Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 6/8 p. 25-26
  • Ang Pagbabalik ng Globe ng London

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagbabalik ng Globe ng London
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa Loob ng Bagong Globe
  • Ang Dula
  • Ang Palaisipan Tungkol Kay William Shakespeare
    Gumising!—1998
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Dulaan, Teatro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 6/8 p. 25-26

Ang Pagbabalik ng Globe ng London

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG Globe, ang teatro na siyang tahanan ng mga dula ni William Shakespeare, ay muling itinayo malapit sa dating lokasyon nito sa Southwark, sa gawing timog ng pampang ng Ilog Thames sa London. Batay sa orihinal noong 1599, ang hugis-O at may 20-gilid na gusaling ito ay isang pangunahing pang-akit sa mga turista.

Bago magkaroon ng mga teatro sa London, ang isang popular na anyo ng libangan ay ang pagpapaaway ng mga aso sa oso o sa toro. Ang mga aso, na sinusulsulan ng naghihiyawang mga manonood, ay nagpapahirap sa isang hayop na nakakadena sa isang tulos. Nagaganap ito sa pabilog na mga arena na may baytang-baytang na mga upuan, na siyang naghanda ng daan para sa teatro. Ang mga hayop ay nakatali sa gitna ng arena, na sa dakong huli ay naging lokasyon ng entablado ng dulaan.

Pagkatapos ay naging popular ang mga dula, at naglitawan ang mga bagong teatro sa palibot ng London. Libu-libo ang nanonood sa mga ito araw-araw. Sinikap ng mga lord mayor na ipagbawal ang mga dula sa dahilang ang mga ito ay lumalapastangan at di-makadiyos. Inireklamo ng mga maypatrabaho na dahil sa mga ito ay iniiwan ng mga manggagawa ang kanilang mga trabaho, yamang ang mga dula ay nagsisimula sa ganap na ikalawa ng hapon. Ngunit ang suporta ay nanggaling kay Reyna Elizabeth I, isang tagapagtangkilik ng dulaan. Ang kaniyang Konseho ng mga Tagapayo ay nagsanggalang sa mga ito upang tiyakin na may makukuhang makaranasang mga artista upang aliwin siya. Ang samahan ni Shakespeare ay mas madalas na mapili para magtanghal sa palasyo kaysa sa iba.

Isinulat ni Shakespeare ang Henry V noong taon na magbukas ang orihinal na Globe. Kaya naman iyon ang makatuwirang napili para sa unang yugto ng pagpapalabas ng bagong dulang ito ni Shakespeare.

Sa Loob ng Bagong Globe

Bago kami pumasok para sa tatlong-oras na dula, tumingala kami sa mga ulap at umasang hindi uulan, dahil sa hindi pinahihintulutan ang mga payong at walang bubong ang gitna. Ang entablado ay nakausli sa isang bilog na may lapad na 30 metro, sa palibot nito ay may tatlong baytang ng mga upuan, na magkakasiya ang mga 1,000 katao. Pero kami ay kabilang sa mga groundling, ang 500 na nagbayad upang tumayo at manood ng dula sa bandang gitna. Nagkasiya sa orihinal na teatro ang 3,000, na siksikan nang husto. Ngunit ipinagbabawal na ito ng makabagong mga pamantayan sa kaligtasan.

Ang bubong sa ibabaw ng pabilog na lugar na may upuan ay nilagyan ng kemikal upang hindi tablan ng apoy. May karagdagang proteksiyon mula sa isang tablang di-tinatablan ng apoy at isang sprinkler system. Nawasak ang orihinal na Globe noong 1613 nang ang isang tilamsik ng apoy mula sa isang kanyon sa entablado ay nagpaningas sa bubong nito.

Ang mga groundling ay pinahihintulutang maglibot at magpatong pa nga ng kanilang kamay sa gilid ng entablado. Apat na raang taon na ang nakalilipas, ang magugulong pulutong ay kumakain at umiinom habang may palabas, at malimit na sila’y mag-away. Bilang matinding pamimintas, nanggugulo sila kapag gusto nila, anupat pumapaswit o pumapalakpak. Sila’y “masyadong nagsisiksikan,” gaya ng paglalarawan sa kanila ng isang manunulat noong panahong iyon, anupat tinawag silang “mga kadusta-dusta.”

Ang balangkas ng modernong Globe ay yari sa encina. Mga anim na libong matutulis na encinadong istaka ang sumusuhay sa mitsadong mga sugpungan. Maraming makukuhang encina noon pagkatapos na bunutin ng isang bagyo ang libu-libong punungkahoy noong Oktubre 1987. Ang pinakamahirap hanaping piraso ay ang 13-metrong biga na bumubuo sa harapan ng bubong ng entablado. Pagkatapos ng masusing paghahanap, natagpuan ang isang angkop na punungkahoy, na mahigit sa 20 metro ang taas, sa isang lugar na mga 150 kilometro ang layo sa gawing kanluran ng London.

Ang bubong ay sinusuhayan ng mga haliging marmol, o waring gayon. Pero hindi, ang mga ito ay gawa rin sa kahoy, kagaya niyaong sa unang Globe, na, gaya ng sabi ng isang tagahanga, “buong-husay na pinintahang gaya sa marmol anupat malilinlang maging ang pinakadalubhasa.”

Sa ngayon ay punô na ang mga upuan. Ang ilan sa mga groundling ay nagsisiksikan sa palibot ng entablado habang ang iba ay nakasandal sa mga dingding ng arena na yari sa tabla. Natigil ang pagkakaingay nang magpatugtog ng musika. Sa isang galerya sa gawing itaas ng entablado, may anim na musikerong ang kasuutan ay mula sa edad medya na tumutugtog ng mga instrumento noong panahon ni Shakespeare: mga trumpeta, korneta, at mga instrumentong percussion.

Ang Dula

Habang ang musika ay papalakas nang papalakas, ang mga artista ay naglalabasan at buong-lakas na tinutuktok ang kanilang mga tungkod sa entablado kasabay sa tiyempo ng musika. Sumasali ang mga groundling, anupat ipinapadyak ang kanilang mga paa. Biglang-biglang tumigil ang pagkakaingay. Isang artista at isang maikling talumpati ang nagbukas ng eksena. Matindi ang pananabik. Walang anu-ano, dalawang tauhan na may mahabang kasuutang kulay pula ang biglang pumasok sa entablado​—ang Arsobispo ng Canterbury at ang obispo ng Ely. Nagsimula ang dula, at habang ipinalalabas ito, ang pagiging doble-kara ng simbahan at pakikipagsabuwatan nito kay Haring Henry V ng Inglatera ay hahantong sa dakong huli sa pagkatalo ng Pransiya sa nabahiran-ng-dugo na mga bukid ng Agincourt.

Di-nagtagal at itinindig ang maharlikang trono, at nasumpungan namin si Haring Henry na nakikipag-usap sa tatlo sa kaniyang mga tagapaglingkod. Habang pumupuwesto sa entablado ang mga opisyal ng palasyo, patuloy naming hinahangaan ang autentisidad ng kanilang mga kasuutan mula sa edad medya. Ngunit may isang bagay na kakatwa tungkol sa mga tauhan na hindi namin maunawaan. Sinuri namin ang aming programa. Ah, oo nga, lahat ng gumaganap ay mga lalaki! Walang bahagi ang mga babae sa dulang ito noong panahon ni Elizabeth. Ayon sa isang mananalaysay na panlipunan na si G. M. Trevelyan, ang mga batang lalaki ay “mahigpit na sinasanay mula pagkabata upang gampanan ang mga papel ng mga kababaihan nang may dignidad, kasiglahan at kahusayan.” Ganiyan ang ginagawa nila sa ngayon.

Tapos na ang mga palakpak, at papalabas na kami. Lumingon kami upang sulyapan sa huling pagkakataon ang Globe, na ang ginintuang bubong, gaya ng encinadong mga kahoy nito, ay nagiging kulay abuhin. Isang pambihirang karanasan na balikan ang panahong mga 400 taon na ang nakalipas.

Pagkatapos, namasyal kami sa Shakespeare Globe Exhibition. Tumatambad sa amin ang pangalang Shakespeare sa lahat ng panig. Habang pinagmamasdan namin ang mga itinatanghal, naisip namin ang tanong, Sino nga ba ang manunulat ng dula na si William Shakespeare? Ang misteryo tungkol kay William Shakespeare ay magiging paksa ng isang artikulo sa isang isyu ng Gumising! na malapit nang lumabas.

[Larawan sa pahina 25]

Guhit ng orihinal na Globe

[Credit Line]

Mula sa aklat na The Comprehensive History of England, Tomo II

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang Globe sa ngayon

[Credit Line]

John Tramper

Richard Kalina

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share