Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be aralin 15 p. 131-p. 134 par. 5
  • Maayos na Personal na Hitsura

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maayos na Personal na Hitsura
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Mahalaga ang Pananamit at Hitsura Natin
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Ang Maayos na Pananamit ay Nagpapakita ng Pagpipitagan sa Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Naluluwalhati Mo Ba ang Diyos sa Iyong Pananamit?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be aralin 15 p. 131-p. 134 par. 5

ARALIN 15

Maayos na Personal na Hitsura

Ano ang kailangan mong gawin?

Maging masinop, malinis, at mahinhin sa iyong pananamit. Ang buhok ay dapat na nasuklay nang maayos. Ang bikas ay dapat na magpakita ng atentibong saloobin.

Bakit ito mahalaga?

Ang iyong personal na hitsura ay maaaring makaimpluwensiya sa pangmalas ng iba sa iyong mga Kristiyanong paniniwala at sa paraan ng pamumuhay na iyong kinakatawan.

MALAKI ang impresyong ibinibigay tungkol sa iyo ng iyong personal na hitsura. Bagaman nakikita ni Jehova kung ano ang nasa puso, ang mga tao ay karaniwan nang gumagawa ng konklusyon ayon sa “kung ano ang nakikita ng mga mata.” (1 Sam. 16:7) Kung malinis ka at mabuti ang ayos, malamang na isipin ng iba na may paggalang ka sa sarili, at sila ay mas nakahandang makinig sa iyo. Ang angkop na pananamit mo ay magbibigay rin ng mabuting impresyon sa organisasyon na iyong kinakatawan at sa pangmalas ng iyong mga tagapakinig sa Diyos na iyong sinasamba.

Maikakapit na Panuntunan. Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng maraming alituntunin hinggil sa personal na hitsura. Subalit ito’y naglalaan ng timbang na mga simulain na makatutulong sa atin sa paggawa ng mabuting mga kapasiyahan. Pangunahin sa lahat ng ito ang katotohanang dapat nating ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ (1 Cor. 10:31) Anong mga simulain ang nasasangkot sa ating personal na hitsura?

Una, pinasisigla tayo ng Bibliya na maging malinis, kapuwa sa ating katawan at sa ating pananamit. Sa kaniyang Kautusan sa sinaunang Israel, nagtakda si Jehova ng mga kahilingan hinggil sa kalinisan. Halimbawa, kapag naglilingkod ang mga saserdote, sila ay kailangang maligo at maglaba ng kanilang mga kasuutan sa itinakdang mga panahon. (Lev. 16:4, 24, 26, 28) Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, subalit ang mga simulaing naroroon ay may bisa pa rin. (Juan 13:10; Apoc. 19:8) Lalo na kung tayo ay magtutungo sa isang dako ng pagsamba o makikibahagi sa ministeryo sa larangan, ang ating katawan, ang ating hininga, at ang ating pananamit ay dapat na malinis upang hindi mainis sa atin ang iba. Yaong nagbibigay ng mga pahayag o nakikibahagi sa mga pagtatanghal sa harap ng kongregasyon ay dapat na maging isang mainam na halimbawa sa bagay na ito. Ang pagbibigay-pansin sa ating personal na hitsura ay nagpapakita ng paggalang kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.

Ikalawa, pinapayuhan tayo ng Bibliya na linangin ang kahinhinan at ang katinuan ng pag-iisip. Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong babae na ‘gayakan ang kanilang sarili . . . ng kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.’ (1 Tim. 2:9, 10) Ang kahinhinan at katinuan ng pag-iisip ay mahalaga rin sa pananamit at pag-aayos ng mga lalaki.

Nag-iingat ang isang taong mahinhin sa di-kinakailangang pananakit sa damdamin ng iba at sa pag-akay ng labis na pansin sa sarili. Ang katinuan ng pag-iisip ay nagbubunga ng kaunawaan, o mabuting kapasiyahan. Ang tao na nagpapakita ng ganitong mga katangian ay timbang dahil sa paggalang sa makadiyos na mga pamantayan. Ang pagpapakita ng ganitong mga katangian ay hindi naman humahadlang sa pagsusuot ng damit sa isang kaakit-akit na paraan kundi tumutulong sa atin na maging makatuwiran sa ating hitsura at maiwasan ang kalabisan ng mga istilo ng damit at pag-aayos. (1 Juan 2:16) Nanaisin nating ikapit ang mga simulaing ito maging tayo ay nasa isang dako ng pagsamba, nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, o nakikibahagi sa iba pang mga gawain. Maging ang ating kasuwal na pananamit ay dapat na kakitaan ng kahinhinan at katinuan ng pag-iisip. Sa paaralan o sa ating sekular na trabaho, magkakaroon ng mga pagkakataon upang magpatotoo nang di-pormal. Bagaman hindi tayo nananamit na katulad ng kung tayo ay dumadalo sa mga pulong, mga kombensiyon, at mga asamblea, ang ating pananamit ay dapat pa ring maging masinop, malinis, at mahinhin.

Sabihin pa, tayong lahat ay hindi nananamit nang magkakatulad. Hindi tayo inaasahang gagawa nang gayon. Ang mga tao ay may iba’t ibang kagustuhan, at ito ay talagang nararapat. Subalit ang mga panuntunan ng Bibliya ay dapat na ikapit sa tuwina.

Ipinakita ni apostol Pedro na higit pang mahalaga kaysa sa istilo ng buhok at panlabas na kasuutan ang kasuutang kaakibat ng “lihim na pagkatao ng puso.” (1 Ped. 3:3, 4) Kapag ang ating mga puso ay punô ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kabaitan, at pananampalataya na matatag ang pundasyon, ang mga ito ay magiging espirituwal na kasuutan para sa atin na tunay na nagpaparangal sa Diyos.

Ikatlo, hinihimok tayo ng Bibliya na isaalang-alang kung ang ating hitsura ay maayos. Sa 1 Timoteo 2:9, binanggit ang tungkol sa “maayos na pananamit.” Bagaman ang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang kagayakan ng mga babae, ang simulain ay kumakapit din sa mga lalaki. Ang isang bagay na maayos ay masinop at maimis. Tayo man ay sagana sa materyal o hindi, maaari tayong magkaroon ng isang masinop na hitsura.

Ang isa sa mga unang aspekto ng personal na hitsura na napapansin ng iba ay ang ating buhok. Ito ay dapat na maging masinop, o maayos. Kapuwa ang lokal na kaugalian at ang mga salik na namamana ay may impluwensiya sa mga istilo ng buhok ng mga tao. Sa 1 Corinto 11:14, 15, masusumpungan natin ang payo ni apostol Pablo hinggil sa mga istilo ng buhok, na maliwanag na tumatalakay sa dalawang salik na ito. Gayunman, kapag ang istilo ng buhok ng isang tao ay nagbibigay ng impresyon na siya ay nagsisikap na tumulad sa isang tao na hindi niya kasekso, ito ay nagiging kasalungat ng mga simulain ng Bibliya.​—Deut. 22:5.

Para sa mga lalaki, maaaring kasali sa masinop na personal na hitsura ang makinis na pag-aahit. Sa mga lugar kung saan karaniwang itinuturing na marangal ang mga bigote, ang sinumang mayroon nito ay nararapat na laging ginugupitan ito nang pulido.

Ikaapat, hindi dapat makita sa ating hitsura ang pag-ibig sa sanlibutan at sa mga pamamaraan nito. Nagbabala si apostol Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan.” (1 Juan 2:15-17) Ang sanlibutang ito ay kinakikitaan ng maraming makasalanang pita. Binanggit ni Juan na kabilang sa mga ito ang pagnanasa ng makasalanang laman at ang pagpaparangya sa tinataglay ng isa. Itinatawag-pansin din ng Kasulatan ang espiritu ng paghihimagsik, o ang pagsuway sa awtoridad. (Kaw. 17:11; Efe. 2:2) Ang mga pagnanasa at saloobing ito ay kadalasang nahahayag sa paraan ng pananamit at pag-aayos ng mga tao. Bilang resulta, ang kanilang hitsura ay maaaring hindi mahinhin, mapang-akit sa sekso, mumurahin, marungis, pabaya, o burarâ. Bilang mga lingkod ni Jehova, iniiwasan natin ang mga istilo na nagpapakita ng gayong hindi makakristiyanong mga landasin.

Sa halip na tularan ang sanlibutan, kay buti nga na hayaang ang maiinam na halimbawa ng maygulang sa espirituwal na mga lalaki at babae sa kongregasyong Kristiyano ang makaimpluwensiya sa iyong pananamit at pag-aayos! Ang mga kabataang lalaki na umaasang balang araw ay magiging mga tagapagsalita sa madla ay maaaring magmasid sa pananamit ng mga kuwalipikado nang magbigay ng mga pahayag pangmadla. Maaaring matuto ang lahat sa ibinibigay na halimbawa ng mga indibiduwal na matapat na nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo sa loob ng maraming taon.​—1 Tim. 4:12; 1 Ped. 5:2, 3.

Ikalima, sa pagpapasiya kung ano ang angkop, dapat nating ingatan sa isip na “maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:3) Ang pangunahing ikinabahala ni Jesus ay ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Inuna rin ni Jesus ang pagtulong sa iba kaysa sa kaniyang personal na kaalwanan. Hinggil sa ilang istilo ng pananamit at pag-aayos, kung may anumang bagay na magiging hadlang sa pagitan natin at ng mga tao kung saan tayo naglilingkod ngayon, ano ang dapat nating gawin? Ang pagtulad sa mapagpakumbabang espiritu na ipinakita ni Kristo ay makatutulong sa atin upang magpasiya nang may katalinuhan. Si apostol Pablo ay nagtakda ng simulain: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod.” (2 Cor. 6:3) Sa gayong kadahilanan ay maaaring iwasan natin ang mga istilo ng buhok o anumang bagay na may kinalaman sa pananamit na magsasara sa isip ng mga tao na nais nating patotohanan.

Bikas. Ang maayos na personal na hitsura ay nagsasangkot din sa wastong bikas. Sabihin pa, hindi tayo pawang magkakapareho sa paraan ng pagdadala ng ating sarili, at hindi natin pinagsisikapang umayon sa isang sukatan. Gayunman, kapansin-pansin na ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang pagtayo nang tuwid ay nagbibigay ng impresyon ng personal na dignidad at optimismo. (Lev. 26:13; Luc. 21:28) Gayunman, dahil sa pagtatrabaho nang nakayuko sa loob ng maraming taon o dahil sa pagtanda o pisikal na kahinaan, ang isang kapatid na lalaki o babae ay maaaring hindi na makatayo nang tuwid o maaaring nangangailangan na ng masasandigan bilang alalay. Subalit para sa makagagawa nito, ang makatuwirang pagtayo nang tuwid kapag nakikipag-usap sa iba ay inirerekomenda upang hindi ito magpahiwatig ng saloobin ng pagkawalang-interes o pagkahiya. Gayundin, bagaman hindi naman mali para sa isang tagapagsalita na paminsan-minsan ay magpatong ng kaniyang mga kamay sa podyum ng tagapagsalita, mas positibong impresyon ang karaniwang maibibigay sa tagapakinig kapag hindi siya sumasandig sa podyum.

Masinop na Kasangkapan. Hindi lamang ang personal na hitsura natin ang kailangang maging malinis at maayos kundi dapat ding maging malinis at masinop ang ating ginagamit na mga kasangkapan sa ministeryo.

Isaalang-alang ang iyong Bibliya. Hindi posible para sa ating lahat na kumuha ng isang bagong Bibliya kapag nasira ang taglay natin. Gayunman, gaano mang katagal na ng ating Bibliya, kailangang makita ang katunayan na ito ay pinag-ingatan.

Sabihin pa, maraming paraan ng pag-aayos ng bag na ginagamit sa pagpapatotoo, subalit ito ay dapat na maging masinop. May nakita na ba kayong mga papel na nahuhulog mula sa Bibliya habang naghahanda ang isang mamamahayag upang bumasa ng isang kasulatan sa may-bahay o kaya’y habang nagbibigay ng isang pahayag ang isang kapatid na lalaki sa kongregasyon? Nagambala ka, hindi ba? Kung ang mga papel na nakaipit sa Bibliya ay pinagmumulan ng pagkagambala, ang paglalagay mo ng mga ito sa ibang lugar ay makakasuwato ng pagiging maayos ng iyong mga kasangkapan. Dapat ding kilalanin na ang paglalagay ng Bibliya o iba pang relihiyosong mga publikasyon sa sahig ay minamalas sa ilang kultura na napakawalang-galang.

Dapat na maging mahalaga sa atin ang maayos na personal na hitsura. Nakaiimpluwensiya rin ito sa kung paano tayo minamalas ng iba. Subalit higit sa lahat, binibigyan natin ito ng maingat na pansin sapagkat nais natin na “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”​—Tito 2:10.

SURIIN ANG IYONG HITSURA

  • Ang lahat ba ay malinis?

  • Ang iyo bang hitsura ay kinakikitaan ng kahinhinan at mabuting kapasiyahan?

  • Ang lahat ba ng bagay ay maayos?

  • Ang iyo bang buhok ay masinop?

  • Mayroon bang anuman tungkol sa iyong hitsura na maaaring magpahiwatig ng pag-ibig sa sanlibutan?

  • Mayroon bang anumang makatuwirang dahilan upang isipin na ang iyong hitsura ay makatitisod sa iba?

PAGSASANAY: Minsan sa isang araw sa buong sanlinggo, anuman ang pinaplano mong gawin, suriin ang sarili mo ayon sa talaan na “Suriin ang Iyong Hitsura,” sa pahina  32.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share