Pagmamasid sa Daigdig
Pandaigdig na mga Suliranin sa Kalusugan
“Habang papasok tayo sa ika-21 siglo, atin pa ring nasasaksihan na ang mga nakahahawang sakit ang dahilan ng 33% ng mga namamatay sa buong daigdig,” ang sabi ni Dr. David Heymann ng World Health Organization. May ilang salik na nagpalala sa suliraning ito. Ang The Journal of the American Medical Association ay nagsabi na ang pagdami ng populasyon, nabigong mga programa sa pagbabakuna, pagsisiksikan, mga pagbabago sa kapaligiran, at ang pagsamâ ng pampublikong sistema para sa kalusugan sa buong daigdig ay pawang may ginampanang bahagi. Kasama sa iba pang mga salik ang sapilitang pandarayuhan, mga nagsilikas, at ang pagsulong ng paglalakbay sa daigdig—na pawang tumutulong sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit. “Wala talagang dahilan para magkaganito,” ang sabi ni Dr. Heymann. “May mga kagamitan upang malabanan o masugpo ang ganitong mga sakit.”
Ang mga Mormon at ang Pulitika
Pinasigla ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (LDS) ang mga miyembro nito sa Estados Unidos na maging higit na aktibo sa pulitika, ang ulat ng magasing Christian Century. Ang pinakamataas na konseho ng LDS, ang First Presidency, ay naglabas kamakailan ng isang liham na humihimok sa mga miyembro na maging “handa na maglingkod sa mga lupong-pangasiwaan para sa mga pampublikong paaralan, sa mga konseho at komisyon ng mga lunsod at mga rehiyon, sa mga konggreso, at sa iba pang matataas na katungkulan na inihahalal o hinihirang, pati na ang pakikilahok sa isang partidong pulitikal na kanilang pinili.” Binanggit ng sulat na hindi nagmumungkahi ang simbahan ng mga kandidato o anumang partikular na partidong pulitikal. Sinabi ng magasin na sa mga panimulang taon ng relihiyong ito, “ang mga Mormon ay umiwas sa pangkaraniwang pakikisalamuha sa pulitika at nagsikap na itatag ang kanilang sariling teokrasya sa lugar na ngayon ay Utah.”
Dumarami ang Aksidente sa Kotse Dahil sa Kaigtingan
Ang saloobin ng isang tao sa kaniyang trabaho ay may malaking epekto sa kaniyang ugali kapag nagmamaneho, ang sabi ng isang pag-aaral ng Professional Association for Health Service and Social Welfare sa Alemanya. Yaong mga nasasagad sa trabaho ay may higit kaysa sa normal na kinahaharapang panganib na maging sanhi sila ng aksidente sa daan, ang ulat ng Süddeutsche Zeitung. “Ang kinikimkim na sama ng loob sa amo o mga kasamahan ay maaaring humantong sa kawalan ng konsentrasyon sa pagmamaneho,” ang sabi ng ulat. Sa pag-aaral, 75 porsiyento ng mga taong nakaaksidente sa daan habang sila’y patungo o pauwi mula sa trabaho ang isinisi iyon sa “kawalan ng konsentrasyon, sobrang pagmamadali, pagiging gipit sa panahon, o sa kaigtingan.” Bagaman ang mga lalaki ang sinasabing pinakamalamang na maaksidente kapag dumaranas ng negatibong kaigtingan, natuklasan din ng pag-aaral na nanganganib ang mga ina na may maliliit na anak. Sabi ng pahayagan: “Lagi silang nasa matinding panggigipit, yamang kailangan nilang sunduin sa oras ang kanilang mga anak mula sa kindergarten o magluto sa bandang tanghali.”
Pangkaraniwan ang mga Bangungot sa mga Bata
Halos lahat ng mga bata ay nililigalig ng mga bangungot. Ayon sa isang pag-aaral ng Central Institute for Mental Health sa Mannheim, Alemanya, 9 sa bawat 10 bata ang nakaaalalang sila’y nagising dahil sa mga panaginip. Ang pangkaraniwang mga bangungot ay mga panaginip kung saan sila’y hinahabol, nahuhulog mula sa pagkataas-taas na dako, o naaapektuhan ng digmaan o likas na kasakunaan. Sa karamihan ng kaso, ang gayong mga panaginip ay pinaghalong pantasiya at katotohanan. Madalas na nalilimutan ng mga batang lalaki ang kanilang napanaginipan. Sa kabilang dako, ang mga batang babae naman ay kadalasang nakikipag-usap o sumusulat tungkol sa kanilang napapanaginipan. Upang maibsan ang pagkabalisang bunga ng mga bangungot, iminumungkahi ng mga eksperto na ang mga bata ay dapat makipag-usap tungkol sa nilalaman ng panaginip, gumuhit ng larawan nito, o i-arte ang isang tagpo mula rito, ang ulat ng Berliner Zeitung. Kung ang mga mungkahing ito ay susundin, kalimitan na ang mga panaginip ay magiging mas madalang sa loob ng ilang linggo at hindi na masyadong nakatatakot.
Mga Doktor na Sugapa sa Droga
Ayon sa mga awtoridad sa medisina sa Britanya, “isa sa bawat 15 doktor ang alipin ng alkohol o droga,” ang ulat ng The Medical Post ng Canada. Sa pagsisikap na labanan ang suliranin, nais ng nangungunang medikal na mga organisasyon sa Britanya na simulan ang walang-pinipiling mga pagsusuring pandroga upang matiyak kung sino ang mga doktor na nag-aabuso sa droga o alkohol. Tinatayang mahigit sa 9,000 doktor sa Britanya, kasama rito ang kapuwa babae at lalaki, ang maaaring maling gumagamit ng alkohol o ng iba pang droga. Kapansin-pansin, ang ilang mga doktor “ay hindi nagpapatulong sapagkat hindi nila alam kung anong mga serbisyo ang nakalaan para sa kanila,” ang sabi ng magasin.
Hindi Nakamamatay sa mga Lason ang Muling Pag-iinit ng Pagkain
Ang karne na naiwan ng mahigit nang dalawang oras sa labas ng refrigerator pagkatapos na ito’y maluto ay hindi na dapat kainin, ang sabi ng Tufts University Health & Nutrition Letter. Ngunit hindi ba’t kapag muli itong iniluto ay mamamatay ang mga nakapipinsalang baktirya? “Maaaring ang muling pag-iinit sa karneng naiwan na nakatiwangwang ay pumatay sa mga baktiryang nabuhay sa ibabaw nito, ngunit hindi nito malilipol ang nakapagdudulot-ng-sakit na mga lasong inilabas ng ilang uri ng baktirya,” ang pansin ng Nutrition Letter. Ang isang lason na inilalabas ng pangkaraniwang baktirya na staphylococcus ay maaaring magdulot ng sakit ng tiyan, pagkukurso (diarrhea), pagsusuka, pangangaligkig, lagnat, at sakit ng ulo. “At kahit pa ang pagpapainit nang husto sa mga pagkain ay hindi makapapatay sa lasong iyon.”
Karnabal sa Brazil
“Maaari ngang naging bantog ang Rio de Janeiro dahil sa karnabal nito, pero parami nang paraming taga-Brazil ang hindi na interesado,” ang ulat ng Nando.net. Maraming tao mula sa buong daigdig ang nag-aakalang sabik na sabik ang mga taga-Brazil sa taunang kapistahang iyon. Gayunman, ang isang pag-aaral ng Institute for Social Research ng Brazil ay may paglalarawang ibang-iba. Nasumpungang 63 porsiyento ng mga taga-Brazil ang hindi nakikibahagi sa mga kasayahan, 44 na porsiyento ang nagsabing “ni katiting man ay hindi sila interesado,” at 19 na porsiyento ang nagsabing kanilang “kinaiinisan ang karnabal.” Nag-ulat ang pahayagang Jornal do Brasil na ni hindi man lamang ipinalabas ng pangunahing pambansang istasyon sa TV ang paligsahan ng parada ng samba sa taóng ito. Gayunpaman, libu-libong turista ang nagdaragsaan sa Brazil para masaksihan ang kapistahan. At yamang isa ang Brazil sa mga lugar sa buong daigdig na may pinakamaraming kaso ng AIDS, namahagi ng milyun-milyong condom ang ministri ng kalusugan sa panahon ng karnabal.
“Masuwerteng Puno ng Loterya”
Pinagbantaan ng mga galit na taganayon malapit sa Bangkok, Thailand ang mga propesyonal na tagakuha ng tayâ na kanilang pinaghihinalaang nagtangkang sumunog sa kanilang “masuwerteng puno ng loterya,” ang ulat ng South China Morning Post. Ang “puno ng kapalaran” ay nakilala sa bansa dahil sa natitiyak nito ang panalo sa mga loterya, kung kaya ang lokal na mga taganayon ay nabahala nang kanilang malaman na bahagya itong nasunog ng isang arsonista. “Galit na galit ako,” ang sabi ni Dongmalee. “Ako mismo ay nanalo na ng pera dahil sa punong iyon at kumita ako ng pera sa pagpapayo sa iba kung paano ang pagbasa sa puno.” Subalit sinasabi na mula nang pagtatangkang iyon, nagalit na ang espiritu ng puno, at inaangkin ng mga taganayon na hindi na nagbibigay ng payo sa loterya ang espiritu. Binanggit ng ulat na balak ng mga taganayon na papuntahin doon ang mga Budistang monghe upang himukin ang espiritu ng puno na muling magbigay ng mga payo sa loterya.
Higit na TV, Mas Kaunting Pagbabasa
Ayon sa isang surbey ng Audiovisual Media Institute ng Gresya, may 3.8 milyong TV para sa 3.5 milyong sambahayan sa bansang iyon; 1 sa bawat 3 sambahayan ang mayroon ding videocassette recorder. Ang pahayagan sa Atenas na To Vima ay nag-ulat na ang karaniwang dami ng oras na ginugugol araw-araw ng mga Griego sa panonood ng TV ay halos apat na oras noong 1996, kung ihahambing sa wala pang dalawa’t kalahating oras noong 1990. Hindi nakapagtataka na biglang nabawasan ang pagbabasa. Isiniwalat ng surbey na ang karaniwang Griego ay nagbabasa ng 42.2 pahayagan noong 1989, subalit noong 1995 ang bilang na iyon ay bumaba sa 28.3. Sa katulad na paraan, ang pagbabasa ng mga magasin ay nabawasan ng 10 porsiyento sa gayon ding yugto ng panahon.
Matatandang Kulang sa Sustansiya
“Kadalasan nang hindi kumakain nang sapat ang matatanda kung kaya sila’y lalong nagiging masasakitin,” ang ulat ng Nassauische Neue Presse, ng Frankfurt, Alemanya. Ang konklusyong ito ay nabuo pagkatapos mag-surbey sa mahigit na 2,500 lalaki at babae na may edad na higit sa 70 sa sampung bansa sa Europa. Marami ang nag-aakalang kaunting pagkain lamang ang kailangan ng matatanda, pero ang napakakaunting kalori ay nakapagpapahina sa resistensiya. Bukod dito, ang mga pagkain ng matatanda ay kadalasan nang hindi gaanong masustansiya dahil kanilang patiunang iniluluto ito nang maramihan at iniimbak ito sa matagal na panahon. Karagdagan pa, maraming matanda ang kaunti lamang kung kumain ng sariwang prutas at gulay, lalo na kapag hindi panahon ng mga ito. Bilang pangwakas ay sinabi ng pag-aaral na dapat paalalahanan ng mga manggagamot ang matatanda na “kumaing mabuti at gawin itong regular.” Iminungkahi rin nito na dagdagan ang ehersisyo ng mga matatanda, yamang ang pagpapagalaw ng katawan ay nagpapaganang kumain.
Makukuha Na ang Bibliya sa 2,197 Wika
“Noong nakaraang taon, may mga bahagi ng Bibliya na naisalin sa 30 karagdagang mga wika, kung kaya 2197 na ang kabuuang dami ng mga wika kung saan makukuha ang mga Kasulatan,” ang ulat ng ENI Bulletin ng Geneva, Switzerland. Ang buong Bibliya ay makukuha na ngayon sa 363 wika, kasama na ang mga ginawang wika tulad ng Esperanto. Ang United Bible Societies (UBS) ay nag-iingat ng isang talaan ng mga wika kung saan kahit man lamang isang aklat ng Bibliya ay naisalin. Sinabi ni Fergus Macdonald, ang panlahat na kalihim ng UBS, na ang tunguhin ay upang “makuha ang Salita ng Diyos sa katutubong wika ng mga tao.”