Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/8 p. 22-24
  • Ang Palaisipan Tungkol Kay William Shakespeare

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Palaisipan Tungkol Kay William Shakespeare
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pangunahing Palaisipan
  • Isang Taong May Pinag-aralan?
  • Mga Aklat at mga Manuskrito
  • Pagpunta sa London​—At Katanyagan
  • Mga Kandidato
  • Ang Pagbabalik ng Globe ng London
    Gumising!—1998
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Kaninong mga Pangako ang Maaari Mong Pagtiwalaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/8 p. 22-24

Ang Palaisipan Tungkol Kay William Shakespeare

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

SI William Shakespeare ay karaniwang ipinagbubunyi bilang ang pinakamagaling na dramaturgo sa kasaysayan. Binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica na siya ay “itinuturing ng marami na ang pinakadakilang mandudula sa lahat ng panahon. Ang kaniyang mga dula . . . ay itinatanghal ngayon nang mas madalas at sa mas maraming bansa kaysa sa isinulat ng sinumang ibang dramaturgo.” Isinalin ang mga ito sa mahigit na 70 wika.

Tungkol sa pagiging awtor ng maraming akda na sinasabing gawa niya, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Walang maimpluwensiyang iskolar tungkol kay Shakespeare ang nag-aalinlangan na si Shakespeare ang sumulat ng mga dula at mga tula.” Gayunman, tinututulan ito ng iba. Bakit?

Isinilang sa Stratford-upon-Avon noong 1564, si Shakespeare ay namatay roon pagkaraan ng 52 taon, noong 1616. Di-mabilang na mga aklat ang naisulat tungkol sa kaniya​—ang marami ay pagkatapos ng mga taon ng matiyagang pananaliksik​—sa pagsisikap na malutas ang isang mahalaga at nakapupukaw-interes na tanong, Isinulat nga ba ni William Shakespeare ang mga akdang pampanitikan na nagtataglay ng kaniyang pangalan?

Pangunahing Palaisipan

Ang mga dula ni Shakespeare ay kakikitaan ng di-pangkaraniwang dami ng sekular na karanasan. Halimbawa, nakauunawa siya tungkol sa batas at kahanga-hanga ang paggamit niya ng pananalita at mga pamarisan tungkol sa batas. Noong 1860, sa Medical Knowledge of Shakespeare, ipinahiwatig ni Sir John Bucknill na si Shakespeare ay may malalim na kaalaman tungkol sa medisina. Gayundin ang masasabi tungkol sa kaniyang pagkaunawa sa pangangaso, pamamaril ng mga lawin, at iba pang isport, gayundin tungkol sa magandang kaugalian sa palasyo ng hari. Sinasabi ng mananalaysay tungkol kay Shakespeare na si John Michell na siya “ang manunulat na nakaaalam ng lahat ng bagay.”

Limang ulit na itinampok sa mga dula ni Shakespeare ang pagkawasak ng bapor, at ang paggamit ng mga termino sa paglalayag ay nagpapahiwatig na ang manunulat ay isang makaranasang marino. Naglakbay ba sa ibang bansa si Shakespeare? Pinilit ba siyang maglingkod sa hukbong pandagat? Nakibahagi ba siya sa pagkatalo ng Armadang Kastila noong 1588? Alinman dito ay makapagpapatotoo sa pagiging awtor ni Shakespeare, subalit walang umaalalay na ebidensiya ang maipakita. Totoo rin ito sa kabihasahan niya sa mga bagay na may kinalaman sa militar at sa termino ng impanteriya.

Litaw na litaw sa kaniyang mga akda ang mga pagsipi sa Bibliya. Maaaring natutuhan niya ang mga ito sa kaniyang ina, subalit walang patotoo na ang kaniyang ina ay marunong bumasa’t sumulat. Ang kaalaman niya tungkol sa Bibliya ay humantong sa pag-aalinlangan tungkol sa edukasyon ni Shakespeare.

Isang Taong May Pinag-aralan?

Ang ama ni William, si John, ay isang manggagawa ng guwantes, nagnenegosyo ng lana, at malamang na isang magkakarne. Isa siyang iginagalang na mamamayan, bagaman hindi siya marunong bumasa’t sumulat. Walang talaan ng mga mag-aaral sa paaralang sekondarya sa Stratford, subalit ipinalalagay ng karamihan ng mga awtoridad ngayon na ang kabataang si William ay nag-aral doon. Pagkaraan ng mga taon, ang kaniyang kaibigang dramaturgo na si Ben Jonson ay umamin na si William ay may alam na “kaunting Latin, at kaunting Griego,” na maaaring magpahiwatig na ang edukasyon ni William ay panimula lamang.

Gayunman, ang manunulat ng mga dula ay may mahusay na pagkaunawa sa mga klasikong akda ng Gresya at Roma pati na sa panitikan​—at marahil sa mga wika​—ng Pransiya, Italya, at Espanya. Malawak din ang kaniyang talasalitaan. Bihirang gumamit ng mahigit na 4,000 salita sa pag-uusap ang isang may mataas na pinag-aralang mamamayan sa ngayon. Si John Milton, ang makatang Ingles noong ika-17 siglo, ay gumamit ng 8,000 o mahigit pa sa kaniyang mga akda. Subalit pinapupurihan ng isang awtoridad si Shakespeare dahil sa talasalitaan niya na hindi kukulangin sa 21,000 salita!

Mga Aklat at mga Manuskrito

Lahat-lahat ng ari-arian ni Shakespeare ay maingat na itinala sa kaniyang tatlong-pahinang testamento, nang walang anumang binabanggit tungkol sa mga aklat o mga manuskrito. Ang mga ito ba’y iniwan kay Susanna, ang kaniyang nakatatandang anak na babae? Kung gayon, tiyak na naipamahagi na ang mga ito sa kaniyang mga inapo. Palibhasa’y naintriga ng hiwagang ito, sinuri ng isang klero noong ika-18 siglo ang lahat ng pribadong mga aklatan na nasa layong 50 milya sa palibot ng Stratford-upon-Avon subalit wala siyang nakitang isa mang tomo na pag-aari ni Shakespeare.

Ang mga manuskrito ng mga dula ay lumikha ng mas malaking problema​—walang orihinal na mga kopya ang nalalamang nakaligtas. Tatlumpu’t anim na mga dula ang nailathala sa edisyong First Folio noong 1623, pitong taon pagkamatay ni Shakespeare. Noong siya’y nabubuhay pa ay lumitaw ang napakaraming edisyon na kinopya nang walang permiso, gayunman si Shakespeare, isang matalinong negosyante, ay hindi nagdemanda upang hadlangan ang paglalathala ng mga ito.

Pagpunta sa London​—At Katanyagan

Isang regular na tampok noong panahon ni Reyna Elizabeth ang mga tropa ng naglalakbay na mga artista, at ang ilan ay dumalaw sa Stratford-upon-Avon noong 1587. Kung sumama sa kanila si Shakespeare, malamang na nasa London siya noong taglagas ng taóng iyon. Alam natin na siya’y naging miyembro ng nangungunang kompanya sa teatro ng London, ang Lord Chamberlain’s Men, nang maglao’y nakilala bilang King’s Men. Nang makarating siya sa kabisera, nagbago ang kaniyang kapalaran. Sa paglipas ng mga taon, nagtamo siya ng mga ari-arian sa London at sa Stratford-upon-Avon. Subalit walang maliwanag na rekord ng kaniyang mga ginawa mula 1583 hanggang 1592​—ang mahalagang “nawawalang mga taon.”

Ang teatrong Globe ay itinayo sa Southwark noong 1599. Bago nito, ang mga dula na nagtataglay ng pangalan ni Shakespeare ay kilala sa London, gayunman, hindi siya naging kilala bilang awtor nito. Noong siya’y mamatay ay walang malaking libing, bagaman ang ibang dramaturgo, tulad nina Ben Jonson at Francis Beaumont, ay kapuwa inilibing na may marangyang seremonya sa Westminster Abbey sa London.

Mga Kandidato

Ginamit ba ang pangalang Shakespeare upang ikubli ang pangalan ng tunay na awtor o mga awtor pa nga? Ang mga tao ay nagbigay ng mahigit na 60 posibilidad. Kasali rito ang dramaturgong si Christopher Marlowea at ang di-inaasahang mga pangalan na gaya nina Kardinal Wolsey, Sir Walter Raleigh, at Reyna Elizabeth I pa nga. Alin sa mga pangalang ito ang sinasabi ng mga teorista na karapat-dapat isaalang-alang?

Ang unang kandidato ay si Francis Bacon, na nag-aral sa Cambridge University. Matanda ng tatlong taon kay Shakespeare, siya’y naging isang kilalang abogado at opisyal sa palasyo ng hari at sumulat ng maraming akdang pampanitikan. Ang teoriya na nagpapalagay na si Bacon ang may akda ng mga isinulat ni Shakespeare ay unang iniharap noong 1769 subalit ito’y winalang-bahala sa loob halos ng 80 taon. Itinatag ang Bacon Society noong 1885 upang itaguyod ang bagay na pinagtatalunan, at maraming katotohanan ang iniharap upang suportahan ang pag-aangkin. Halimbawa, si Bacon ay nakatira mga 20 milya sa hilaga ng London na malapit sa St. Albans, isang bayan na 15 ulit na nabanggit sa mga akda ni Shakespeare​—subalit ang bayan ni Shakespeare, ang Stratford-upon-Avon, ay hindi kailanman nabanggit.

Si Roger Manners, ang ikalimang Konde ng Rutland, at si William Stanley, ang ikaanim na Konde ng Derby, ay kapuwa may kani-kaniyang tagapagtaguyod. Mayroon silang mataas na pinag-aralan at malawak na karanasan sa buhay sa palasyo. Subalit bakit kailangang itago ng sinuman sa kanila ang kaniyang akda? Ganito ang sabi ni Propesor P. S. Porohovshikov, na nangangatuwiran noong 1939 para sa pag-aangkin ni Rutland: “Ang kaniyang unang mga akda ay inilimbag na walang pangalan, ang iba ay sa ilalim ng sagisag-panulat dahil lamang sa hindi tama para sa isang maharlika na sumulat para sa tanghalan ng mga karaniwang tao.”

Sinasabi naman ng ilan na ang mga dula ni Shakespeare ay gawa ng isang pangkat ng mga manunulat, na ang bawat isa’y nagdaragdag ng kaniyang dalubhasang opinyon. Sa kabilang dako naman, bilang isang dalubhasang artista, inayos at inihanda ba ni Shakespeare ang mga dula ng iba para sa entablado? Sinasabing hindi niya kailanman ‘binura ang isang linya’ sa kaniyang mga manuskrito. Totoo ito kung inaayos niya, na may bahagyang pagbabago, ang mga iskrip ng iba pang dramaturgo na ipinagawa sa kaniya.

Ano ang pangunahing dahilan kung bakit pinagdududahan ng ilan ang pagiging awtor ni Shakespeare? Binanggit ng The World Book Encyclopedia na ang mga tao’y “ayaw maniwalang isang artista mula sa Stratford-upon-Avon ang sumulat ng mga ito. Ang karaniwang bayan na pinagmulan ni Shakespeare ay hindi umaangkop sa paglalarawan nila sa henyo na sumulat ng mga dula.” Sinasabi pa na halos lahat ng iba pang ipinapalagay bilang mga awtor “ay mga miyembro ng maharlika o nakatataas na uri.” Sa gayon, ang marami na nag-aalinlangang si Shakespeare ang awtor ay naniniwala na “tanging isang edukado at lalaking may mataas na katayuan sa lipunan ang maaaring sumulat ng mga dula.” Ngunit, gaya ng nabanggit kanina sa artikulong ito, naniniwala ang maraming awtoridad tungkol kay Shakespeare na si Shakespeare nga ang sumulat nito.

Malulutas ba ang kontrobersiyang ito sa malapit na hinaharap? Malamang na hindi. Malibang masumpungan ang bagong katibayan katulad ng orihinal na mga manuskrito o mga pangyayari upang magpaliwanag sa kaniyang nawawalang mga taon, si William Shakespeare, “ang sukdulang henyong ito ng mga salita,” ay mananatiling isang kawili-wiling palaisipan.

[Talababa]

a Maliwanag ang impluwensiya ni Christopher Marlowe sa naunang mga dula ni Shakespeare, subalit siya’y namatay sa London noong 1593 sa gulang na 29. Sinabi ng ilan na ang naiulat na pagpaslang sa kaniya sa isang taltalan sa taberna ay pagtatakip lamang at na siya’y nagtungo sa Italya, kung saan nagpatuloy siya sa kaniyang pagsusulat. Walang rekord ng kaniyang burol o libing.

[Kahon sa pahina 24]

Kakayahang Bumasa’t Sumulat at ang Pangalan

Maaaring nilagdaan ni William Shakespeare nang anim na ulit ang apat na dokumento na nakaligtas. Bahagya lamang ang nababasa sa kaniyang pangalan, at ang pagbaybay nito ay hindi pare-pareho. Sinasabi ng ilang awtoridad na maaaring mga abogado ang pumirma sa testamento ni Shakespeare para sa kaniya, na, para sa ilan, ay nagbabangon ng seryosong tanong, marunong bang bumasa’t sumulat si William Shakespeare? Walang mga manuskrito na umiiral ang isinulat niya. Naisusulat ng kaniyang anak na si Susanna ang kaniyang pangalan, ngunit walang katibayan na higit pa riyan ang nagagawa niya. Ang isa pang anak ni Shakespeare, si Judith, na malapit sa kaniyang ama, ay lumalagda sa pamamagitan ng isang marka. Hindi siya marunong bumasa’t sumulat. Walang nakaaalam kung bakit hindi tiniyak ni Shakespeare na masiyahan ang kaniyang mga anak sa walang katulad na mga pakinabang ng panitikan.

[Mga larawan sa pahina 23]

Unang mga larawan ni Shakespeare, bagaman hindi matiyak kung ano ang hitsura niya

[Credit Line]

Encyclopædia Britannica/11th Edition (1911)

Culver Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share