Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/22 p. 3
  • Nadadala sa Sobrang Dami ng Pag-aanunsiyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nadadala sa Sobrang Dami ng Pag-aanunsiyo
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-aanunsiyo—Ang Malakas na Panghikayat
    Gumising!—1988
  • Ang Sining ng Panghihikayat
    Gumising!—1998
  • Ang Impluwensiya ng Pag-aanunsiyo
    Gumising!—1998
  • Pag-aanunsiyo—Gaano Kahalaga?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/22 p. 3

Nadadala sa Sobrang Dami ng Pag-aanunsiyo

“PAPA, ano ba ang dapat ianunsiyo ng buwan?” Ang kakatwang tanong na ito, na ibinangon ng isang bata, ay lumitaw sa isang tula na isinulat ni Carl Sandburg mga 50 taon na ang nakalipas. Sa hinaharap, waring hindi na kakatwa ang tanong na ito. Ayon sa magasing New Scientist, dalawang ehekutibo sa pag-aanunsiyo sa London ang bumubuo ng isang plano na gamitin ang sinag ng araw para magpaaninaw ng anunsiyo mula sa buwan.

Akalain mong gagamitin ang buwan bilang isang paskilan! Isip-isipin ang isang pag-aanunsiyo ng isang komersiyal na mensahe sa mga tagapanood sa buong daigdig, isang mensahe na hindi maaaring patayin, putulin, ihagis sa basurahan, o patahimikin sa pamamagitan ng remote control. Maaaring hindi mo magustuhan ang ideyang ito, pero sa iba ay magiging isa itong pangarap na natupad.

Bagaman ang buwan ay hindi pa naaabot ng pag-aanunsiyo, nasakop na nito ang lupa. Ang karamihan sa mga magasin at pahayagan sa Amerika ay naglalaan ng 60 porsiyento ng mga pahina nito para sa mga anunsiyo. Ang edisyon lamang tuwing Linggo ng The New York Times ay maaaring maglaman ng 350 pahina ng mga anunsiyo. Ang ilang istasyon sa radyo ay nag-uukol ng 40 minuto bawat oras para sa mga patalastas.

Nariyan pa ang telebisyon. Ayon sa isang pagtantiya, tatlong oras ng mga patalastas sa telebisyon ang napapanood ng mga kabataang Amerikano bawat linggo. Kapag nakatapos na sila sa haiskul, nakapanood na sila ng 360,000 patalastas sa TV. Ang mga telebisyon ay nag-aanunsiyo sa mga paliparan, mga hintayan sa ospital, at mga paaralan.

Ang mahahalagang okasyon sa palakasan ay malalaking okasyon ngayon para sa pag-aanunsiyo. Nagsisilbing matutulin na paskilan ang mga kotseng pangarera. May ilang atleta na ang malaking bahagi ng kinikita ay mula sa mga tagapag-anunsiyo. Isang nangungunang basketbolista ang kumita ng $3.9 milyon sa paglalaro. Siyam na ulit ng halagang iyan ang ibinayad sa kaniya ng mga tagapag-anunsiyo para itaguyod niya ang kanilang mga produkto.

Walang nalalampasan. Ang mga komersiyal na anunsiyo ay makikita sa mga pader, bus, at mga trak. Nakapalamuti ang mga ito sa loob ng mga taksi at subwey​—maging sa pintuan ng mga pampublikong palikuran. Nakaririnig tayo ng mga anunsiyo sa mga supermarket, tindahan, elebeytor​—at habang naghihintay tayo sa telepono. Gayon na lamang karami ang mga anunsiyo sa pamamagitan ng koreo sa ilang bansa anupat ang maraming nakatatanggap nito ay dumederetso kaagad mula sa buson tungo sa pinakamalapit na basurahan upang itapon ang junk mail.

Ayon sa Insider’s Report, na inilathala ng McCann-Erickson, isang pandaigdig na ahensiya sa pag-aanunsiyo, ang tinatantiyang halaga ng salaping ginugol sa pag-aanunsiyo sa buong daigdig noong 1990 ay $275.5 bilyon. Mula noon, tumaas ang bilang hanggang sa $411.6 bilyon noong 1997 at inaasahang $434.4 bilyon para sa 1998. Malaki ngang halaga ng salapi!

Ano ang epekto ng lahat ng ito? Ganito ang sabi ng isang manunuri: “Ang pag-aanunsiyo ay isa sa pinakamalalakas na puwersang panlipunan sa kultura. . . . Hindi lamang produkto ang ibinebenta ng mga anunsiyo. Nagbebenta ang mga ito ng mga katangian, simulain, tunguhin, mga ideya kung sino tayo at kung paano tayo dapat makilala . . . Hinuhubog ng mga ito ang ating mga saloobin at ang ating mga saloobin ang siyang umuugit sa ating paggawi.”

Yamang hindi mo maiwasan ang pag-aanunsiyo, bakit hindi alamin kung paano ito isinasagawa at kung paano ito maaaring makaimpluwensiya sa iyo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share