Bakit Ito Kontrobersiyal?
SA KAMAY ng bihasang artisano, ang isang kimpal ng malambot na luwad ay maaaring hubugin sa anumang hugis. Ang mga embryonic stem cell ay buháy na katumbas ng kimpal ng mamasa-masang luwad na iyan; ang mga ito ay maaaring maging katulad ng halos lahat ng mahigit na 200 uri ng selula na bumubuo sa katawan ng tao. Paano ito nangyayari? Isaalang-alang kung ano ang nangyayari sa isang bagong pertilisadong selulang itlog.
Pagkatapos ng pertilisasyon ay agad na nagsisimulang maghati ang selulang itlog. Sa mga tao, ang ibinubunga ng paghahati-hati ng selula sa loob ng mga limang araw ay isang pagkaliit-liit na kumpol ng mga selula na tinatawag na blastocyst. Ito ay hungkag at pabilog na binubuo ng tulad-balat na panlabas na suson ng selula at isang maliit na kumpol ng mga 30 selula na tinatawag na panloob na kumpol ng selula, na nakadikit sa loob at pinakadingding ng bilog na ito. Ang panlabas na suson ng selula ang nagiging inunan; ang panloob na kumpol ng selula naman ang nagiging binhi ng tao.
Subalit sa yugto ng blastocyst, ang mga selula ng panloob na kumpol ng selula ay hindi pa nagiging espesipikong mga uri ng selula, gaya ng mga selula ng nerbiyo, bato, o kalamnan. Kaya ang mga ito ay tinawag na mga stem cell. At dahil sa ang mga ito ay talagang nagiging iba’t ibang selula sa katawan, ang mga ito ay sinasabing nagiging pluripotent. Para maunawaan ang pananabik at kontrobersiya tungkol sa mga stem cell, suriin natin kung ano nga ba ang nagawa na ng mga mananaliksik at kung ano ang kanilang mga tunguhin, pasimula sa mga embryonic stem cell.
Mga Embryonic Stem Cell
Ang ulat na Stem Cells and the Future of Regenerative Medicine ay nagsasabi: “Sa nagdaang 3 taon, naging posibleng kunin at paramihin sa laboratoryo ang mga [human embryonic] stem cell na ito mula sa blastocyst at panatilihin ang mga ito sa kalagayang hindi espesipiko at hindi tiyak ang kayarian.”a Sa madaling sabi, maaaring paramihin sa laboratoryo ang mga embryonic stem cell upang makalikha ng di-mabilang na kopya nito. Ang mga embryonic stem cell na kinuha mula sa mga daga, na unang pinarami noong 1981, ay nakopya nang bilyun-bilyong ulit sa laboratoryo!
Dahil sa nananatiling hindi espesipiko at hindi tiyak ang kayarian ng lahat ng selulang ito, umaasa ang mga siyentipiko na sa pamamagitan ng tamang biyokemikal na mga elemento, ang mga stem cell ay mapararami para maging halos lahat ng uri ng selula na maaaring kailanganin para sa tissue replacement therapy. Sa simpleng pananalita, nakikini-kinita ang mga stem cell bilang potensiyal na mapagkukunan ng pagkarami-raming ‘reserbang piyesa.’
Sa dalawang pag-aaral sa hayop, napangyari ng mga mananaliksik na maging mga selulang gumagawa ng insulin ang mga embryonic stem cell, na inilipat noong dakong huli sa mga dagang may diyabetis. Sa isang pag-aaral, nalunasan ang mga sintomas ng diyabetis, subalit sa isa naman ang mga bagong selula ay hindi nakagawa ng sapat na insulin. Sa pag-aaral ding iyon, hindi gaanong nagtagumpay ang mga siyentipiko na palitan ang mga neuron sa napinsalang spinal cord at lunasan ang mga sintomas ng Parkinson’s disease. “Nagbibigay nga ng pag-asa ang mga pag-aaral na iyon,” ang sabi ng National Academy of Sciences, “subalit hindi ng tiyak na katibayan, na magiging mabisa rin sa tao ang katulad na paraan ng paggamot.” Ngunit bakit lubhang kontrobersiyal ang pananaliksik tungkol sa mga human embryonic stem cell?
Bakit Ito Ikinababahala?
Ang pangunahing ikinababahala ay na kinakailangang kumitil ng binhi ng tao sa proseso ng pagkuha ng mga embryonic stem cell. Gaya ng paliwanag ng National Academy of Sciences, “pinagkakaitan [nito] ang binhi ng tao na lumaki pa at maging ganap na tao. Para sa mga naniniwala na ang buhay ng tao ay nagsisimula sa panahon ng paglilihi, nilalabag ng pananaliksik sa ESC [embryonic stem cell] ang mga prinsipyo na nagbabawal sa pagkitil ng buhay ng tao at paggamit ng buhay ng tao bilang isang paraan para maisakatuparan ang ibang layunin, gaano man karangal ang layuning iyan.”
Saan kumukuha ang mga laboratoryo ng mga binhi ng tao na pinagkukunan ng mga stem cell? Karaniwan nang mula sa mga klinikang nagsasagawa ng in vitro fertilization, kung saan nagbibigay ang mga babae ng selulang itlog para sa in vitro fertilization. Karaniwan nang pinagyeyelo o itinatapon ang natirang mga binhi ng tao. Isang klinika sa India ang nagtatapon ng mahigit na 1,000 binhi ng tao taun-taon.
Bagaman nagpapatuloy ang pananaliksik tungkol sa mga stem cell, pinagbubuhusan naman ng pagsisikap ng ilang mananaliksik ang isang anyo ng stem cell na hindi gaanong kontrobersiyal—ang adult stem cell.
Mga Adult Stem Cell
“Ang adult stem cell,” ang sabi ng National Institutes of Health (NIH) sa Estados Unidos, “ay isang selula na hindi espesipiko at hindi tiyak ang kayarian na matatagpuan sa himaymay na may espesipiko at tiyak na kayarian,” gaya ng utak sa buto, dugo at mga daluyan ng dugo, balat, spinal cord, atay, gastrointestinal tract, at lapay. Sinabi ng naunang pananaliksik na mas limitado ang saklaw ng nagagawa ng mga adult stem cell kaysa sa embryonic stem cell. Subalit sinasabi ng mga natuklasan kamakailan sa mga pag-aaral sa hayop na ang ilang uri ng adult stem cell ay maaaring maging espesipiko at tiyak ang kayarian hanggang sa maging himaymay ito na ibang-iba mula sa naging kayarian nito noong una.
Ang mga adult stem cell mula sa dugo at utak ng buto, na tinatawag na hematopoietic stem cells (HSCs), ay may kakayahang “patuloy na baguhin ang sarili nito na nasa utak ng buto at magkaroon ng espesipiko at tiyak na kayarian hanggang sa maging kauri na nito ang mga klase ng selula na nasa dugo,” ang sabi ng National Academy of Sciences. Ang uri ng stem cell na ito ang ginagamit para gamutin ang lukemya at maraming iba pang sakit sa dugo.b Sinasabi ngayon ng ilang siyentipiko na ang HSCs ay waring nagiging mga selula na walang kaugnayan sa dugo na gaya ng mga selula ng atay at mga selula na nakakatulad ng mga neuron at iba pang uri ng selula sa utak.
Sa paggamit ng iba pang uri ng mga stem cell na kinuha sa utak ng buto ng mga daga, waring may isa pang mahalagang natuklasan ang mga mananaliksik sa Estados Unidos. Ipinakita ng kanilang pagsusuri, na inilathala sa babasahing Nature, na waring ang mga selulang ito ay “may ganap na kakayahang gawin ang nagagawa ng mga embryonic stem cell,” ayon sa The New York Times. “Sa diwa,” ang sabi pa ng artikulo, ‘magagawa ng mga adult stem cell na ito ang lahat ng inaasahang magagawa ng mga embryonic stem cell.’ Magkagayunman, ang mga mananaliksik na nagsusuri sa mga adult stem cell ay napapaharap pa rin sa napakaraming malalaking balakid. Ang mga selulang ito ay hindi pangkaraniwan at mahirap makilala. Sa kabilang dako naman, hindi kailangang kumitil ng mga binhi ng tao para maging kapaki-pakinabang ito sa panggagamot.
Mga Panganib sa Kalusugan at Regenerative Medicine
Anumang uri ng stem cell ang gamitin, magkakaroon pa rin ng malulubhang balakid ang mga paraan ng paggamot—lubusan mang maunawaan ng mga siyentipiko ang mga proseso para makabuo ng mga himaymay na maililipat sa iba. Ang isa sa malalaking balakid ay sinisira ng sistema ng imyunidad ng may katawan ang himaymay na galing sa ibang tao. Ang kasalukuyang lunas ay magbigay ng matatapang na gamot na makakokontrol sa sistema ng imyunidad, subalit ang gayong mga gamot ay may malulubha at masasamang epekto. Maaaring lutasin ng henetikong inhinyeriya ang problemang ito kung mababago ang mga stem cell upang ang mga himaymay na kinuha mula sa mga ito ay hindi magmistulang naiibang himaymay sa taong paglilipatan nito.
Maaaring ang isa pang posibilidad ay gamitin ang mga stem cell na kinuha mula sa mga himaymay mismo ng maysakit. Sa naunang mga pagsubok sa laboratoryo, ginagamit na sa ganitong paraan ang mga hematopoietic stem cell para gamutin ang lupus. Baka magamot din ang diyabetis ng katulad na mga terapi, hangga’t ang bagong himaymay ay hindi masisira ng sistemang autoimmune na siyang sanhi mismo ng sakit. Maaaring makinabang din ang mga taong may partikular na mga sakit sa puso sa pagpapagamot sa pamamagitan ng mga stem cell. Ang isang mungkahi ay patiunang ibigay ng mga nanganganib na magkasakit sa puso ang kanila mismong mga stem cell upang maparami ang mga ito at sa dakong huli ay magamit para mapalitan ang may diperensiyang mga himaymay sa puso.
Sa pagtutuon ng pansin sa problema hinggil sa pagsira ng imyunidad, iminungkahi pa nga ng ilang siyentipiko na gawin ang cloning sa mga maysakit subalit dapat na umabot ang mga nai-clone hanggang sa yugto lamang ng blastocyst, kung saan maaaring makuha ang mga embryonic stem cell. (Tingnan ang kahon na “Kung Paano Ginagawa ang Cloning.”) Ang mga himaymay na pinarami mula sa mga stem cell na ito ay magiging katulad na katulad ng henetikong kayarian ng taong nagbigay at paglilipatan nito upang hindi magkaroon ng reaksiyon ang sistema ng imyunidad. Subalit bukod pa sa pagiging karima-rimarim nito sa moral para sa maraming tao, mawawalang-saysay ang cloning kung nilalayong gamutin ang mga sakit na namamana. Bilang pagbubuod sa problema tungkol sa sistema ng imyunidad, sinabi ng National Academy of Sciences: “Napakahalagang maunawaan kung paano maiiwasan na masira ang mga inililipat na selula para maging kapaki-pakinabang ito sa regenerative medicine at ito ang isa sa pinakamalalaking hamon sa larangang ito ng pananaliksik.”
May panganib ding tubuan ng tumor, partikular na ang tumor na teratoma, na nangangahulugang “halimaw na tumor,” kapag inilipat sa katawan ang mga embryonic stem cell. Ang tumor na ito ay maaaring binubuo ng iba’t ibang himaymay, gaya ng himaymay ng balat, buhok, kalamnan, kartilago, at buto. Sa panahon ng normal na paglaki, talagang nasusunod ang henetikong programa sa proseso ng paghahati-hati ng selula at pagkakaroon ng espesipiko at tiyak na kayarian nito. Subalit ang prosesong ito ay nasisira kapag kinuha ang mga stem cell sa blastocyst, pinarami sa laboratoryo, at sa dakong huli’y inilipat sa katawan ng buháy na nilalang. Ang pagpapakadalubhasa sa artipisyal na paraan ng napakasalimuot na mga proseso ng paghahati-hati ng selula at ng pagkakaroon nito ng espesipiko at tiyak na kayarian ay isa pang malaking hamon na napapaharap sa mga mananaliksik.
Walang Nakikini-kinitang mga Lunas
Sinasabi ng ulat na Stem Cells and the Future of the Regenerative Medicine: “Dahil sa limitadong kaalaman hinggil sa siyensiyang ito, baka asahan ng ilan na tiyak na magiging laganap na ang paggamit ng bagong paraan ng paggamot na ito. Ang totoo, bagung-bago pa lamang ang pananaliksik hinggil sa stem cell, at napakarami pang hindi nalalaman na nagiging balakid para magkatotoo ang bagong mga paraan ng paggamot na kinukuha mula sa alinman sa adult o embryonic stem cell.” Maliwanag, mas maraming tanong kaysa sa sagot. “Inihahanda [pa nga ng ilang siyentipiko] ang kanilang mga sarili sa matitinding reaksiyon kung sakaling hindi magkatotoo ang mga paraan ng paggamot,” ang sabi ng ulat ng New York Times.
Kahit na isaisantabi pa ang siyensiya hinggil sa stem cell, napakarami nang pagsulong ang nagawa ng medisina sa maraming larangan nitong nakalipas na mga dekada. Ngunit gaya ng ating nakita, nagbangon ng masasalimuot na usapin sa moral at etika ang ilan sa mga pagsulong na ito. Kaya saan tayo makababaling para sa mapananaligang patnubay hinggil sa mga bagay na iyon? Isa pa, habang nagiging masalimuot at magastos ang pananaliksik, malimit na nakikita iyan sa laki ng halaga ng pagpapagamot at mga gamot. Tinataya na ng ilang siyentipiko na baka magkahalaga nang daan-daan libong dolyar sa bawat pasyente ang pagpapagamot sa pamamagitan ng mga stem cell. Subalit, ngayon pa nga lamang ay nahihirapan nang bayaran ng milyun-milyong tao ang tumataas na gastusin sa pagpapagamot at mga premium sa seguro. Sino ba talaga ang makikinabang kung sakali at kapag isinagawa na sa mga ospital ang makabagong panggagamot na ito sa pamamagitan ng stem cell? Panahon lamang ang makapagsasabi.
Ngunit ang bagay na matitiyak natin ay na walang paraan ng paggamot na pinag-isipan ng tao ang makapag-aalis ng sakit at kamatayan. (Awit 146:3, 4) Ang ating Maylalang lamang ang makagagawa niyan. Subalit nilayon ba niyang gawin iyon? Ipinakikita ng kasunod na artikulo ang sagot ng Bibliya sa tanong na iyan. Tinatalakay rin nito kung paano tayo papatnubayan ng Bibliya sa mga usapin sa moral at etika na bumabangon sa ngayon na patuloy na nagiging napakasalimuot, maging sa medisina man ito.
[Mga talababa]
a Ang ulat ay ginawa noong 2001 ng iba’t ibang komite at sanggunian ng National Academy of Sciences sa Estados Unidos.
b Para sa pagtalakay tungkol sa maka-Kasulatan at iba pang usapin na may kaugnayan sa paglilipat ng utak ng buto, pakisuyong tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1984, pahina 30.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Isa Pang Pinagkukunan ng mga Stem Cell
Bukod pa sa mga adult at embryonic stem cell, ang mga embryonic germ cell ay pinagkukunan din ng selula. Ang mga embryonic germ cell ay kinukuha mula sa mga selula ng gonadal ridge ng isang binhi o di-pa-naisisilang na sanggol, na nagiging mga selulang itlog o punlay. (Ang gonadal ridge ang nagiging mga obaryo o testes.) Bagaman ang mga embryonic germ cell ay naiiba sa maraming paraan mula sa mga embryonic stem cell, kapuwa ito pluripotent, o may kakayahang maging kauri ng halos lahat ng klase ng mga selula. Ang potensiyal na ito ang dahilan kung bakit ang mga selulang ito na pluripotent ay gustung-gustong gamitin sa pagpapasulong ng paraan ng paggamot na wala pang nakagagawa. Gayunman, humuhupa ang pananabik sa gayong potensiyal na paraan ng paggamot dahil sa kontrobersiyang umiinog sa pinagkukunan ng mga selulang ito. Ang mga ito ay kinukuha alinman sa ipinalaglag na mga di-pa-naisisilang na sanggol o mga binhi ng tao. Sa gayon, ang pagkuha ng mga selulang ito ay nangangahulugan ng pagkitil sa di-pa-naisisilang na sanggol o mga binhi.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Kung Paano Ginagawa ang Cloning
Nitong nakalipas na mga taon ay nakapag-clone ang mga siyentipiko ng sari-saring hayop. Noong 2001, tinangka ng isang laboratoryo sa Estados Unidos na mag-clone ng tao, bagaman hindi ito nagtagumpay. Ang isang paraan kung paano ginagawa ng mga siyentipiko ang cloning ay sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na nuclear transfer.
Una, kinukuha nila ang isang di-pa-napupunlaang selulang itlog mula sa isang babae (1) at inaalis ang nucleus nito (2), na nagtataglay ng DNA. Mula sa katawan ng hayop na iko-clone, kumukuha sila ng angkop na selula, gaya ng selula ng balat (3), na may nucleus na nagtataglay ng henetikong kayarian ng nagmamay-ari nito. Ipinapasok nila ang selulang ito (o ang nucleus lamang) sa selulang itlog na inalisan ng nucleus at kinukuryente ito (4). Napagsasama nito ang selula at ang cytoplasm ng selulang itlog (5). Palibhasa’y may bagong nucleus, naghahati-hati ngayon at lumalaki ang selulang itlog na para bang ito’y pinunlaan (6), at nagsisimulang lumaki ang clone ng nilalang na pinagkunan ng selula ng katawan.c
Maaari na ngayong ilipat ang binhi sa sinapupunan ng kahaliling ina (7), kung saan ito lálakí hanggang sa maipanganak ito, kung sakaling magtagumpay ang lahat ng bagay. May mapagpipilian naman, maaaring itago lamang ang binhi hanggang sa magagamit na ang panloob na kumpol ng selula para pagkunan ng embryonic stem cell na maitatago sa laboratoryo. Naniniwala ang mga siyentipiko na magagawa rin sa mga tao ang simpleng prosesong ito. Sa katunayan, ang pagtatangka na i-clone ang tao na nabanggit sa itaas ay ginawa para makakuha ng mga embryonic stem cell. Ang layunin ng cloning na ito ay tinatawag na therapeutic cloning (pagko-clone para sa paggamot).
[Talababa]
c Si Dolly, isang tupa, ang kauna-unahang mamal na nai-clone mula sa isang adult cell. Inilagay ng mga siyentipiko ang nucleus ng isang selula mula sa mammary gland ng isang tupang nasa hustong gulang sa isang selulang itlog na inalisan ng nucleus.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1 → 2 → 3 → 4 → 5 → 6 → 7
[Dayagram sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Embryonic Stem Cell (Pinasimple)
Pertilisadong itlog (unang araw)
↓
Apat na selula (ika-3 araw)
↓
Blastocyst na may panloob na kumpol ng stem cell (ika-5 araw)
↓
Mga stem cell na pinarami sa laboratoryo
↓
Mahigit na 200 iba’t ibang uri ng selula sa katawan ng tao
→ Selula ng thyroid
→ Selula ng lapay (makatutulong para magamot ang diyabetis)
→ Pigment cell
→ Pulang selula ng dugo
→ Selula ng bato
→ Selula ng kalamnan
→ Selula ng kalamnan ng puso (maaaring ayusin ang isang may diperensiyang puso)
→ Selula ng baga
→ Selula ng nerbiyo (magagamot ang Alzheimer’s at Parkinson’s disease at maaayos ang napinsalang spinal cord)
→ Selula ng balat
[Credit Lines]
Blastocyst at mga stem cell na pinarami sa laboratoryo: University of Wisconsin Communications; lahat ng iba pang larawan: © 2001 Terese Winslow, assisted by Lydia Kibiuk and Caitlin Duckwall
[Dayagram sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Adult Stem Cell (Pinasimple)
Mga stem cell na matatagpuan sa utak ng buto
→ Lymphocyte
→ Eosinophil
→ Pulang selula ng dugo
→ Platelet
→ Monocyte
→ Basophil
→ Iba pang potensiyal na mga selula
→ Selula ng nerbiyo
[Credit Line]
© 2001 Terese Winslow, assisted by Lydia Kibiuk and Caitlin Duckwall