Gawing Ligtas ang Iyong Lugar ng Trabaho
SA KABILA ng mga batas hinggil sa kalusugan at pagiging ligtas sa lugar ng hanapbuhay, isa pa ring pangunahing suliranin ang pinsala at kamatayan sa trabaho. Maliwanag kung gayon, hindi sapat ang mga batas upang maging ligtas sa lugar ng trabaho. Dapat na makadama rin ng pananagutan ang mga nagpapatrabaho at mga empleado para sa kanilang kaligtasan at sa iba.
Kung gayon, dapat na maingat na suriin nang may katalinuhan ng lahat ng nagtatrabaho ang kanilang lugar ng trabaho at ang kanilang mga kinaugalian sa trabaho. Halimbawa, tiningnan mo na ba kung talagang ligtas ang iyong lugar ng trabaho? Kasama ba sa iyong trabaho ang anumang mga sangkap na nakalalason? Kung gayon, sapat ba ang iyong proteksiyon? Palagi ka bang dumaranas ng kaigtingan? Tinatanggap mo ba ang mga iskedyul ng trabaho na madalas na lumalabag sa mga limitasyon o oras na itinakda ng batas?
Maaaring malaki ang isiwalat ng mga sagot sa mga tanong na gaya nito hinggil sa kung gaano ka kaligtas sa trabaho.
Batid ang mga Panganib
Mapanganib ang pagsisikap na mapanatili ang isang di-makatuwirang iskedyul sa trabaho. Pagkatapos suriin ang mga resulta ng isang surbey sa 3.6 na milyong manggagawa at 37,200 lugar ng trabaho, inilathala ni Propesor Lawson Savery ng Curtin University sa Australia, kasama ang isang mananaliksik, ang isang artikulo sa pananaliksik na pinamagatang “Long Hours at Work: Are They Dangerous and Do People Consent to Them?” Sa diwa, ang sagot sa dalawang bahagi ng tanong na iyan ay oo.
Sa katunayan, hindi gaanong mahusay at mas nagkakamali pa nga ang pagód na mga manggagawa. Sinabi ni Propesor Savery, na iniulat ng pahayagan sa Australia na The Sun-Herald: “Pinasisigla ng maraming kompanya ang pagkalulong sa trabaho at may-kasiglahang hinahanap at ginagantimpalaan ang mga nalululong sa trabaho.” Ang mga resulta nito ay malamang na nakapipinsala. Marahil ay wala nang iba pang lugar kung saan kitang-kita ang problemang ito kundi sa industriya ng transportasyon, kung saan ang mga drayber ay maaaring pinasisigla o pinipilit pa nga na magmaneho sa loob ng maraming oras nang walang pahinga—na ilegal sa ilang lupain.
Ang di-magagandang kinaugalian sa trabaho, na maaaring kalakip dito ang pagiging di-masinop at marumi, ay maaaring magdulot din ng iba pang panganib. Ang pag-iwang nakakalat ang mga kagamitan sa sahig o mga nakalantad na kawad na may kuryente ay madalas na nagbubunga ng mga aksidente at kamatayan pa nga. Totoo rin iyan hinggil sa pagwawalang-bahala sa mga paalaala sa pag-iingat kapag gumagamit ng mga kagamitan at makinang de-kuryente. Ang isa pang sanhi ng pinsala at kamatayan ay ang di-paglilinis sa mga natapong likido—lalo na yaong nakalalason. Nagaganap ang maraming pinsala kapag nadulas ang mga manggagawa sa malangis o basang mga sahig. Kaya maaaring sabihin na ang pangunahing tuntunin ng mabuting pagtatrabaho ay ang pagiging malinis at maayos.
Gayunman, marami ang natutukso na ipagwalang-bahala ang mga tuntuning pangkaligtasan. Sinabi ng babasahing Monthly Labor Review: “Ang panggigipit sa trabaho ay maaaring umakay sa pangmalas na kinakailangan ang mga madaliang pamamaraan upang matugunan ang mga hiling.” Kaya maaaring ikatuwiran ng isa hinggil sa tuntuning pangkaligtasan, ‘Wala pa namang nangyayaring problema kapag ipinagwawalang-bahala ko ito.’ Sa pagtukoy sa isyung ito, sinabi ng isang makaranasang manedyer ng isang pabrika: “Ang isa sa pinakamasahol na bagay na maaari mong gawin sa trabaho ay ipagwalang-bahala ang mga tuntuning pangkaligtasan at walang maranasang anumang masama!” Bakit? Sapagkat pinasisigla nito ang sobrang pagtitiwala sa sarili at kawalan ng pag-iingat, na humahantong sa higit pang mga aksidente.
Ang pagsabog ng planta ng Chernobyl sa Ukraine noong 1986 ay madalas na inilalarawan bilang ang “pinakamasahol na aksidenteng nuklear sa daigdig.” Anong nangyari? Binanggit ng isang ulat hinggil sa kasakunaan ang isang “listahan ng pagwawalang-bahala sa mga tuntunin ng pagpapatakbo sa planta” at “ang paulit-ulit na pagbabale-wala sa mga paalaala sa pag-iingat.”
Kapuwa ang nagpapatrabaho at ang empleado ay maaaring magtulungan sa patiunang pag-alam sa posibleng mga panganib sa kaligtasan. Sinabi ng isang matalinong kawikaan sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Oo, nakikita ng matalino ang maaaring maging isang mapanganib na situwasyon at nag-iisip ng mga paraan upang protektahan niya ang kaniyang sarili at ang iba.
Kapag ginagawa ito ng mga nagpapatrabaho, nakikinabang sila, at gayundin ang kanilang mga empleado. Halimbawa, napansin ng isang kompanya na muling nagdisenyo ng opisina nito upang maiwasan ang “sick building syndrome” na di-nagtagal, tumaas ang produksiyon at lubhang bumuti ang antas ng kasiyahan ng mga tauhan. Napansin din na mas kakaunti ang mga taong hindi nakapasok dahil sa pagkakasakit. Ang gayong konsiderasyon para sa kalusugan ng iba ay hindi lamang nagdudulot ng isang mas nakalulugod na kapaligiran para sa nagpapatrabaho at sa empleado kundi, gaya ng nakita sa kasong ito, maaari ring kapaki-pakinabang ito sa pinansiyal na paraan.
Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, lumalaganap ang karahasan sa lugar ng trabaho. Ano ang maaari mong gawin upang protektahan ang iyong sarili?
Mga Hakbang na Maaaring Gawin
Maging ang maliliit na insidente ng agresibong paggawi sa mga lugar ng trabaho ay nasumpungang tumitindi tungo sa malulubhang kaso ng panliligalig. Ibinibigay ng Harvard Business Review ang ganitong matinong payo: “Kung sinisikap mo na itigil ang karahasan sa lugar ng trabaho, dapat mong mabatid na ang mga taong nakagawa ng maliliit na insidente ng pagsalakay ay madalas na magpapatuloy sa paggawa ng mas matitinding pagsalakay.”
Maaaring hindi intensiyon ng isang babae na akitin ang pansin ng mga katrabaho, ngunit kung ang kaniyang pananamit, pananalita, at paggawi ay hindi mahinhin, maaaring magkaroon ang iba ng impresyon na mababa ang kaniyang moral. Nitong kamakailan, ang paggawi na hindi nilayon na mang-akit ng di-angkop na pansin ay nagbunga kung minsan ng malulubhang problema, kasama na ang lihim na pagsubaybay, panggagahasa, o pagpaslang pa nga. Kaya maging palaisip sa kung paano naaapektuhan ang iba ng iyong pananamit at paggawi. Sundin ang payo ng Bibliya: ‘Gayakan ninyo ang inyong mga sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.’—1 Timoteo 2:9.
Nakita ng Monthly Labor Review ang isa pang posibleng mapanganib na situwasyon, na sinasabi: “Dumarami ang pagkabahala hinggil sa mga empleado na nagtatrabahong mag-isa sa gabi sa liblib na mga lugar.” Kaya isaalang-alang ito: Talaga bang matalino na tanggapin ang potensiyal na mga panganib na madalas na kaakibat ng pagtatrabahong mag-isa, lalo na kapag gabing-gabi na? Talaga bang sulit ang gayong panganib para lamang kumita ng salapi?
Mahalaga rin na isaalang-alang kung paano tayo tumutugon sa nakaiirita at palaaway na paggawi ng maiigting na katrabaho. Ano ang maaaring gawin upang pahupain ang isang potensiyal na mapanganib na situwasyon? Ipinapayo ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Oo, sa pamamagitan ng pagiging mabait at magalang sa iyong pakikipag-usap, malaki ang magagawa mo upang pahupain ang tensiyon at maiwasan ang alitan.
Sa maigting na kapaligiran ngayon sa trabaho, karaniwan ang nakaiirita at palaaway na paggawi. Bagaman maaaring lumitaw na tayo ang pinatutungkulan nito, ang isang tao ay maaaring naglalabas lamang ng kaniyang naipong kaigtingan at pagkasiphayo. Baka nasa maling lugar lamang tayo sa maling panahon. Kaya mahalaga kung paano tayo tumugon. Maaaring pahupain o palalain nito ang situwasyon.
Gayunman, baka talagang may pagkakaiba ng mga pananaw. Ganito ang kapaki-pakinabang na komento ng aklat na Resolving Conflicts at Work: “Kapag tayo’y nakikipag-alitan, . . . bihira tayong makipagtalastasan nang taimtim, na ipinababatid kung ano talaga ang ating nadarama.” Ano kaya ang posibleng dahilan nito? Ganito pa ang sinabi ng aklat: “May kakayahan ang ating mga alitan na lituhin at daigin tayo, at napapapaniwala tayo nito na wala nang iba pang paraan kundi ang makipag-away.”
Ano ang solusyon? MAKINIG! Sinabi ng aklat na sinipi sa itaas: “Sa pamamagitan ng taimtim na pakikinig sa mga taong hindi natin sinasang-ayunan . . . , mapapawi natin ang ating emosyonal na hangarin na ipagpatuloy ang pakikipag-away at sa halip ay maghanap ng mga solusyon.” Mabuti itong payo upang maiwasan na lumaki ang mga di-pagkakasundo o di-pagkakaunawaan tungo sa matitinding alitan.
Kung gayon, may-katalinuhang gumamit ng sentido-kumon upang matiyak ang pagiging ligtas. Kalakip dito ang pagiging masikap sa pagsunod sa lokal na mga tuntuning pangkaligtasan. Malaki ang magagawa nito upang maging mas ligtas ang lugar ng trabaho.
Masasabi rin na ang ating saloobin hinggil sa buhay, trabaho, at paglilibang ay maaaring may epekto sa uri ng trabaho na ating pinipili at sa ating pangmalas hinggil sa pagiging ligtas. Matutulungan tayo ng susunod na artikulo na gumawa ng matatalinong pasiya hinggil dito.
[Larawan sa pahina 5]
Linising mabuti ang mga natapong langis
[Larawan sa pahina 7]
Maaaring pahupain ng isang mahinahong sagot ang isang maigting na situwasyon