Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/22 p. 23-25
  • Ang Panlasa—Regalo ng Isang Maibiging Maylalang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Panlasa—Regalo ng Isang Maibiging Maylalang
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Panlasa at ang Kasaysayan ng Daigdig
  • Ang Papel ng Dila
  • Kung Paano Gumagana ang Panlasa
  • Pagkagusto sa Isang Lasa
  • Kapag Nagkadiperensiya ang Panlasa
  • Isang Pagpapalang Mula sa Diyos
  • Ang Iyong Panlasa
    Gumising!—2008
  • Ang Ating mga Pandamdam—Pambihirang mga Kaloob
    Gumising!—1989
  • Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova
    Umawit Nang Masaya kay Jehova
  • ‘Tikman at Tingnan na si Jehova ay Mabuti’
    Umawit kay Jehova
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/22 p. 23-25

Ang Panlasa​—Regalo ng Isang Maibiging Maylalang

“SA [limang] pandamdam,” ang sabi ni Linda Bartoshuk, isang nangungunang mananaliksik sa panlasa, “ang panlasa ang reyna.” Ang pagtikim ay isang kaayaayang karanasan na nagsasanggalang sa atin sa pamamagitan ng pagtulong sa ating makilala kung ano ang maaaring kainin at kung ano ang nakasasama.

Ang kahanga-hangang panlasa ay nagpapahintulot sa ating masiyahan sa tamis ng isang sariwang kahel, ang nakarerepreskong lamig ng sorbetes na may yerbabuena (mint), ang matapang na paít ng isang tasang kape kung umaga, at ang katamtamang timpla ng lihim na mga sangkap sa sarsang ginawa ng kusinero. Gayon na lamang ang impluwensiya ng panlasa anupat ang mga katangian ng tao ay iniuugnay rito.

Marahil ay nakakilala ka ng ilang taong matamis magmahal o malambing. Sa kabilang dako, maaaring nasabi mong matabang ang isang kasama kung siya’y walang kabuhay-buhay. Ang taong nagtatanim ng galit sa isa ay maaaring sabihing may mapait na kalooban. Ang Bibliya, halimbawa, ay bumabanggit tungkol sa “mga lalaking mapapait ang kaluluwa,” at ito rin ay may binanggit hinggil sa “mapait na pananalita.”​—Hukom 18:25; Awit 64:3; 2 Samuel 17:8.

Ang Panlasa at ang Kasaysayan ng Daigdig

Ang panlasa ay isang pangunahing salik sa mga paglalakbay para sa pagtuklas noong ika-15 at ika-16 na siglo. Mga 500 taon na ang nakalipas, naglayag si Vasco da Gama sa palibot ng dulo ng Aprika papuntang India at pabalik sa Portugal, na may dala-dalang mga espesya. Sa sumunod na tatlong siglo, nag-alitan ang mga bansa sa Europa, nang ang Pransiya, Gran Britanya, Holland, Portugal, at ang Espanya ay naglaban-laban sa pagkontrol sa mga pinagmumulan ng espesya.

Maaari mong itanong, ‘Bakit maglalabanan at magpapatayan ang mga bansa dahil lamang sa espesya?’ Upang mabigyang-kasiyahan ang panlasa! Oo, ang pagnanais ng mga taga-Europa para sa mga espesya ay gayon na lamang katindi. Hanggang sa kasalukuyan ang modernong industriya, komersiyo, at agham ay pawang nagbibigay-kaluguran sa panlasa.

Ano ba talaga ang panlasa? At paano ito gumagana kaugnay ng iba pa nating pandamdam?

Ang Papel ng Dila

Ang dila ay isang mahalagang bahagi sa ating sangkap ng panlasa. Karamihan sa ating mga taste bud ay matatagpuan doon, bagaman ang ilan ay matatagpuan sa ibang mga bahagi ng bibig at sa lalaugan (esophagus). Tingnan mo nang malapitan ang iyong dila sa harapan ng salamin. Pansinin ang maliliit na usli na nagbibigay ng tulad-pelus na kayarian sa iyong dila. Ang mga ito ay tinatawag na papillae. Ang maliliit na taste bud ay nakakumpol sa loob ng papillae na nasa balat ng dila. “Ang bawat taste bud ay naglalaman ng 100 o halos gayon karaming selulang panlasa,” ang sabi ng magasing Science, “na, kapag napakilos, ay nagpapangyari sa isang selulang pang-nerbiyo na magdala ng mensahe sa utak.”

Maaaring malaki ang pagkakaiba ng dami ng taste bud sa iba’t ibang tao at ito’y nakaaapekto sa panlasa. Maaaring magkaroon ang dila ng tao ng kasindami ng 10,000 taste bud o kasing-unti ng 500. Si Inglis Miller, na nag-aral hinggil sa pagkakayari ng mga taste bud ay may ganitong puna: “Mas maraming nalalasahan ang mga taong may nakahihigit na dami ng taste bud; kaunti ang nalalasahan ng mga taong may kaunting taste bud.”

Kung Paano Gumagana ang Panlasa

Ang panlasa ay isang napakamasalimuot na pandamdam. Sa tunay na diwa, ito’y may kaugnayan sa kimika. Ang tinunaw na mga kemikal na sangkap mula sa pagkaing nasa bibig ang pumupukaw sa mga tagatanggap ng lasa (taste receptors) na nakausli sa mga maliliit na butas sa ating dila. Ang mga selulang tumatanggap (receptor cells) ay napapakilos at gumaganyak sa mga selulang nerbiyo (neurons) na maghatid ng mensahe sa utak mula sa taste bud.

Kamangha-mangha, ang isang taste bud ay nakapupukaw sa maraming iba’t ibang neuron, at ang isang neuron ay maaaring tumanggap ng mga mensahe mula sa ilang taste bud. Walang sinuman ang eksaktong nakaaalam kung paano ito naipagbubukud-bukod ng mga tagatanggap ng lasa at ng masalimuot na sistema nito. Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Ang mga damdaming nauunawaan ng utak ay maliwanag na dulot ng isang masalimuot na kodigo ng tulad-kuryenteng mga mensahe na inihahatid ng mga selulang tagatanggap ng lasa.”

Sangkot din ang iba pang mga pandamdam sa karanasang iniuugnay natin sa panlasa. Ang The New Book of Popular Science ay bumanggit: “Minsan ay hindi nalalaman ng isa kung kaniya bang tinitikman o inaamoy ang isang bagay.” Halimbawa, maaaring madaanan natin ang isang panaderya at malanghap ang amoy ng bagong lutong tinapay. Tayo ay naglalaway. At kung tayo’y pumasok sa panaderya at makita ang tinapay at marahil mahawakan ito, lalo nang napupukaw ang ating pandamdam. Gustung-gusto na nating tikman iyon!

Kung gayon, ano ba itong panlasa? Ang magasing Omni ay nagpapaliwanag: “Ang tinutukoy na panlasa ng isang ordinaryong tao ay sa katunayan, ang pagsasama-sama at pagtutulungan ng iba’t ibang damdamin: pang-amoy, panlasa, pagsalat, kayarian, paningin, kemikal na mga reaksiyon (ang anghang ng siling labuyo, ang kalamigan ng yerbabuena), at temperatura.”

Sa kabilang dako, tulad ng ipinagpatuloy ng artikulo, “ang panlasa . . . ay napakasimple. Tayo’y nakakakilala sa apat (at apat lamang) na lasa: matamis, maalat, maasim, at mapait.” Bagaman karaniwan nang binabaha-bahagi ang dila ayon sa mga parte na sensitibo sa isang partikular na lasa, pinaniniwalaan ngayon na ang isang taste bud saanmang bahagi ito naroroon sa dila ay makalalasa ng lahat ng apat na lasang ito.

Gayunman, marami pang mga bagay ang hindi nalalaman tungkol sa kimika ng panlasa. Halimbawa, hindi naiintindihan kung bakit ang pagdaragdag ng ilang patak ng maasim na katas ng kalamansi ay lalong nagpapasarap sa maalat na lasa ng pagkain. At kawili-wili ring pansinin na ang mga lasang matamis, maasim, at maalat ay nagbibigay ng tulad-kuryenteng mensahe sa mga selulang panlasa, samantalang ang mapait ay nagpapangyaring maghatid ang mga selulang ito ng isang kemikal na mensahe.

Pagkagusto sa Isang Lasa

Malamang, nagustuhan mo ang lasa ng mga pagkaing ayaw mo sa simula. Ito’y maaaring totoo hinggil sa mga pagkaing tulad ng olibo, kesong asul (blue cheese), singkamas, maanghang na mga espesya, at mapapaít na inumin at gulay. Mula pa noon, ang “mapapait na gulay,” tulad ng escarola (endive) at atsikorya (chicory), ay nagbibigay ng pantanging lasa sa mga pagkain at ensalada. Ngunit dapat na maturuan ang iyong panlasa upang masarapan ito sa paít.​—Exodo 12:8.

Ang mga pag-aaral ay nagpapahiwatig na malaki ang impluwensiya ng mga kalagayang doon mo natikman ang isang pagkain para magustuhan mo ang pagkaing yaon. Halimbawa, may isang babae na hindi pa kailanman tumikim ng bologna. Kahit ang hitsura at amoy nito ay di-kanais-nais sa kaniya dahil hindi rin gusto ng kaniyang ina ang bologna. Ngunit isang araw, nang siya’y nasa mga edad 20, labis siyang nagutom, at natuklasan niyang walang anumang puwedeng kainin kundi ang bologna. Kaya siya’y kumain nang kaunti at nagulat nang kaniyang maibigan ang lasa nito!

Samakatuwid, kung nais mong magustuhan ang lasa ng isang bagong pagkain, tikman mo ito kapag ikaw ay gutom na gutom. At kung ikaw ay isang magulang, tandaan na ang reaksiyon mo sa ilang pagkain, pati na rin ang mga kalagayan kung saan inihahain mo ang mga ito, ay makaaapekto sa iyong mga anak. Gawing kasiya-siya ang kapaligiran kapag naghahain ng bagong mga pagkain. Isangkot ang iyong anak. Ang isang manunulat ay nagmungkahi:

“Samantalang naghahanda ng pagkain, panatilihing nasa isang upuan o playpen sa kusina ang iyong sanggol o maliit na anak. Kaniyang makikita at maaamoy ang mga pagkain ng pamilya sa isang maligaya at maalwang kalagayan​—at matututuhan ang mga bagay tungkol dito kahit na wala pa siya sa hustong gulang upang kainin ang mga ito. Pagkaraan ng ilang buwan, maaari mo siyang bigyan ng maliliit na piraso ng iyong inihahanda, hilaw man ito o medyo luto.”

Idinagdag pa niya: “Maaaring kailanganin dito ang patiunang paghahanda at mas malaking oras, ngunit humanap ng mga simpleng paraan upang kahit minsan ay makatulong ang iyong anak sa paghahanda ng isang bago o inaayawang pagkain. Himukin ang pagtikim habang naghahanda. Ang iyong tagatulong ay magiging masaya at gutom sa kaniyang pagtikim​—tamang-tamang mga kalagayan para maging matagumpay ang pagpapakilala ng isang bagong pagkain.”

Kapag Nagkadiperensiya ang Panlasa

Nakalulungkot, ang kakayahang makalasa ay maaaring pumurol sa pagtanda, tulad ng ipinahiwatig ng matandang kaibigan ni Haring David na si Barzillai nang kaniyang sabihin: “Ako ay walumpung taong gulang na ngayon. . . . Matitikman pa ba ng iyong lingkod ang kinakain ko at ang iniinom ko?” (2 Samuel 19:35) May iba pa ring salik na sangkot sa pagkabawas ng kakayahang makalasa o sa tuluyang pagkawala pa nga nito.

Ang suliranin ay maaaring bunga ng pinsala sa ulo, isang alerdyi, isang impeksiyon, mga gamot, pagkalantad sa nakalalasong mga kemikal, o kahit ang simpleng sipon. Ang tindi ng panlulumo ng mga hindi na nakaaamoy at nakalalasa ay makabagbag-damdaming inilarawan ng isang dumanas ng gayong kawalan. Kaniyang isinulat: “Labis na nating nakasanayang malanghap ang mabangong amoy ng kape at ang matamis na lasa ng mga kahel anupat kapag naiwala natin ang mga pandamdam na ito, parang halos nakalimutan na nating huminga.”

Ang tinatawag na phantom taste ay isang mahirap na sakit sa panlasa na nagpapangyaring malasahan ng isa ang bagay na sa pakiwari niya ay nasa pagkain subalit sa totoo’y wala naman. Minsan, ang mga may sakit ng kanser na sumailalim sa kemikal na panggagamot (chemotherapy) ay nakararanas ng pagbabago sa panlasa at pang-amoy.

Isang Pagpapalang Mula sa Diyos

Tunay na kasiya-siya kung ang ating panlasa ay matalas! May kalugurang naaalaala ng mga may-edad ang mga lasang kanilang natamasa noong kanilang kabataan​—ang hinog na mga prutas na kapipitas pa lamang o ang pantanging mga pagkain na inihanda. Na talagang nais ng ating Maylalang na tamasahin natin ang gayong mga kalugurang dulot ng panlasa ay maliwanag na ipinakikita sa kaniyang pangako ng isang piging “ng malalangis na putahe na puno ng utak sa buto” sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan, kung saan ang paghihirap, katandaan, at kamatayan ay mawawala na.​—Isaias 25:6-9; Job 33:25; Apocalipsis 21:3, 4.

Totoong pinayayaman ng panlasa ang ating buhay. Kung wala nito, walang kabuhay-buhay ang pagkain anupat para lamang itong pagsasalin ng gasolina sa isang sasakyan. Tunay, ito ay isang pagpapala mula sa isang napakarunong at maibiging Maylalang!

[Larawan sa pahina 24]

Turuan ang iyong anak na masiyahan sa masustansiyang mga pagkain

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share