Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 24-27
  • Ano ang Nasa Likod ng mga Planeta?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nasa Likod ng mga Planeta?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinakamalalayong Bagay
  • Mga Pamilya ng Kometa
  • Laksa-laksang Maliliit na Planeta
  • Saan Kaya Galing ang mga Ito?
  • Panggagalugad sa mga Kometa
  • Isang Selestiyal na Panauhin ay Nagbabalik
    Gumising!—1986
  • Saan Galing ang mga Bulalakaw?
    Gumising!—1993
  • Ang Pagbangga ng Kometa!
    Gumising!—1997
  • Ang mga Asteroid, Kometa, at ang Lupa—Magbabanggaan Kaya?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 24-27

Ano ang Nasa Likod ng mga Planeta?

Planetang X. Ang pangalang ito ay ibinigay ng astronomong si Percival Lowell sa isang hindi pa natutuklasang planeta na hinihinala niyang umiikot sa likod ng Neptuno. Nagsimula ang kaniyang paghahanap sa Planetang X noong 1905 sa kaniyang obserbatoryo sa Flagstaff, Arizona. Bagaman kinamatayan na ni Lowell ang paghahanap sa Planetang X, nagpatuloy pa rin ang paghahanap na sinimulan niya. Sa wakas, noong 1930, sa obserbatoryo ni Lowell, natuklasan din ni Clyde Tombaugh ang planetang Pluto. Talaga ngang may Planetang X!

Agad na nag-isip-isip ang mga astronomo, ‘Mayroon kayang matatagpuan na iba pang Planetang X?’ Sinundan ito ng anim na dekada ng masinsinang pagtuklas, at nitong huling mga taon ng paghahanap, gumamit pa man din ng sasakyang-pangkalawakan. Bagaman libu-libong asteroid, bituin, galaksi, at nebula ang natuklasan, wala namang nakitang bagong mga planeta.

Gayunman, nagpatuloy pa rin ang paghahanap. Nagsimulang gumamit ng makabagong mga teknolohiya at mas malalakas na teleskopyo ang mga siyentipiko upang matuklasan ang umiikot na mga bagay na milyun-milyong ulit na mas malabo kaysa sa maaaring makita ng mga mata lamang. Nagbunga rin sa wakas ang kanilang pagsisikap. Nakagugulat, ilang dosenang mas maliliit na planeta sa likod ng Pluto ang nakita na ngayon!

Nasaan kaya ang maliliit na planetang iyon? Ilan pa kaya ang maaaring masumpungan? Ang mga iyon kaya ang pinakamalalayong bagay sa ating sistema solar?

Ang Pinakamalalayong Bagay

Ang sistema solar ay binubuo ng siyam na planetang umiikot sa araw. Bukod dito, libu-libong batong asteroid ang humahaginit sa kalawakan, kadalasa’y sa pagitan ng Mars at Jupiter. Nakita rin ang halos isang libong kometa.

Alin kaya sa mga bagay na ito ang naglalakbay nang napakalayo mula sa araw? Ang totoo, ang mga kometa ang higit na nakagagawa nito.

Ang salitang “kometa” ay nagmula sa Griegong salita na ko·meʹtes, na ang ibig sabihin ay “may mahabang buhok”​—tumutukoy sa mahahaba at humahagibis na mga buntot na kasunod ng maliliwanag na pinakaulo nito. Ang mga kometa ang pinagmulan ng maraming pamahiin at pagkakagulo. Itinuturing pa rin ng mga tagamasid ang pagdalaw ng mga kometa bilang mga aparisyon. Nagmula ito sa sinaunang paniniwala na ang mga ito ay mahiwagang mga bagay o mga bagay na nagbabadya ng pangitain. Bakit kaya gayon na lamang ang takot sa mga ito? Ang isang dahilan ay natataon kung minsan ang paglitaw ng mga ito sa nakalulunos na mga pangyayari.

Ang mga kometa ay nagiging dahilan pa rin ng panatisismo. Noong Marso 1997, sa California, E.U.A., 39 na miyembro ng kultong Heaven’s Gate ang sabay-sabay na nagpatiwakal habang papalapit sa araw ang kometang Hale-Bopp. Bakit? Sapagkat inaasahan nila na dumarating ang isang mahiwagang sasakyang pangkalawakan, na diumano’y nagtatago sa likod ng kometa, upang kunin sila.

Hindi naman lahat ay nagtataglay ng walang-katuwirang pangmalas sa mga kometa. Noong ikaapat na siglo B.C.E., sinabi ni Aristotle na ang mga kometa ay mga ulap ng kumikinang na gas doon sa kalangitan. Pagkaraan ng mga ilang siglo, buong-katalinuhang ipinahiwatig ng Romanong pilosopo na si Seneca na ang mga kometa ay mga bagay na umiikot sa langit.

Nang simulang gamitin ang teleskopyo at matuklasan ang batas ni Newton hinggil sa grabitasyon, ang pag-aaral sa mga kometa ay naging isang mas eksaktong siyensiya. Nang sumapit ang 1705, natiyak ni Edmond Halley na ang mga kometa ay umiikot sa araw sa mahaba at hugis-itlog na landas. Bukod dito, napansin niya na ang mga kometang lumitaw noong mga taóng 1531, 1607, at 1682 ay may magkakatulad na direksiyon at ang katamtamang pagitan ng paglitaw ng bawat isa ay mga 75 taon. May kawastuang ipinahiwatig ni Halley na ang bawat paglitaw na ito ay mula sa iisang umiikot na kometa, na sa dakong huli’y tinawag na Halley’s Comet.

Alam na ngayon ng mga mananaliksik na ang mga kometa ay may solidong sentro, na karaniwan nang nasa pagitan ng 1 at 20 kilometro ang diyametro nito. Pinakamagaling na mailalarawan ang sentro nito bilang isang maitim at maruming tipak ng yelo ng namuong tubig na may halong alikabok. Ipinakikita ng malapitang larawan ng Halley’s Comet na kuha ng sasakyang-pangkalawakan na Giotto noong 1986 na nagbubuga ng gas at alikabok ang kometa. Ang mga ibinubugang ito ang siyang sanhi ng maningning na ulo at buntot ng kometa na nakikita sa lupa.

Mga Pamilya ng Kometa

May dalawang pamilya ng kometa na umiikot sa araw. Inuuri ang kometa batay sa panahon ng pag-ikot nito, o sa haba ng panahon na ginugugol nito upang makumpleto ang isang pag-ikot sa araw. Ang madalas uminog, o pana-panahong mga kometa​—gaya ng Halley’s Comet​—ay gumugugol ng kulang sa 200 taon sa bawat pag-ikot nito sa araw. Ang landas na iniikutan ng mga ito ay malapit sa labas ng ecliptic, ang saklaw ng mga landas sa langit na dinaraanan ng lupa at iba pang mga planeta sa pag-ikot sa araw. Maaaring may bilyun-bilyong pana-panahong kometa, na karamihan ay umiikot sa dako na lampas pa sa kinaroroonan ng pinakamalalayong planeta na Neptuno at Pluto, anupat bilyun-bilyong milya ang layo mula sa araw. Kung minsan, ang ilan sa mga ito, gaya ng Encke’s Comet, ay nahihigop nang mas malapit sa araw kapag napapalapit sa mga planeta.

Kumusta naman ang pag-ikot ng mga kometa na madalang uminog? Di-tulad niyaong mga kometa na madalas uminog, ang mga kometa na madalang uminog ay umiikot sa araw mula sa lahat ng direksiyon. Kabilang dito ang mga kometang Hyakutake at Hale-Bopp, na nagpamalas ng kahanga-hangang pagtatanghal nitong nakalipas na mga paglitaw ng mga ito. Gayunman, hindi inaasahan ang pagbabalik ng mga ito sa loob ng libu-libong taon!

Isang napakalaking grupo ng mga kometa na madalang uminog ang umiikot sa pinakalabas na bahagi ng sistema solar. Ang kulumpong ito ay tinawag na ulap na Oort, na isinunod sa pangalan ng astronomong Olandes na, noong 1950, ay unang nagsabi na umiiral nga ito. Ilang kometa kaya ang bumubuo sa ulap na ito? Tinataya ng mga astronomo na mahigit sa isang trilyon ang mga ito! Ang ilan sa mga kometang ito ay naglalakbay sa distansiyang isang light-year o mahigit pa mula sa araw.a Sa mga distansiyang ito, ang isang pag-ikot ay gumugugol ng mahigit sa sampung milyong taon!

Laksa-laksang Maliliit na Planeta

Ang bagong tuklas na maliliit na planetang binanggit sa pasimula at ang mga kometang madalas uminog ay magkakasama doon sa lugar na lampas pa sa kinaroroonan ng Pluto. Mula noong 1992, nakatuklas na ang mga astronomo ng mga 80 sa maliliit at mistulang planetang mga bagay na ito. Posible na ang diyametro ng sampu-sampung libo sa mga ito ay mas malaki pa sa 100 kilometro. Ang maliliit na planetang ito ang bumubuo ng Kuiper belt, na isinunod sa pangalan ng isang siyentipiko na noong nakalipas na mga 50 taon ay naghinalang umiiral ito. Ang mga bagay sa Kuiper-belt ay binubuo marahil ng pinagsamang bato at yelo.

Nabago ba ang pangmalas sa panloob na bahagi ng sistema solar dahil sa katutuklas na maliliit na planetang ito? Oo! Ang Pluto, ang buwan nito na Charon, ang Triton na satelayt ng Neptune, at ang ilan pang mayelong bagay sa panloob na sistema solar ay inaakala ngayon na mga bagay na galing sa Kuiper belt. Iniisip pa nga ng ilang astronomo na ang Pluto ay hindi na maituturing na isang pangunahing planeta!

Saan Kaya Galing ang mga Ito?

Paano dumami ang mga kometa at maliliit na planeta sa Kuiper belt? Ipinalalagay ng mga astronomo na ang mga bagay na ito ay lumaki mula sa dating ulap ng alikabok at namumuong yelo lamang, na nagkadikit-dikit anupat bumuo ng mas malalaking bagay. Gayunman, ang mga bagay na ito’y babahagyang kumalat kung kaya hindi nagpatuloy sa pagiging malalaking planeta.

Ang mga kometa na matagal uminog ay may malaking bahagi rin sa sistema solar. Kung pagsasama-samahin, ang mga kometang ito sa kabuuan ay mga 40 ulit na mas malaki kaysa sa lupa. Inaakalang ang karamihan sa mga ito ay nabuo noong nagpapasimula pa lamang ang kasaysayan ng sistema solar sa lugar na kinaroroonan ng mga higanteng gas na planeta sa dakong labas.

Ano kaya ang nagtaboy sa mga kometang ito tungo sa kanilang kasalukuyang iniikutan na napakalayo sa araw? Malamang, ang malalaking planeta, gaya ng Jupiter, ang nagsilbing malakas na pamaltik na grabitasyon sa alinmang kometang mapapalapit sa mga ito.

Panggagalugad sa mga Kometa

Ang mga kometa ay binubuo ng ilan sa pinakapanimulang materyal sa sistema solar. Paano pa lalong magagalugad ang mga kahanga-hangang bagay na ito? Ang paminsan-minsang paglitaw ng ilang kometa sa panloob na bahagi ng sistema solar ang nagpapangyaring mapag-aralang mabuti ang mga ito. Iba’t ibang ahensiyang pangkalawakan ang nagpaplanong magpadala ng maraming sasakyang-pangkalawakan upang galugarin ang mga kometa sa susunod na ilang taon.

Sino ang makapagsasabi kung ano pa ang matutuklasan sa ating sistema solar? Ang mga bagong tuklas at pagkaunawa sa napakalalayong bagay na umiikot sa araw ay nagdaragdag ng puwersa sa talata sa Bibliya na nakaulat sa Isaias 40:26: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya sa pangalan.”

[Talababa]

a Ang isang light-year ay katumbas ng distansiya na nilalakbay ng liwanag sa isang taon, o mga 9.5 trilyong kilometro.

[Kahon sa pahina 27]

PAG-ULAN NG MGA KOMETA AT BULALAKAW

Kapag pinagmamasdan mo ang isang kahanga-hangang sinag ng bulalakaw sa papawirin, iniisip mo bang galing iyon sa isang kometa? Posible. Kapag ang isang kometa ay papalapit sa araw, unti-unting naghihiwa-hiwalay ang mayelong sentro nito, anupat naglalabas ng isang bakas ng mga butil ng bato, o mga bulalakaw. Ang mga butil na ito ay hindi kasinggaan ng mga alikabok sa buntot ng isang kometa at sa gayon ay hindi nililipad ng hanging solar sa kalawakan. Sa halip ang mga ito’y bumubuo ng isang mahabang kumpol ng mga pira-pirasong labí na umiikot sa araw sa dinaraanan ng kometang pinagmulan ng mga ito.

Taun-taon, nasisilayan mula sa lupa ang maraming sinag na ito ng bulalakaw. Ang pag-ulan ng mga bulalakaw na Leonid noong kalagitnaan ng Nobyembre ay mula sa materyal na naiwan ng kometang Tempel-Tuttle. Ang pag-ulang ito ay nagpapamalas ng isang pambihirang pagtatanghal tuwing 33 taon. Ang mga nagmamasid sa papawirin na nanonood ng pag-ulan ng Leonid noong 1966 ay nag-ulat na nakakita sila ng mahigit sa 2,000 bulalakaw sa isang minuto​—halos isa nang bagyo! Lumikha ito ng nakasisilaw na mga bolang apoy noong 1998, at tiyak na magiging sulit ang panonood dito sa darating na Nobyembre.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 24-6]

1. Ang Comet Hale-Bopp noong 1997

2. Si Edmond Halley

3. Si Percival Lowell

4. Ang Halley’s Comet noong 1985

5. Ang Halley’s Comet noong 1910

6. Ang ibinubugang gas at alikabok na lumalabas sa Halley’s Comet

[Credit Lines]

1) Tony and Daphne Hallas/Astro Photo; 2) Culver Pictures; 3) Courtesy Lowell Observatory/Dictionary of American Portraits/Dover

4) Courtesy of Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin; 5) National Optical Astronomy Observatories; 6) the Giotto Project, HMC principal investigator Dr. Horst Uwe Keller, the Canada-France-Hawaii telescope

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

7. Ang iniikutan ng ilang kometa

Comet Kohoutek

Halley’s Comet

Araw

Lupa

Encke’s Comet

Jupiter

[Mga larawan]

8. Bago ito bumangga sa Jupiter noong 1994, ang kometang Shoemaker-Levy 9 ay nagkabaha-bahagi sa 21 piraso

9. Ibabaw ng Pluto

10. Ang kometang Kohoutek, 1974

11. Ang asteroid na Ida at ang buwan nitong Dactyl

[Credit Lines]

8) Dr. Hal Weaver and T. Ed Smith (STScI), and NASA; 9) A. Stern (SwRI), M. Buie (Lowell Obs.), NASA, ESA; 10) NASA photo; 11) NASA/JPL/Caltech

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share