Sino ang Maglilinis ng Ating Lupa?
“HINUHULAAN ko na sa taóng 2025 ang salitang ‘polusyon’ ay maglalaho na mula sa talasalitaan ng ating bansa kung ang pag-uusapan ay ang ating industriya.” Iyan ang inihula kamakailan ng isang presidente ng korporasyon ng mga kemikal. Naniniwala ka bang mangyayari ito? Kung gayon, paano ito mangyayari?
Ang pagnanais para sa mga pakinabang ang kadalasang nagtutulak sa pagbebenta ng mga produktong di-ligtas. Halimbawa, pinapayagan ng mga batas tungkol sa lihim na kalakalan ang mga kompanya ng pestisidyo na ingatang lihim ang kapaki-pakinabang na mga pormula sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang mga sangkap na “hindi matapang,” isang katagang agad binibigyan-kahulugan bilang “hindi nakapipinsala.” Subalit, “hindi kukulangin sa 394 na hindi matapang na mga sangkap ay ginamit bilang aktibong pestisidyo,” ulat ng magasing Chemical Week. Sa mga sangkap na ito, 209 ang mapanganib na dumi, 21 ang opisyal na inuri bilang mga sangkap na nakakakanser, at 127 ang mapanganib sa kalusugan na nauugnay sa trabaho!
Totoo, kadalasang kapaki-pakinabang ang mga kontrol na pangkaligtasan na isinasagawa ng mga pamahalaan. Subalit ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mga pamahalaan, sabi ng isang manunulat, ay ang “pag-unlad ng ekonomiya at pagiging kapaki-pakinabang ng industriya.” Kaya nga, laging nakakaharap ng mga ito ang trade-off—panganib laban sa mga pakinabang. Totoo, ang resulta ay ‘kontroladong polusyon.’
Kaya saan tayo babaling para sa mga kasagutan? Ito ang itinanong ng isang Saksi ni Jehova sa isang palakaibigang maybahay. Palibhasa’y nagpapahayag ng tiwala sa mga lider na tao at mga siyentipiko, ang taong iyon ay sumagot: “Aayusin nila ang mga bagay-bagay balang araw.”
“Ngunit sino sila?” ang tanong ng Saksi. “Hindi ba’t sila’y mga tao ring katulad natin? Maaaring mas edukado sila, subalit may mga limitasyon at mga kahinaan sila. Nagkakamali sila.” Idagdag pa rito ang dami ng mga problemang nakakaharap nila gayundin ang kasakiman at katiwalian sa lipunan ng tao.
Naniniwala ka rin ba na maaayos nila ang mga bagay-bagay? Ang mahabang kasaysayan ng kabiguan ng tao ay hindi magpapangyari sa iyo na magtiwala. Ganito ang sabi ng magasing Outdoor Life: “Mas bihasa ang mga siyentipiko at ang kanilang mga ahensiya sa pag-aaral sa mga problema tungkol sa polusyon kaysa sa paglutas sa mga ito.” Anong pag-asa mayroon na malulutas ng mga tao ang malubhang problema na ito?
Magagawa ba Ito ng mga Tao Mismo?
Ang pagsugpo sa kemikal na polusyon ay hindi basta isang problema para sa lokal na mga awtoridad. Ito ay sapagkat ang mga kemikal na ginagamit sa isang bansa ay nakaaapekto sa mga tao sa kalapit na mga bansa, maging sa mga tao sa buong daigdig! At ang mga tao’y hindi nagtagumpay sa pagtutulungan na lutasin ang mga problemang ito ng daigdig. Ipinahihiwatig ng Bibliya kung bakit nang sabihin nito: “Dominado ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Bakit hindi matagumpay ang mga tao sa pamamahala sa kanilang sarili? Muli, ipinaliliwanag ng Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ano ang ibig sabihin nito?
Nangangahulugan ito na ang mga tao’y hindi kailanman nilayon na pamahalaan ang kanilang sarili nang hiwalay sa patnubay ng Diyos. Totoo, kamangha-manghang mga bagay ang nagawa na ng mga tao—nakapagtayo sila ng kahanga-hangang mga tirahan, nakagawa sila ng mahuhusay na mga aparato, naglakbay pa nga sa buwan—gayunman ay hindi nila kayang pamahalaan ang kanilang sarili nang walang patnubay ng Diyos. Iyan ang itinuturo ng Bibliya, at pinatutunayan ng kasaysayan ang ganap ng kawastuan ng Bibliya.
Isang Nilinis na Lupa—Sa Anong Paraan?
Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay laging nababahala sa sangkatauhan at sa lupang ito, na inihanda niya para sa tao. Pagkatapos niyang lalangin ang mga tao, pinag-utusan niya sila na pangalagaan ang lupa at ang mga buhay na naririto. (Genesis 1:27, 28; 2:15) Nang maglaon, nang sumuway ang unang mag-asawa sa kaniyang mga utos, nagbigay siya ng mga tagubilin sa bansa ng sinaunang Israel tungkol sa pangangalaga sa lupain, pati na ang kahilingan na pagpahingahin ito sa loob ng isang taon tuwing ikapitong taon. Ito’y magpapanariwa rito. (Exodo 23:11; Levitico 25:4-6) Subalit ang mga tao’y naging sakim at sumuway sa Diyos. Nagdusa sila at ang lupain.
Mangyari pa, walang kemikal na polusyon noon na gaya ng nararanasan natin ngayon. Gayunman, nasira ang lupain sapagkat hindi ito pinagpahinga ng mga Israelita ayon sa layunin ng Diyos, at nagdusa ang mga taong walang-sala. Kaya pinahintulutan ng Diyos na sakupin ng mga taga-Babilonya ang Israel at dalhing bihag ang bansa sa Babilonya sa loob ng 70 taon. Ang parusang ito ay nagpahintulot din sa lupain na magpahinga upang ito’y makapagpanariwa.—Levitico 26:27, 28, 34, 35, 43; 2 Cronica 36:20, 21.
Ang kasaysayang ito’y nagtuturo sa atin na pinapanagot ng Diyos ang mga tao sa kanilang ginagawa sa lupa. (Roma 15:4) Sa katunayan, nangangako ang Diyos na kaniyang ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Maliwanag, inilalarawan ng Bibliya ang uri ng mga tao na “sumisira” rito. Kabilang sa kanilang nangingibabaw na mga katangian, gaya ng nakatala sa Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-5, ang pagkaabala sa salapi at sa sarili hanggang sa punto na hindi na nila iniintindi ang Diyos at, pati na ang kaniyang mga nilalang, kalakip na ang mga kapuwa tao.
Kaya itinuturo ng dalawang tekstong ito sa Bibliya—ang 2 Timoteo 3:1-5 at Apocalipsis 11:18—ang dalawang matibay na konklusyon. Una, ang maruruming isip ay patungo sa isang maruming lupa. At ikalawa, makikialam ang Diyos upang iligtas ang planetang ito at ang mga taong may takot sa Diyos kapag ang dalawang anyo ng polusyon ay umabot na sa sukdulan. Paano makikialam ang Diyos?
Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Daniel, inihula ng Diyos: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon [maliwanag na tumutukoy sa mga pamahalaan ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na . . . dudurugin at wawasakin ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ang Kahariang ito ay isang tunay na pandaigdig na pamahalaan. Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na manalangin ukol sa pamahalaang ito nang sabihin niya: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa mga langit, . . . dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Sa ilalim ng maibiging pangangasiwa ng Kaharian ng Diyos, ang mga maninirahan sa lupa ay magtatamasa ng katangi-tanging pribilehiyo na gawing paraiso ang buong planeta. Ang hangin ay magiging dalisay, ang mga batis ay magiging malinis, at ang lupa ay magbubunga ng malilinis na buhay. (Awit 72:16; Isaias 35:1-10; Lucas 23:43) Pagkatapos noon, nangangako ang Bibliya: “Ang mga dating bagay [ang mga karamdaman, paghihirap, polusyon, at ang marami pang kaabahan sa ngayon] ay hindi na maaalaala, o mapapasa-puso man.”—Isaias 65:17.
[Larawan sa pahina 10]
Isang nilinis na lupa—mabubuhay ka ba upang makita ito?