Hugasan at Patuyuin ang Iyong mga Kamay!
PAANO tayo nahahawa ng sipon at iba pang impeksiyon? Ayon sa U.S. Association for Professionals in Infection Control and Epidemiology, di-kukulangin sa 80 porsiyento ng gayong mga sakit ay naililipat sa pamamagitan ng ating mga kamay, hindi ng hangin. Sa katunayan, ang paghuhugas ng kamay ang karaniwang itinuturing na tanging pinakamahalagang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Subalit marami ang laging hindi naghuhugas pagkatapos mamalikod o suminga o bago humawak ng pagkain. Mangyari pa, marami naman ang laging naghuhugas ng kanilang kamay sa gayong mga pagkakataon. Subalit ang posibilidad na magkaimpeksiyon ay hindi nawawala pagkatapos ng mabilis at nakaugalian na lamang na paghuhugas ng kamay.
Mahalaga rin naman ang wastong pagpapatuyo ng mga kamay. Natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Westminster sa Inglatera na hindi pinatutuyong mabuti ng maraming tao ang kanilang mga kamay pagkatapos maghugas, lalo na kapag gumagamit ng mga dryer na mainit ang hangin. Tinatapos ng marami ang pagpapatuyo sa pamamagitan ng pagpapahid ng kanilang mga kamay sa damit nila. Maaaring ikalat nito ang anumang mapanganib na mikroorganismo na naiwan sa mga kamay. Ayon sa mga mananaliksik, pinakamabuting tuyuin nang lubusan ang mga kamay, na gumagamit ng naitatapong papel na pamunas o isang malinis at di-gamit na basahan.
Ganito ang ipinapayo ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention hinggil sa paghuhugas ng kamay:
• Laging maghugas sa mainit-init at umaagos na tubig at gumamit ng banayad na sabon. Kung di-maiiwasan ang paggamit ng palanggana sa halip na maghugas sa umaagos na tubig, linisin at disimpektahin ito sa bawat gamit. Ang basang mga pamunas ay hindi mabisang nakalilinis ng mga kamay.
• Pagkuskusing maigi ang mga kamay hanggang sa maging mabula ito, at patuloy na pagkuskusin ito ng di-kukulangin sa 15 segundo. Kuskusin ang ibabaw at palad ng mga kamay gayundin ang pagitan ng mga daliri at ilalim ng mga kuko.
• Banlawan ang mga kamay sa mainit-init at umaagos na tubig.
• Patuyuin sa tuwalyang malinis at naitatapon, o hindi pa gamit, at huwag nang ihawak sa gripo o sabitan ng tuwalya ang malinis na mga kamay.
• Isara ang gripo na ginagamit ang tuwalya upang hindi mahawakan ang hawakan ng gripo.
• Ang mga bata ay dapat na maghugas nang nakatayo sa taas na sapat upang mailawit ang kanilang mga kamay habang pinatutuluan ng tubig. Tulungan ang bata na gawin ang lahat ng mga hakbang sa itaas, at maghugas ka rin ng iyong mga kamay.