Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 2/15 p. 3-4
  • Saanman ay May Karahasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Saanman ay May Karahasan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karahasan sa Tahanan
  • Karahasan sa Lugar ng Trabaho
  • Karahasan sa Palakasan at Paglilibang
  • Karahasan sa Paaralan
  • Isang Marahas na Lipunan
  • Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?
    Gumising!—2002
  • Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Ating Mapanganib na Panahon—Bakit Napakarahas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 2/15 p. 3-4

Saanman ay May Karahasan

SAMANTALANG nasa kaniyang kotse at naghihintay na magpalit ang ilaw ng trapiko, biglang napansin ng tsuper ang isang malaking lalaki na papalapit sa kaniya, sumisigaw ng malalaswang pananalita, sumesenyas ng kaniyang kamao. Nagmadali ang tsuper upang itrangka ang kaniyang mga pinto at isara ang mga bintana, pero papalapit pa rin ang malaking lalaki. Habang nakayuko, niyugyog ng lalaki ang kotse at hinila ang pinto ng kotse. Sa wakas, dahil sa matinding pagkainis ay iniumang niya ang kaniyang malaking kamao at pinatama iyon sa salamin, anupat nagkabasag-basag iyon.

Ito ba ay isang eksena sa isang pelikulang pang-aksiyon? Hindi! Ito ay isang alitan sa trapiko sa isla ng Oahu, Hawaii, na kilala sa mapayapa at maalwang kapaligiran nito.

Ito ay hindi nakapagtataka. Ang mga kandado sa pinto, rehas sa mga bintana, mga tauhan para sa seguridad ng mga gusali, maging ang mga karatula sa mga bus na nagsasabing “Hindi nagdadala ng pera ang tsuper”​—ay pawang nagpapakita ng isang bagay: Saanman ay may karahasan!

Karahasan sa Tahanan

Ang tahanan ay matagal nang pinahahalagahan bilang ligtas na kanlungan ng isang tao. Subalit, ang huwarang tanawing ito ay mabilis na nagbabago. Balitang-balita ngayon sa buong daigdig ang karahasan sa pamilya, na doo’y kasali ang pang-aabuso sa bata, pananakit sa asawa, at pagpatay.

Halimbawa, “di-kukulangin sa 750,000 bata sa Britanya ang maaaring dumanas ng pangmatagalang pinsala sa emosyon dahil sila’y napahantad sa karahasan sa tahanan,” sabi ng Manchester Guardian Weekly. Ang ulat ay batay sa isang surbey na nakatuklas din na “tatlo sa apat na babaing tinanong ang nagsabi na ang kanilang mga anak ay nakasaksi ng mararahas na insidente, at halos dalawang-katlo ng mga bata ang nakakitang binugbog ang kanilang ina.” Katulad nito, ayon sa U.S.News & World Report, tinataya ng U.S. Advisory Board on Child Abuse and Neglect na “2,000 bata, na karamihan sa kanila ay wala pang 4 anyos, ang namamatay bawat taon sa kamay ng mga magulang o mga tagapag-alaga.” Nilampasan nito ang bilang ng mga namatay sanhi ng aksidente sa trapiko, pagkalunod, o pagkahulog, sabi ng ulat.

Kasali rin sa karahasan sa tahanan ang pang-aabuso sa asawa, na mula sa panunulak o pagsalya hanggang sa pananampal, paninipa, pananakal, pambubugbog, pagbabanta na may kutsilyo o baril, o pagpatay pa nga. At sa ngayon ang ganitong uri ng karahasan ay nararanasan ng magkabilang panig. Natuklasan sa isang pag-aaral na kabilang sa mga naiulat na karahasan sa pagitan ng mga mag-asawa, humigit-kumulang na sangkapat ng mga kaso ay inumpisahan ng lalaki, isa pang sangkapat ang sinimulan ng babae, at ang natitirang bahagi ay pinakamagaling na mailalarawan bilang mga pagbabangayan na doo’y dapat sisihin ang magkabilang panig.

Karahasan sa Lugar ng Trabaho

Sa labas ng tahanan ang lugar ng trabaho ang karaniwan nang kasusumpungan ng isang tao ng kaayusan, paggalang, at pagpipitagan. Subalit waring hindi na ganiyan ang kalagayan. Halimbawa, ipinakikita ng mga estadistika na inilabas ng U.S. Department of Justice na bawat taon ay mahigit sa 970,000 katao ang biktima ng marahas na krimen sa lugar ng trabaho. Sa ibang pananalita, “ang mga trabahador ay may isa-sa-apat na tsansa na maging biktima ng ilang anyo ng karahasan sa trabaho,” ayon sa isang ulat sa Professional Safety​—Journal of the American Society of Safety Engineers.

Ang labis na nakababahala ay ang bagay na ang karahasan sa lugar ng trabaho ay hindi na limitado sa pagtatalo at mga parunggitan. “Ang karahasan na espesipikong ginagawa ng mga empleyado laban sa mga maypatrabaho at ibang empleyado ang siya ngayong pinakamabilis na lumalagong kategorya sa pagpaslang sa E.U.,” sabi ng ulat ding iyon. Noong 1992, 1 sa 6 na kapahamakan na may kaugnayan sa trabaho ay isang pagpaslang; sa mga babae, ang bilang ay halos 1 sa 2. Hindi maikakaila na ang daluyong ng karahasan ay lumalaganap sa dating maayos na lugar ng trabaho.

Karahasan sa Palakasan at Paglilibang

Ang palakasan at paglilibang ay itinataguyod ng marami bilang paraan ng pagpapalipas ng oras o pagrerelaks upang palakasing-muli ang isang tao para sa mas seryosong mga tunguhin sa buhay. Sa ngayon ay isang multi-bilyong dolyar na industriya ang paglilibang. Upang kumita nang pinakamalaki hangga’t maaari mula sa maluhong negosyong ito, ang mga prodyuser ay hindi nag-aatubili na gumamit ng anumang pamamaraan na pakikinabangan nila. At ang isa sa gayong pamamaraan ay ang karahasan.

Halimbawa, iniulat ng Forbes, isang magasin tungkol sa negosyo, na ang isang may-ari ng pagawaan ng mga video game ay may isang popular na larong pandigmaan na doo’y pinuputol ng mandirigma ang ulo ng kaniyang kaaway at hinuhugot ang gulugod nito samantalang ang mga nagmamasid ay bumibigkas ng, “Tapusin mo na siya! Tapusin mo na siya!” Gayunman, ang isang bersiyon ng gayunding laro na ginawa para sa isang kakompetensiyang kompanya ay wala ng gayong madugong eksena. Ang resulta? Ang benta ng mas marahas na video ay nakahigit sa kakompetensiya nito sa katumbasan na 3 sa 2. At ito’y nangangahulugan ng malaking halaga. Nang mabibili na ang pantahanang bersiyon ng mga larong ito, umabot sa $65 milyon ang naibenta ng mga kompanya sa buong daigdig sa loob ng unang dalawang linggo! Kapag tubò ang nasasangkot, ang karahasan ay isa lamang pain para sa mga mamimili.

Ang karahasan sa palakasan ay isang lubhang naiibang bagay. Madalas ipagmalaki ng mga manlalaro ang pinsala na magagawa nila. Halimbawa sa isang larong hockey noong 1990, nagkaroon ng 86 na parusa​—ang pinakamataas kailanman. Ang laro ay nagambala dahil sa tatlo at kalahating oras ng karahasan. Ginamot ang isang manlalaro na nabalian ng buto sa mukha, nakalmot ang cornea, at nasugatan nang malalim. Bakit gayon na lamang ang karahasan? Ganito ang paliwanag ng isang manlalaro: “Kapag nanalo ka sa isang totoong madamdaming laro, na may maraming labanan, umuuwi ka at nakadaramang lalo kang napalapit sa iyong mga kasama sa koponan. Inakala ko na ang mga pag-aaway ang nagpapangyaring iyon ay maging isang totoong espirituwal na laro.” Waring ang karahasan, sa malaking bahagi ng palakasan sa ngayon, ay hindi lamang isang pamamaraan upang matupad ang isang layunin kundi iyon na mismo ang layunin.

Karahasan sa Paaralan

Ang paaralan ay matagal nang itinuturing bilang isang balwarte na doo’y maiwawaksi ng mga kabataan ang kanilang mga kabalisahan at makapagpapako sila ng pansin sa pagpapaunlad ng kanilang isip at pangangatawan. Subalit ngayon ang paaralan ay hindi na gayong kaligtas at katiwasay na dako. Natuklasan sa isang surbey ng Gallup noong 1994 na ang karahasan at mga gang ang siyang numero unong problema sa mga paaralang pampubliko sa Estados Unidos, anupat nalampasan pa ang pananalapi, na siyang nasa unahan ng listahan sa nakaraang taon. Gaano ba talaga kalubha ang situwasyon?

Sa tanong na, “Naging biktima ka na ba ng isang karahasan na naganap sa loob o sa paligid ng paaralan?” halos isa sa bawat 4 na estudyante na tinanong ang sumagot ng oo. Mahigit sa sampung porsiyento ng mga guro ang sumagot din ng oo. Natuklasan ng surbey ring iyon na 13 porsiyento ng mga estudyante, mga lalaki at babae, ang umamin na sila’y nakapagdala na ng armas sa paaralan sa isang pagkakataon. Karamihan sa kanila ay nagsabi na ginawa nila iyon upang pahangain lamang ang iba o upang ipagsanggalang ang kanilang sarili. Subalit binaril ng isang 17-taóng-gulang na estudyante sa dibdib ang kaniyang guro nang tangkain ng guro na kunin ang kaniyang baril.

Isang Marahas na Lipunan

Hindi maikakaila na saanman ay may karahasan sa ngayon. Sa tahanan, trabaho, paaralan, at sa paglilibang, nakaharap tayo sa isang marahas na lipunan. Yamang nahahantad dito sa araw-araw, itinuring ng marami na ito ay normal​—hanggang sa sila’y mabiktima. Saka nila naitanong, Magwawakas pa kaya ito? Ibig din ba ninyong malaman ang sagot? Kung gayon ay pakisuyong basahin ang kasunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share