga makina,” sabi ni Austad. “Ang mga ito ay nagkukumpuni-sa-sarili: ang mga sugat ay gumagaling, ang mga buto ay naaayos, ang mga karamdaman ay lumilipas.”
Kung gayon, ang nakapagtatakang tanong ay: Bakit tayo tumatanda? Gaya ng tanong ni Austad: “Bakit, kung gayon, nasisira ang [mga sangkap ng katawan] na gaya ng mga makina?” Yamang ang mga himaymay ng katawan ay naghahalili sa kanilang sarili, hindi ba maaaring patuloy na gawin iyan ng mga ito magpakailanman?
Sa magasing Discover, tinalakay ng ebolusyonaryong biyologong si Jared Diamond ang kahanga-hangang kakayahan ng mga sangkap ng katawan na magkumpuni sa sarili. Siya’y sumulat: “Ang pinakanakikitang halimbawa ng pagsupil sa pinsala sa ating katawan ay ang paggaling ng sugat, na doo’y kinukumpuni natin ang pinsala sa ating balat. Mas kagila-gilalas na mga resulta ang nagagawa ng maraming hayop kaysa nagagawa natin: nagagawang patubuin muli ng mga butiki ang naputol na mga buntot, ng mga starfish at mga alimango ang kanilang mga bisig, ng mga sea cucumber ang kanilang mga bituka.”
Tungkol sa pagpapalit ng mga ngipin, ganito ang sabi ni Diamond: “Ang mga tao ay may dalawang set ng ngipin, ang mga elepante ay may anim na set, at ang mga pating ay may walang-katapusang bilang ng mga ngipin sa buong buhay nila.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang regular na pagpapalit ay nangyayari rin sa pagkaliliit na antas. Pinapalitan natin ang mga selula na pinakasapin ng ating mga bituka minsan sa bawat ilang araw, yaong mga sumasapin sa pantog ay minsan sa bawat dalawang buwan, at ang ating mga selula ng pulang dugo minsan sa bawat apat na buwan.
“Sa molekular na antas ang ating mga molekula ng protina ay dumaraan sa patuloy na pagbabago sa bilis na karaniwan sa bawat partikular na protina; sa gayo’y naiiwasan natin ang pagdami ng napinsalang mga molekula. Kaya kung ihahambing mo ang hitsura ng iyong minamahal ngayon sa nakaraang buwan, maaaring siya ay gayon pa rin, ngunit marami sa indibiduwal na mga molekula na bumubuo sa katawan ng minamahal na iyon ay iba na.”
Karamihan ng mga selula ng katawan ay pana-panahong nagpapalit ng bagong mga selula. Subalit ang ilang selula, gaya ng mga neuron sa utak, ay maaaring hindi na kailanman palitan. Ngunit, ganito ang sabi ni Hayflick: “Kung nagpalit na ang selula ng lahat ng bahagi ay hindi na ito ang dating selula. Ang mga neuron na taglay mo sa pagsilang ay maaaring magtinging iyon pa ring mga selula, ngunit sa totoo lamang marami sa mga molekula na bumubuo sa mga ito nang ikaw ay isilang . . . ay maaaring napalitan na ng bagong mga molekula. Kaya ang hindi naghahating mga selula ay maaaring hindi ang mga selula ring iyon nang ikaw ay isilang!” Ito’y dahilan sa ang mga bahagi ng mga selula ay pinalitan. Sa gayon, ang pagpapalit ng mga materyal ng katawan ayon sa teoriya ay maaaring magpanatili sa atin na buháy magpakailanman!
Gunitain ang binanggit ni Dr. Hayflick tungkol sa “mga himala na nagdadala sa atin mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang.” Anu-ano ang ilan dito? Habang sinusuri nating sandali ang mga ito, isaalang-alang ang posibilidad ng pagsasagawa ng tinatawag niyang “mas simpleng mekanismo upang hadlangan ang pagtanda at panatilihin ang mga himalang ito magpakailanman.”
Ang Selula
Ang isang adulto ay binubuo ng mga 100 trilyong selula, bawat isa’y napakasalimuot. Upang ilarawan ang pagkasalimuot, inihambing ng magasing Newsweek ang isang selula sa isang napapaderang lungsod. “Ang mga planta ng kuryente ang nagbibigay ng enerhiya sa selula,” sabi ng magasin. “Ang mga pabrika ang gumagawa ng mga protina, mahahalagang yunit ng kemikal na komersiyo. Ang masalimuot na mga sistema ng transportasyon ang pumapatnubay sa espesipikong mga kemikal mula sa bawat lugar sa loob at labas ng selula. Ang mga bantay sa mga barikada ang sumusupil sa mga pamilihan ng kalakal na luwas at kalakal na angkat, at sumusubaybay sa daigdig sa labas para sa mga tanda ng panganib. Ang disiplinadong mga hukbo ng katawan ay nakahandang sumunggab sa mga mananalakay. Isang sentralisadong henetikong pamahalaan ang nagpapanatili ng kaayusan.”
Isaalang-alang kung paano ikaw—mga 100 trilyong selula mo—ay nagiging ikaw. Ikaw ay nagsimula bilang iisang selula na nabuo nang ang similya mula sa iyong ama ay sumama sa isang selulang itlog mula sa iyong ina. At sa pagsasamang iyon, ang mga plano ay nabuo sa loob ng DNA (daglat ng deoxyribonucleic acid) ng kabubuong selulang iyon upang sa wakas ay maging ikaw—isang ganap na bago at natatanging tao. Ang mga tagubilin sa loob ng DNA “kung isusulat,” gaya ng sinasabi, “ay pupunô ng isang libong 600-pahinang aklat.”
Nang maglaon, ang orihinal na selulang iyon ay nagsisimulang maghati, nagiging dalawang selula, pagkatapos ay apat, walo, at patuloy pa. Sa wakas, pagkalipas ng halos 270 araw—na sa loob ng panahong iyon libu-libong milyon ng mga selula ng maraming iba’t ibang uri ang nabuo sa loob ng iyong ina upang maging isang sanggol—IKAW ay isinilang. Para bang ang unang selulang iyon ay may isang napakalaking silid na punô ng mga aklat na may detalyadong mga tagubilin kung paano ka gagawin. Subalit kahanga-hanga rin ang bagay na ang masalimuot na mga tagubiling ito ay ipinasa sa bawat sumusunod na selula. Oo, kamangha-mangha, ang bawat selula sa iyong katawan ay nagtataglay na lahat ng iisang impormasyon na taglay ng orihinal na pertilisadong itlog!
Isaalang-alang din ito. Yamang ang bawat selula ay may impormasyon upang gumawa ng lahat ng uri ng mga selula, pagdating ng panahon, halimbawa, upang gawin ang mga selula ng puso, paano napigil ang lahat ng mga tagubilin na gumawa ng lahat ng iba pang mga selula? Sa wari, kumikilos na parang isang kontratista na may kompletong aparador ng mga plano sa paggawa ng isang sanggol, pinili ng isang selula mula sa salansan nito ang isang plano para sa paggawa ng mga selula ng puso. Pinili ng ibang selula ang ibang plano na may mga tagubilin para sa paggawa ng mga selula ng nerbiyos, pinili naman ng isa pa ang isang plano para sa paggawa ng mga selula ng atay, at iba pa. Tunay, ang hindi pa rin maipaliwanag na kakayahang ito ng isang selula na pumili ng kinakailangang mga tagubilin upang gumawa ng isang partikular na uri ng selula at kasabay nito’y pigilin ang lahat ng iba pang mga tagubilin ay isa pa sa maraming “himala na nagdadala sa atin mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang.”
Gayunman, marami pa ang nasasangkot. Halimbawa, ang mga selula ng puso ay kailangang mapakilos upang ito ay lumiit nang ayon sa ritmo. Sa gayon, sa loob ng puso isang masalimuot na sistema ang ginawa para sa paggawa ng elektrikal na mga bugso upang patibukin ang puso sa tamang bilis upang alalayan ang katawan sa gawain na ginagawa nito. Tunay, isang himala ng disenyo! Hindi kataka-taka na ang mga doktor ay nagsabi tungkol sa puso: “Ito’y mas mahusay pa kaysa anumang makinang nagawa ng tao.”
Ang Utak
Lalo pang kahanga-hanga ang pagkakabuo sa utak—ang pinakamahiwagang bahagi ng himala ng tao. Tatlong linggo pagkatapos ng paglilihi, ang mga selula ng utak ay nagsisimulang mabuo. Sa wakas, halos 100 bilyong selula ng nerbiyos, tinatawag na mga neuron—kasindami ng mga bituin sa Milky Way—ang nasa loob ng utak ng tao.
“Bawat isa sa mga ito ay tumatanggap ng impormasyon mula sa halos 10,000 iba pang neuron sa utak,” ulat ng magasing Time, “at nagpapadala ng mga mensahe sa isang libo pa.” Binabanggit ang posibleng kombinasyon ng mga posibilidad, ang neurosiyentipikong si Gerald Edelman ay nagsabi: “Ang isang bahagi ng utak na sinlaki ng ulo ng posporo ay naglalaman ng halos isang bilyong koneksiyon na maaaring magsama sa mga paraan na maaari lamang ilarawan bilang abot-langit ang dami—isang bilang na sampu na sinusundan ng milyun-milyong sero.”
Anong potensiyal na kakayahan ang ibinibigay nito sa utak? Ang astronomong si Carl Sagan ay nagsabi na ang utak ng tao ay maaaring mag-ingat ng impormasyon na “pupunô ng mga dalawampung milyong tomo, kasindami ng pinakamalalaking aklatan sa daigdig.” Ganito pa ang sabi ng awtor na si George Leonard, na bumubulalas: “Marahil, sa katunayan, maaari tayo ngayong magmungkahi ng isang di-kapani-paniwalang teoriya: Ang sukdulang mapanlikhang kakayahan ng utak ay maaaring, sa totoo lamang, walang katapusan.”
Kaya, hindi tayo dapat na magulat sa sumusunod na mga pananalita: “Ang utak,” sabi ng molekular na biyologong si James Watson, kasamang nakatuklas sa pisikal na kayarian ng DNA, “ang pinakamasalimuot na bagay na kailanma’y natuklasan natin sa ating sansinukob.” Ang neurologong si Richard Restak, na naiinis kapag inihahahambing ang utak sa isang computer, ay nagsabi: “Ang pagiging natatangi ng utak ay nagmumula sa bagay na saanman sa sansinukob ay wala tayong makikitang anuman na kahawig nito.”
Sinasabi ng mga neurosiyentipiko na sa ating kasalukuyang haba ng buhay, tayo ay gumagamit lamang ng maliit na bahagi ng potensiyal na kakayahan ng ating utak, halos 1/10,000, o 1/100 ng 1 porsiyento lamang, ayon sa isang tantiya. Isip-isipin ito. Makatuwiran ba na tayo ay binigyan ng isang utak na may gayong makahimalang mga posibilidad kung ito’y hindi naman lubusang magagamit? Hindi ba makatuwiran na ang mga tao, na may kakayahan para sa walang katapusang pagkatuto, ay aktuwal na dinisenyo upang mabuhay magpakailanman?
Kung totoo iyan, bakit tayo tumatanda? Ano ang nagkamali? Bakit, pagkatapos ng mga 70 o 80 taon, tayo ay namamatay, kahit na ang ating mga katawan ay maliwanag na dinisenyo na tumagal magpakailanman?
[Dayagram sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Selula—Isang Himala ng Disenyo
Lamad ng Selula
Ang panakip na sumusupil sa kung ano ang pumapasok at lumalabas sa selula
Nukleo
Nakakulong sa isang dobleng-lamad na sisidlan, ito ang sentrong tagasupil na pumapatnubay sa mga gawain ng selula
Mga Ribosome
Mga kayarian kung saan binubuo ang mga amino acid upang maging mga protina
Mga Chromosome
Ito’y naglalaman ng DNA ng selula, ang panlahat na henetikong plano nito
Nucleolus
Ang dako kung saan binubuo ang mga ribosome
Endoplasmic Reticulum
Mga pilyego ng mga lamad na nag-iimbak o naghahatid ng mga protinang ginawa ng mga ribosome na nakakabit sa mga ito (ang ilang ribosome ay malayang lumulutang sa loob ng selula)
Mitochondria
Mga sentro ng paggawa ng ATP, ang mga molekula na nagbibigay ng enerhiya sa selula
Golgi Body
Isang pangkat ng lapad na mga membrane sac na nag-iimpok at namamahagi ng mga protinang ginawa ng selula
Mga Centriole
Ito’y malapit sa nukleo at mahalaga sa pagpaparami ng selula