2. Maging Malinis
KUNG paanong pinoprotektahan ng siruhano ang pasyente niya sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay, pag-iisterilisa ng kaniyang mga kagamitan, at pagpapanatiling malinis ng operating room, mapoprotektahan mo rin ang pamilya mo kung iingatan mong malinis ang iyong sarili, ang inyong kusina, at ang pagkain ninyo.
● Maghugas ng kamay.
Sinabi ng Public Health Agency of Canada na “ikinakalat ng kamay ang halos 80 porsiyento ng karaniwang mga sakit na nakahahawa gaya ng sipon at trangkaso.” Kaya hugasang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig bago kumain, pagkagaling sa CR, at bago maghanda ng pagkain.
● Panatilihing malinis ang kusina.
Ipinakikita ng isang pag-aaral na ang CR ang pinakamalinis na lugar sa bahay pero “ang mga espongha o mga panghugas ng pinggan sa kusina ang may pinakamaraming baktirya.”
Kaya palitan nang madalas ang mga panghugas ng pinggan, at gumamit ng disinfectant o mainit na tubig na may sabon sa paglilinis ng kusina. Totoo, hindi ito laging madaling gawin. Walang mga gripo ng tubig sa bahay nina Bola. “Mahirap talaga,” ang sabi ng babaing ito. “Pero tinitiyak namin na lagi kaming may sabon at tubig para mapanatili naming malinis ang aming kusina at bahay.”
● Hugasan ang mga prutas at gulay.
Bago ibenta ang mga prutas at gulay, posibleng nakontamina ito ng maruming tubig, mga hayop, dumi ng tao’t hayop, o ng iba pang hilaw na pagkain. Kaya kahit plano mong balatan ang nabili mong prutas o gulay, hugasan pa rin itong mabuti para matanggal ang mga baktirya. Nangangailangan ito ng panahon. “Kapag gumagawa ako ng salad,” ang sabi ni Daiane, isang ina sa Brazil, “hindi ako nagmamadali, para matiyak na nahugasan kong mabuti ang mga gulay.”
● Ihiwalay ang hilaw na karne.
Para hindi kumalat ang baktirya, ibalot na mabuti ang lahat ng hilaw na karne, manok, isda, at iba pang seafood, at ihiwalay ang mga ito sa ibang pagkain. Gumamit ng ibang sangkalan at kutsilyo para sa mga ito, o hugasang mabuti ang sangkalan at kutsilyo gamit ang mainit na tubig at sabon bago at pagkatapos gamitin ang mga iyon.
Ngayong malinis na ang lahat—ikaw, ang mga kasangkapan mo, at ang gagamiting mga sahog—paano mo naman maingat na maihahanda ang inyong pagkain?
[Kahon sa pahina 5]
SANAYIN ANG MGA ANAK: “Tinuturuan namin ang aming mga anak na maghugas ng kamay bago kumain, at hugasan o itapon na lang ang pagkain na nahulog sa sahig.”—Hoi, Hong Kong