Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 7/8 p. 3-5
  • Paggamot sa Sarili—Mga Pakinabang at Panganib

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paggamot sa Sarili—Mga Pakinabang at Panganib
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggamot sa Sarili​—Isang Panganib?
  • Ligtas na Pagsusuri sa Sarili​—Paano?
  • Paano Ka Magtatamasa ng Mabuting Kalusugan?
    Gumising!—1998
  • Gamitin ang mga Gamot sa Matalinong Paraan
    Gumising!—1996
  • Mga Halamang-Gamot—Makatutulong ba sa Iyo ang mga Ito?
    Gumising!—2003
  • Gamitin ang Gamot Nang May Karunungan
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 7/8 p. 3-5

Paggamot sa Sarili​—Mga Pakinabang at Panganib

Ng Kabalitaan ng Gumising! sa Brazil

“LUMALAWAK ang nasasaklaw ng larangan ng paggamot sa sarili sa buong daigdig,” sabi ng presidente ng isang malaking kompanya ng gamot. “Gusto ng mga tao na sila ang masunod kung tungkol sa kanilang sariling kalusugan.” Magkagayon man, may anumang panganib ba na dapat mong malaman?

Mangyari pa, kung gagamitin nang wasto, ang gamot ay makagiginhawa. Halimbawa, ang insulin at mga antibiotic at kahit na ang mura at simpleng timpla ng oral rehydration therapy ay nagliligtas ng di-mabilang na buhay. Ang hamon ng paggamot sa sarili ay tiyakin na ang mga pakinabang ay nakahihigit sa mga panganib.

Di-maikakaila, sa ilang lupain ang kuwalipikadong manggagamot ay maaaring alin sa napakalayo o napakamahal. Kaya naman, maraming tao ang umaasa sa mga opinyon ng mga kaibigan at mga kamag-anak o sa mga aklat na sariling-sikap para sa impormasyong may kinalaman sa panggagamot. Gayundin, “ang mga kampanya sa publisidad ay naghahatid ng ideya na sa pamamagitan ng pagbili ng isang simpleng kapsula, posibleng maging malusog at mabuti ang pangangatawan,” ang sabi ni Fernando Lefèvre, isang propesor sa São Paulo University, Brazil.a Bunga nito, upang madaig ang mga epekto ng sobrang pagtatrabaho, hindi masustansiyang pagkain, at maging ng mabababaw na problema sa emosyon, marami ang bumabaling sa mga gamot. Sinabi pa ni Lefèvre: “Sa halip na pagbutihin ang kalidad ng kanilang buhay, sinisikap ng mga tao na lutasin ang kanilang mga problema sa pamamagitan ng mga gamot na nabibili nang walang reseta.” At malay natin kung tama nga ang mga diyagnosis ng mga pasyente?

Bukod pa sa paggamit ng medikasyon upang gamutin ang mga sakit na gaya ng sakit ng ulo, alta presyon, at sakit ng tiyan, bumabaling ang marami sa medikasyon upang makayanan ang pagkabalisa, takot, at kalungkutan. “Nagpapatingin ang mga tao sa isang doktor sapagkat inaakala nilang malulutas ng isang pildoras ang problema,” sabi ni Dr. André Feingold. “Kahit na ang mga propesyonal sa kalusugan ay nakahilig na magreseta ng mga gamot at magrekomenda ng di-mabilang na mga pagsusuri. Hindi man lamang sinisikap na alamin ang medikal na kasaysayan ng pasyente, na kadalasan ay may magulo, maigting, at hindi kaayaayang istilo ng buhay.” Ganito ang inamin ni Romildo Bueno, ng World Council for Prevention of the Abuse of Psychotropics (mga gamot na bumabago sa pang-unawa o paggawi): “Limitado ang panahon upang matingnan ang bawat pasyente, at agad na pinauuwi ng doktor ang pasyente, anupat sintoma lamang ang ginagamot.” Ang paggamit ng mga gamot “ay isang paraan ng medisina upang [lutasin] ang mga problemang panlipunan.” Subalit, nagbababala naman ang isa pang doktor na maraming pasyente ang talagang nangangailangan ng maingat na iniresetang gamot na psychotropic.

Pagkatapos talakayin ang “Prozac Fad,” ganito ang sabi ng pahayagan sa Brazil na O Estado de S. Paulo: “Ang isang panlunas na nauuso, na gaya ng isang bagong istilo ng buhok, sa totoo lang, ay kakatwa.” Sinisipi nito ang saykayatris na si Arthur Kaufman: “Ang kawalan ng tunay na larawan at layunin sa buhay ay lumilikha ng isang kalagayan anupat ang isang mabisang panlunas ay nagiging sagot sa lahat ng karamdaman.” Isinusog pa ni Kaufman: “Ang tao ay higit at higit na naghahangad ng kagyat na mga panlunas, at samakatuwid, palibhasa’y nawalan na ng interes na hanapin ang mga sanhi ng kaniyang mga problema mas pinipili niya ang pag-inom ng isang pildoras kaysa lutasin ang mga iyon.” Subalit ligtas ba ang paggamot sa sarili?

Paggamot sa Sarili​—Isang Panganib?

“Isa sa kapansin-pansing katangian sa larangan ng medisina sa ika-20 siglo ay ang paggawa ng bagong mga gamot,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Ngunit sinabi rin nito: “Malamang na mas marami ang nalalason dahil sa mga gamot kaysa sa anumang iba pang dahilan.” Tunay, kung paanong nakapagpapagaling ang gamot, ito rin ay nakapipinsala. Ang mga pildoras ng anorexia para sa pagdidiyeta ay “nakaaapekto sa sistema nerbiyosa at samakatuwid ay maaaring pagmulan ng masasamang sintoma na gaya ng insomniya, pagbabago sa gawi, at sa ilang kaso ay mga halusinasyon pa nga,” paliwanag ng manunulat na si Cilene de Castro. Sinabi pa niya: “Ngunit ang sinuman na nag-aakalang ang mga pildoras para sa anorexia ay pampawala lamang ng ganang kumain ay nililinlang ang kaniyang sarili. Ang isang kapsula ay maaaring maging pasimula ng sunud-sunod na mga masamang panlunas, anupat pinawawalang-bisa ng isa ang nauna.”

Marami sa gamot na karaniwang ginagamit ay maaaring pagmulan ng sakit ng sikmura at ng pagkaalibadbad, pagsusuka, at pagdurugo pa nga. Ang ilang gamot ay maaaring makasugapa o makapinsala sa mga bato at atay.

Kahit na ang popular na mga produktong pangkalusugan ay kahina-hinala rin. “Ang kausuhang ito sa mga suplementong bitamina ay lubhang mapanganib,” babala ni Dr. Efraim Olszewer, presidente ng isang medikal na samahan sa Brazil. “Ang mga tao ay hindi lamang naggagamot sa sarili kundi ang ilang doktor na walang kabatiran ay nagrereseta ng kahina-hinalang mga gamot, anupat hindi pinapansin ang mga panganib na nasasangkot.” Subalit binanggit naman ng isa pang doktor na ang mga suplementong bitamina sa tamang mga dosis ay maaaring kailangan o kapaki-pakinabang sa paggamot ng ilang karamdaman at mga kakulangan.

Ligtas na Pagsusuri sa Sarili​—Paano?

Yamang hindi naman tayo makapagpapatingin sa doktor tuwing masama ang ating pakiramdam, maaaring maging kapaki-pakinabang sa ating pamilya ang edukasyong pangkalusugan at makatuwirang paggamot sa sarili. Gayunman, bago isagawa ang anumang panggagamot, mahalaga ang tama at mabisang pagsusuri sa sarili. Kung walang malapit na doktor o hindi mo kayang magpatingin sa isang doktor, baka makatulong sa iyo ang pagsangguni sa isang tamang reperensiyang medikal na aklat upang gumawa ng tamang pagsusuri. Halimbawa, ang American Medical Association ay naglalathala ng isang pampamilyang medikal na giya na naglalakip ng isang 183-pahinang seksiyon ng mga tsart ng sintoma. Inaakay nito ang pasyente sa sunud-sunod na mga tanong na maaaring sagutin ng oo o hindi. Sa pamamagitan ng ganitong proseso ng eliminasyon, ang isang sakit ay kadalasang makikilala.

Subalit kumusta naman ang papel ng mga doktor? Kailan tayo dapat humingi ng propesyonal na tulong? Paano natin maiiwasan ang alinman sa labis-labis na pag-aalala o ang pagpapabaya sa ating kalusugan? Tunay, sa isang daigdig na laganap ang mga karamdaman at sakit sa katawan na dulot ng isip, paano tayo magtatamasa ng mabuting kalusugan?

[Talababa]

a Sa maraming lupain, ang pag-aanunsiyo ng mga inireresetang gamot nang “tuwiran sa mamimili” ay lubhang dumami kamakailan sa kabila ng pagbatikos ng maraming doktor at medikal na mga organisasyon sa pamamaraang ito.

[Blurb sa pahina 4]

“Hindi man lamang sinisikap na alamin ang medikal na kasaysayan ng pasyente, na kadalasan ay may magulo, maigting, at hindi kaayaayang istilo ng buhay.”​—Dr. André Feingold

[Kahon sa pahina 4]

Halamang-Gamot na mga Panlunas sa Bahay

Sa loob ng libu-libong taon, ginamot ng mga tao sa maraming kultura ang kanilang mga karamdaman sa pamamagitan ng halamang-gamot (herbal) na mga panlunas, na ginagamit ang mga halamang matatagpuan sa parang o sa kagubatan. Kahit na ang maraming modernong gamot ay galing sa mga halaman, gaya ng digitalis, na ginagamit sa paggamot ng mga sakit sa puso. Kaya naman, si Penelope Ody, isang miyembro ng National Institute of Medical Herbalists sa United Kingdom, ay bumabanggit sa kaniyang aklat na “may mahigit na 250 ligtas na mga paggamot upang mapaginhawa ang karaniwang mga reklamo​—mula sa karaniwang ubo, sipon, at sakit ng ulo hanggang sa pantanging mga paggamot para sa mga sakit sa balat, mga problema sa panunaw, at mga karamdaman ng mga bata.”

Siya’y sumulat: “Ang paggamit ng halamang-gamot ay matagal nang itinuturing bilang ang ‘gamot ng mga tao’​—simpleng mga panlunas na magagamit sa bahay para sa bahagyang mga karamdaman o bilang suplemento sa mabisang panlunas na inireseta ng mga propesyonal para sa talamak at grabeng mga kalagayan.” Sabi pa niya: “Bagaman ang karamihan ng mga halamang-gamot sa ganang sarili nila ay lubhang ligtas, ito’y dapat na isaalang-alang. Huwag hihigit sa binabanggit na dosis o ipagpatuloy ang mga panlunas sa bahay kung ang mga sakit ay nagpapatuloy, lumulubha, o kung duda ka sa tunay na pagsusuri.”​—The Complete Medicinal Herbal.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share