Ating Mapanganib na Panahon—Bakit Napakarahas?
ANG mga karahasang nagsasapanganib ng buhay ay umiral na sa sangkatauhan sapol nang maghimagsik laban sa matuwid na pamamahala ng Diyos doon sa halamanan ng Eden. Sa pamamagitan ng pandaraya, ang unang rebelde, si Satanas, ay naging “mamamatay-tao” na may pananagutan sa pagpatay kay Adan at sa buong sangkatauhan na noon ay nasa kaniyang balakang at hindi pa naisisilang. (Juan 8:44; Roma 5:12) Hindi nagtagal at sinundan iyon ng marahas na pagpatay ni Cain kay Abel samantalang si Cain ay “nagpupuyos sa malaking galit.” (Genesis 3:1–4:15) Wala na ang mapayapang sanlibutan. At mula noon ay karahasan ang umiral!
Datapuwa’t, marami ngayon ang nakadarama na ang karahasan sa panahon nating ito ay medyo naiiba, na ito’y hindi na kayang supilin, na ito’y palatandaan ng isang may sakit na lipunan na malapit nang pumanaw ang buhay. Guniguni lamang kaya iyan? Dati kaya’y hindi ganiyan?
Sang-ayon sa pilosopong si George Grant ng Canada ang ating kasalukuyang mapanganib na panahon sa kasaysayan “ang pinakamarahas na yugto ng panahon kailanman sa daigdig.” Mayroon ding iba na ganito ang palagay. Sang-ayon sa sikayatristang si Thomas Radecki ito ay “isang pambuong daigdig na salot ng karahasan,” at ang sabi pa: “Ating pinapaslang ang mga tao 300 porciento ang kahigitan por ulo kaysa lahi ng ating mga magulang, . . . tayo’y nanggagahasa 500 porciento ang kahigitan, at nananakit 600 porciento ang kahigitan.”
Ang pambansang siruhano ng E.U., si Dr. Everett C. Koop, ang nagsabi na ito’y isang “salot ng karahasan” na “nagsasapanganib sa pamayanan at pamilya.” Ang pagdami ng karahasan sa mga paaralan sa ngayon sa Hilagang Amerika ay kakila-kilabot. Sa E.U. isang pagbabalita sa TV ang nag-ulat na “tatlong milyong mga nag-aaral sa paaralang sekondarya ang mga biktima ng krimen magbuhat sa pagnanakaw hanggang sa panggagahasa at pagpatay buwan-buwan.”—Amin ang italiko.
Dahilan sa paglaganap ng terorismo, ang “Europa ay naging larangang-digmaan ng pagdanak ng dugo,” ang sabi ng isang komentaristang Pranses. Mahihiwatigan kung gaanong kalaki ang panganib sang-ayon sa kaniyang sinabi pa na “ang industriya ng siguridad sa U.K. ay mas malaki kaysa hukbo ng pulisya, ng navy o ng army.” (Amin ang italiko.) Hindi kataka-takang ang mga taon ng 1980 ay tinatawag ngayon na “Nakasisindak na Decada Dos.”
Bakit Napakarahas?
Ang maingat na mga nag-aaral ng tungkol sa dikawasang pagdaming ito ng karahasan sa mapanganib na panahon natin ay nagbibigay ng maraming sanhi nito: ang ginagawa ng mga pahayagan na pagdiriin sa pag-uulat ng mararahas na mga pangyayari, krimen at katiwalian; ang paraan ng tahasang paggamit ng mga lider ng daigdig ng karahasan upang sila’y makapanatili sa kapangyarihan; ang pagkadama ng karamihan ng tao ng kawalang pag-asa at ng kaapihan na para bagang hindi na malulutas, kaya naman inaakala nilang magagawa ng mga armas ng karahasan ang hindi kailanman magagawa ng mga balota; ang walang-awang pagkitil sa buhay ng angaw-angaw na ipinaglilihi pa lamang sa pamamagitan ng pagpapalaglag; ang pagsuporta ng mga pinuno ng relihiyon sa “matuwid” na mga digmaan nguni’t hindi nila sinusunod ang mga simulain ng kalinisang-asal sa gitna ng gumuguhong mga pamantayan ng asal. Hindi nagtatagal at ang daigdig na ito ay nagiging manhid na, bale-wala na rito ang karahasan. May iba pang dahilan.
Ang kakulangan ng disiplina sa ngayon ay sanhi ng pagbabago ng mga kustumbre at mga pamantayan ng asal, nawala na ang mga dating nakapipigil sa mga saloobin at mga kilos na maaaring humantong sa karahasan. Ang malungkot na epekto ay makikita lalo na sa kabataan. Si Dr. Thomas Millar, child psychiatrist, ay naniniwala na “ang kakulangan ng disiplina ang masisisi sa patuloy na nagiging marahas na lipunang Amerikano.” Sinabi niya: “Kailanma’y ngayon lamang tayo nagkaroon ng napakaraming mamamatay-tao na lansakan kung pumatay.”
Ang opisyal na mga ulat tungkol sa wala pang katulad na pagdami ng malulupit na karahasang ginagawa ng mga teenager sa Hapon pagkatapos ng digmaan ay nagsisiwalat na ang masisisi’y ang pagguho ng pamilya. Ang ministro ng edukasyon ng Hapon noong 1983 ay nagsabi: “Wala kahit na isang aklat ngayon na nagtuturo sa mga anak na pakundanganan ang kanilang mga magulang.” Inaamin na “ang isa pang humihila sa mga kabataang Hapones sa karahasan ay ang pagkahantad nila sa araw-araw na kalupitan na nababasa sa mga komiks, napapanood sa mga sine at telebisyon.”
Samakatuwid, hindi isang pagmamalabis na sabihing ang binabasa o nakikita ng isang tao ay may epekto sa kaniyang mga saloobin. Nag-aalab ang pagkakapootan, kung kaya kalimitan “ang panonood ng karahasan ay humahantong sa karahasan.” “Oo,” gaya ng sabi ng isang ulat, “ang larangan ng sports ay pangalawa lamang sa larangang gerilya sa sumúsubóng karahasan.” Isang seryosong pag-aaral na inilathala sa Psychology Today ang naghaharap ng pangangatuwiran na ang mararahas na mga pelikula tungkol sa sekso ang nagpapamanhid daw sa damdamin ng mga lalaki sa panggagahasa at sa kanilang mga binibiktima. Si Dr. Leonard Eron ng University of Illinois ay nangangatuwiran din ng ganito: “Ang patuloy na panonood ng karahasan sa telebisyon ay may malaking epekto sa asal—at hindi maipagwawalang-bahala.” Ang maaaring mapanood sa TV ng mga kabataan kung Sabado ng umaga ay mayroong 30 karahasan sa isang oras! Ang konklusyon buhat sa isang sumaryo ng mahigit na 2,500 pag-aaral na isinagawa noong nakalipas na sampung taon: “Ang karahasan sa telebisyon ay umaakay tungo sa karahasan din.”
Ang seksuwal na pag-aabuso at mga kalikuan ay humihila rin tungo sa karahasan sapagka’t naaagnas ang lahat ng pagkadama ng pagkadisente. (Roma 1:26, 27) Kabilang sa pinakamabilis “umagnas ng ‘pagkadisente’ ” ay ang malaswang bibig, pornograpya at abnormal na sekso. Mapupuna na binabanggit ng Bibliya na noong mga huling araw ng sanlibutan bago-ng-Baha, ang pagkanaririto sa lupa ng rebeldeng mga espiritung nilikha ay nagdulot ng nahahawig na problema. Ang Diyos mismo ang nagsabi kay Noe: “Ang lupa ay punô ng karahasan na dahil sa kanila.” (Genesis 6:1-5, 13) Saka lamang natapos ang kanilang pag-uudyok sa mga tao sa karahasan nang gunawin ng Diyos ang marahas na sanlibutang iyon.—Genesis 6:7; 7:11-24.
“Ang mga Huling Araw”
Sinalita ni Jesus ang hula tungkol sa wakas ng kasalukuyang marahas na sistema, nang sabihin: “Kung paano noong mga araw ni Noe, ganito rin ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng tao.” (Lucas 17:26) Ito kaya’y magiging mga araw din ng karahasan dahil sa impluwensiya ng mga balakyot na anghel? Oo, sapagka’t hindi lamang inihula ni Jesus ang laganap na katampalasanan sa hinaharap na panahong iyan kundi sa Apocalipsis ay kaniyang tahasang tinukoy ang may kagagawan nito. Binanggit niya ang pagpapalayas sa langit sa pusakal na rebelde, si Satanas, at pati “kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Saan sila ibinulusok? Ang kinasihang pangitain ang sumasagot: “Sa aba ng lupa . . . sapagka’t ang Diyablo [ang unang-unang mandarahas] ay bumaba sa inyo, na may malaking galit.” Kung gayon, sa panahon ng wakas ng naghihingalong kalakarang ito—ang karahasan—na mga hukbo ng balakyot na mga espiritu ang pasimuno—ay laganap sa sangkatauhan!—Apocalipsis 12:7-12; 6:4; Mateo 24:12.
Hindi dapat kaligtaan, kung gayon, bilang isa sa mga dahilan ng lumulubhang karahasan sa mapanganib na panahon natin ay itong impluwensiyang ito ng mga demonyo. Ang isang pagkakakilanlan nito ay ang laganap na pagkahilig at pagkasangkot sa okulto at sarisaring nauusong espiritismo. Pagka nakabasa ka ng tungkol sa mga taong pumapatay sa kanilang sariling mga mahal sa buhay o mga kaibigan dahil sa nakarinig sila ng “mga tinig” na nag-uutos sa kanila na gawin iyon, o pagka iniutos ng mga lider ng ano mang relihiyon na pagpapatayin nila ang walang malay na mga biktima, hindi dapat pagtakhan na mabasa rin naman sa balita na ang mga namaslang na iyon ay mga alagad ng Satanismo o kaya’y nanghihimasok sa okultismo.—Deuteronomio 18:10-13; Galacia 5:19-21.
Samakatuwid ay may mga tiyak na dahilan kung bakit ang masasamang bagay na ito ay nagaganap sa ating mapanganib na panahon. Ang bawa’t dahilang binanggit ay isang paglabag sa ano mang paraan sa matuwid na mga kautusan ng Diyos. Ang unang-unang paghihimagsik ay saganang nagbubunga na ngayon. Ang nakalulungkot na mga resulta ay inaani na ngayon bilang bunga ng inihasik. Ang Diyos ay hindi maaaring kutya-kutyain. (Galacia 6:7) Ang totoo, ang saling-lahing ito na walang kaparis sa karahasan ay yaong mismong tinutukoy sa hula ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:1-5. Kaniyang binabanggit din ang mga sanhi, na ang sabi: “Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. [Bakit?] Sapagka’t ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . walang pagpipigil-sa-sarili [o, “marahas,” Today’s English Version], mababangis, . . . matitigas ang ulo.” Hindi ba iyang-iyan ang nakikita natin sa ating palibot? Oo, tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw”!
Kaybilis-bilis, isang buong lahi ng mga tao ang naging “lubusang maka-ako” (Phillips), kadalasa’y “gahaman sa salapi” (The Bible in Living English), “mga maibigin sa malibog na kalayawan at walang kabuluhang mga libangan higit kaysa at imbis na mga mangingibig sa Diyos.” (The Amplified Bible) Ang ganiyang pagsamba sa sarili ay pagtatakuwil sa pagkasoberano ni Jehova. Gayundin, dahilan sa karahasan ng lahing ito ng mga tao ay aalisin ito at hahalinhan ng iba.—1 Juan 2:15-17.
Mawawala Na Magpakailanman ang Ating Marahas na Sanlibutan!
Pagka mayroon ka ng punto-de-vista ng Bibliya, samakatuwid nga, na ang karahasan ay bunga ng unang paghihimagsik laban sa pagkasoberano ng Diyos, hindi na mahirap makita na matatapos din ang karahasan at mapapasauli ang kapayapaan pagka lahat ng mga maghihimagsik ay inalis na magpakailanman ng Diyos. At ganiyan ang nilayon niyang gawin. “Ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang sa pinakamadaling panahon dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.” (Roma 16:20) Lahat ng marahas na “binhi” ni Satanas ay kailangang malipol. At pati na rin si Satanas.—Genesis 3:15; Mateo 25:41.
Anong laking kagalakan ang tayo’y mabuhay pagka si Satanas ay wala na! Pangyayarihin ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” na si Jesus, na sa panahong iyon ay ‘huwag nang magwakas ang kapayapaan.’ (Isaias 2:2-4; 9:6, 7) Iyon ay magiging isang buong bagong kalakaran, “na tahanan ng katarungan.” (2 Pedro 3:13, The New English Bible) Pangyayarihin ng bagong Hari ng lupa na mawala na magpakailanman ang lahat ng uri ng karahasan, kasali na ang paghihirap at kamatayan. Sinasabi niya: “Matatapos na ang kamatayan, pati pagdadalamhati at pagtangis at pagkakasakit; ang dating kalakaran ay lumipas na!”—Apocalipsis 21:1-4, NE.
Tulad din noong kaarawan ni Noe, si Jehova ay gumawa ng maibiging paglalaan para ang tao’y makaligtas buhat sa isang marahas na sanlibutan. (Zefanias 2:2, 3) Hangga’t hindi dumarating ang kaligtasang iyon, tayo’y kailangang patuloy na mag-aral ng Salita ng Diyos upang makapagtayo tayo ng isang pananampalatayang salig sa kaalaman. “At ano ang pananampalataya? Ang pananampalataya ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating pag-asa, at nagiging tunay sa atin ang mga totoong bagay na hindi natin nakikita. . . . Sinumang lumalapit sa Diyos ay kailangang maniwala na siya’y umiiral at kaniyang ginaganti ang mga humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:1, 6, NE.
Kung may matibay kang pananampalataya, maitatakuwil mo ang lahat ng karahasan. (Mateo 26:52) Matitiyak mo na balang araw ay mananaig ang katarungan. (Deuteronomio 32:4) Ang iyong mga anak ay maaari mong maiyilag sa daluyong ng kaluwagan sa disiplina kung ‘palalakihin mo sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’ Ang Bibliya ang aklat na nagtuturo sa mga anak na igalang ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:1-4) Bilang isang pamilya, maiiwasan ninyo ang pornograpya at mapananatiling nakapako ang inyong isip sa kapaki-pakinabang na mga bagay. (Filipos 4:8) Ito’y proteksiyon din sa inyo buhat sa “mga hukbo ng balakyot na mga espiritu.”—Efeso 6:10-18.
Tayo’y nabibigyan ng lakas na magtiis sa pagkaalam na ang umiiral ngayon ay isang pansamantalang kalagayan, na malapit nang magwakas. Marami sa mga Saksi ni Jehova ang makapagpapatunay dito. Ikaw man ay maaaring ‘makaligtas sa lahat ng mga bagay na ito na nakatakdang dumating.’ Tungkol sa mga kahirapan sa panahong ito ng kawakasan, sinabi ni Jesus: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagka’t nalalapit na ang inyong kaligtasan.” Lakasan ang inyong loob! Pagkalapit-lapit nang iligtas ni Jesus ang sangkatauhan buhat sa lahat ng kaapihan at karahasan.—Lucas 21:28, 36; Awit 72:1, 2, 12, 14.