Kung Bakit Mapanganib ang mga Lugar ng Trabaho
“Mas maraming tao ang namamatay sa lugar ng trabaho kaysa sa mga aksidente sa daan.” Iyan ang uluhang nakaimprenta sa makakapal na titik sa isang poster na ipinamahagi ng WorkCover, isang pangkaligtasang organisasyon sa New South Wales, Australia.
SIYEMPRE pa, ang mga aksidenteng nakamamatay ay bahagi lamang ng suliranin. Taun-taon, milyun-milyon ang dumaranas ng malulubhang pinsala sa kanilang mga lugar ng trabaho, anupat binabago pa nga nito ang buhay nila. Marami ang maagang namamatay dahil sa pagkalantad sa mapanganib na mga sangkap habang nasa trabaho o bunga ng kaigtingan sa trabaho.
Yamang ang kamatayan at malubhang pinsala na nauugnay sa trabaho ay nagaganap sa halos lahat ng pitak ng industriya at komersiyo, naaangkop na itanong: Gaano ka nga ba kaligtas sa iyong lugar ng hanapbuhay? Anong mga kalagayan doon ang maaaring magsapanganib sa iyong kalusugan at buhay?
Isang Maigting na Kapaligiran
Madalas na lubhang ginigipit ang mga manggagawa upang maging kapaki-pakinabang ang mga ito. Sa Hapon, ang terminong karoshi—“kamatayan dahil sa sobrang pagtatrabaho”—ay unang ginamit sa mga hiling sa seguro na isinumite ng naulilang mga pamilya. Ayon sa isang surbey roon noong nakaraang mga taon, 40 porsiyento ng mga Hapones na nagtatrabaho sa opisina ang natakot na baka sila mamatay dahil sa sobrang pagtatrabaho. Isang abogado na espesyalista sa gayong mga hiling sa seguro ang nagtaya na may “di-kukulangin sa 30,000 biktima ng karoshi sa Hapon taun-taon.”
Ipinahiwatig ng pulisya sa Hapon na ang mga suliraning nauugnay sa trabaho ay isang pangunahing salik sa pagdami ng mga nagpapatiwakal na mga 50 hanggang 59 na taóng gulang. Ayon sa aklat na The Violence-Prone Workplace, pinanagot ng isang hukuman ang isang nagpapatrabaho sa pagpapatiwakal ng isang empleado na nabagabag ng mga kabalisahang nauugnay sa trabaho.
Sinabi ng pahayagan ng Australia na The Canberra Times na ‘naunahan na ng mga Amerikano ang mga Hapones pagdating sa paggugol ng pinakamaraming oras sa trabaho sa buong daigdig.’ Kaya inilalahad ng mga ulong-balita tulad ng “Pumapatay ng Tao ang Pagtatrabaho Nang Mahahabang Oras” ang hinggil sa mga pagód na mga manggagawa, tulad ng mga drayber ng ambulansiya, mga piloto, mga manggagawa sa konstruksiyon at transportasyon, at yaong mga naghahanapbuhay na pabagu-bago ang oras, na namamatay sa trabaho.
Habang muling nag-oorganisa at nagbabawas ng manggagawa ang mga kompanya upang patuloy silang kumita, tumitindi ang panggigipit sa mga empleado na magtrabaho. Iniulat ng British Medical Journal na ang pagbabawas ng kompanya ng manggagawa ay may negatibong epekto sa kalusugan ng mga empleado.
Karahasan sa mga Lugar ng Trabaho
Hindi lamang sarili nila ang isinasapanganib ng mga empleadong sobra sa trabaho at maiigting. Natuklasan ng isang surbey sa Britanya na maraming manggagawa sa opisina ang gumugugol ng kalakhang bahagi ng kanilang araw sa pagtatrabaho sa kalagayang naiirita sila sa mga katrabaho at na ang gayong alitan ay madalas na pumupukaw ng mararahas na reaksiyon.
“Mga 15 Amerikanong manggagawa ang pinapatay sa trabaho linggu-linggo,” ang sabi ng magasing Business Week. Nagkomento ang Harvard Business Review: “Walang manedyer ang nais na ipakipag-usap ang hinggil sa karahasan sa lugar ng trabaho. Ngunit nananatili ang bagay na taun-taon, daan-daang empleado ang nananalakay o pumapatay pa nga ng kanilang mga katrabaho.”
Sa kabilang dako naman, marami ang nakararanas ng karahasan sa trabaho mula sa kanilang mga kliyente. Sinabi ng isang ulat hinggil sa kriminolohiya sa Australia na ang ilang doktor ay takot na takot sa mararahas na pagsalakay anupat nagdadala sila ng kasama kapag pumupunta sila sa bahay ng pasyente. Kabilang sa mga nanganganib ay ang mga pulis at mga guro sa paaralan.
Ang isa pang uri ng karahasan sa lugar ng trabaho ay ang pang-aabuso sa emosyonal na paraan, na kinikilala ng International Labor Organization bilang sikolohikal na karahasan. Isang pangunahing anyo nito ang pananakot.
Iniulat ni Propesor Robert L. Veninga ng University of Minnesota, E.U.A., na “naaapektuhan ng kaigtingan at ng bunga nitong mga karamdaman ang mga manggagawa sa halos lahat ng sulok ng daigdig.” Sinabi niya na “ang pangunahing suliranin, ayon sa 1993 World Labor Report ng International Labor Organization ng United Nations, ay na ang kaigtingan ay nagmumula sa di-personal, pabagu-bago, at madalas na mapanganib na mga lugar ng trabaho.”
Kaya ang tanong ay, Ano ang magagawa ng mga nagpapatrabaho at ng mga empleado upang maging mas ligtas ang kanilang lugar ng trabaho? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.