Nakatulong sa Pagsulong ng Operasyon sa Puso ang mga Saksi ni Jehova
ANG Daily News ng New York ng Agosto 27, 1995, ay may ganitong ulong-balita sa kanilang ulat, “Ang Walang-Dugong Operasyon.” Sinabi nito na ang New York Hospital-Cornell Medical Center ay “magsisiwalat ng isang malaking pagbabago sa paraan ng operasyon sa puso—ang operasyon ding iyon na kamakailan ay hiniling ni dating-Alkalde David Dinkins—nang hindi nawawalan ng kahit na ga-patak na dugo.”
“Dahil sa pinukaw ng pagkabahala ng mga Saksi ni Jehova,” sabi ng pahayagan, “ang kamangha-manghang bagong pamamaraan . . . ay makikita sa daan-daang libong dolyar na matitipid ng mga ospital at lubhang malaking kabawasan sa panganib ng pagkahawa sa dugo ng mga pasyente.” Ganito ang sabi ni Dr. Todd Rosengart, patnugot ng programa ng ospital na walang-dugong operasyon: “Nagagawa na namin ngayon na bawasan ang dami ng dugong isinasalin na kailangan sa panahon ng operasyon mula sa pangkaraniwang dalawa hanggang apat na unit sa bawat pasyente hanggang sa walang dugo.”
Si Dr. Karl Krieger, isang siruhano sa puso ng ospital, na tumulong sa pagpapasimula ng pamamaraan, ang nagsabi: “Sa pamamagitan ng pag-aalis sa pangangailangan para sa nagkakaloob ng dugo at mga produkto ng dugo, nababawasan din natin ang panganib ng lagnat at mga impeksiyon pagkatapos ng operasyon na karaniwang kaugnay ng mga pagsasalin.”
Sinasabi ng ilang dalubhasa na “nababawasan ng walang-dugong operasyon ang oras na ipinamamalagi sa intensive care pagkatapos ng operasyon—mula sa 24 na oras o mahigit pa tungo sa anim na oras na lamang. Ang mga piniling pasyente na di-sinalinan ng dugo ay mas madaling gumaling at nakalabas ng ospital ng 48 oras na mas maaga.” Nangangahulugan iyan ng malaking tipid para sa mga ospital, pamahalaan, at mga kompanya sa seguro. Tinataya ni Dr. Rosengart na “maaaring makatipid sa operasyong ito nang di-kukulangin sa $1,600 bawat pasyente.”
Ganito pa ang pagpapatuloy ng ulat ng Daily News:
“Balintuna, ang bagong operasyon ay pinasimulan hindi dahil sa pangangailangang pang-ekonomiya o pangmedikal man, kundi dahil sa relihiyosong kasigasigan. Ang samahan ng mga Saksi ni Jehova—na sa kanilang paniniwala ay ipinagbabawal ang mga pagsasalin—ay humihingi ng tulong para sa may edad nang mga miyembro na namamatay dahil sa sakit sa puso. . . .
“Dahil sa pagpupumilit ng grupo ng mga Saksi ni Jehova, pinagsama ng mga doktor ang kanilang nagliligtas na pamamaraan sa dugo at mga bagong gamot. Natuklasan din nila ang bagong paraan ng paggamit ng dati nang makina sa puso at baga na ginagamit upang mapanatiling buháy ang mga pasyente sa panahon ng operasyon sa puso.
“Karagdagan pa sa 40 pasyenteng mga Saksi ni Jehova na bumubuo sa unang klinikal na pagsusuri, noong nakalipas na anim na buwan ipinakilala ng pangkat ng New York-Cornell ang operasyon sa lahat ng pasyente. ‘Sapol noon, nabuo nila ang 100 sunud-sunod na operasyong walang-dugo nang walang namamatay,’ sabi ni Krieger. Ang bilang ng namamatay sa normal na operasyon sa puso ay halos 2.3%.”
Sa buong daigdig 102 ospital ang nagdagdag ng programa ng walang-dugong operasyon sa kanilang mga pasilidad, ginagawa ang mas ligtas na mga pamamaraang ito sa operasyon para sa lahat ng pasyente sa buong daigdig.