Pagmamasid sa Daigdig
Pagtantiya sa Halaga ng Walang-Kasinghalaga
Labintatlong siyentipiko mula sa ilang bansa ang nagtipon ng isang ulat na nagtatantiya ng halaga sa dolyar ng kasaganaan ng kalikasan. Ang mga siyentipiko ay gumamit ng mahigit sa 100 inilathalang mga pag-aaral upang tantiyahin ang kahaliling halaga bawat ektarya ng iba’t ibang serbisyo na inilalaan ng lupa. (Ang isang ektarya ay katumbas ng mga 2.5 akre.) Halimbawa, ipinakita ng isang pag-aaral na sa bawat ektarya ng mga latian na ginagamit para sa pagtatayo ng mga gusali sa Estados Unidos, “ang nawalang kakayahan na sumipsip ng tubig na baha ay nagpalaki sa pinsalang dulot ng baha taun-taon sa halagang mula sa $3300 hanggang $11,000,” sabi ng magasing Science. Bagaman ipinagwawalang-bahala ng marami ang likas na mga kalakal at serbisyo ng lupa, tinatantiya ng mga siyentipiko na ang taunang halaga sa salapi ng mga ito ay $33,300,000,000,000—halos doble ng pinagsamang kabuuang pambansang produkto ng buong daigdig.
Dinalaw ng Papa ang Cuba
Sa kaniyang pagdalaw sa Cuba noong nakaraang Enero, binalangkas ni Papa John Paul II ang pag-asa ng Simbahang Katoliko para sa mas malawak na papel sa lipunan sa Cuba. Ayon sa L’Osservatore Romano, sinabi niya na ang mga magulang ay “dapat na makapamili para sa kanilang mga anak . . . ng moral at pangmamamayan na pag-aaral at ng relihiyosong impluwensiya na magpapangyari sa kanila na magtamo ng mahalagang edukasyon.” Bagaman nais ng papa na muling buksan ang mga paaralang Katoliko sa bansa, sinasabi ng mga opisyal sa Cuba na ibig nilang panatilihin ang kontrol ng Estado sa edukasyon ng publiko. Kung tungkol naman sa pangmalas ng pamahalaan ng Cuba sa pagdalaw ng papa, nagkomento ang magasin sa Pransiya na Le Monde Diplomatique: “Itinuturing ni Fidel Castro na ang pagdalaw ay isang tagumpay sa pagtatakwil na naranasan ng kaniyang rehimen.” Bagaman ang ilan sa mga pahayag ng papa samantalang nasa Cuba ay maliwanag na may bahid ng pulitika, ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling neutral sa pulitika sa kanilang mga relihiyosong gawain.
Pinakamahabang Buhok sa Daigdig
Si Hoo Sateow, isang 85-taong-gulang na miyembro ng tribong Hmong sa hilagang Thailand, ay hindi nagpagupit ng kaniyang buhok sa loob ng halos 70 taon. “Ipinagupit ko ito nang ako ay 18, at nagkasakit ako nang malubha,” sabi ni Hoo. Sinukat kamakailan ng isang tagapagpasiya para sa Guinness Book of World Records sa habang 520 centimetro, ang kaniyang buhok ang pinaniniwalaan ngayon na siyang pinakamahaba sa daigdig, ulat ng Associated Press. Pinaliliguan ni Hoo ang kaniyang buhok nang minsan sa isang taon at isinasampay iyon sa isang balag para matuyo. Ang kaniyang 87-taong-gulang na kapatid na lalaking si Yi, na huling nagpaputol ng kaniyang buhok noong 1957, ang pinakamahigpit na karibal ni Hoo. Subalit ang buhok ni Yi ay mas mahaba sa naunang may hawak ng rekord, isang babaing taga-India na ang buhok ay may habang 420 centimetro. Itinuturing ni Hoo na isang bentaha ang pagkakaroon ng gayong mahabang buhok, lalo na sa bandang itaas ng malalamig na bundok ng Thailand. “Nakatutulong ito para manatili akong mainit,” sabi niya.
Tatlong Pananaw sa Kasaysayan
Ang mga batang nag-aaral sa Bosnia ay tinuturuan ng tatlong bersiyon ng kasaysayan, sining, at wika ng rehiyon. Ang naririnig nila ay depende sa kung alin sa tatlong pangunahing grupong etniko ang may kontrol sa kanilang kurikulum, ulat ng The New York Times. Halimbawa, natutuhan ng mga estudyante sa lugar na kontrolado ng Silangang Ortodoksong Serbia na ang taong pumatay kay Arkiduke Ferdinand noong 1914 at nagbunsod sa unang digmaang pandaigdig ay “isang bayani at isang makata.” Ang Croatianong estudyanteng Romano Katoliko ay sinasabihan na siya ay isang “mamamatay-tao na sinanay at inutusan ng mga Serbiano upang gawin ang ganitong terorismo.” Ang bersiyon naman ng mga Muslim ay naglalarawan sa kaniya bilang “isang makabayan na ang ginawa ay nagpasiklab ng kaguluhan laban sa mga Serbiano na napahinto lamang ng pulisya mula sa tatlong grupong etniko.” Hinihilingan ang mga estudyante na ipakilala ang kanilang sarili bilang Serbiano, Muslim, o Croatiano para maibukud-bukod sa iba’t ibang silid-aralan ayon sa lahi, sabi ng ulat.
Mas Luntiang Damo sa Istadyum
Ipinagmamalaki ng isang 28,000-upuang istadyum na itinayo para sa Olandes na samahang pang-football na Vitesse Arnhem ang isang palaruan na may magandang damuhan at mayroon ding bubong. Mahirap pagtugmain ang dalawang katangiang ito, yamang pinakamaganda ang pagtubo ng damo kapag naaarawan at nauulanan ito. Kung wala nito, ang damo ay maninilaw at malalanta. Nalutas ang suliraning ito sa pamamagitan ng disenyo ng gusali, ulat ng magasing New Scientist. Ang palaruan ay nasa ibabaw ng kongkretong ohas na dumudulas sa plastik na patungan. Kapag hindi ginagamit, ang buong 11,000-toneladang palaruan ay maaaring alisin sa istadyum at dalhin sa labas sa pamamagitan ng apat na pambombang pinaaandar sa pamamagitan ng tubig. Isang karagdagang bentaha ng ganitong kaayusan ang bagay na pagkatapos nito, ang kongkretong sahig ng istadyum ay magagamit para sa mga konsiyerto at katulad na mga okasyon.
Mga Pinsala sa Trampoline
Ang mga trampoline ay naging lalong popular nitong nakaraang mga taon, ngunit dumami rin ang napinsalang mga bata, sabi ng The New York Times. “Ang mga tao ay may maling akala na malambot at tulad-kutson ang mga trampoline,” sabi ni Dr. Gary A. Smith, ng Children’s Hospital sa Columbus, Ohio, E.U.A. Sinabi ni Dr. Smith na ang mga bata ay nasasaktan sa pagkahulog sa trampoline, maling pagbagsak sa pinakasapin, pagkabangga sa isa pang batang kasabay na tumatalon, o pagtama sa sahig na walang sapin. Sinabi pa niya na lalo nang mapanganib ang mga trampoline na may nakakabit na hagdan sapagkat naaakyat ang trampoline ng maliliit na bata, na siyang pinakamadaling mapinsala. Iminumungkahi ni Ann Brown, ng Consumer Products Safety Commission, na ang mga batang wala pang anim na taong gulang ay hindi dapat tumalon sa mga trampoline at na isa-isa lamang bata ang dapat tumalon. Sinabi niya: “Kagaya sa isang swimming pool, kailangang laging bantayan ang isang batang nasa trampoline.”
Hindi Kailanman Nabibigo ang Pag-ibig
“Ang mga tin-edyer na masyadong malapit sa kanilang mga magulang at guro ay malamang na hindi gumamit ng droga at alak, magtangkang magpatiwakal, maging marahas o maging aktibo sa sekso sa murang edad,” ulat ng The Washington Post. Natuklasan din ng mga mananaliksik sa University of Minnesota at University of North Carolina sa Chapel Hill na nangyayari ito nakatira man ang isang bata sa isang sambahayan na may isa o dalawang magulang. Ang mahalaga, nadarama ng bata na siya ay minamahal, pinahahalagahan, at nauunawaan. Ang isa pang salik na idiniin sa pag-aaral ay “ang kahalagahan ng pananatili ng mga magulang na lubhang interesado sa buhay ng kanilang mga anak sa mga taon ng pagkatin-edyer, kahit na kung nadarama nila na nababawasan na ang kanilang bahagi,” sabi ng Post.
Ulirang mga Tagapangalaga
Gumagamit ang Royal Navy ng Britanya ng mga kambing upang mapangalagaan ang mga ladrilyo ng isang makasaysayang kuta sa tabing-dagat, ulat ng The Sunday Telegraph. Ang mga ugat ng kambron, mga punungkahoy, at mga panirang damo ay sumisira sa mga ladrilyo at argamasa. Sa normal na paraan ng pagbunot sa mga ito ay kasali ang paggamit ng magagastos na lagari at pamatay ng halaman, na maaaring maging mapanganib. Bukod dito, maaaring masira sa pamamaraang ito ang di-pangkaraniwang mga halaman, lumot, at mga kulisap. Gayunman, hindi lamang mura ang halaga ng paggamit ng maliliksing kambing kundi nababawasan din ng mga ito ang pinsala sa nanganganib malipol na mga halaman at buhay-iláng. Ganito ang sabi ng kasanggunian sa pamamaraang ito, si Mike Beauchamp: “Sa loob ng 10 taon, karamihan ng mga lupon sa pangangalaga ay gagamit ng mga kambing para sa panimulang pagsasauli ng mga palumpong.”
Mararahas na Laro sa Computer
Ang isa sa pinakamarahas na laro sa computer na nagawa kailanman, ang Quake II, ay binago upang maging lalong marahas. Ang programa ay “nakaakit sa isang kulto sa pamamagitan ng pagwiwisik ng dugo at mga sangkap ng katawan sa mga iskrin ng computer ng mga naglalaro,” ulat ng The Wall Street Journal. “Kulang daw ang dugo, ayon sa tugon na nakuha namin,” sabi ng pangunahing nagprograma na si John Carmack, “kaya nagdagdag pa kami.” Pinapangyayari ng Quake II na magpakasasa ang mga manlalaro sa isang “paghahalo ng pagpaslang” sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa maraming iba pang manlalaro sa Internet sa mga duelong tinatawag na mga death match. Ang isang bahagi ay nagpapangyari sa mga manlalaro na makagawa ng mahalay na mga kumpas sa kanilang mga kalaban. Ang mga nagprograma at dibuhista na bumuo ng laro ay “nagtrabaho sa isang paraiso ng mga manlalaro na doo’y kalakip ang isang silid para sa mga nagbubuhat ng mga barbel at isang kusinang punung-puno ng mga sitsiriya. Ang numero ng mga silid ay 666, isang pagbanggit . . . sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis.”
Isang Bibliya na Walang Diyos
Isang manggagamot na Danes ang naglathala ng isang muling-isinulat na bersiyon ng Hebreong Kasulatan—na doo’y inalis ang lahat ng pagtukoy sa Diyos. Naniniwala si Dr. Svend Lings na ang Diyos at ang pananampalataya “ay mga bagay ng panahong nagdaan na mang-aalipin lamang sa atin,” ulat ng pahayagan sa Denmark na Kristeligt Dagblad. Sinabi ni Lings na maraming tao ang nalulungkot at nasisiraan ng loob. “Nabubuhay tayo sa isang kulturang maka-Judio at Kristiyano,” sabi ni Lings. “Kaya ang kulturang maka-Judio at Kristiyano ang tiyak na may pananagutan sa ating kalungkutan.” Sa pamamagitan ng kaniyang bagong bersiyon ng Bibliya, ang layunin ni Lings, ayon sa pahayagan, ay “yanigin ang mga pundasyon ng ating kultura.” Sa Bible Without God ni Lings, ang Genesis 3:12 ay kababasahan: “Naisip ni Adan: ‘Ang babaing nasa tabi ko ang nagbigay sa akin ng bungang-kahoy mula sa puno, at saka ko kinain.’ ” Nagtanong ang Kristeligt Dagblad: “Hindi ba ito katulad ng pag-aalis ng tubig sa niyebe upang makita kung ano pa ang matitira?”