Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 11/1 p. 3-4
  • Kung Bakit Sila Gumagamit ng Karahasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Sila Gumagamit ng Karahasan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Nagiging Marahas ang mga Tao
  • Ating Mapanganib na Panahon—Bakit Napakarahas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?
    Gumising!—2002
  • Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 11/1 p. 3-4

Kung Bakit Sila Gumagamit ng Karahasan

ISANG 27-linggong sanggol ang ipinanganak nang wala sa panahon sa Denver, Colorado, E.U.A. Nakaligtas ang sanggol na lalaki, at pagkalipas ng tatlong buwan sa ospital, siya’y iniuwi na sa kaniyang mga magulang. Makalipas ang tatlong linggo, muling dinala ang sanggol sa ospital. Bakit? Nagkaroon siya ng malaking pinsala sa utak dahil sa malakas na pag-alog ng kaniyang ama. Hindi natiis ng ama ang pag-iyak ng bata. Ang batang lalaki ay nabulag at nabalda. Nailigtas siya ng makabagong medisina mula sa panganib ng pagkapanganak sa kaniya ngunit hindi siya nailigtas mula sa karahasan ng kaniyang ama.

Di-mabilang na mga bata ang inaabuso, binubugbog, o pinapatay sa isa sa pinakamararahas na dako sa lupa​—ang tahanan! Tinataya ng ilan na umaabot sa 5,000 bata taun-taon ang namamatay sa mga kamay ng kanilang mga magulang sa Estados Unidos lamang! At hindi lamang mga bata ang biktima. Ayon sa magasing World Health, “ang pang-aabuso sa mga asawang babae ang nangungunang dahilan ng pinsala sa mga kababaihan na nasa edad na maaari pang mag-anak” sa Estados Unidos. Kumusta naman sa ibang lupain? “Sangkatlo hanggang mahigit sa kalahati ng mga kababaihang sinurbey [sa papaunlad na mga bansa] ang nagsusumbong na binubugbog sila ng kanilang asawa.” Oo, namamayani ang karahasan, lalo na sa tahanan.

Nilulutas ng maraming mag-asawa ang kanilang di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng karahasan. Sa ilang bansa, ang mga magulang at mga guro ay gumagamit ng karahasan upang maibuhos ang kanilang galit sa mga bata. Dahil lamang sa katuwaan, inaapi ng mga maton ang mahihina, anupat dinadahas ang mga ito. Bakit kaya nagiging napakararahas ng mga tao?

Kung Bakit Nagiging Marahas ang mga Tao

Sinasabi ng ilan na likas na sa tao ang pagiging marahas. Bagaman bumaba na sa pangkalahatan ang bilang ng mararahas na krimen sa Estados Unidos, ito’y tumindi naman sa mga kabataan. At ang interes sa karahasan ay sumidhi na rin. Dinoble ng tatlong pangunahing istasyon sa telebisyon ang mga kuwento hinggil sa krimen at ginawang triple ang pagpapalabas nila ng tungkol sa patayan. Oo, mabili ang krimen! “Hindi lamang natin kinukunsinti ang karahasan,” sabi ng saykayatris na si Karl Menninger, “inilalagay pa natin ito sa mga ulong balita ng ating mga pahayagan. Sangkatlo o sangkapat sa ating mga programa sa telebisyon ang nagpapalabas nito upang libangin ang mga bata. Kunsintidor! Mga mahal kong kaibigan, gustung-gusto natin ito.”

Ipinahihiwatig ng kamakailang pag-aaral sa siyensiya na ang biyolohiya ng utak at ang kapaligiran ay may malaking kinalaman sa pagiging mapusok ng tao. “Ipinalalagay naming lahat na ang masamang kapaligiran na nakatambad sa parami nang paraming bata ang talagang lumilikha ng isang epidemya ng karahasan,” sabi ni Dr. Markus J. Kruesi ng University of Illinois Institute for Juvenile Research. “Ang mga pangyayari sa kapaligiran ay tunay na nagdudulot ng molekular na mga pagbabago sa utak anupat nagiging dahilan ito upang maging pabigla-bigla ang mga tao.” Ang mga dahilan na gaya ng “pagguho ng kaayusan ng pamilya, pagdami ng nagsosolong magulang, namamalaging karukhaan, at malalang pang-aabuso sa droga ay aktuwal na nakapag-uudyok sa kemistri ng utak upang maging mapusok​—isang epekto na dati’y inakalang imposible,” sabi ng aklat na Inside the Brain.

Sinasabing kabilang sa mga pagbabago sa utak ang pagbaba ng antas ng serotonin, isang kemikal sa utak na ipinalalagay na siyang pumipigil sa kapusukan. Isinisiwalat ng pag-aaral na pinabababa ng alkohol ang antas ng serotonin sa utak, kung kaya nagbibigay ito ng ilang makasiyentipikong batayan sa malaon nang nalalaman na kaugnayan ng karahasan at ng pang-aabuso sa alkohol.

May isa pang dahilan sa paglago ng karahasan sa ngayon. “Tandaan,” paalaala ng isang mapagkakatiwalaang aklat ng hula, ang Bibliya, na “darating ang mahihirap na panahon sa mga huling araw. Ang mga tao ay magiging mapag-imbot, masakim, mayayabang, at maibigin sa sarili; . . . sila’y magiging walang awa, di-mahahabagin, mapanirang-puri, mararahas, at mababalasik; kanilang kapopootan ang mabuti; sila’y magiging taksil, walang-ingat, at mapagmalaki . . . Lumayo sa gayong mga tao.” (2 Timoteo 3:1-5, Today’s English Version) Oo, ang nakikita nating karahasan ngayon ay katuparan ng hula sa Bibliya tungkol sa “mga huling araw.”

Ito’y nagiging isang napakarahas na panahon dahil sa isa pang bagay. “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat,” sabi sa Bibliya, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Inihagis mula sa langit ang Diyablo at ang kaniyang kampon ng mga demonyo at ngayo’y nakatuon ang kanilang buktot na hangarin sa sangkatauhan. Bilang ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin,” iniimpluwensiyahan ng Diyablo “ang espiritu na kumikilos sa mga anak ng pagsuway,” anupat ang lupa’y patuloy na nagiging isang marahas na dako.​—Efeso 2:2.

Kung gayon, paano natin mahaharap ang marahas na “hangin” ng sanlibutan sa ngayon? At paano natin malulutas ang mga di-pagkakaunawaan nang walang karahasan?

[Blurb sa pahina 3]

Di-mabilang na mga bata ang inaabuso, binubugbog, o pinapatay sa isa sa pinakamararahas na dako sa lupa​—ang tahanan!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share