Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/8 p. 20-21
  • Ang Iyong Pananamit at Pag-aayos—Mahalaga ba Ito sa Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Iyong Pananamit at Pag-aayos—Mahalaga ba Ito sa Diyos?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Personal na Bagay
  • “May Kahinhinan at Katinuan ng Pag-iisip”
  • Kung Bakit Mahalaga ang Pananamit at Hitsura Natin
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ang Maayos na Pananamit ay Nagpapakita ng Pagpipitagan sa Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Naluluwalhati Mo Ba ang Diyos sa Iyong Pananamit?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/8 p. 20-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Iyong Pananamit at Pag-aayos—Mahalaga ba Ito sa Diyos?

“Kung paanong ipinakikita ng indise ang nilalaman ng aklat, . . . gayundin ang panlabas na anyo at kasuutan, ng lalaki o ng babae, ay nagpapahiwatig sa atin ng saloobin.”​—Dramaturgong Ingles na si Philip Massinger.

NOONG ikatlong siglo C.E., ang manunulat ng simbahan na si Titus Clemens ay naghanda ng isang mahabang talaan ng mga alituntunin sa pananamit at pag-aayos. Ipinagbawal ang mga palamuti at magarbo o makukulay na tela. Ang mga kababaihan ay hindi dapat magkulay ng kanilang buhok ni “mantsahan ang kanilang mukha sa pamamagitan ng nakalilinlang na mga kasangkapan ng tusong pang-aakit,” samakatuwid nga, “ang pagpipinta sa mukha.” Ang mga kalalakihan ay inutusang mag-ahit ng buhok sa kanilang ulo dahil ang “isang ulong may maigsing buhok . . . ay nagpapakitang seryoso ang isang lalaki,” ngunit ang balbas ay hindi dapat ahitin, sapagkat ito’y “nagbibigay sa mukha ng dignidad at awtoridad bilang ama.”a

Pagkaraan ng ilang siglo, ang Protestanteng lider na si John Calvin ay nagpatupad ng mga batas na nagtatakda ng kulay at uri ng kasuutan na maaaring isuot ng kaniyang mga tagasunod. Ang alahas at puntas ay pinangungunutan ng noo, at ang isang babae ay maaaring mabilanggo dahil sa pag-aayos ng kaniyang buhok sa “taas na mahalay.”

Ang gayong sukdulang pangmalas, na itinaguyod ng mga lider ng relihiyon sa paglipas ng mga taon, ay naging dahilan para itanong ng maraming taimtim na tao, Talaga nga bang mahalaga sa Diyos kung ano ang isinusuot ko? Hindi ba niya sinasang-ayunan ang ilang istilo o ang paggamit ng kolorete? Ano ba ang itinuturo ng Bibliya?

Isang Personal na Bagay

Kapansin-pansin, gaya ng nakaulat sa Juan 8:31, 32, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, . . . malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Oo, ang mga katotohanang itinuro ni Jesus ay nilayong magpalaya sa mga tao mula sa mapang-aping pasanin na nilikha ng tradisyon at huwad na mga turo. Ang mga ito ay dinisenyo upang papanariwain yaong “nagpapagal at nabibigatan.” (Mateo 11:28) Walang anumang hangarin si Jesus ni ang kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, na supilin ang buhay ng mga tao hanggang sa punto na ang mga indibiduwal ay hindi na makapagkusa at makagamit ng kanilang sariling pangangatuwiran may kinalaman sa personal na mga bagay. Nais ni Jehova na sila’y maging may-gulang na mga tao na “sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”​—Hebreo 5:14.

Kaya naman, ang Bibliya ay hindi naglalaan ng detalyadong mga batas may kinalaman sa pananamit at pag-aayos o sa paggamit ng mga kolorete, maliban sa ilang espesipikong kahilingan sa pananamit na iniutos sa mga Judio sa pamamagitan ng Batas Mosaiko, na nilayong tumulong sa kanila na manatiling hiwalay sa nakapalibot na mga bansa at sa mahalay na impluwensiya ng mga ito. (Bilang 15:38-​41; Deuteronomio 22:5) Sa loob ng kaayusang Kristiyano, ang pananamit at pag-aayos ay pangunahin nang nakasalalay sa personal na kagustuhan.

Subalit hindi ito nagpapahiwatig na ang Diyos ay walang-pakialam sa kung ano ang isinusuot natin o kaya’y ‘puwede na ang kahit ano.’ Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay may makatuwirang mga alituntunin na nagpapaaninaw ng pangmalas ng Diyos sa pananamit at pag-aayos.

“May Kahinhinan at Katinuan ng Pag-iisip”

Isinulat ni apostol Pablo na dapat “gayakan ng mga [Kristiyanong] babae ang kanilang mga sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga estilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan.” Sa katulad na paraan, nagpayo si Pedro laban sa “panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti.”​—1 Timoteo 2:9; 1 Pedro 3:3.

Ipinahihiwatig ba nina Pedro at Pablo na dapat iwasan ng mga Kristiyanong babae at lalaki ang pagpapaganda ng kanilang hitsura? Hinding-hindi! Sa katunayan, bumabanggit ang Bibliya ng tapat na mga lalaki’t babae na gumamit ng alahas o kosmetikong mga langis at pabango. Bago humarap kay Haring Ahasuero, si Esther ay sumailalim sa isang masusing programa sa pagpapaganda na ginamitan ng pinabangong mga langis at masahe. At si Jose ay nadaramtan ng pinong lino at isang kuwintas na ginto.​—Genesis 41:42; Exodo 32:2, 3; Esther 2:7, 12, 15.

Ang pariralang “katinuan ng pag-iisip,” gaya ng pagkagamit ni Pablo, ay tumutulong sa atin na maunawaan ang paalaalang ito. Ang orihinal na salitang Griego na ginamit ay nangangahulugan ng pagiging katamtaman at may pagpipigil sa sarili. Nagpapahiwatig ito ng katamtamang pag-iisip tungkol sa sarili, na hindi labis na tumatawag ng pansin. Ang pagkasalin ng ibang salin ng Bibliya sa salitang ito ay “nang maingat,” “sa makatuwirang paraan,” “pino,” o “may pagpipigil-sa-sarili.” Ang katangiang ito ay isang mahalagang kahilingan para sa Kristiyanong matatanda.​—1 Timoteo 3:2.

Kung gayon, sa pagsasabi sa atin na ang ating pananamit at pag-aayos ay dapat na may kahinhinan at mabuti ang pagkakaayos, pinasisigla tayo ng Kasulatan na iwasan ang labis-labis na mga istilo na makaiinis sa iba at makauupasala sa reputasyon natin at ng kongregasyong Kristiyano. Sa halip na makatawag ng pansin sa kanilang hitsura sa pamamagitan ng pagpapalamuti sa katawan, yaong nag-aangking gumagalang sa Diyos ay dapat magpakita ng katinuan ng pag-iisip at magpahalaga sa “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.” Ito, sabi ni Pedro, ay “may napakalaking halaga sa mga mata ng Diyos.”​—1 Pedro 3:4.

Ang mga Kristiyano ay ‘isang pandulaang panoorin sa sanlibutan.’ Kailangang batid nila ang impresyon na ipinakikita nila sa iba, lalo na dahil sa utos sa kanila na ipangaral ang mabuting balita. (1 Corinto 4:9; Mateo 24:14) Kaya naman hindi nila hahayaan ang anumang bagay, pati na ang kanilang hitsura, na makahadlang sa iba sa pakikinig sa mahalagang mensaheng iyan.​—2 Corinto 4:2.

Bagaman lubhang nagkakaiba ang mga istilo sa iba’t ibang lugar, ang Bibliya ay nagbibigay sa mga indibiduwal ng malinaw at makatuwirang mga alituntunin na magpapangyari sa kanila na makapagpasiya nang may katalinuhan. Hangga’t sinusunod ng mga tao ang mga simulaing ito, malaya at maibiging pinahihintulutan ng Diyos ang lahat upang ipahayag ang kanilang personal na kagustuhan sa pananamit at pag-aayos.

[Talababa]

a Tinangkang suhayan ang mga pagbabawal na ito sa pamamagitan ng pagpilipit sa Kasulatan. Bagaman walang sinasabing ganito sa Bibliya, itinuro ng maimpluwensiyang teologong si Tertullian na yamang isang babae ang sanhi “ng unang kasalanan, at ng kahihiyan . . . ng kapahamakan ng tao,” ang mga babae ay dapat lumakad na “gaya ni Eva na nagdadalamhati at nagsisisi.” Sa katunayan, iginiit niya na dapat pa ngang itago ng isang likas na magandang babae ang kaniyang kagandahan.​—Ihambing ang Roma 5:12-​14; 1 Timoteo 2:13, 14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share