Gamitin ang mga Gamot sa Matalinong Paraan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
ANG babae ay nagreklamo na masakit ang ulo niya at makirot ang kaniyang tiyan. Ang doktor ay nakipag-usap sa kaniya nang sandali. Pagkatapos ay nagreseta siya ng tatlong-araw na pag-iniksiyon para sa malarya, paracetamol (acetaminophen) upang mawala ang sakit ng ulo, dalawang gamot upang paginhawahin ang maaaring ulser sa tiyan, mga trangkilayser para sa kaniyang kabalisahan, at sa wakas, karagdagan pa rito, ang pag-inom ng mga bitamina. Mahal ang singil ng doktor, subalit hindi tumutol ang babae. Siya’y maligayang umalis, nagtitiwalang lulutasin ng mga gamot ang kaniyang mga problema.
Ang gayong mga pagkonsulta ay karaniwan sa Kanlurang Aprika. Isang surbey sa isang malaking bansa roon ay nagpapakita na ang mga manggagawa sa pangangalaga sa kalusugan sa mga sentrong pangkalusugan ng bayan ay nagrereseta ng katamtamang 3.8 iba’t ibang gamot sa isang pasyente sa bawat dalaw. Sa katunayan, itinuturing ng maraming tao na isang magaling na doktor ang isa na nagrereseta ng maraming gamot.
Marahil mauunawaan naman ang pagtitiwala ng mga tao sa Kanlurang Aprika sa gamot kung isasaalang-alang mo ang kalagayan ng kalusugan doon noon. Mahigit na 40 taon na ang nakalipas, ganito ang isinulat ng awtor na si John Gunther tungkol sa sinaunang panahon: “Ang Slave Coast na ito ay hindi lamang . . . pumatay ng mga itim; pumatay rin ito ng mga puti, at ito ang bahagi ng Aprika na nakilala sa alamat bilang ang ‘Libingan ng mga Puti.’ Sa loob ng mga dantaon, ang tunay na hari ng Guinea Coast ay ang lamok. Ang yellow fever, blackwater fever, malarya, ang pili at masamang mga sandata ng hari. Ang nakatatakot at nakamamatay na klima ng Kanlurang Baybayin ay hindi lamang nagtala ng rekord noon, kundi isang buháy na alaala. Isang paboritong anekdota ang naglalarawan sa konsul na, hindi pa natatagalan, ay ipinadala sa Nigeria at nagtanong tungkol sa kaniyang pensiyon. ‘Pensiyon?’ ang tugon ng kaniyang hepe sa Tanggapan ng Kolonya. ‘Mahal kong kasama, walang nagtutungo sa Nigeria ang kailanma’y nabuhay nang matagal upang magretiro.’”
Nagbago na ang panahon. Sa ngayon, may mga gamot na upang labanan hindi lamang ang mga sakit na ikinakalat ng mga lamok kundi ang marami pang ibang mga sakit. Lubhang nabawasan ng mga bakuna lamang ang bilang ng mga namatay dahil sa tigdas, tuspirina, tetano, at dipterya. Dahil sa mga bakuna, ang bulutong ay nalipol na. Ang polio man ay malapit nang maging isang sakit ng nakalipas.
Hindi kataka-taka na maraming Aprikano ngayon ang may malalim na pananampalataya sa kahalagahan ng gamot. Mangyari pa, ang gayong pananampalataya ay hindi limitado sa Kanlurang Aprika. Sa Estados Unidos, ang mga doktor ay sumusulat ng mahigit na 55 bilyong reseta sa bawat taon. Sa Pransiya ang mga tao ay bumibili ng katamtamang 50 kahon ng mga pildoras taun-taon. At sa Hapón ang karaniwang tao ay gumugugol ng mahigit na $400 (U.S.) taun-taon sa mga gamot.
Mga Pakinabang Laban sa mga Panganib
Malaki ang nagawa ng modernong mga gamot upang tulungan ang sangkatauhan. Kapag ginamit nang tama, ang mga ito’y nagtataguyod ng mabuting kalusugan, subalit kapag ginamit nang di-tama, ito ay maaaring puminsala at pumatay pa nga. Halimbawa, sa Estados Unidos halos 300,000 katao ang naoospital taun-taon dahil sa masamang mga reaksiyon sa mga gamot, at 18,000 ang namamatay.
Upang gamitin ang mga gamot sa matalinong paraan, mahalagang kilalanin na nariyan lagi ang isang elemento ng panganib. Ang anumang gamot, kahit na aspirin, ay maaaring magdulot ng nakapipinsalang masamang epekto. Ang pagkakaroon ng masamang mga epekto ay mas malaki kung umiinom ka ng mga gamot nang sabay-sabay. Naiimpluwensiyahan din ng pagkain at inumin kung paano magkakabisa ang isang gamot sa iyong katawan at maaaring patindihin o gawing neutral ang epekto nito.
May iba pang panganib. Maaaring alerdyik ka sa isang gamot. Kung hindi mo iinumin ang mga gamot ayon sa inireseta—ang tamang dosis para sa tamang haba ng panahon—ang mga ito ay malamang na hindi makatulong sa iyo at maaari pa ngang puminsala sa iyo. Gayunding resulta ang maaaring mangyari kung maling gamot o di-kinakailangang mga gamot ang inirereseta sa iyo ng doktor. Nanganganib ka rin kung iinumin mo ang pasó na, mababang-uri, o huwad na mga gamot.
Upang mabawasan ang mga panganib, dapat mong malaman ang marami hangga’t maaari tungkol sa anumang gamot na iniinom mo. Nakikinabang ka nang lubos sa pamamagitan ng pag-alam sa mga katotohanan.
Mga Antibayotik—Mga Kagalingan at mga Kahinaan
Mula nang gawin ang mga ito halos 50 taon na ang nakalipas, ang mga antibayotik ay nagligtas ng buhay ng milyun-milyon katao. Nasupil nito ang nakatatakot na mga sakit, gaya ng ketong, tuberkulosis, pulmonya, scarlet fever, at sipilis. Gumanap din ito ng mahalagang bahagi sa paggamot ng iba pang mga impeksiyon.
Si Dr. Stuart Levy, propesor ng medisina sa Tufts University Medical School sa Estados Unidos, ay nagsabi: “Binago ng [mga antibayotik] ang medisina. Ito ang iisang ahenteng ganap na bumago sa kasaysayan ng medisina.” Ganito ang sabi ng isa pang awtoridad sa medisina: “Ang mga ito ang batong-panulok na kinatatayuan ng modernong medisina.”
Subalit, bago ka sumugod sa iyong doktor at humingi ng isang suplay ng antibayotik, isaalang-alang ang negatibong mga epekto. Ang mga antibayotik, kapag ginamit sa di-tamang paraan, ay makapipinsala nang higit kaysa makabuti. Ito’y dahil sa sinasalakay at pinapatay ng antibayotik ang baktirya sa loob ng katawan. Subalit hindi nito laging napapatay ang lahat ng nakapipinsalang baktirya; nakakayanan ng ilang uri ng baktirya ang pagsalakay. Ang mga uring ito na lumalaban ay hindi lamang nakaliligtas kundi dumarami at naipapasa sa mga tao.
Halimbawa, ang penicillin ay dating lubhang mabisa sa paggamot sa impeksiyon. Ngayon, dahil sa dumaraming uri ng baktirya na lumalaban, ang mga kompanya ng gamot ay nagbibili ng ilang daang iba’t ibang uri ng penicillin.
Ano ang magagawa mo upang iwasan ang mga problema? Kung talagang kailangan mo ng mga antibayotik, tiyakin na ang mga ito ay inireseta ng isang kuwalipikadong doktor at nakuha sa isang lehitimong pinagmumulan. Huwag gipitin ang iyong doktor na agad na magreseta ng mga antibayotik—baka pakuhanin ka muna ng mga pagsubok sa laboratoryo upang matiyak na ang isa na irereseta niya ay ang tamang antibayotik para sa iyong karamdaman.
Mahalaga rin sa iyo na inumin ang tamang dosis para sa tamang haba ng panahon. Dapat mong ubusin ang lahat ng iniresetang antibayotik, kahit na mabuti na ang pakiramdam mo bago pa maubos ito.
Mas Mabuti ba ang mga Iniksiyon Kaysa sa mga Tableta?
“Gusto ko ng iniksiyon!” Ang mga salitang ito ay naririnig ng maraming manggagawang pangkalusugan sa nagpapaunlad na mga bansa. Ang saligan para sa gayong kahilingan ay ang paniniwalang ang gamot ay itinuturok nang tuwiran sa dugo at mas mabisa kaysa mga tableta o mga pildoras. Sa ilang bansa karaniwan nang makakita ng walang lisensiyang ‘mga doktor na nag-iiniksiyon’ sa mga palengke.
Ang mga iniksiyon ay nagdadala ng mga panganib na wala sa mga pildoras at mga tableta. Kung ang karayom ay hindi malinis, ang pasyente ay maaaring mahawa ng hepatitis, tetano, at AIDS pa nga. Ang maruming karayom ay maaari ring pagmulan ng makirot na nana. Ang mga panganib ay dumarami kung ang iniksiyon ay ibinibigay ng isang taong hindi kuwalipikado.
Kung talagang kailangan mo ang isang iniksiyon, tiyakin na ito ay isasagawa ng isa na kuwalipikado sa paggagamot. Para sa iyong proteksiyon, laging tiyakin na kapuwa ang karayom at ang heringgilya ay isterilisado.
Huwad na mga Gamot
Ang pangglobong industriya ng paggawa ng gamot ay isang malaking negosyo, nagpapasok ng halos $170 bilyon (U.S.) taun-taon, ayon sa World Health Organization (WHO). Sabik na samantalahin ang kalagayan, ang walang-konsiyensiyang mga tao ay gumawa ng huwad na mga gamot. Ang huwad na mga gamot ay kamukhang-kamukha ng tunay na mga gamot—gayundin ang kanilang mga etiketa at mga balot—subalit ang mga ito ay walang-halaga.
Yamang ang huwad na mga gamot ay nasa lahat ng dako, ito ay lalo nang pangkaraniwan sa nagpapaunlad na mga bansa, at ito ay nagdadala ng kalunus-lunos na mga resulta. Sa Nigeria, 109 na bata ang namatay dahil sa sakit sa bato pagkatapos uminom ng sirup ng pamatay-kirot na naglalaman ng solvent na gamit sa industriya. Sa Mexico, ang mga biktima ng sunog ay pinahirapan ng matinding mga impeksiyon sa balat mula sa ipinalalagay na mga panlunas na naglalaman ng kusot, kape, at dumi. Sa Burma, maraming taganayon ang maaaring namatay sa malarya bilang resulta ng pag-inom ng isang huwad na gamot na hindi lumaban sa lagnat na dala ng malarya. “Minsan pa,” sabi ng WHO, “lubhang nanganganib ang pinakamahirap, na kung minsan ay nag-iisip na nakatitipid sila kung bibili sila ng tila ba isang mabisang gamot na gawa ng isang iginagalang na kompanya.”
Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili mula sa huwad na mga gamot? Tiyakin na ang binibili mo ay mula sa isang kilalang bilihan, gaya sa isang botika ng ospital. Huwag bumili sa mga naglalako sa lansangan. Isang parmasiyutiko sa Lunsod ng Benin, Nigeria, ang nagbababala: “Sa mga naglalako sa lansangan, ang pagbebenta ng mga gamot ay isa lamang negosyo. Ipinagbibili nila ang mga gamot na para bang mga kendi o biskuwit. Ang mga gamot na inilalako nila ay kadalasang pasó na o huwad. Ang mga taong ito’y walang kaalam-alam tungkol sa mga gamot na kanilang ipinagbibili.”
Ang Problema ng Karukhaan
Ang medikal na paggamot na tinatanggap ng isang tao ay kadalasang tinitiyak ng kung magkanong pera mayroon siya. Upang makatipid ng salapi at panahon, maaaring lampasan ng mga tao sa nagpapaunlad na mga bansa ang mga doktor at tuwirang magtungo sa botika upang bumili ng mga gamot na hinihilingan ng reseta ng batas. Dahil sa nagamit na nila noon ang gamot o dahil sa inirekomenda ito ng mga kaibigan, alam nila kung ano ang gusto nila para sa kanilang karamdaman. Subalit ang gusto nila ay maaaring hindi nila kailangan.
Sinisikap ng mga tao na makatipid sa iba pang paraan. Ang isang doktor ay may ipinagagawang pagsubok sa laboratoryo at nagrereseta ng isang gamot. Dinadala ng pasyente ang reseta sa botika subalit namamahalan dito. Kaya sa halip na humanap ng karagdagang salapi, kadalasang bibilhin ng mga tao ang isang gamot na mas mura o bibili lamang ng ilan sa iniresetang gamot.
Talaga Bang Kailangan Mo ng Gamot?
Kung talagang kailangan mo ng gamot, alamin kung ano ang iyong iniinom. Huwag mahiyang magtanong sa doktor o sa parmasiyutika tungkol sa iniresetang gamot. May karapatan kang malaman ito. Tutal, katawan mo ang maaaring magdusa.
Kung hindi mo gagamitin nang wasto ang iyong gamot, maaaring hindi ka gumaling. Dapat mong malaman kung ilan ang iinumin, kailan ito iinumin, at kung gaano katagal ito iinumin. Dapat mo ring malaman kung anong mga pagkain, inumin, at iba pang mga gamot o mga gawain ang iiwasan kapag iniinom ito. At dapat mong malaman ang posibleng mga masamang epekto at kung ano ang dapat gawin kung mangyari ito.
Isaisip din, na ang mga gamot ay hindi siyang lunas sa lahat ng medikal na problema. Maaaring hindi mo kailangan ang mga gamot. Ganito ang sabi ng magasing World Health, isang publikasyon ng WHO: “Gumamit lamang ng gamot kung kinakailangan. Ang pahinga, mabuting pagkain at pag-inom nang marami ay sapat na upang tulungan ang isang tao na gumaling.”
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
“Ang sanlibong sakit ay nangangailangan ng sanlibong gamot,” sulat ng isang makatang Romano mga 2,000 taon na ang nakalipas. Sa ngayon, maaaring naisulat ng makata ang ganito, ‘Ang sanlibong karamdaman ay nangangailangan ng sanlibong pildoras’! Tunay, waring may isang pildora para sa halos bawat karamdaman, tunay man o nasa isip lamang. Ayon sa World Bank, mayroong halos 100,000 uri ng gamot sa buong daigdig, gawa mula sa mahigit na 5,000 matatapang na sangkap.
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Ang Makatuwirang Paggamit ng Gamot
1. Huwag gumamit ng pasó nang mga gamot.
2. Bumili mula sa kilalang bilihan. Huwag bumili mula sa mga naglalako sa lansangan.
3. Tiyakin na nauunawaan at sinusunod mo ang mga tagubilin.
4. Huwag gamitin ang mga gamot na inireseta sa ibang tao.
5. Huwag igiit ang mga iniksiyon. Ang mga gamot na iniinom ay kadalasang kasimbisa rin nito.
6. Itago ang mga gamot sa isang malamig na dako, malayo sa abot ng mga bata.