Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggamit ng Tabako
  • Mga Kabataan at mga Baril
  • Mga Katangian ng Pagpapatiwakal
  • Pagkatuto ng Karahasan
  • Tumitindi ang Pag-unti ng mga Klero sa Pransiya
  • Ang Pinakawastong Orasan sa Daigdig
  • Ang Abang Sandwich?
  • Negosyo ng Sekso sa Bata sa Asia
  • Alitan o Pagkakaisa?
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1995
  • Pagpapatiwakal—Isang Salot sa mga Kabataan
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Paggamit ng Tabako

Bagaman napakalaki ng kabawasan sa paggamit ng tabako sa ilang bansa, makikita naman ang pagtaas sa maraming bansa sa nakalipas na dalawang dekada. Halimbawa, ang Tsina ay nangunguna pa rin sa pinakamalakas gumamit sa daigdig at may 297 porsiyentong pagtaas. Nananatili ang Estados Unidos at India na ikalawa at ikatlo sa pinakamalakas gumamit at nakitaan ng 27 porsiyento at 50 porsiyentong pagtaas ayon sa pagkakasunod. Ang ilang bansa na may malalaking pagtaas ay ang Rwanda na may 388 porsiyento; Gresya, 331 porsiyento; Hilagang Korea, 325 porsiyento; Tanzania, 227 porsiyento; Hong Kong, 214 na porsiyento; Indonesia, 193 porsiyento; Singapore, 186 na porsiyento; at Turkey, 185 porsiyento. Ang bilang, na inilathala sa Asiaweek, ay nagpapakita ng porsiyento ng pagbabago sa pagitan ng 1970 at 1993. Sa 138 bansang naitala, tanging 26 ang nakitaan ng pagbaba sa paggamit ng tabako.

Mga Kabataan at mga Baril

Mas mabilis na dumarami ang pagkamatay dahil sa baril sa gitna ng mga kabataang Amerikano na nasa mga edad na 10 hanggang 19 kaysa anumang iba pang grupo, ang sabi ng ulat ng Children’s Defense Fund. Ang mga baril ngayon ang ikalawang nangungunang sanhi ng pagkamatay. Ang mga aksidente, karamihan sa sasakyan, ang nangungunang sanhi. Sa mga kabataang Amerikano na wala pang 20, isa ang namamatay bawat 92 minuto dahil sa baril noong 1993​—7 porsiyentong pagtaas sa nakaraang taon. Kung paghahambingin, sa lahat ng grupo ng edad, ang pagtaas ay 4.8 porsiyento lamang. Inakusahan ng defense fund ang gobyerno dahil sa walang gaanong ginagawa upang mailayo ang mga baril sa mga bata at mga paaralan. Diumano’y sumasang-ayon ang Kagawaran ng Hustisya sa Estados Unidos sa estadistika. Ang bilang ng mga kabataang pumapatay ay tatlong ulit ang itinaas noong nakaraang dekada, na lumampas ng 26,000 noong 1994. Ang dami ng mga gumagamit ng baril bilang kanilang armas sa pagpatay ay apat na ulit na tumaas sa yugto ring iyon, bagaman ang bilang ng gumagamit ng iba pang armas ay nanatiling gayon. Binigyang-diin ng mga bilang na ito ang pinsala na ginawa ng pagkamadaling makuha ng mga armas.

Mga Katangian ng Pagpapatiwakal

“Halos 30,000 Amerikano ang [nagpapatiwakal] taun-taon,” ang sabi ng Scientific American, at “ang kalalakihan ay apat na ulit na mas malamang na kumitil ng kanilang sariling buhay kaysa kababaihan.” Ang bilang ng nagpapatiwakal ay dumami rin habang tumataas ang edad, ipinababanaag ang mga kaigtingan sa mahinang kalusugan at kawalang inaasahan. Ang dami ng pagpapatiwakal sa gitna ng mga 75 ang edad o mas matanda pa ay apat na ulit na mas mataas kaysa mga tin-edyer. Ano ang mga salik na tumitiyak kung baga ang isang tao’y talagang magpapatiwakal? Ang nangunguna sa talaan ay ang kawalan ng suporta ng pamilya at pamayanan at di-gaanong pakikibahagi sa relihiyon. Kung ihahambing sa ibang mga bansa, ang dami ng pagpapatiwakal sa Estados Unidos ay nasa kalagitnaang hangganan, na may bilang na halos 11 pagpapatiwakal sa bawat 100,000 katao.

Pagkatuto ng Karahasan

◼ “Hininuha ng pagsusuri sa programa sa telebisyon na tumagal nang isang taon, na isinagawa ng mga mananaliksik mula sa apat na pamantasan, na ang karahasang ‘nakapipinsala sa isip’ ay laganap sa himpapawid at mga programa sa TV sa cable,” ang sabi ng The Washington Post. Natuklasan ng pagsusuri na hindi lamang ang karamihan ng mga programa ang nagtataglay ng ilang karahasan kundi ang paraan din ng paghaharap nito ay maaaring magkaroon ng nakapipinsalang mga epekto sa manonood. “Kalakip sa [gayon] ang pagkatuto ng marahas na paggawi, higit na nagiging manhid sa nakasasamang mga kahihinatnan ng karahasan at nagiging mas matatakutin na masalakay.” Ang isa sa dahilan ay ang bagay na ang mga gumagawa sa 73 porsiyentong mga kaso ng karahasan sa TV ay hindi napaparusahan, nagbibigay ng mensahe na “nagtatagumpay ang karahasan.” Gayundin, hindi ipinakikita ng karamihan sa mga eksena ang mga resulta sa mga biktima, gaya ng kirot o emosyonal o pinansiyal na pinsala. At, sabi ng pagsusuri, ang malimit na paggamit ng mga baril sa mararahas na pangyayari sa TV ay maaaring “pasimulan ng agresibong mga kaisipan at mga paggawi.”

◼ Sa edad na 30, ang mga tao na nakapanood ng maraming karahasan sa TV nang sila’y mga bata pa “ay higit na makagagawa ng karahasan, higit na maaaresto dahil sa pagmamaneho nang nakainom, higit na agresibo kapag nakainom ng alak at higit na mapang-abuso sa kanilang asawa [at] magkakaroon din ng mas mapusok na mga anak,” ang sabi ni Len Eron, isang propesor ng sikolohiya at isang mananaliksik na siyentipiko sa University of Michigan’s Institute for Social Research. Gayundin ang nililikhang mga problema ng mga laro sa video. Gaya ng iniulat ng pahayagang The Toronto Star, sinabi ni Eron na ang panganib na nauugnay sa laro sa video ay na ito’y may nagpapalitang aktibong pagtugon. “Ginagalaw ng [mga manlalaro] ang isang pingga o pinipindot ang isang buton at sila mismo ang nagsasagawa ng kahindik-hindik, mararahas na gawaing ito​—ang pagpatay sa isang tao.” Ipinalalagay ni Propesor Eron na kailangan ang higit na pagsubaybay ng mga magulang. Gayunman, iniaangal niya na “maraming magulang ang wala man lamang pakialam.”

Tumitindi ang Pag-unti ng mga Klero sa Pransiya

Tumitindi ang pag-unti ng Katolikong mga klerigo sa Pransiya. Iniuulat ng pahayagang Le Monde sa Paris na noong 1995, mayroon lamang 96 na paring inordina sa buong Pransiya at 121 lamang noong 1994. Ang mga Jesuita ay mayroon lamang 7 nobisyo at ang mga Dominikano ay may 25 noong 1995. Gayundin ang kalagayan sa pangangalap sa mga Katolikong madre. Sinasabi ng Le Monde na “sapol noong mga taon ng 1970, ang bilang ng mga madre ay patuloy na umunti, mula 92,326 noong 1977 tungo sa 51,164 na lamang noong nakaraang taon.” May kaugnayan sa pagtanda ng karamihan sa mga klero at ng kabiguan ng simbahan na umakit ng bagong mga kalap, may mga hula na sa taóng 2005, magkakaroon na lamang ng halos 9,000 pari sa paroko sa Pransiya. Binabanggit ng Le Monde na “ang pagbagsak ng klero sa panlipunang kalagayan, ang pangmatagalang mga pangako na kinatatakutan ng mga tao, ang di-magandang katauhan ng klero, at ang pagkawala ng pagtitiwala sa mga lider ng simbahan” ang siyang mga dahilan ng pag-unti.

Ang Pinakawastong Orasan sa Daigdig

Nagawa na ng mga siyentipiko, ang orasan na sanlibong ulit na mas wasto kaysa mga atomikong orasan na ginamit sa Inglatera upang mapagpasiyahan ang tinanggap na international standard time sa Perth, Kanlurang Australia. Kilala bilang sapphire clock, ito’y nagkakahalaga ng halos $200,000, at may ilan nang nagawa. Masusukat nito ang isang saglit ng femtosecond, na isang bahagi ng isang milyon ng ika-sambilyon ng isang segundo! Ano ang gamit nito? Ayon sa pangkalahatang teoriya ng relativity ni Einstein, mas mabilis na tumakbo ang oras mientras ang isa ay nasa itaas ng lupa. “Ang aming tunguhin ay sukatin ang diperensiya ng bilis sa taas na halos isang metro​—sa ibang salita sa pagitan ng iyong mga paa at ulo,” ang sabi ng pisikong si David Blair, na gumawa ng orasan. Gayunman, ang katumpakan nito ay tumatagal lamang ng limang minuto sa isang panahon.

Ang Abang Sandwich?

Noong 1762, si Lord Sandwich ng Britanya, ang sugapang sugarol, ay nanatili ng 24 na oras sa mesa ng sugalan. Upang mapawi ang kaniyang gutom, humingi siya ng dalawang hiwa ng tinapay na may palamang karne. Ang bagong meryendang ito​—ang sandwich​—ay angkop na ipinangalan sa kaniya. Ang taga-Britanya ay gumugugol ngayon ng $7.9 milyon bawat araw sa mga sandwich, ito’y 75 porsiyentong pagtaas sa nakalipas na limang taon. “Ang mga sandwich ang bumubuo sa mahigit na sangkatlo ng kabuuang bentahan sa fast-food,” ang ulat ng The Times ng London, at ang mga ito’y ibinibenta sa 8,000 tindahan ng sandwich. Halos 1.3 bilyong gawa nang mga sandwich ang kinakain sa Britanya bawat taon. Gayunman, ang mga sandwich na ito ay malayung-malayo sa simpleng pagkain ng mga pamilya kapag sila’y nagpipiknik sa lalawigan o sa baybay-dagat. Ang ilang tindahan ay nagbibili ng eksotikong mga mapagpipilian, kasali na ang mga sandwich na gawa sa karne ng kangaroo o buwaya o tsokolateng tinapay na may palamang presa at krema.

Negosyo ng Sekso sa Bata sa Asia

Tinataya ng mga pamahalaan at mga manggagawang panlipunan na mahigit sa isang milyong batang lalaki at babae, na ang edad ay 17 at mas bata pa, ang nasasangkot sa prostitusyon sa Asia, ang sabi ng The New York Times. Bagaman hindi alam ang tiyak na mga bilang, ang mga bata na hindi pa nagdadalaga o nagbibinata ay masusumpungan sa mga bahay-aliwan sa mga bansang gaya ng Cambodia, India, Pilipinas, Taiwan, Thailand, at Tsina. Bakit ang mga bata na gayon na lamang kabata ay kinukuha? Ang isa sa dahilan ay ang pagkatakot sa AIDS. “Ang mga kalalakihan sa buong Asia ay bumabaling sa pabata nang pabatang mga bata, dahilan na rin sa bagay na sila’y malamang na hindi impektado ng H.I.V., ang virus na sanhi ng AIDS,” ang sabi ng Times. Gayunman, ang virus ng AIDS ay mabilis na kumakalat sa mga taong nagbibili ng aliw sa mga bansang ito, dahil na rin sa negosyo ng prostitusyon sa hangganan ng mga bansa at dahil din naman sa mga parokyano, ang ilan ay naglalakbay sa iba’t ibang lugar para sa sekso. Bagaman ang ilang bata ay dinudukot, ang iba ay ipinagbibili ng kanilang mga magulang dahil sa pera.

Alitan o Pagkakaisa?

“Ang pagdiriwang ng ika-2000 anibersaryo ng pagsilang ni Kristo ay nagiging mainit na usapin sa mga simbahan,” ang ulat ng ENI (Ecumenical News International) Bulletin. Si Konrad Raiser, ang pangkalahatang kalihim ng World Council of Churches, ay nanawagan sa mga simbahan na ituring ang pagdiriwang na ito “bilang isang okasyon para sa pagtutulungan at pagkakaisa​—sa halip na pagpapaligsahan sa katanyagan.” Kaya, sinabi niya na waring higit na nilayon ng mga simbahan na gamitin ang taon bilang “isang okasyon para sa pag-eebanghelyo . . . upang madaig ang kanilang walang-kabuluhang pangingibabaw sa publiko.” Bagaman binibigyan ng komendasyon ang papa dahil sa panawagan niyang ito upang gawin ang taóng 2000 “na maging okasyon para sa matatag na pagpapatibay sa Kristiyanong pagkakaisa,” ganito pa ang sinabi ni Raiser: “Kung gaano karami sa mga pangarap na ito ang matutupad sa taóng 2000 ay hindi pa alam​—pinagyayaman ng nakalipas na karanasan ang pag-aalinlangan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share