Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkabahala sa mga Impormasyon Binasa ko ang serye ng “Pagkabahala sa mga Impormasyon—Paano Ka Naaapektuhan Nito?” (Enero 8, 1998) Binanggit ninyo na ang pagdagsa ng impormasyon sa isang bahagi ay maaaring dahil sa mabilis na pagdami ng mga balita at magasin. Sa palagay ko’y nakadaragdag din ang inyong magasin sa pagdagsang ito. Hindi kaya ito paghihip sa lusóng kung kaya sa mukha rin ninyo ang tapon?
J. K., Estados Unidos
Isinisiwalat ng aming serye ang pagdagsa ng mga “walang-kabuluhang” impormasyon. Ang “Gumising!” ay tiyak na hindi nakadaragdag dito, yamang ang nakasaad na layunin nito ay upang ‘suriin ang tunay na kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari.’ Ang gayong impormasyon ay hinding-hindi matatawag na walang-kabuluhan.—ED.
Si Maria at ang Binuhay-Muling Kristo Sumulat ako upang ireklamo ang tungkol sa isang artikulo sa “Pagmamasid sa Daigdig,” na “Si Maria ba ang Unang Nakakita sa Ibinangong Kristo?” (Enero 8, 1998) Nahalata ang inyong pagkaignorante sa Kasulatan, na nagpapahiwatig din ng kawalan ng interes sa katotohanan. Maraming bagay na naganap at binanggit na hindi inilakip sa Bibliya. Basahin ang Juan 21:25.
J. G., Estados Unidos
Iniulat lamang ng aming artikulo ang binanggit sa opisyal na pahayagan ng Batikano na “L’Osservatore Romano.” Doon ay sinipi ang sinabi ni Papa John Paul II na si Maria “marahil ang unang tao na pinagpakitaan ng ibinangong si Jesus.” Bagaman iginagalang namin ang karapatan ng aming mga mambabasa na maniwala sa gusto nilang paniwalaan, maliwanag na walang patunay sa Bibliya para sa gayong pagsasabi.—ED.
Mga Trobador Ang artikulong “Ang mga Trobador—Hindi Lamang mga Mang-aawit ng Kundiman” (Pebrero 8, 1998) ay isang napakahusay na pagsusuri sa papel na ginampanan ng mga mang-aawit-makatang ito sa lipunan noon ng Edad Medya. Bilang isang guro sa literatura, pinag-aralan ko ang tungkol sa mga Portuges na trobador, at natulungan ako ng inyong artikulo na maunawaan ang artistikong kilusang ito sa buong konteksto nito. Ang mga artikulong may ganitong kalidad ay nagbibigay ng kredibilidad sa inyong magasin.
R. N. A., Brazil
Inaamin kong napilitan lamang akong basahin ang artikulong ito, ngunit nang ito’y pasimulan ko, agad na natawag nito ang aking interes. Pangunahin na, natutuwa akong malaman kung sino ang malamang na nagpasimula ng kaugaliang “mga babae muna.” Sa Hapón ay walang kaugaliang “mga babae muna,” ngunit ang aking asawang lalaki, na lumaking isa sa mga Saksi ni Jehova, ay walang-mintis na sumusunod sa kaugaliang ito mula pa nang kami’y maging magkatipan. (Nasa ikalimang taon na kami ngayon ng pagsasama.) Masayang-masaya ako.
Y. N., Hapón
Crossword Puzzles Nais kong buong-pusong pasalamatan kayo dahil sa mga crossword puzzle. Hinihimok ka ng mga ito na kunin ang iyong Bibliya at hanapin ang mga solusyon sa isang madali at matalinong paraan.
N. C., Italya
Ang Muling Pagkikita ng Ina at Anak Nabagbag ang aking damdamin ng artikulong “Isang Pambihirang Pagbabalikan.” (Pebrero 22, 1998) Para sa akin, napakalaking bagay sa damdamin na malaman ang aking pinagmulan. Hindi kailanman nagpakasal sa isa’t isa ang aking ina at ama. Madalas na nagtatanong ako noon tungkol sa aking ama, pero maiigsing sagot lamang ang aking natatanggap sa aking mga tanong. Hindi pa natatagalan ay tinanong ko ang aking ina kung ano ang buong pangalan ng aking ama. Palibhasa’y ginamit ko ang direktoryo ng telepono, nasumpungan ko ang kaniyang kapatid na babae, at laking gulat ko nang malaman kong ang kapatid niyang ito’y isa sa mga Saksi ni Jehova! Ipinaliwanag niya sa akin na namatay na ang aking ama noong 1980, nang hindi kailanman nagkaasawa. Magkagayunman, ang aking ina at ang aking tiyahin ay naging isang tunay na kaaliwan sa panahon ng aking pangangailangan. Ang inyong mga artikulo ay naging bahagi rin ng aking pagpapagaling.
L. D., Estados Unidos