Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Batang Lansangan na Tumatakas Mula sa Pang-aabuso
  • Malilimuting mga Tao
  • Kung Bakit Waring Pinakamabagal ang Iyong Linya
  • Pang-aabuso ng Klero sa Aprika
  • May Baril ang mga Tagapangaral
  • Kailangan ng mga Sanggol ang Haplos
  • Pagtatapon sa mga Nauusong Aso
  • Mga Bata​—Kumilos Kayo!
  • Mga Biktima ng Negosyo sa Sekso
  • Mga Ilaw sa Tuhod Para sa Jet Lag?
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
  • Pag-iingat sa Tahanan
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Batang Lansangan na Tumatakas Mula sa Pang-aabuso

“Siyamnapung porsiyento sa mga batang lansangan ang may pamilya. Mga 90 porsiyento [ng mga batang lansangang ito] ang sinasaktan ng kanilang mga magulang kung kaya tumatakas sila, nasasangkot sa krimen, pag-abuso sa droga, at seksuwal na pagsasamantala,” sabi ni Enza Mattar, coordinator ng Regional Center for Attention to Mistreated Children (Crami). Pinayuhan ni Mattar, na sinipi sa pahayagang O Estado de S. Paulo ng Brazil, ang mga propesyonal sa pangkalusugan at mga guro na maging alisto sa mga tanda ng pang-aabuso, lakip na ang “biglang pagbabago sa paggawi, laging pag-iisa, at mga pasâ sa katawan.” Maaaring kailanganing makialam, yamang 5 porsiyento lamang sa mga kasong hinawakan ng Crami ang kinasasangkutan ng mga batang humihingi mismo ng proteksiyon. Karaniwan nang tumatanggi sa tulong ang mga abusadong magulang. Bakit? Ganito ang sabi ni João Roberto Scomparim, presidente ng Crami: “Inuulit lamang ng mga magulang na marahas na nananakit sa kanilang mga anak ang naging karanasan nila nang sila’y mga bata pa, at inaakala nilang ito’y isang pagtuturo sa kanilang mga anak.”

Malilimuting mga Tao

Sa isang pag-aaral sa Italya sa 1,600 adulto, 77 porsiyento ang nagpapahiwatig na sila’y malilimutin, sabi ng pahayagang La Repubblica. Mahigit sa sangkatlong bahagi ang nakalimot sa mahalagang anibersaryo noong naunang taon. Bukod dito, 42 porsiyento ang regular na nakalimot kung saan nila ipinarada ang kanilang kotse, mahigit sa 30 porsiyento ang nakalimot sa mga susi ng kanilang bahay, mahigit sa 25 porsiyento ang nakalimot sa kanilang pitaka, at 1.2 porsiyento ang nakalimot pa nga sa kanilang sariling pangalan at apelyido. Sa kabilang dako naman, 28 porsiyento sa mga Italyano ang nagsasabing may naaalaala pa naman sila kahit isa man lamang piyesa ng tula na isinaulo nila sa paaralan. Paano mo mapasusulong ang iyong memorya? Isang awtoridad ang nagmungkahi na iugnay ang bagay na gustong tandaan sa isa pang bagay, gumawa ng pagtatala sa isang talaarawan (diary) at repasuhin ang mga ito, at magkaroon ng ehersisyo sa pamamagitan ng pagsasaulo ng mga numero ng telepono, himig, at maging ng mga numero ng rehistro ng plaka.

Kung Bakit Waring Pinakamabagal ang Iyong Linya

Kung waring lagi kang napapataon sa pinakamabagal na linya kapag namimili, maaaring ito’y dahil lamang sa ito ang hinihingi ng pagkakataon. Gaya ng sinabi ng pahayagang Die Zeit sa Alemanya, ang probabilidad na isa sa dalawang katabing linya ang mas mabilis kaysa sa linya mo ay 2 sa 3. Mas maraming linya, mas kumakaunti ang pagkakataon. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang ikinaiinis ng mga tao ay hindi ang paghihintay kundi dahil sa “nadarama ng isa na naaaksaya ang oras niya.” Upang hindi gaanong mainis sa paghihintay ng elevator, ang ilang otel ay nagkabit ng mga salamin sa mga lobby ng elevator. May nagagawa tuloy ang mga tao​—nagsusuklay ng kanilang buhok o nag-aayos ng kanilang kurbata. Nakatutulong din kapag ipinaaalam sa mga tao kung hanggang kailan pa sila maghihintay. Kaya naman, ang ilang sistema sa subwey ay gumagamit ng mga panel na de-kuryente upang ipakita kung ilang minuto pa bago umalis ang susunod na tren.

Pang-aabuso ng Klero sa Aprika

“Nagsisimula nang lumutang ang mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ng klero sa Aprika,” pag-uulat ng magasing Catholic International. Upang maiwasan ang gayong pang-aabuso, inirerekomenda ng ilang obispong Katoliko ang mas mahigpit na pagsusuri at pagsasanay sa mga magpapari. Kabilang sa iba pang di-mabuting paggawi ng mga pari na ikinababahala ng mga Aprikanong obispo ay ang “pag-abuso sa alkohol, at pakikisangkot sa mga gawaing di-angkop o salungat sa kalagayan at bokasyon ng pagiging pari, gaya ng negosyo o hanapbuhay at pulitika.” Bakit ngayon lamang lumitaw ang ganitong mga kaso? “Dahil sa mas malayang pamamahayag at pagbabawas sa dating kontrol ng Simbahan sa media,” sagot ng Catholic International, anupat idinagdag pa na “dahil sa ang panimulang pagtatangka ng ilang awtoridad ng Simbahan sa mga bahagi ng Aprika na hadlangan ang di-magagandang balita . . . ay nabigo.”

May Baril ang mga Tagapangaral

Sa Kentucky, E.U.A., binago kamakailan ang batas ng estado upang pahintulutang magdala ng nakatagong baril ang mga pastor sa simbahan kung mayroon silang lisensiya para sa nakatagong sandata, pag-uulat ng Reuters news service. Noon, hindi ito maaaring gawin ng mga pastor na lisensiyadong magdala ng nakatagong sandatang nakamamatay sa mga dako ng pagsamba sa estado. Noong 1997, ninakawan ng kanilang nakolektang salapi ang ilang simbahan sa Kentucky habang nakatutok sa kanila ang baril. Bagaman wala namang nasaktan, “inimpluwensiyahan ng mga ministro at mga pari ng simbahan sa mga probinsiya ang mga mambabatas ng estado na pahintulutan silang magdala ng nakatagong baril,” sabi ng ulat. Gayunman, hindi lahat ng klero ay sang-ayon sa pagbabago. Nagtanong si Nancy Jo Kemper, Tagapagpaganap na Direktor ng Kentucky Council of Churches: “Paano natin aasahan ang ating mga anak na matutong hindi makalulutas ng problema ang baril kung makikita nilang pati ang mga ministro, na dapat sana’y mga ahente ng kapayapaan at pakikipagkasundo, ay may mga sandata rin na nakamamatay?”

Kailangan ng mga Sanggol ang Haplos

“Ang mga batang lumaki nang hindi palagiang niyayakap, hinahaplos o hinahagod . . . ay nagkakaroon ng di-pangkaraniwang taas sa antas ng mga hormon ukol sa kaigtingan,” ayon sa isang pag-aaral na iniulat sa pahayagang Toronto Star. Naniniwala ang mga mananaliksik na ang pagkahiwalay sa ina o pagpapabaya sa panahon ng pagkasanggol “ay magbubunga ng seryoso at pangmatagalang epekto sa pagkatuto at memorya.” Napansin pa ng siyentipikong si Mary Carlson mula sa Harvard Medical School na ang mga batang pinaaalagaan ng kanilang mga pamilya sa “mabababang-uri ng day-care center kung mga araw na may trabaho ay nagkakaroon ng di-pangkaraniwang taas sa antas ng mga hormon sa kaigtingan kung mga simpleng araw ngunit hindi naman kung mga dulong sanlinggo kapag ang mga bata’y nasa bahay.” Ang pagsasaliksik na ito’y nagdaragdag ng patotoo na ang marahang paghaplos at saganang pagmamahal ay mahalaga sa ating mga anak.

Pagtatapon sa mga Nauusong Aso

Ang mga kulungan ng hayop sa Australia ay umaapaw sa mga asong lipas na sa uso, sabi ng pahayagang Herald Sun sa Melbourne. “Ang mga Alaskan malamute ang pinakahuli na maramihang itinapon,” sabi ng ulat. Pinababayaan na ng mga may-ari ang kanilang mga aso dahil sa hindi na ito uso o kaya’y sobra na ang laki at hindi na ayon sa gusto ng may-ari. Inaasahan ng Royal Society for Prevention of Cruelty to Animals (RSPCA) na ang mga Dalmatian naman ang susunod na itatapon kapag ang lahing ito, na naging popular dahil sa isang katatapos na pelikula, ay hindi na uso. Sinabi ng punong tagapagpaganap ng RSPCA, si Richard Hunter, na ang pagtatapon sa mga nauusong aso ay hindi na bago. Nangyari na ito sa mga Afghan hound noong mga taon ng 1970; at sa mga English sheepdog, noong mga taon ng 1980. Nakalulungkot, marami sa mga pinabayaang asong ito ang kinailangang patayin. Hinihimok ng RSPCA ang mga tao na pumili ng mga aso batay sa hilig at istilo ng buhay ng may-ari sa halip na isalig lamang sa kausuhan.

Mga Bata​—Kumilos Kayo!

Sinasabi sa isang ulat sa magasing pangmamimili na Test sa Alemanya na ang di-pagkilos ng mga batang palaging nanonood ng TV ay nagiging dahilan upang ang kanilang mga pandamdam, likas na pagkilos, at koordinasyon ng mga kalamnan ay humina, anupat sila’y nagiging takaw-aksidente. Isinisiwalat ng pisikal na pagsusuri sa mga batang pumapasok sa Alemanya na umaabot sa 30 porsiyento sa mga ito ay sobra sa timbang, umaabot sa 40 porsiyento ang may problema sa koordinasyon, at umaabot naman sa 60 porsiyento ang may problema sa tindig. Upang patuloy na mapakilos ang mga bata, ang mga Alemang edukador ukol sa isport, kaligtasan, at trapiko ay gumawa ng isang kahon ng mga laro na naglalaman ng malalambot na Frisbee, mga bola, at iba pang mga laruan na tutulong sa mga bata upang masiyahan habang sila’y nagiging aktibo sa pisikal.

Mga Biktima ng Negosyo sa Sekso

Ganito ang mababasa sa isang anunsiyo sa pahayagan sa Ukraine: “Mga babae: Kailangang walang asawa at napakaganda. Bata at matangkad. Inaalok namin kayo ng trabaho bilang mga modelo, sekretarya, mananayaw, koreograpo, gymnast.” Ang anunsiyong ito ay karaniwan nang inilalagay ng mga negosyante ng sekso upang siluin ang walang-malay na mga kabataang kababaihan tungo sa prostitusyon, pag-uulat ng The New York Times. Taun-taon, libu-libong kababaihang taga-Ukraine at Russia ang nangingibang bansa sa pag-asang umasenso ang kanilang buhay. Ngunit pagdating nila sa ibang bansa, kinukuha ng kriminal na mga “boss” ang pasaporte ng ilan at pilit silang pinagtatrabaho sa mga bahay-aliwan. Kapag sila’y tumanggi, sila’y binubugbog, hinahalay, at buong-kalagimang pinapaslang. Ang taga-Ukraine na sikolohistang si Lyudmilla Biryuk, na nagpayo sa mga kababaihang nakatakas sa gayong pagkaalipin, ay nagsabi: “Nais mong sabihin sa mga kabataang ito na kung may isang bagay na sa wari’y di-kapani-paniwalang magkatotoo, karaniwan nang hindi nga ito totoo.”

Mga Ilaw sa Tuhod Para sa Jet Lag?

Hanggang sa ngayon, ipinalalagay pa rin na ang biyolohikong orasan ng tao ay inaareglo ng mga selula sa retina. Gayunman, ipinahihiwatig ng bagong pag-aaral na ang tao ay may mga selula sa mga bahagi ng katawan bukod sa mata na sensitibo sa ilaw, ayon sa pag-uulat ng pahayagang Pranses na Le Quotidien du médecin. Sa isang eksperimento ng mga mananaliksik sa Estados Unidos, ilang boluntaryo ang ipinasailalim sa isang maliwanag na ilaw sa pamamagitan ng isang fiber-optic na tubo sa alak-alakan, samantalang ang iba naman, na nilagyan din ng gayong aparato, ay hindi. Walang nakaaalam sa mga boluntaryo kung sino sa kanila ang binibigyan ng panggagamot sa pamamagitan ng ilaw. Nasusukat ang biyolohikong orasan batay sa temperatura ng katawan at sa antas ng hormon na melatonin. Bilang pag-uulat din sa pag-aaral, sinabi ng International Herald Tribune na ang 24-oras na siklo ng mga ginamitan ng ilaw ay “nabago nang hanggang tatlong oras.” Kung paano nangyayari ito ay hindi pa alam. Ngunit ang mga resulta ay interesanteng magagamit sa paggamot ng jet lag, pana-panahong panlulumo, at mga problema sa pagtulog.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share