Ang Maayos na Pananamit ay Nagpapakita ng Pagpipitagan sa Diyos
1. Paano natin maipahahayag ang pagpapahalaga sa ating dumarating na pandistritong kombensiyon?
1 Hindi na magtatagal at tatamasahin natin ang pribilehiyo ng pagiging mga panauhin ni Jehova sa 2003-2004 “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na Pandistritong Kombensiyon. Kaylaking pasasalamat natin kay Jehova sa pag-anyaya sa atin sa gayong masaganang espirituwal na piging! Maipakikita natin ang ating pagpipitagan sa kaniya at ang pagpapahalaga natin sa kaniyang espirituwal na mga paglalaan sa paraan ng ating pananamit at pag-aayos.—Awit 116:12, 17.
2. Bakit mahalaga na maging malinis at maayos ang ating hitsura?
2 Malinis at Maayos: Dapat masalamin sa ating hitsura ang mga pamantayan ng ating Diyos na malinis at maayos. (1 Cor. 14:33; 2 Cor. 7:1) Ang ating katawan, buhok, at mga kuko ay dapat na malinis, at dapat na maayos ang ating hitsura. Karaniwan sa ngayon ang burarang pag-aayos. Gayunman, hindi dahil sa mukhang di-maayos ang isang artista o sikat na manlalaro ay tutularan na ito ng isang Kristiyano. Kung susunod tayo sa uso, mahihirapan ang mga tao na makita ang pagkakaiba ng mga naglilingkod sa tunay na Diyos at ng mga hindi naglilingkod sa kaniya.—Mal. 3:18.
3. Paano natin matitiyak na ang ating hitsura ay magiging kasuwato ng payo na masusumpungan sa 1 Timoteo 2:9, 10?
3 Pananamit na Angkop sa mga Ministrong Kristiyano: Nang sumulat si apostol Pablo sa Kristiyanong tagapangasiwa na si Timoteo, pinasigla niyang “gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, . . . sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” (1 Tim. 2:9, 10) Kailangang mag-isip nang mabuti upang matiyak na ang ating kasuutan ay maayos. Ang pananamit ay dapat na maayos, malinis, at mahinhin—hindi magarbo, mahalay, o mapang-akit.—1 Ped. 3:3.
4, 5. Anong mga babala ang dapat pakinggan ng mga Kristiyanong lalaki at babae?
4 Nagbabala rin si Pablo laban sa pagpapakalabis sa “mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan.” (1 Tim. 2:9) Ang pagiging balanse sa paggamit ng alahas, makeup, at iba pang mga palamuti ay isang matalinong landasin na dapat sundin ng mga babaing Kristiyano.—Kaw. 11:2.
5 Ang simulain ng payong ibinigay ni Pablo sa mga babaing Kristiyano ay kumakapit din sa mga lalaking Kristiyano. Dapat iwasan ng mga kapatid na lalaki ang mga istilo na nagpapakita ng kaisipan ng sanlibutan. (1 Juan 2:16) Halimbawa, popular sa ilang lupain ang lawlaw at napakaluwang na pananamit, ngunit ang istilong ito ay hindi nagpapakita ng angkop na hitsura para sa isang ministro ng Diyos.
6. Bakit natin dapat panatilihin ang mataas na pamantayan sa ating pananamit at pag-aayos kapag naglalakbay patungo at pauwi mula sa kombensiyon, habang nasa kombensiyon, at pagkatapos ng mga sesyon sa bawat araw?
6 Sa Panahon ng Paglilibang: Kapag dumadalo sa programa, ang karamihan sa mga kapatid ay nagpapakita ng mahusay na halimbawa sa paraan ng pananamit at pag-aayos. Gayunman, ipinakikita ng mga ulat na nagiging pabaya ang ilan kapag naglalakbay patungo at pauwi mula sa kombensiyon o kapag naglilibang pagkatapos ng mga sesyon. Ang totoo, ang ating personal na hitsura—sa panahon man ng programa o sa iba pang pagkakataon—ay nakaaapekto sa pangmalas ng iba sa bayan ng Diyos. Yamang suot natin ang ating mga badge card ng kombensiyon, dapat na lagi tayong manamit sa paraang angkop sa mga ministrong Kristiyano. Kadalasan ay gumaganyak ito sa iba na papurihan tayo at nagbubukas ng daan upang makapagpatotoo.—1 Cor. 10:31-33.
7. Ano ang maaaring maging epekto sa iba ng ating mainam na pananamit at pag-aayos?
7 Kung paanong nakapagpapaganda sa hitsura ng ating mukha ang palakaibigang ngiti, gayundin ang maayos na pananamit at pag-aayos ay nagpaparangal sa mensahe na dala natin at sa organisasyon na kinakatawan natin. Ang ilan na nagmamasid sa atin sa panahon ng “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon sa taóng ito ay baka maganyak na magtanong kung bakit naiiba tayo at maaaring magsabi sa dakong huli: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin [at namasdan] na ang Diyos ay sumasainyo.” (Zac. 8:23) Bawat isa nawa sa atin ay magpakita ng pagpipitagan kay Jehova sa pamamagitan ng ating pananamit at pag-aayos.
[Kahon sa pahina 5]
Maging Disente
▪ Kapag naglalakbay
▪ Sa kombensiyon
▪ Sa panahon ng paglilibang