Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 1/22 p. 24-27
  • Ang mga Asteroid, Kometa, at ang Lupa—Magbabanggaan Kaya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Asteroid, Kometa, at ang Lupa—Magbabanggaan Kaya?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Umiikot sa Gitna ng mga Wasak na Labí ng mga Planeta
  • Nagsisiwalat na mga Hukay, Pagsabog, at Banggaan
  • Mga Tanawin ng Kasakunaan
  • Ano ang Dapat Gawin?
  • Mga Batong Lumilipad
    Gumising!—1995
  • Ang Pagbangga ng Kometa!
    Gumising!—1997
  • Ano ang Nasa Likod ng mga Planeta?
    Gumising!—1999
  • Wawasakin ba ng Isang Pangglobong Kalamidad ang Ating Daigdig?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 1/22 p. 24-27

Ang mga Asteroid, Kometa, at ang Lupa​—Magbabanggaan Kaya?

‘Maagang-maaga noong Hunyo 30, isang lubhang di-pangkaraniwang pangyayari ang namasdan dito sa isang nayon sa Siberia. Sa kalangitan, nakita ng mga magbubukid ang isang bagay na nagniningning; napakaliwanag nito kung para sa mga mata lamang. Mababa sa abot-tanaw, sa parehong direksiyon ng maningning na bagay, nakita ang isang maliit at maitim na ulap. Nang bumagsak sa lupa ang maningning na bagay, waring nadurog iyon na parang alikabok. Kapalit nito ay namuo ang isang malaking ulap ng itim na usok, at narinig ang malakas na pagsabog, na para bang rumaragasang malalaking bato. Nayanig ang mga gusali, at isang nagsangang dila ng apoy ang sumagitsit paitaas sa ulap. Nagtakbuhan sa lansangan ang mga taganayon dahil sa pagkasindak. Tumangis ang matatandang babae; inakala ng lahat na iyon na ang katapusan ng mundo.’​—Sumaryo ng isang ulat na lumabas sa pahayagang Sibir, Irkutsk, Russia, noong Hulyo 2, 1908.

HINDI nalalaman ng mga taganayong iyon na isang bagay mula sa langit ang katatapos lamang sumabog sa ibabaw nila. Ngayon, makalipas ang mahigit na 90 taon, ang isa sa pinakakakatwang hula tungkol sa katapusan ng ating planeta ay may kinalaman sa isang kapahamakan na sanhi ng isang asteroid o isang kometa. Ang mga akronim gaya ng NEOs (near-earth objects) at PHOs (potentially hazardous objects) ay naririnig may kaugnayan sa kakila-kilabot na mga hula tungkol sa pagkapuksa ng lupa sa pamamagitan ng pagtama ng mga bagay mula sa kalangitan. Agad namang pinagkakitaan ng Hollywood sa takilya ang mga pangambang ito sa pamamagitan ng mga pelikulang gaya ng Deep Impact at Armageddon.

Ano nga ba ang posibilidad na ikaw o ang iyong mga anak ay mapalis sa pamamagitan ng isang malaking bolang-apoy mula sa langit? Dapat mo bang asahan na malapit nang umulan ng mga tipak ng bakal at yelo sa iyong bakuran? Kung nakatira ka malapit sa tabing-dagat, papatagin ba ang iyong bahay ng isang dambuhalang alon na sanhi ng isang ligáw na asteroid na bumulusok sa dagat?

Umiikot sa Gitna ng mga Wasak na Labí ng mga Planeta

Marami pang bagay ang bumubuo sa ating sistema solar bukod pa sa araw, siyam na planeta, at mga buwan ng mga ito. Ang mga kometa (pinagsamang yelo at alikabok), asteroid (maliliit na planeta), at mga bulalakaw (karamihan ay mga bahagi ng asteroid) ay umiikot din sa loob ng sistema solar. Matagal nang alam ng mga siyentipiko na ang lupa ay laging inuulan ng mga bagay mula sa kalawakan. Kailangan lamang nating tingnan ang baku-bakong mukha ng buwan upang matanto na nakatira tayo sa isang makalat na pamayanan. Kung hindi lamang dahil sa atmospera at sa patuloy na pagreresiklo ng ibabaw ng lupa sa pamamagitan ng mga plate tectonic at pag-agnas, baka ang balat ng ating lupa ay butas-butas na kagaya ng mukha ng buwan.

Tinataya ng mga siyentipiko na hanggang 200 milyong bulalakaw ang nakikita sa atmospera ng lupa bawat araw. Karamihan sa mga bagay na pumapasok sa atmospera ay maliliit at nasusunog anupat halos hindi na mapansin. Gayunman, ang ilan sa mga bagay na ito ay nakatatagal sa maapoy na init ng pagpasok at pinababagal ng pagkikiskisan sa hangin sa bilis na mga 320 kilometro bawat oras. Ang natitira sa mga ito ay bumabagsak sa lupa bilang mga meteorite. Yamang karamihan sa mga ito ay bumabagsak sa karagatan o sa maluluwang na lupang walang tao, ang mga ito ay bihirang makapinsala sa mga tao. Tinatayang ang mga bagay na pumapasok sa ating atmospera ay nagdaragdag ng daan-daang tonelada araw-araw sa bigat ng lupa.

Karagdagan pa, tinataya ng mga astronomo na maaaring may humigit-kumulang 2,000 asteroid na halos mas malaki pa sa isang kilometro ang diyametro na alinman sa tumatawid o napapalapit sa orbita ng lupa. Ang natuklasan at natalunton nila ay mga 200 lamang ng mga ito. Gayundin, may tinatayang isang milyong asteroid na mas malaki sa 50 metro ang diyametro na mapanganib na nakararating malapit sa orbita ng lupa. Ang mga asteroid na kasinlaki nito ay maaaring umabot sa lupa at makapinsala. Ang gayong medyo maliit na bumabagsak na bagay ay nagtataglay ng mga sampung megaton ng enerhiya​—katumbas ng isang malaking bombang nuklear. Bagaman maaari tayong ipagsanggalang ng atmospera ng lupa mula sa mas maliliit na bagay na lumalagpak, hindi nito mapipigil yaong nagtataglay ng sampu o higit pang megaton ng enerhiya. Sinasabi ng ilang mananaliksik na, ayon sa estadistika, makaaasa tayo ng isang sampung-megaton na bagay na babagsak minsan sa isang siglo sa katamtaman. Ayon sa ilang pagtaya, ang tsansa na bumagsak ang mga bagay na mga isang kilometro ang diyametro ay minsan sa 100,000 taon.

Nagsisiwalat na mga Hukay, Pagsabog, at Banggaan

Hindi mahirap paniwalaan na ang ating planeta ay tinamaan noon ng malalaking bagay na bumabagsak mula sa kalawakan. Ang patotoo ng mga pagbagsak na ito ay masusumpungan sa mahigit na 150 natuklasang hukay na nagsilbing mga marka sa ibabaw ng lupa. Ang ilan sa mga ito ay maliwanag na makikita, ang iba ay makikita lamang mula sa eroplano o mga satellite, at ang iba naman ay matagal nang natabunan o nasa pinakasahig ng karagatan.

Ang isa sa pinakakilala sa mga hukay na ito, tinatawag na Chicxulub, ay lumikha ng pilat sa ibabaw ng lupa na 180 kilometro ang diyametro. Matatagpuan malapit sa hilagang dulo ng Yucatán Peninsula sa Mexico, ang malaking hukay na ito ay pinaniniwalaang pinagbagsakan ng isang kometa o asteroid na ang lapad ay sampung kilometro. Sinasabi ng ilan na ang mga pagbabago sa klima na ibinunga ng pagbagsak na ito ang siyang dahilan ng pagkalipol ng mga dinosauro at ng iba pang hayop sa lupa at sa dagat.

Sa Arizona, E.U.A., isang bakal na meteorite ang humukay ng pambihirang Meteor Crater​—isang hukay na halos 1,200 metro ang luwang at 200 metro ang lalim. Ano ang mangyayari kung ang isang meteorite na gaya nito ay babagsak sa isang lunsod? Ipinakikita ng isang popular na displey sa American Museum of Natural History, sa New York City, na kung babagsak ang gayong bagay sa Manhattan, lubusang mawawasak ang siksikang bayan na iyan.

Noong Hunyo 30, 1908, isang asteroid o tipak ng isang kometang tinatayang wala pang 100 metro ang luwang ay bumulusok sa atmospera at sumabog mga sampung kilometro sa itaas ng halos di-mataong rehiyon ng Tunguska sa Siberia, gaya ng nabanggit sa pambungad. Ang pagsabog, na tinatayang may lakas na 15 megaton, ay sumira sa isang lugar na ang lawak ay 2,000 kilometro kudrado, anupat bumagsak ang mga punungkahoy, nagsimula ang mga sunog, at namatay ang mga reindeer. Ilang tao kaya ang namatay kung ang pagsabog na iyan ay nangyari sa ibabaw ng isang mataong lugar?

Noong Hulyo 1994, ang mga teleskopyo sa buong daigdig ay nakapokus sa Jupiter habang ang mga piraso ng kometang Shoemaker-Levy 9 ay bumangga sa planetang iyan. Ang pansamantalang mga pilat na nabuo sa Jupiter ay mananatiling lubhang nakaukit sa isip niyaong mga tuwirang nakakita ng banggaan. Ang pagkakita sa naging pinsala sa Jupiter pagkatapos ng sunud-sunod na banggaang iyon ay nag-iwan kapuwa sa mga eksperto at mga pangkaraniwang tao na nag-iisip kung ano kaya ang nangyari kung, sa halip, ang lupa ang siyang tinamaan ng kometa.

Mga Tanawin ng Kasakunaan

Taglay ang pangamba, isinaalang-alang ng mga siyentipiko ang nakatatakot na mga resulta sa ating lupa ng isang pagbagsak ng kometa o asteroid. Ganito ang pangitain nila tungkol sa karaka-rakang mga resulta ng isang malaking banggaan. Una ay magkakaroon ng mistulang haligi ng sumasabog na bato at alikabok. Ang bumabagsak na mga labí ay lilikha ng pag-ulan ng mga bulalakaw na magpapapula sa kalangitan at susunog sa mga kagubatan at damuhan, anupat papatay sa karamihan ng buhay na nasa lupa. Ang alikabok na lulutang sa atmospera sa loob ng mahabang panahon ay haharang sa sikat ng araw, na magiging sanhi ng mabilis na pagbaba ng temperatura at paghinto ng potosintesis sa madilim na bahagi sa ibaba. Ang paghinto ng potosintesis ay hahantong din sa pagkasira ng kawing ng pagkain sa karagatan, na papatay sa karamihan ng mga nilalang sa dagat. Ayon sa pangitaing ito, ang kapahamakan sa kapaligiran ay lulubusin pa ng pag-ulan ng asido sa buong globo at ang pagkasira ng suson ng ozone.

Kung tatama sa karagatan ang gayong asteroid, lilikha ito ng dambuhalang mga alon, tsunami, na may napakalaking potensiyal sa pagwasak. Mas malayo ang mararating ng tsunami mula sa lugar na binagsakan kaysa sa naunang malaking alon at lilikha ito ng malawakang pagkawasak sa mga baybaying lugar na libu-libong kilometro ang layo. Sabi ng astronomong si Jack Hills: “Kung saan dating may mga lunsod, magkakaroon na lamang ng mga kapatagan ng putik.”

Gayunman, dapat mag-ingat ang isa sa pagbibigay ng gayong mga pahayag. Ang kalakhang bahagi ng mga kuru-kurong ito ay sapantaha lamang. Maliwanag, wala pang sinuman ang nakakita o nakapagsuri ng isang asteroid na bumangga sa lupa. Gayundin, ang hibang-sa-kalabisan na media sa ngayon ay madaling gumawa ng kahindik-hindik na mga ulo ng balita, batay sa di-kumpleto o di-tumpak pa nga na impormasyon. (Tingnan ang kahon sa itaas.) Sa katunayan, sinasabi na ang tsansa na mamatay dahil sa isang bumabagsak na bagay mula sa langit ay napakaliit kaysa sa tsansa na mamatay sa isang aksidente sa sasakyan.

Ano ang Dapat Gawin?

Naniniwala ang maraming eksperto na ang pinakamagaling na paraan upang maiwasan ang kapahamakan sa pagdating ng isang kometa o asteroid ay ang maglunsad ng isang rocket upang harangin ang sumasalakay at, sa paano man, baguhin ang direksiyon nito. Kung ang asteroid ay maliit at maraming taon nang natuklasan bago ang tinatantiyang pagbangga nito, maaaring sapat na ang pagpapasabog na ito.

Gayunman, para sa mas malalaking bagay na maaaring bumangga sa lupa, iminumungkahi ng ilang siyentipiko ang paggamit ng nuklear na mga armas. Sa gayong kaso, pinaniniwalaan na ang isang maingat-na-ipinuwestong bombang nuklear ay magtutulak sa asteroid sa isang mas ligtas na orbita, anupat mahadlangan ang pagbangga nito sa lupa. Ang laki ng asteroid at ang distansiya nito sa lupa ang siyang titiyak ng laki ng nuklear na pagsabog na kakailanganin.

Ang problema ay, wala sa mga posibleng hakbang na ito ang maaaring maging mabisa kung walang sapat na patiunang babala. Ang mga grupo sa astronomiya gaya ng Spacewatch at Near Earth Asteroid Tracking ay bukod-tanging itinalaga sa paghahanap ng mga asteroid. Inaakala ng maraming tao na higit pa ang dapat gawin sa bagay na ito.

Totoo, limitado ang kaalaman ng di-sakdal na mga tao hinggil sa kinaroroonan at galaw ng mga bagay na ito sa kalangitan. Pero hindi kailangang labis na mabahala o matakot sa mga banta na nanganganib ang kinabukasan ng buhay sa lupa. Ang pinakaligtas na garantiya na walang asteroid o kometa na pahihintulutan kailanman na sumira sa lahat ng buhay sa lupa ay galing sa Maylalang ng uniberso, ang Diyos na Jehova.a Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang mga matuwid ay magmamay-ari sa lupa, at sila’y mananahanan dito magpakailanman.”​—Awit 37:29; Isaias 45:18.

[Talababa]

a Para sa higit pang pagtalakay sa pangmalas ng Bibliya sa paksang ito, tingnan ang pahina 22-3 ng Disyembre 8, 1998, na labas ng Gumising!

[Kahon sa pahina 27]

Ang Kaso ng 1997 XF11

Noong Marso 12, 1998, masamang balita ang ipinatalastas sa buong daigdig: Isang asteroid na may lapad na uno punto singko kilometro ang patungo sa lupa at inaasahang darating sa Oktubre 26, 2028, “araw ng Huwebes.” Ang asteroid, na pinanganlang 1997 XF11, ay natuklasan noong Disyembre 6, 1997, ng astronomong si Jim Scotti, ng grupong Spacewatch sa University of Arizona. Sa pamamagitan ng paggamit sa dati nang impormasyon at mas bagong obserbasyon, ang mga siyentipiko sa Harvard-Smithsonian Center for Astrophysics ay nagpalabas ng impormasyon na ginamit ng ilan upang ihula na ang orbita ng asteroid ay malamang na maglalagay rito sa distansiyang 50,000 kilometro mula sa lupa​—isang napakaikling distansiya sa pamantayan ng astronomiya, o “walang tsansang sumala sa pagbangga.” Ang mga telebisyon ay puno ng mga nakatatakot na paglalarawan sa pagbagsak sa lupa ng isang asteroid. Pagkatapos, makalipas lamang ang halos isang araw, wala nang panganib. Ipinakita ng mga bagong impormasyon at kalkulasyon na malalampasan ng asteroid ang lupa sa layong 1,000,000 kilometro. Malapit pa rin iyan sa anumang dati nang naobserbahang asteroid na gayon kalaki, ngunit iyon ay isang ligtas na distansiya. Agad na nakabuo ang media ng mga ulong balita gaya ng “Okey, Bahagyang Nagkamali sa mga Ito.”

[Mga larawan sa pahina 26]

1. Halley’s Comet

2. Comet Ikeya-Seki

3. Asteroid 951 Gaspra

4. Meteor Crater​—isang hukay na halos 1,200 kilometro ang luwang at 200 kilometro ang lalim

[Credit Lines]

Sa kagandahang-loob ng ROE/Anglo-Australian Observatory, kuha ni David Malin

Kuha ng NASA

NASA/JPL/Caltech

Kuha ni D. J. Roddy at K. Zeller, U.S. Geological Survey

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Kuha ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share