Pagmamasid sa Daigdig
Ang Taóng 2000 at si Kristo
“Ipinakikita ng surbey na wala pang isa sa anim na mga Britano ang nag-uugnay ng taóng 2000 kay Kristo,” sabi ng ENI Bulletin. “Nahayag [sa surbey ng Gallup] ang malawakang kawalang-alam tungkol sa Milenyo, anupat 37 porsiyento ng mga sumagot ang nagsasabing hindi nila alam kung ano ang ipinagugunita nito . . . , 18 porsiyento ang nagsasabing ang pagdiriwang ay tanda ng bagong siglo at 17 porsiyento naman ang may sabing ang mga ito’y tanda ng taóng 2000.” Labinlimang porsiyento lamang ang nakauunawa sa kaugnayan ng 2000 at ng kapanganakan ni Kristo. Ayon kay Propesor Anthony King ng Essex University, ang milenyo para sa karamihan ng tao ay nangangahulugang “isang pagkakataon lamang para magsayawan, mag-inuman ng champagne, magpuyat kasama ng mga kaibigan o maglakbay sa ibang bansa.” Ganito ang komento ng obispong Anglikano na si Gavin Reid: “Tayo’y nabubuhay sa isang lipunang nakalimot na sa alaalang pangkultura at pang-espirituwal.”
Pangamba sa “Matitibay na Mikrobyo”
“Ang panlaban ng ‘matitibay na mikrobyo’ sa pinakamabisang antibiyotiko ay dapat makaalarma, hindi lamang sa mga doktor kundi maging sa mga mamimili rin naman,” sabi ng pahayagang Star sa Timog Aprika. Nagbabala ang patologong si Mike Dove na “ang mga sakit na dati’y kontrolado na o halos napawi na ay nagbagong-anyo at ngayo’y nagbabalik.” Ang sobrang paggamit ng mga antibiyotiko ay nagbunga ng panibagong mga bersiyon ng tuberkulosis (TB), malarya, tipus, gonorea, meninghitis, at pulmonya na lalong nagiging mahirap gamutin at di-tinatablan ng mga makabagong gamot. Mahigit sa tatlong milyon katao ang namamatay bawat taon sa TB lamang. Makatutulong ang mga pasyente kung tatandaan ang mga sumusunod: Sa simula, subukan ang mga panlunas na gaya ng pag-inom ng maraming tubig, magkaroon ng kinakailangang pahinga, at pagmumumog ng mainit-init na tubig na may asin kung masakit ang inyong lalamunan. Huwag pilitin ang inyong doktor na bigyan kayo ng antibiyotiko—hayaan ninyong siya ang magsabi kung talagang kailangan ang mga ito. Kapag ito’y inireseta, palaging kumpletohin ang pag-inom kahit na mabuti na ang pakiramdam. Tandaan, hindi nagagamot ng mga antibiyotiko ang sipon at trangkaso, na dulot ng mga virus, hindi ng baktirya. “Bawat isa,” sabi ni Dove, “ay dapat magtulung-tulong upang labanan ang nakababahalang problemang ito sa buong daigdig na maaaring lumikha ng isang matinding kapahamakan sa kalusugan.”
Mataas na Halaga ng Panlulumo
“Ang panlulumo—higit pa sa pisikal na karamdaman—ang pangunahing dahilan ng pagliban sa trabaho at mababang uri ng produksiyon sa daigdig,” sabi ng pahayagang O Globo sa Brazil. Ipinakikita ng ulat ng World Health Organization na ang dahilan ng 200,000 pagkamatay noong 1997 ay ang sakit sa isip. Karagdagan pa, ang karaniwang mga problema sa pag-iisip na gaya ng pagiging sumpungin, ay may masamang epekto sa propesyonal na mga gawain ng mahigit sa 146 milyon katao sa buong daigdig—isang bilang na mataas pa sa 123 milyong manggagawa na nahahadlangan ng mahinang pandinig o 25 milyong naaaksidente sa trabaho. Ayon sa pag-aaral ng isang propesor sa Oxford University na si Guy Goodwyn, titindi pa ang problema sa panlulumo sa darating na mga taon, anupat magiging dahilan ito ng isang napakabigat na pasanin sa lipunan dahil sa pagkalugi sa produksiyon at pagtaas ng halaga ng panggagamot. Sa Estados Unidos lamang, ang nalulugi taun-taon dahil sa panlulumo ay umaabot na sa $53 bilyon.
Mas Maigi Pang Nasa Papel
“Mas madaling magbasa sa papel kaysa sa monitor,” pag-uulat ng ahensiya sa pagbabalita na dpa-Basisdienst sa Alemanya. Mas kaunting-kaunti lamang ang mali sa pagbabasa sa papel kaysa sa monitor at mabilis pa ang pagbabasa. Ipinakikita ng pagsusuri na sa katamtaman, ang pagbabasa sa monitor ay mas matagal nang 10 porsiyento kaysa sa papel. Bagaman ang resulta ay sumulong nang gamitin ang de-kalidad na mga monitor na mas maliwanag at malinaw at hindi gaanong pakurap-kurap, hindi pa rin ito maipapantay sa resulta ng pagbabasa sa papel. “Sinumang nagtatrabaho sa harap ng isang monitor ay gumugugol ng kaniyang buong panahon habang nakatitig sa isang pinanggagalingan ng liwanag na nakasisilaw, pakurap-kurap, at nanganganinag,” sabi ng sikologong si Martina Ziefle, taga-Aachen, Alemanya. “Ang hugis ng mga titik ay hindi gayong kalinaw, at ang antas ng pagkakaiba ng liwanag ay hindi malinaw.” Ang konklusyon ng dpa: “Kung bibili ka ng computer, ang titingnan mo kung gayon ay ang kalidad ng monitor.”
Tanda ng mga Panahon
“Isa na namang sinaunang tanawin sa kultura ng Canada ang mawawala ilang linggo pa kapag nagsukbit na ng baril ang mga pulis [sa Newfoundland] sa kauna-unahang pagkakataon,” pag-uulat ng The Toronto Star. Ang Royal Newfoundland Constabulary, itinatag noong 1729, ang “huling puwersa ng pulisya sa Hilagang Amerika na nagpapatrulya nang walang abot-kamay na baril.” Inalis na ng bagong batas ang dating patakaran. Kinailangan nito noon na ang mga opisyal ay humingi ng pahintulot sa superbisor na magkaroon sila ng sandata. Kung pahihintulutan, itatago ng opisyal ang kaniyang sandata sa isang nakasusing kahon sa trunk ng kaniyang sasakyan. Pagkatapos, kapag kinailangan ito sa panahon ng kagipitan, ipaparada niya ang kaniyang kotse, bubuksan ang trunk, bubuksan ang kahon, at lalagyan ng bala ang sandata. “Ito’y kakatwa at naiiba, ngunit talagang hindi naman praktikal na sabihing ang isang propesyonal at sinanay na puwersa ng pulisya nitong 1998 ay walang sandata,” sabi ni Premier Brian Tobin. Ipinagmamalaki pa rin ng Rock, gaya ng mapagmahal na pagkakilala sa Newfoundland, ang mababang bilang ng krimen sa bansa at wala pang opisyal na nabaril sa pagganap ng tungkulin nito.
Paghihiganti ang Negosyo Nila
Habang nangangako na “mahigpit na ililihim” at may kakayahang magserbisyo saanman sa Hapon, ganito ang anunsiyo ng isang kompanya sa Tokyo: “Aayusin namin ang pagkakagalit pabor sa iyo.” Ang pangunahing pilosopiya ay “ipadama ang gayunding pagdurusa sa taong naging dahilan ng pagdurusa ng kliyente,” sabi ng lalaking nangangasiwa ng serbisyong ito. Gaya ng iniulat sa Asahi Evening News, ang kompanya ay “magsasagawa ng legal na paghihiganti,” tulad ng pagtiyak na “mawawalan ng trabaho at pamilya ang isang tao,” maghihiwalay, at “pagtiyak na matatanggal sa posisyon ang isang kasamahan o hihiyain ang isang manedyer na gumawa ng seksuwal na panliligalig.” Sa humigit-kumulang na 50 katao na tumatawag sa telepono sa kompanya araw-araw, 20 ang humihiling ng mga kontrata sa pagpaslang; ngunit ang karaniwang patakaran ng kompanya ay hindi upang gumamit ng puwersa o lumabag sa batas, “bagaman kung minsan ay halos gayon na nga.” Maraming nagtatrabaho sa kompanya, na karamihan ay may ibang pambuong-panahong trabaho. Ang ilan ay mga taong nakaranas na ring magdusa at nagnanais na matulungan ang iba na maghiganti. “Hindi mo alam kung may ginawa ka noon na ikinagalit sa iyo ng ibang tao. Mag-ingat ka,” sabi ng may-ari.
Mga Alimangong Lupa at ang Ekolohiya
Dinudurog ng mga langgam, anay, at bulati ang mga dahon at basura sa sahig ng kagubatan, ngunit ano kaya naman ang nangyayari sa tropikal na mauulang gubat na sa pana-panahon ay binabaha? Ito ang trabaho ng mga alimangong lupa. Nagulat ang isang ekologo mula sa University of Michigan, E.U.A., nang makakita ng isang malawak na lugar sa kagubatan sa Baybaying Pasipiko ng Costa Rica na walang mga dahon sa lupa kundi sa halip ay maraming malalaking butas ang naroroon. Sa gabi, nagmasid siya habang ang mga alimangong lupa—na tinatayang may bilang na 60,000 sa isang ektarya—ang lumitaw upang maghanap ng mga tuyong dahon, prutas, at mga punla, na dinadala nila sa ilalim ng kanilang isang-metrong lungga. Ang 20-centimetrong mga alimangong ito, na may naiibang hasang para makahinga at pana-panahon lamang kung pumunta sa dagat upang magparami, ay nakatutulong upang makakuha ng sustansiya ang mga punungkahoy na malalalim ang ugat. Ang buong ekolohiya ng kagubatan ay natitiyak sa pamamagitan ng ginagawa ng mga kinapal na ito, pag-uulat ng The Times ng London.
Nasa Malayong Kalawakan
“Itinala sa mga aklat bilang rekord ang Voyager 1 na siyang pinakamalayong bagay na gawa ng tao,” sabi ng magasing Astronomy. “Ang dating nakakuha ng rekord ay ang Pioneer 10, na patungo sa halos kasalubong na direksiyon na mas mabagal ang takbo.” Gaano kalayo ang Voyager 1? May layong 10.4 bilyong kilometro, noong Pebrero 17, 1998. Ang sasakyang pangkalawakan ay inilunsad noong Setyembre 5, 1977; dumaan sa Jupiter noong Marso 5, 1979; at lumipad sa Saturn noong Nobyembre 12, 1980. Patuloy itong nagpapadala ng mga impormasyon sa pamamagitan ng hangin mula sa araw at magnetic field. “Sa kalaunan, ang mga instrumento nito ay baka maging siyang una sa alinmang sasakyang pangkalawakan na makatutuklas sa heliopause—ang hangganan sa pagitan ng dulo ng magneto ng Araw at sa unang bahagi ng espasyo ng mga bituin,” sabi ng National Aeronautics and Space Administration.
Hindi Nakarehistrong mga Bata
“Marahil ay sangkatlo ng mga sanggol ang hindi nakarehistro ang kanilang kapanganakan, anupat sila’y opisyal na pinabayaan na maaaring mangahulugang mawawalan sila ng pagkakataong makapag-aral at mapangalagaan ang kalusugan,” pag-uulat ng The New York Times. Pinakamababa ang pagrerehistro ng kapanganakan sa sub-Saharan Aprika at sa ilang bansa sa Asia, gaya ng Cambodia, India, Myanmar, at Vietnam. “Ang hindi pagkakaroon ng sertipiko ng kapanganakan ay halos katumbas na rin ng hindi pagkakapanganak,” sabi ni Carol Bellamy, punong tagapangasiwa ng United Nations Children’s Fund, ang ahensiyang nagsagawa ng pandaigdig na surbey. Maraming bansa ang humihiling muna ng pagrerehistro ng kapanganakan bago gamutin ang isang bata sa pagamutan o maipatala sa paaralan, at ang mga batang walang sertipiko ay malamang na humantong sa sapilitang pagtatrabaho o pagsamantalahan bilang mga trabahador sa sekso. Idinagdag pa ng artikulo: “Hindi lamang karalitaan ang dahilan ng problema sa antas ng pagpaparehistro, ang natuklasan ng ulat, anupat tinukoy ang mataas na antas ng pagpaparehistro sa karamihan ng Latin Amerika, Sentral Asia at Hilagang Aprika.”