Repetitive Strain Injuries—Kung Ano ang Dapat Mong Malaman
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
GINAGAWA iyon ni Marcelo, isang taga-Brazil na 24-na-taong-gulang na pintor ng bahay, halos tuwing umaga nang hindi na nag-iisip. Isinusuot niya ang kaniyang relo sa kaniyang pulsuhan at pinagkakabit ang dalawang dulo ng strap na yari sa balat. Pero ngayon ay nahirapan siyang pagkabitin ang strap. Nang magkagayo’y tiningnan niya ang kaniyang pulsuhan at napansin niya ang problema. Magang-maga ito kung kaya hindi na kasya ang strap ng relo.
Nang maglaon, sa paghawak lamang ng suklay o sipilyo ay kumikirot na ang kaniyang kamay. Kaya nagpatingin si Marcelo sa isang doktor. Matapos suriin si Marcelo at malaman na dalawang taon na siyang nagkakayod, nagpapalitada, at nagpipinta ng mga dingding, sinabi sa kaniya ng doktor: “May kaugnayan sa iyong trabaho ang kirot na nararamdaman mo. Mayroon kang repetitive strain injury [RSI].”
Isang Bagong Sakit?
Maraming manggagawa sa pabrika at opisina ang may diyagnosis na kagaya ng kay Marcelo. Gayon na lamang kabilis ang pagkalat ng RSI anupat tinawag ito ng pahayagang Folha de S. Paulo na “ang pangunahing karamdaman na may kaugnayan sa trabaho sa pagtatapos ng siglong ito.” Hindi nakapagtatakang sinasabi ng maraming tao na ang RSI ay tiyak na isa na naman sa mga karamdaman sa modernong-panahon! Gayon nga ba?
Ang totoo, kung nabuhay si Marcelo sa Europa noong nagsisimula ang ika-18 siglo, maaaring nakilala na ng isang doktor ang kaniyang mga sintomas. Mangyari pa, hindi sa ganoong pangalan nakilala ang sakit na ito noon. Inilarawan ng Italyanong doktor na si Bernardino Ramazzini ang sakit na ito bilang wrist tenosynovitis (pamamaga ng mga litid at nakapalibot na balat) at tinawag itong ang karamdaman “ng mga eskriba at mga notaryo.” Ang paulit-ulit na pagkilos na kailangan sa mga propesyong iyon ay nagdulot sa mga kawani ng ika-18-siglong bersiyon ng RSI. Subalit sa pagtatapos ng siglo ring iyon, bumaba ang bilang ng mga manggagawang pinahihirapan ng RSI. Bakit?
Ang Pagbagsak at Pagbangon ng RSI
Ang mga kawani sa mga opisina noong kapanahunan ni Ramazzini ay nabuhay sa tinaguriang panahon bago ang industriya. Noon, maraming oras na nagtatrabaho ang mga tao nang walang tulong ng mga makina. Kailangan sa kanilang trabaho ang paulit-ulit na pagkilos at palagiang pagtutuon ng isip. Nagbunga ito ng karamdamang kauri ng RSI.
Subalit sa pagtatapos ng ika-18 siglo, sumapit ang Europa sa panahon ng industriya at ang mga trabahador na tao ay hinahalinhan ng mga makina. Ang tao na ngayon ang nagpapaandar ng mga makina na siyang gumagawa ng paulit-ulit na trabaho. Ang pagbabagong ito, sabi ng isang doktor na nagsuri sa kasaysayan ng RSI, ang maaaring nagpababa sa bilang ng mga kaso ng RSI sa mga manggagawa.
Totoo, noong panahon ng industriya, dumami ang mga aksidente sa trabaho at dumami rin ang mga karamdamang kaugnay sa trabaho ng mga manggagawa sa pabrika. Gayunpaman, ang mga babasahing medikal na tumatalakay sa panahong iyon ay bumabanggit ng mga kaso ng RSI sa ilang espesipikong grupo lamang. Halimbawa, ang mga piyanista at biyolinista ng ika-19 na siglo ay pinahirapan ng pamamaga ng litid sa gawing itaas ng bisig, at ang mga manlalaro ng tennis ay nagkaroon ng tennis elbow, o pamamaga ng mga litid sa siko.
Subalit sa ating siglo, bumalik ang RSI na may kaugnayan sa trabaho. Bakit? Una, ang lalong humuhusay na mga makina ay kadalasang nagdidikta sa tao kung ano ang dapat gawin at kung gaano kabilis ito dapat gawin. Ang pagbabagong ito ay umakay sa kawalang-kasiyahan at suliranin sa kalusugan ng mga manggagawa. Ang mga manggagawa ay gumugugol ng maraming oras sa trabaho na doo’y kadalasang napipilitan silang kumilos nang paulit-ulit at palagiang magtutok ng pansin. Ang resulta? Ang RSI ay naging isang suliranin sa kalusugan na ngayo’y sanhi ng mahigit sa 50 porsiyento ng lahat ng karamdamang may kaugnayan sa trabaho ng mga manggagawa sa Estados Unidos at Brazil—kung babanggit ng dalawang bansa lamang.
Ang mga Sanhi, at ang Apektadong mga Propesyon
Ang pangunahing sanhi ng RSI ay ang mabilis na paulit-ulit na pagkilos na kailangan sa maraming trabaho. Nakalulungkot, malimit na walang mapagpipilian ang mga manggagawa kundi ang manatili sa mga trabahong maaaring makapinsala sa kanilang kalusugan. Mauunawaan ng maraming manggagawa ang kalagayan ng isang babaing taga-Brazil na nagtrabaho sa isang planta ng awto at kinailangang bumuo ng mga radyo sa loob ng wala pang isang minuto bawat isa. Isa pang manggagawa, ulat ng pahayagang Folha de S. Paulo, ang kailangang magsagawa ng mga pagsubok sa pamamagitan ng pagpukpok sa 63 aparato sa bawat oras sa pamamagitan ng isang martilyong goma. Ang dalawang babaing ito ay nagsimulang pahirapan ng kirot sa gawing itaas ng kanilang braso at nang maglaon ay natanggal sa trabaho dahil sa kapansanang sanhi ng RSI.
Ang mga gawain na labis na bumabanat sa mga kalamnan at kasu-kasuan ng isa (gaya sa pagdadala ng mabibigat na sako) at hindi pagkilos (samakatuwid nga, ang hindi paggalaw ng mga bahagi ng katawan sa isang itinakdang posisyon) ay mga sanhi rin ng RSI. Lalo nang maaaring maging sanhi ng kapinsalaan ang gayong pagkilos kapag ang isa ay nagtatrabaho sa isang di-maalwang posisyon.
Ang ilan na itinatala ng mga mananaliksik na maaaring maging sanhi ng RSI ay ang mga metallurgist, kawani sa bangko, keyboard operator, telephone operator, kahera sa supermarket, tagapagsilbi, pintor ng bahay, tagabuo ng mga laruan, mananahi, mangungulot, knitter, tagatabas ng tubo, at iba pang manu-manong manggagawa.
Hindi Lamang Sanhi ng Pagkilos
Bagaman iniisip ng maraming tao na ang RSI ay pangunahin nang bunga ng trabaho na nangangailangan ng paulit-ulit na pagkilos, idiniin ng mga ekspertong dumalo sa First National Seminar on RSI, na ginanap sa Brasília, ang kabisera ng Brazil, na hindi lamang paulit-ulit na pagkilos ang nasasangkot.
Ganito ang paliwanag ni Dr. Wanderley Codo, isang pinagsasanggunian sa mental na kalusugan at trabaho sa Unibersidad ng Brasília: “Ang paraan ng pagkakaorganisa sa trabaho—ang gawain, ang ugnayan ng pangasiwaan at ng manggagawa, ang aktuwal na kapaligiran sa negosyo, ang antas ng pakikibahagi ng manggagawa, at ang rutin sa trabaho—ay isa sa mga salik na iniuugnay nang husto sa karamdaman.”
Idiniin din ng iba pang medikal na eksperto sa seminar tungkol sa RSI ang kaugnayan ng karamdaman sa kaayusan sa pinagtatrabahuhan. Isang negatibong aspekto ng mga bagong teknolohiya, sabi nila, ang bagay na humantong ang mga ito sa mga kaayusan sa trabaho na doo’y nawawala ang lahat ng kontrol ng manggagawa sa kaniyang trabaho—isang dahilan sa pagkakaroon ng RSI.
Yamang ang kaayusan sa trabaho at ang pagsasagawa nito ay malapit na nauugnay sa RSI, ang ilang manggagawa noong nakaraang mga dekada ay nakagawa ng paulit-ulit na pagkilos na hindi naman humantong sa pagkakaroon ng RSI. Ganoon ang konklusyon ng ilang eksperto.
Pagtiyak sa Karamdaman
Tandaan na ang RSI ay hindi tumutukoy sa isang karamdaman kundi sa isang grupo ng mga karamdaman. Lahat ng sakit sa grupong ito ay nakaaapekto sa mga kalamnan, litid, kasu-kasuan, at mga ligament, lalo na yaong sa mga braso. Yamang makikilala sa RSI ang isang grupo ng mga karamdaman, dahil dito ay nagkakaroon ng iba’t ibang palatandaan at sintomas. Maaaring malabo ang mga sintomas, at maaaring hindi agad matiyak ang kaugnayan ng mga sanhi at mga sintomas. Tingnan ang sumusunod na mga palatandaan.
Ang isang palatandaan ay ang pamimigat at kirot sa apektadong bahagi ng katawan (halimbawa, balikat at /o bisig) hanggang sa mauwi sa di-mapawing pananakit at pangingilig. Gayundin, may mga nodule, o maliliit na bukol, na maaaring lumitaw sa ilalim ng balat. Kapag malala na ang RSI, baka maging gayon na lamang katindi ang pamamaga at kirot anupat hindi na makagawa ng simpleng bagay ang isang tao gaya ng pagsusuklay ng kaniyang buhok o pagsisipilyo ng kaniyang ngipin. Kung hindi gagamutin, ang RSI ay maaari pa ngang humantong sa pagpangit ng hitsura at pagkainutil.
Paglabanan ang RSI
Kung kailangan sa kasalukuyan mong trabaho ang paulit-ulit na pagkilos at napapansin mo na ang mga palatandaan ng RSI, baka naisin mo na magpatingin sa doktor ng inyong kompanya. Kung wala nito, ikaw ay maaaring magpunta sa isang klinika kung saan masusuri ng isang orthopedist ang iyong kalagayan at makagagawa ng kailangang mga hakbang upang matulungan ka. Mas malaki ang tsansang gumaling kung bibigyang-pansin mo ang RSI habang nagsisimula pa lamang ang karamdamang ito.
Ang isa pang mahalagang paraan para mapaglabanan ang RSI ay ang pagsasaalang-alang ng ergonomics. Ano ba ang ergonomics? Ang termino ay binigyang-katuturan bilang “isang ikinapit na siyensiya may kinalaman sa pagdidisenyo at pagsasaayos ng mga bagay na ginagamit ng mga tao upang maging totoong mahusay at ligtas ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng mga bagay.”
Sa gayon, ang ergonomics ay may kinalaman sa pag-aangkop ng pinagtatrabahuhan sa tao at ng tao sa pinagtatrabahuhan. Gayunman, higit pa ito sa pagpapahusay ng hugis ng isang keyboard o ng isang martilyo. Kasali rin dito ang pagsasaalang-alang ng mental at emosyonal na pangangailangan ng manggagawa. Upang makamit ito, sabi ng isang dalubhasa sa ergonomics na si Dr. Ingeborg Sell, “ginagamit [ng ergonomics] ang mga datos, impormasyon, at kaalaman mula sa lahat ng kasangkot na larangan [at] sinisikap na makasumpong ng bago at malawak na kaalaman tungkol sa tao at sa kaniyang gawain.”
Totoo, ang pagbabago ng ergonomics sa pinagtatrabahuhan ay maaaring hindi nakasalalay sa karamihan sa mga manggagawa. Ngunit ipinaliwanag ng mga medikal na eksperto sa seminar sa Brasília tungkol sa RSI na hindi gayon ang “participative ergonomics.” Ano ba ang ibig sabihin ng participative ergonomics?
Ang isang maypatrabaho na nagpapasigla ng participative ergonomics sa pinagtatrabahuhan ay nagsasaalang-alang sa opinyon ng manggagawa. Inaanyayahan niya ang manggagawa na makibahagi sa pagtuklas kung paano mapasusulong ang kaniyang lugar sa trabaho. Sasang-ayunan din ng gayong maypatrabaho ang pagkakaroon ng komite sa RSI sa loob ng kompanya na binubuo ng mga manggagawa at pangasiwaan. Babantayan ng grupong ito ang pananatili ng isang ligtas at maalwang kapaligiran sa trabaho. Haharapin nila ang mga sanhi ng RSI, itataguyod ang pag-iingat, at titiyakin ang pananagutan ng mga maypatrabaho at mga empleado sa pagkontrol o maging sa pagsugpo sa mga kaso ng RSI sa loob ng kompanya.
Pag-iingat sa Tahanan at sa Trabaho
Ang pag-iingat sa RSI ay nagsisimula sa tahanan. Ano ba ang maaari mong gawin? Paggising mo, gayahin mo ang iyong aso o pusa. Pansinin mo kung paano iniuunat ng iyong alaga ang mga kalamnan nito bago magsimula sa isang bagong araw. Gawin mo rin iyon. At, samantalang nagsisikap ka, ulitin ang gayong pag-iinat nang ilang beses sa maghapon. Mahalaga ito para manatiling malusog ang iyong mga buto at kalamnan. Mag-ehersisyo ka para mapasigla ang iyong mga kalamnan. Pabibilisin nito ang daloy ng dugo at pararamihin ang oksiheno na magagamit ng iyong mga kalamnan sa pagtatrabaho. Sabihin pa, kapag malamig ang panahon at gayundin bago sumali sa palakasan, lalo nang mahalaga ang hakbang na ito. Mag-ehersisyo ka na magpapalakas sa espesipikong mga kalamnan na lagi mong ginagamit. Ang mas malalakas na kalamnan ay tutulong sa iyo na magampanan ang kinakailangang trabaho.
Bukod sa mga hakbang na ito sa tahanan, kailangan din ang programa sa pag-iingat sa iyong pinagtatrabahuhan. Maaaring mahadlangan ng maypatrabaho ang mga kaso ng RSI sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsasaayos ng iskedyul sa trabaho na mayroong mga pahinga o pagbabago at na doo’y naghahali-halili ang mga manggagawa sa paggawa ng iba’t ibang trabaho.
Isa pang salik sa paghadlang sa RSI ang paglalaan ng tamang uri ng kasangkapan para sa manggagawa. Bukod sa iba pang bagay, maaaring kasali rito ang mga mesa at upuan na may tamang taas, kutson para sa mga siko, mga barena at plais na hindi nangangailangan ng matinding puwersa ng kamay, mga keyboard sa computer na mahusay ang pagkakadisenyo at maalwang gamitin, o mabibigat na kasangkapan na may shock absorber para maiwasan ang labis na pagyanig.
Ikinapit ni Marcelo, nabanggit sa pambungad, ang marami sa mga mungkahing ito. Ito, pati na ang paggamot na natanggap niya, ay nag-alis sa mga sintomas ng RSI na naranasan niya. Posible ang ganap na lunas. Tiyak, kailangan ng pagsisikap at pagbabago sa mga kaayusan upang mapaglabanan ang RSI, ngunit yamang dumarami ang mga kaso ng RSI sa pinagtatrabahuhan, maaaring mapatunayan na nakahihigit sa gastos ang kapakinabangan sa mga pagbabagong ito.
[Kahon sa pahina 17]
Ang RSI sa mga Musikero
Pangkaraniwan na ang repetitive strain injury (RSI) sa mga propesyonal na musikero. Ayon sa isang pag-aaral na inilathala noong 1986, kalahati ng lahat ng musikero sa walong symphony orchestra sa Europa ang pinahihirapan ng RSI. Noong ika-19 na siglo, ang karamdamang ito ay tinatawag na pulikat ng musikero. Ang isa sa mga unang naiulat na kaso ay yaong kay Robert Schumann. Dahil sa RSI ay napilitan siyang huwag nang tumugtog ng piyano at magtuon na lamang ng pansin sa paglikha ng musika.
[Kahon sa pahina 17]
Mga Sanhi ng RSI
1. Maling pustura
2. Pagtatrabaho ng mahahabang oras
3. Kaigtingan sa trabaho
4. Dati nang mga kapinsalaan sa kalamnan at litid
5. Kawalang-kasiyahan sa iyong trabaho
6. Pagkalantad sa lamig
[Kahon sa pahina 18]
Paghadlang sa RSI
MGA BAGAY NA DAPAT IWASAN
1. Paghawak ng mabibigat na bagay sa loob ng mahabang oras
2. Labis na pabigat sa mga kasu-kasuan
3. Paggamit ng mga bisig na nakaangat nang mas mataas sa dibdib sa loob ng mahahabang yugto
4. Pagtatrabaho sa di-maalwang posisyon
MGA BAGAY NA DAPAT GAWIN
1. Halinhinang gamitin ang mga bisig kapag nagtatrabaho—kahit na sa magagaan na trabaho
2. Gumawa ng iba’t ibang uri ng trabaho sa maghapon
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pahina 16 at 17: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck