Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/8 p. 22-23
  • Wawasakin ba ng Isang Pangglobong Kalamidad ang Ating Daigdig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Wawasakin ba ng Isang Pangglobong Kalamidad ang Ating Daigdig?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sansinukob na Kontrolado ng Diyos
  • Ang Ating Lupa​—Ginawa Ukol sa Isang Layunin
  • Tinitiyak ang Kaligtasan ng Lahi ng Tao
  • Ipinangako ng Diyos na Mananatili ang Planeta Natin
    Gumising!—2023
  • Ang mga Asteroid, Kometa, at ang Lupa—Magbabanggaan Kaya?
    Gumising!—1999
  • Di-kumukupas na Regalo Mula sa Maylalang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Magugunaw Ba ang Mundo?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/8 p. 22-23

Ang Pangmalas ng Bibliya

Wawasakin ba ng Isang Pangglobong Kalamidad ang Ating Daigdig?

NOONG Marso 12, 1998, laganap sa mga ulong-balita sa pahayagan, TV, at mga linya ng Internet sa buong globo ang masamang balita: “Nanganganib na bumangga sa Lupa ang isang papalapit na asteroid na may sukat na isa’t kalahating kilometro.” Nag-unahan ang mga siyentipiko at ang mga karaniwang tao sa pagtantiya sa aktuwal na panganib. Di-nagtagal ay sinabi ng mga astronomo na hindi naman ito babangga.

Gayunman, sa gitna ng pagkakagulo, lumitaw ang isang bagong kabatiran. “Maaaring ang pinakamahalagang bagay hinggil sa maling hudyat na ito ay na, gaano man ito kahindik-hindik, marami ang nagkikibit-balikat lamang dito,” sabi ng U.S.News & World Report. “Ang kaisipan na tayong mga nasa Lupa ay dapat mag-abang sa gayong mga bagay​—at magplano sa maaaring gawin tungkol dito​—ay maaaring isang kakatwang bagay noong nakalipas na dekada o mas matagal pa, ngunit ngayon ang mga siyentipiko at maging ang ilang pulitiko ay nag-iisip na ang panganib, bagaman maliit lamang, ay talagang totoo.”

Naniniwala ang ilang astronomo na ang mga 2,000 bagay sa langit na napakalalaki anupat kaya nitong wasakin ang buong globo ay humahaginit sa direksiyong babagtas sa orbita ng lupa o kaya’y mapapalapit dito. Kung tatama sa lupa ang kahit isa sa maliliit na ito, sabi ng mga mananaliksik, ang pagsabog ay magiging gaya ng lakas ng pagsabog ng maraming sandatang nuklear na pinaputok nang sabay-sabay. Ang gayong pagbangga ay magdudulot ng napakalaking kapahamakan sa ating planeta at sa mga naroroon, mga tao at mga hayop man.

Ang isang opinyon na kadalasa’y ipinagwawalang-bahala kung tungkol sa gayong masasaklap na hula at pagtantiya ay yaong sa Maylalang ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. (Awit 8:3; Kawikaan 8:27) Sa Bibliya ay maliwanag na ipinaalam niya ang kaniyang kalooban at layunin para sa lupa at sa lahi ng tao. Pababayaan ba niyang gunawin ng isang pangglobong kalamidad ang ating daigdig?

Isang Sansinukob na Kontrolado ng Diyos

Yamang si Jehova ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ng sansinukob, makatuwiran lamang na isiping kaya niyang kontrolin nang lubusan ang mga puwersang umuugit sa mga bagay na nasa langit. Sinabi ng marunong na si Haring Solomon na “itinatag [ni Jehova] ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan.” (Kawikaan 3:19) Ipinahayag ng propetang si Jeremias na ang Diyos “ang Isa na sa pamamagitan ng kaniyang unawa ay nag-unat sa mga langit.”​—Jeremias 51:15.

Si Jehova ang nagpapairal ng mga batas at puwersa sa mga pagkilos ng mga bagay na nasa langit, pati na ng mga bituin, planeta, kometa, at mga asteroid. (Isaias 40:26) Gayunman, sa wari’y hinahayaan niya ang mga bituin at mga planeta na magpatuloy sa kanilang likas na mga siklo ng makatalinghagang pagsilang, pag-iral, at pagkamatay anupat hindi naman niya ito palaging pinakikialaman. Kasali na rito ang ilang nakatatakot na pagbabanggaan ng mga bagay na nasa langit. Ang isang halimbawa ng pagbabanggaan kamakailan ay noong Hulyo 1994 na doon ang mga piraso ng kometang Shoemaker-Levy 9 ay sumalpok sa planetang Jupiter.

May heolohikang patunay sa kasaysayan na ang malalaking bato mula sa labas ng kalawakan ay sumalpok sa lupa noong wala pang tao. Ngunit mangyayari kaya ang kaganapang ito sa ating planetang punô ng tao? Halimbawa, ano kaya ang maaaring mangyari kung ang isang asteroid na may sukat na isa’t kalahating kilometro ay bumangga sa lupa? Nakikini-kinita ng astronomong si Jack Hills na ang puwersa nito ay maglalabas ng enerhiya na milyun-milyong ulit ang lakas sa bombang pumatag sa Hiroshima. Kung tatama ito sa karagatan, babahain ang mga baybayin dahil sa daluyong. “Sa kinalalagyan ng mga lunsod,” sabi ni Hills, “walang makikita kundi burak.” Ipinalalagay na ang pinakamalubhang senaryo ay ang isang lubusang pagkalipol ng lahi ng tao. Paano umaangkop ang hulang ito ng araw ng paggunaw sa kalooban ng ating Maylalang para sa lupa? Ipinakikita ng Bibliya na ang planetang ito ay may pantanging dako sa layunin ni Jehova.

Ang Ating Lupa​—Ginawa Ukol sa Isang Layunin

Hinggil sa ating planeta, sinabi ng salmista: “Ang mga langit, ay pag-aari ni Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.” (Awit 115:16) Inilarawan ni Isaias si Jehova bilang “Tagapag-anyo ng lupa . . . , ang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Ang lupa ay isang pamana na ibinigay ni Jehova sa sangkatauhan. At yamang ang nasa isip ng ating Maylalang ay isang walang-hanggang kinabukasan para sa mga taong natatakot sa Diyos, ang lupa ay mananatili magpakailanman bilang kanilang namamalaging tahanan. Tinitiyak sa atin ng Awit 104:5: “Itinatag [ni Jehova] ang lupa sa mga patibayang dako nito; hindi ito mauuga hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”

Totoo, hinayaan ng Diyos na mangyari ang ilang malulubhang kalamidad sa ating planeta, na nagdulot ng kamatayan sa malaking bahagi ng sangkatauhan. Ilan sa mga kapahamakang ito​—gaya ng digmaan, taggutom, at epidemya​—sa kabuuan o sa isang bahagi ay dahil sa kasakiman, kahangalan, at kalupitan ng mga tao. (Eclesiastes 8:9) Ang iba naman​—gaya ng lindol, pagsabog ng bulkan, baha, at bagyo​—ay dahil sa likas na mga pangyayaring di-lubusang maunawaan ng sangkatauhan. Taliwas sa orihinal na layunin ng Diyos, hindi na sakdal ang mga tao; sila’y makasalanan. Bunga nito, sa pang-indibiduwal na paraan, hindi natin maaasahan sa panahong ito ang proteksiyon ng Diyos mula sa tinatawag na likas na mga kalamidad.

Gayunman, hindi hahayaan ni Jehova na lubhang mapasapanganib ang pag-iral ng tao sa lupa. Sapol nang likhain ang tao, ayon sa tunay na kasaysayan ay walang nangyaring likas na kapahamakan na nagsapanganib sa pag-iral ng buong sangkatauhan.a

Tinitiyak ang Kaligtasan ng Lahi ng Tao

Simula pa sa kasaysayan ng tao, layunin na ng ating Maylalang para sa tao na “punuin ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28; 9:1) Nangako siya na “ang matuwid mismo ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:9, 11, 22, 29) Kung tungkol sa kaniyang mga pangako, tiniyak ni Jehova: “Ang aking panukala ay mananatili, at ang lahat ng kinalulugdan ko ay aking gagawin.”​—Isaias 46:10; 55:11; Awit 135:6.

Hindi naman sinasabi ng Bibliya na hindi na talaga magkakaroon ng maliliit na kalamidad sa lupa na dulot ng mga pangyayari sa sansinukob. Magkagayunman, makatitiyak tayo na hindi hahayaan ni Jehova ang anumang pangglobong kalamidad na makahadlang sa kaniyang binitiwang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan. Salig sa mga pangako ng Bibliya, makatitiyak tayo na ang ating planeta ay mananatiling tirahan magpakailanman​—oo, ito’y magiging isang tahanan para sa sangkatauhan hanggang sa panahong walang takda!​—Eclesiastes 1:4; 2 Pedro 3:13.

[Talababa]

a Ang Baha noong panahon ni Noe ay isang paraan ng paglipol ng Diyos, ngunit tiniyak ni Jehova na may ilang tao at hayop na nakaligtas.​—Genesis 6:17-​21.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share