Pag-opera Nang Walang Dugo—Kinilala ang mga Pakinabang Nito
NOONG 1996, ang Royal College of Surgeons ng Inglatera ay naglathala ng isang buklet na tinatawag na Code of Practice for the Surgical Management of Jehovah’s Witnesses. Sa buklet na ito ay ganito ang sinabi ng mga siruhano: “Ang mga panganib sa pagsasalin ng dugo ay nagpapangyaring maging kanais-nais na isaalang-alang ang panghaliling mga pamamaraan kailanma’t posible.”
Ang AHA NEWS, na inilalathala ng American Hospital Association, ay nag-ulat din kung bakit kinilala ang mga pakinabang sa pag-opera nang walang dugo. “Ang nagsimula bilang isang relihiyosong paniniwala ay nagiging isang medikal na pasiya at maunlad na teknolohiya,” sabi ng lingguhang magasin na ito. “Ang paggamot at pag-opera nang walang dugo, na pinasigla sa isang banda ng mga doktrina ng mga Saksi ni Jehova, ay sumusulong nang higit mula sa pangangailangan ng isang espirituwal na samahan tungo sa mga operating room sa buong bansa.”
Ang dahilan kung bakit itinataguyod ng maraming doktor ang pag-opera nang walang dugo ay isang paksang itinampok sa edisyon noong taglagas ng 1997 sa isang suplemento ng magasing Time. “Ang takot sa AIDS ay isa lamang dahilan,” sabi ng artikulo. Ang artikulo ay partikular na nag-ulat tungkol sa ginagawa sa New Jersey Institute for the Advancement of Bloodless Medicine and Surgery ng Englewood Hospital sa Englewood, New Jersey.
Sinabi ng Time: “Ang institusyong ito ang siyang nangunguna sa mga 50 ospital sa Estados Unidos na nagsasagawa na ngayon ng pag-opera nang walang dugo. Nang hindi gumagamit ng anumang iniabuloy na dugo, nag-aalok sila ng maraming pamamaraan sa pag-opera na pangkaraniwang nilalakipan ng pagsasalin, pati na ng mga pamamaraan na doo’y lubhang naging madalang, o halos hindi na nangyayari, ang pagkaubos ng dugo.”
Mabisa at Ligtas
Itinampok sa pambungad ng artikulo sa Time ang karanasan ni Henry Jackson, na dumanas ng labis na pagdurugo sa loob ng katawan na sumaid sa 90 porsiyento ng kaniyang dugo at nagpababa sa antas ng kaniyang hemoglobin tungo sa mapanganib na 1.7 gramo bawat decilitro. Si Jackson ay dinala sa Englewood Hospital mula sa isang ospital sa New Jersey, na ayaw gumamot sa kaniya kung walang pagsasalin ng dugo.
Sa mga pasilidad ng Englewood, sa ilalim ng pangangalaga ni Dr. Aryeh Shander, si Jackson ay binigyan ng “matapang na mga timpla ng mga suplemento ng iron at bitamina, pati ng ‘matapang na dosis’ ng isang gamot na nagpaparami ng dugo, ang sintetikong erythropoietin, na nagpapasigla sa utak sa buto na gumawa ng mga pulang selula ng dugo. Sa wakas, sinaksakan siya ng mga likidong ipinapasok sa pamamagitan ng ugat upang pasiglahin ang anumang sirkulasyong natitira.”
Nag-ulat ang Time na pagkaraan ng ilang araw, “tumawag ang unang ospital upang tanungin kung patay na si Jackson. Taglay ang di-maikukubling kasiyahan, sinabi sa kanila ni Shander, ‘Hindi lamang siya buháy, kundi magaling na siya at puwede nang pauwiin, at malapit na siyang makabalik sa mga dati niyang ginagawa.’ ”
Sa isang panayam sa telebisyon noong Nobyembre 28, 1997, ipinaliwanag ni Dr. Edwin Deitch, ang medikal na direktor para sa programa sa paggamot nang walang dugo sa University Hospital, Newark, New Jersey, kung paano nagsimula ang pagsasaliksik sa pag-opera nang walang dugo: “Ang mga Saksi ni Jehova . . . ay nagsikap nang husto upang hanapin ang mga taong mag-oopera nang walang dugo. Ang ilang resulta ng mga pag-aaral na iyon ay nagpakita na mas mabuti ang nangyari sa kanila kaysa sa inaasahan, [kaysa sa] mga taong nagpasalin ng dugo.”
Sinabi pa ni Dr. Deitch: “Maaaring pahinain ng dugo ang sistema ng imyunidad at lumikha ng mga suliranin sa impeksiyon pagkatapos ng operasyon; maaari nitong palubhain ang panganib sa isa na may pabalik-balik na kanser, kaya ang dugo, bagaman nakabubuti sa ilang kalagayan, ay lumilitaw na may masamang epekto.” Tungkol sa pag-opera nang walang dugo, sinabi ni Dr. Deitch: “Maliwanag na bumubuti ang resulta sa mga pasyente dahil nababawasan ang mga komplikasyon, at hindi [ito] magastos. At, samakatuwid, talagang kapaki-pakinabang ito sa lahat ng kalagayan.”
Kaya naman, gaya ng sinabi ng Time, “parami nang paraming pasyente ang humihiling ng mas ligtas at mas mabibisang pagpipilian kaysa sa pagsasalin.” Nag-ulat din ang magasin: “Ayon sa ilang pagtantiya, 25% ng mga pagsasalin sa Estados Unidos ay hindi naman kailangan. May mga pahiwatig din na hindi makakaya ng mga pasyente ang mga antas ng hemoglobin na kasintaas ng dating inaakala at na ang mga kabataan lalo na ay may likas na reserba ng dugo. . . . Kumbinsido [si Shander] na ang hindi paggamit ng dugo ay isang mabisa at kanais-nais na pasiya para sa karamihan ng mga pasyente.”
Bagaman isang malaking panganib ang mahawahan ng sakit sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, mayroon pang iba. “Ang inimbak na dugo, matapos na ito’y palamigin at itabi, ay hindi nagtataglay ng kakayahan ng sariwang dugo na maghatid ng oksiheno,” paliwanag ni Dr. Shander. “Nagsisimula pa lamang na maunawaan namin kung ano ang aming ginagawa kapag nagsasalin kami.”
“Ang Gintong Pamantayan”
“Sa katapus-tapusan,” sabi ng Time, “nariyan ang halaga: sa halos $500 para sa bawat pagsasalin, kasali na ang mga dagdag na halaga sa paglalapat nito, ang kabuuang halaga ay umaabot sa pagitan ng $1 bilyon at $2 bilyon taun-taon, sapat nang dahilan para isaalang-alang ang mga panghalili.” Ang napakalaking halaga ng pagsasalin ng dugo ay waring isa ngayong pangunahing dahilan kung bakit naging napakapopular ang pag-opera nang walang dugo.
Ganito ang sabi ni Sharon Vernon, direktor ng Center for Bloodless Medicine and Surgery sa St. Vincent Charity Hospital, Cleveland, Ohio, tungkol sa paggamot sa mga pasyente nang hindi gumagamit ng dugo: “Sumusulong ito dahil kinikilala ng mga manggagamot na ang paggamot nang walang dugo ang gintong pamantayan sa isang kalagayang nagbabawas ng mga gastusin. Naging karanasan namin na maging ang mga kompanya sa seguro na hindi karaniwang nakikipag-ugnayan sa amin, ay nagpapadala sa amin ng kanilang mga tauhan, sapagkat dito’y nakatitipid sila ng salapi.”
Maliwanag, mabilis na kinikilala ng komunidad ng mga manggagamot ang pag-opera nang walang dugo, at iyon ay sa maraming kadahilanan.
[Kahon sa pahina 11]
Kamakailang mga Desisyon ng Hukuman
Makahulugan ang dalawang desisyon ng hukuman sa estado ng Illinois, E.U.A., noong Nobyembre at Disyembre ng 1997. Sa una, si Mary Jones, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay pinagkalooban ng $150,000 bilang bayad-pinsala dahil sa siya’y sinalinan ng dalawang yunit ng dugo noong 1993 sa kabila ng kaniyang maliwanag na pagtutol sa ganitong paraan ng paggamot. Ito ang pinakamalaking halaga kailanman na nakuha ng isang Saksi dahil sa emosyonal na pinsalang naranasan bunga ng di-ninanais na pagsasalin ng dugo.
Ang pangalawang kaso ay nagsasangkot sa noo’y nagdadalang-taong Saksi na si Darlene Brown, na sapilitang sinalinan ng dugo alang-alang sa kaniyang fetus na 34 na linggo ang gulang. Noong Disyembre 31, 1997, ipinaliwanag ng Illinois Appellate Court ang desisyon nito sa pagsasabing “ang pagsasalin ng dugo ay isang mapanghimasok na paraan sa paggamot na lumalabag sa integridad ng isang adulto may kinalaman sa kaniyang katawan.” Binuod ng Appellate Court ang pasiya nito sa pagsasabing “sa ilalim ng batas ng Estadong ito, . . . hindi namin maaaring igiit sa isang babaing nagdadalang-tao ang legal na obligasyon na pumayag sa isang mapanghimasok na paraan ng paggamot.”
Noong Pebrero 9, 1998, binaligtad ng Mataas na Hukuman ng Tokyo ang desisyon ng isang mas mababang hukuman, na nagpasiyang may-katuwiran ang isang doktor sa pagsasalin ng dugo kay Misae Takeda sa isang operasyon noong 1992. Ipinahayag ng Mataas na Hukuman na “dapat igalang ang karapatan ng pasyente na pumili ng paggamot. Labag sa batas ang isinagawang pagsasalin ng dugo.” Pinagkalooban si Misae Takeda ng bayad-pinsala na nagkakahalaga ng 550,000 yen ($4,200).