Inireresetang Gamot—Tamang Paggamit at Pag-abuso
NAULINIGAN ni Angie ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang na nawawalan ng ganang kumain ang kaniyang kapatid dahil sa iniinom niyang gamot. Palibhasa’y gustong pumayat ni Angie, paisa-isa niyang inuumit ang gamot ng kaniyang kapatid kada ilang araw. Para hindi siya mahalata ng kaniyang mga magulang, nanghihingi siya sa kaniyang kaibigan na umiinom din ng gamot na iyon.a
Bakit napakarami ang umaabuso sa inireresetang gamot? Una, madali itong makuha—maaaring nasa bahay mismo ito. Ikalawa, inaakala ng maraming kabataan na wala naman silang ginagawang ilegal kapag umiinom sila ng gayong gamot na hindi naman inihatol sa kanila ng doktor. At ikatlo, ipinapalagay na hindi gaanong nakalalason ang inireresetang gamot kung ihahambing sa bawal na gamot. Ikinakatuwiran ng ilang kabataan, ‘Kung bata nga, nireresetahan ng ganoong gamot, eh di tiyak na safe ’yon.’
Totoo, kapag ginamit nang wasto, makabubuti sa kalusugan, makapagpapaginhawa, at makapagliligtas pa nga ng buhay ang inireresetang gamot. Pero kapag inabuso, para na ring bawal na gamot ang epekto nito. Halimbawa, kapag inabuso ng isang tao ang inireresetang stimulant, maaari siyang magkombulsiyon o tumigil ang tibok ng kaniyang puso. Ang iba namang gamot ay nakapagpapabagal ng paghinga at nakamamatay. Maaari ding makasamâ ang isang gamot kapag ininom kasabay ng iba pang gamot o ng alak. Noong 2008, isang sikat na aktor ang namatay dahil uminom siya ng “delikadong kombinasyon ng anim na tranquilizer, sleeping pills at painkiller,” ang sabi ng pahayagang Arizona Republic.
Ang isa pang posibleng panganib ay ang pagkasugapa. Kapag sinobrahan ang dosis o ininom sa maling layunin, ang ilang gamot ay may epektong gaya rin ng bawal na gamot—naaapektuhan nito ang bahagi ng utak na may koneksiyon sa pagkadama ng kaluguran at maaaring hanap-hanapin ng katawan ang gamot. Pero pansamantala lang ang kalugurang ito at hindi nito natutulungan ang mga tao sa kanilang mga problema, sa halip, pinalalala pa nga ng pag-abuso sa droga ang problema. Maaaring dahil dito ay tumindi ang stress at depresyon ng isang tao, humina ang kaniyang kalusugan at masira ang kaniyang buhay, maging sugapa, o maranasan niya ang lahat ng ito. Tiyak na magkakaproblema sila tahanan, sa paaralan, o sa trabaho. Kung gayon, kailan masasabing ginagamit nang tama ang inireresetang gamot at kailan masasabing inaabuso na ito?
Tamang Paggamit o Pag-abuso?
Sa madaling salita, ginagamit mo nang tama ang inireresetang gamot kung iniinom mo ito ayon sa tagubilin ng doktor na lubos na nakaaalam sa kalagayan ng iyong kalusugan. Ibig sabihin, nasa oras ang pag-inom mo ng gamot, tama ang dosis, tama ang paraan ng pag-inom, at angkop sa sakit mo. Sa kabila nito, puwede ka pa ring dumanas ng mga side effect. Kapag nangyari iyan, ipaalam agad ito sa iyong doktor. Maaaring baguhin niya ang reseta o ipahinto na ang gamot. Ganiyan din pagdating sa mga gamot na hindi na kailangan ng reseta: Uminom lamang kapag kailangan, at sundin ang lahat ng tagubilin na nasa label.
Makasasama sa kalusugan ang hindi pagsunod sa dosis, pag-inom ng gamot na inireseta sa ibang tao, at pag-inom ng gamot sa maling layunin o sa maling paraan. Halimbawa, ang ilang gamot ay kailangang inumin nang buo para unti-unti ang pagpasok ng aktibong sangkap sa sistema ng katawan. Kadalasan, binabago ng ilang nag-aabuso ang proseso—dinudurog nila o nginunguya ang gamot, dinudurog nila at sinisinghot ito, o tinutunaw ito at itinuturok sa ugat. Maaaring maging high sila at puwede itong mauwi sa adiksiyon. At ang masaklap pa nito, maaari nila itong ikamatay.
Sa kabilang banda, kung tama naman ang paraan ng pag-inom ng isa sa gamot na inireseta sa kaniya pero pakiramdam niya ay naaadik na siya, dapat niya itong sabihin agad sa kaniyang doktor. Alam ng doktor kung ano ang dapat gawin sa gayong kalagayan nang hindi napababayaan ang kaniyang sakit.
Ang paglaganap ng pag-abuso sa gamot—anuman ito—ay resulta ng panahong kinabubuhayan natin. Ang pamilya, na dapat sana’y punô ng pag-ibig at isang kanlungan mula sa araw-araw na mga problema, ay unti-unti nang nawawasak. Nawawala na ang mga pamantayang moral at espirituwal, pati na ang paggalang sa buhay. (2 Timoteo 3:1-5) Isa pang dahilan ang kawalan ng pag-asa. Iniisip ng marami na hindi na bubuti ang mga kalagayan. Kaya hindi na nila iniisip ang bukas at panay kaluguran ang habol nila anuman ang maging kapalit. Ang sabi ng Bibliya: “Kung saan walang pangitain ay hindi masupil ang bayan.”—Kawikaan 29:18.
Kung isa kang magulang, tiyak na gusto mong protektahan ang iyong pamilya mula sa mga panganib sa ngayon na sumisira sa moralidad at espirituwalidad. Pero paano mo gagawin iyan? Saan ka makakakuha ng praktikal na payo at saan mo matatagpuan ang tunay na pag-asa para sa mas magandang kinabukasan? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na mga artikulo.
[Talababa]
a Mula sa Web site na TeensHealth.
[Kahon sa pahina 4]
PARA LANG MAGING HIGH
Gagawin ng ilang tao ang lahat para lang maging high. Partikular nang nakasasama ang pagsinghot ng mga likidong panlinis, nail polish, pampakintab sa muwebles, gasolina, glue, lighter fluid, pintura, at iba pang sumisingaw na mga substansiya. Dumiderekta sa daluyan ng dugo ang mga sinisinghot kaya may epekto agad ito.
Nakasasama rin ang pag-abuso sa mga gamot na may halong alkohol o nakakaantok na nabibili kahit walang reseta. Kapag uminom ng marami nito, maaapektuhan nito ang pandamdam, lalo na ang pandinig at paningin, at ang isa ay maaaring dumanas ng pagkalito, halusinasyon, pamamanhid, at sakit ng tiyan.
[Kahon sa pahina 5]
MGA TAKTIKA MAKAKUHA LANG NG DROGA
“Makakuha lang ng droga, gagawa ng taktika ang mga adik at nag-aabuso rito,” ang sabi ng Physicians’ Desk Reference. “Kasama sa taktika nila ang biglaang pagpunta sa doktor o pagdating nang pasara na ang klinika, pagtangging sumailalim sa pagsusuri ng doktor at lab-test, o pagtangging magpasuri sa ibang doktor, laging ‘pagkawala’ ng reseta, pamemeke ng reseta at hindi pagbibigay ng medical record o contact information sa ibang (mga) doktor. Ang mga nag-aabuso sa droga at mga naaadik na hindi pa nagagamot ay karaniwan nang nagpapasuri sa iba’t ibang doktor para makakuha ng karagdagang mga reseta.”
Ang tatlong uri ng droga na pinakakaraniwang inaabuso ay ang mga sumusunod:
◼ Opioid—inirereseta para mawala ang kirot
◼ Depressant para sa CNS (central nervous system)—barbiturate at benzodiazepines na inirereseta sa mga nababalisa o hindi makatulog (karaniwang tinatawag na sedative o tranquilizer)
◼ Stimulant—inirereseta para sa mga may attention-deficit hyperactivity disorder (ADHD), problema sa pagtulog na tinatawag na narcolepsy, o sobrang katabaanb
[Talababa]
b Mula sa National Institute on Drug Abuse.
[Kahon sa pahina 6]
TAGUBILIN PARA SA LIGTAS NA PAG-INOM NG INIRERESETANG GAMOT
1. Sunding mabuti ang mga tagubilin.
2. Huwag baguhin ang dosis nang hindi kumokonsulta sa iyong doktor.
3. Huwag basta tumigil sa pag-inom ng gamot malibang sabihin ng doktor.
4. Huwag durugin o hatiin ang gamot malibang ito ang tagubilin.
5. Alamin kung ano ang magiging epekto ng gamot sa iyong pagmamaneho at iba pang aktibidad.
6. Alamin kung may side effect ang gamot kapag uminom ka ng alak at iba pang gamot—inirereseta man ito o hindi.
7. Kung dati kang nag-aabuso sa droga at iba pang substansiya, sabihin ito sa iyong doktor.
8. Huwag uminom ng gamot na inireseta sa iba, at huwag mong ipainom sa iba ang iyong gamot.c
[Talababa]
c Batay sa rekomendasyon ng U.S. Food and Drug Administration.