Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/22 p. 25-27
  • Paano Na Kaya Ako Ngayong Wala Na ang Aking mga Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Na Kaya Ako Ngayong Wala Na ang Aking mga Magulang?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Sino ang Mangangalaga sa Akin?’
  • Pananagutan sa Pamilya
  • Paglaanan ang Sarili
  • Pagharap sa Hamon
  • Paano Ako Magiging Huwaran sa Aking Nakababatang mga Kapatid na Lalaki at Babae?
    Gumising!—1991
  • Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga Magulang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Bakit Kailangan Kong Mamuhay Nang Walang mga Magulang?
    Gumising!—1998
  • Bakit Ako Pa ang Naging Bunso?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Na Kaya Ako Ngayong Wala Na ang Aking mga Magulang?

“Nagdiborsiyo ang aking mga magulang noong ako’y tatlong taóng gulang at apat na taon naman ang aking kapatid na babae. Pinaglabanan nila sa korte kung sino ang mangangalaga sa amin, at kami’y napunta sa aming ina. Gayunman, noong ako’y pitong taon na, naipasiya naming magkapatid na makitira sa aming ama.”​—Horacio.

MAKALIPAS ang ilang taon, ang ama ni Horacio at ang babaing kinakasama nito ay umalis​—pinabayaan na si Horacio at ang kapatid nito. Naaalaala ni Horacio: “Iyan ang nangyari kung kaya sa edad na 18, ako’y naging ulo ng sambahayan na kinabibilangan ng aking 19-na-taóng-gulang na kapatid, ng aking 12-taóng-gulang na kapatid na babae sa ama​—na nagpasiyang sumama na sa amin​—at ako.”

Gaya ng ipinakita sa nakaraang artikulo, milyun-milyong kabataan sa buong daigdig ang walang mga magulang.a Gaya ni Horacio, ang ilang kabataan ay pinabayaan. Ang iba naman ay namatayan ng kanilang mga magulang o napahiwalay sa kanila dahil sa mga digmaan o likas na mga kasakunaan. Anuman ang kalagayan, maaaring maging napakahirap at napakasakit ang maulila sa mga magulang. At nagiging dahilan ito upang mapabaon ka sa napakaraming pananagutan.

‘Sino ang Mangangalaga sa Akin?’

Kung paano mo makakayanan ito ay depende lalo na sa iyong edad at mga kalagayan. Maliwanag, ang kalagayan ay nagiging mas napakahirap kapag ikaw ay bata pa o nagsisimula pa lamang na maging tin-edyer. Magkagayunman, maaaring hindi ka naman ganap na nag-iisa. Marahil ay handa naman ang isang tiyuhin, tiyahin, o nakatatandang kapatid na ampunin ka.

Sa mga Saksi ni Jehova, ang pangangalaga sa mga ulila at mga babaing balo ay itinuturing na bahagi ng kanilang pagsamba. (Santiago 1:27; 2:15-​17) At kadalasan, ang mga indibiduwal sa loob ng kongregasyon ay tutulong. Halimbawa, si Horacio at ang kaniyang mga kapatid ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumadalo na sa mga pulong nila. Doon ay nakakilala sila ng isang Kristiyanong pamilya na tumulong sa kanila. “Laking pasasalamat ko kay Jehova dahil sa kaniyang patnubay at maibiging pangangalaga sa araw-araw!” sabi ni Horacio. “Pinagpala kami na matulungan ng isang napakaespirituwal na pamilya sa kongregasyon na may mga anak na kasing edad namin. Halos ampunin nila kami, kaya naman, ngayon lamang kami nakadama na maging bahagi kami ng isang pamilya, isa na maaasahan namin.”

Gayunman, hindi lahat ng kabataan ay mapalad. Ganito ang sabi ng United Nations Children’s Fund: “Kung minsan ang mga ulilang bata ay napupunta sa mga pamilyang umaabuso sa kanila sa pisikal, pilit na pinagtatrabaho nang walang suweldo o walang pagkakataong umasenso, ginagamit sila sa prostitusyon o inaalipin pa man din sila.” Kaya kung may isa na sa paano man ay nangangalaga sa iyo, ipagpasalamat mo na ito.

Ipagpalagay na ngang isang malaking kawalan ang walang mga magulang. At likas lamang na maghinanakit ka kung wala sila na mangangalaga sa iyo. Maaaring ikagalit mo kapag pinagsasabihan ka ng isang kamag-anak o ng isang nakatatandang kapatid. Ngunit huwag kang maghinanakit sa mga nagsisikap na mangalaga sa iyo. Sabi ng Bibliya: “Mag-ingat ka na hindi ka mahikayat ng pagngangalit sa imbing [mga pagkilos] . . . Mag-ingat ka na hindi bumaling sa nakasasakit.” (Job 36:18, 21) Gunitain ang kabataang babae sa Bibliya na nagngangalang Esther. Palibhasa’y isang ulila, siya’y pinalaki ng kaniyang nakatatandang pinsan na si Mardocheo. Bagaman hindi siya ang kaniyang likas na magulang, si Mardocheo ay ‘nag-utos sa kaniya,’ na kaniya namang sinunod, kahit na siya’y malaki na! (Esther 2:7, 15, 20) Sikapin mo mismo na maging masunurin at matulungin. Malaki ang magagawa nito upang mawala ang tensiyon at maging maalwan ang buhay para sa lahat ng nasasangkot.

Pananagutan sa Pamilya

Kung mayroon kang mas nakatatandang kapatid​—o kung nasa hustong gulang ka na mismo​—marahil ay maaari na kayong magsarili ng iyong mga kapatid. Baka kailanganin pa ngang akuin mo ang papel ng pagiging ulo ng pamilya​—isang wari’y napakalaking pananagutan! Gayunman, sa ganitong mga kalagayan ay marami nang kabataan ang nakagawa na ng kapuri-puring tungkulin ng pagpapalaki sa kanilang mga kapatid.

Mangyari pa, maaaring nakadarama ka ng paghihinanakit. Ang pagbubulay-bulay sa katotohanang mahal mo at pinagmamalasakitan mo ang iyong mga kapatid ay maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ng positibong pangmalas. Baka makatulong din kung ituturing mong isang bigay-Diyos na tungkulin ang pangangalaga sa kanila. Tutal, ang mga Kristiyano ay inuutusang pangalagaan ang sariling kaniya. (1 Timoteo 5:8) Ngunit anumang pagsisikap ang gawin mo upang maging isang ama o ina sa iyong mga kapatid, kailanma’y hindi ka magiging isang tunay na magulang nila.

Hindi makatotohanan na asahan mo ang iyong mga kapatid na pakitunguhan kang gaya ng ginawa nila sa inyong mga magulang. Sa katunayan, baka kailanganin pa ang mahabang panahon bago nila matanggap ang katotohanan at kilalanin ka bilang ulo. Kaya pansamantala, huwag kang masisiraan ng loob. Iwasan ang “mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” Sa pamamagitan ng iyong halimbawa, turuan mo ang iyong mga kapatid na “maging mabait sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa.”​—Efeso 4:31, 32.

Inamin ni Horacio na siya’y nagkakamali: “Kung minsan ay napakahigpit ko sa aking mga kapatid. Subalit sa isang banda, iyan ay isang proteksiyon, at napanatili namin ang matuwid na paggawi sa harap ni Jehova.”

Paglaanan ang Sarili

Kung wala kang mga magulang na mangangalaga sa iyo, walang-alinlangang ang pangunahing iisipin mo ay ang paglaanan ang iyong sarili sa materyal. Marahil ang ilang adultong miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay makatutulong sa iyo at sa iyong mga kapatid, kung mayroon kang kapatid, na matutong magluto, maglinis, at mag-asikaso sa iba pang gawain sa bahay na dapat mong asikasuhin ngayon. Ngunit paano kayo magkakapera? Marahil ay wala ka nang magagawa kundi ang maghanap ng trabaho.

Gayunman, walang gaanong trabaho para sa mga kabataang kapos pa sa edukasyon, karanasan, o kakayahang magtrabaho. Kaya kung sakaling posible para sa iyo na tapusin ang iyong pangunahing edukasyon​—o makakuha pa man din ng ilang dagdag na pagsasanay sa trabaho​—makabubuting gawin mo ito. Naaalaala ni Horacio: “Ako at ang aking ate ay nagtrabaho upang masuportahan ang pag-aaral ko at ng aking kinakapatid.” Kung ikaw ay nakatira sa isang papaunlad na bansa, kailangan mong gamitin ang iyong talino upang makakita ng trabaho.​—Tingnan ang “Paglikha ng mga Trabaho sa Nagpapaunlad na mga Bansa,” sa Oktubre 22, 1994, isyu ng Gumising!

Sa mga lupaing mas maunlad sa ekonomiya, maaaring posible pa nga na makakuha ng pinansiyal na tulong mula sa pamahalaan. Kadalasan, may mga ahensiya ng gobyerno o pribado na nakatalaga sa pagtulong sa mga ulila o pinabayaang mga bata. Halimbawa, baka matulungan ka ng ilang ahensiya sa pagkakaroon ng pagkain o sa paghanap ng isang lugar na matitirhan. Mangyari pa, anumang pinansiyal na tulong na matanggap mo ay dapat na gastusin sa matalinong paraan. “Ang salapi ay sanggalang,” sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 7:12) At kung hindi ka mag-iingat sa pagbabadyet at paggastos nito, ang salapi ay madaling ‘nagkakapakpak at lumilipad papalayo.’​—Kawikaan 23:4, 5.

Ang paglalaan para sa iyong sarili sa materyal ay maaaring hindi gaanong magiging isyu kung may isang adulto na nangangalaga sa iyo. Gayunman, sa hinaharap, darating ang panahon na kakailanganin mong paglaanan ang iyong sarili. Palibhasa’y wala ka nang mga magulang na magtutulak sa iyo na ipagpatuloy ang pag-aaral, baka mangailangan ng ibayong pagsisikap upang maitutok ang iyong isip sa pag-aral. Ang payo ng Kristiyanong apostol na si Pablo kay Timoteo tungkol sa espirituwal na pagsulong ay maaari ring ikapit sa iyong pag-aaral sa paaralan: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag.” (1 Timoteo 4:15) Sa paggawa nito, makapagpapakita ka ng isang magandang halimbawa sa mga nasa paligid mo at makikinabang ka.

Pinakamahalaga sa lahat ay kailangang paglaanan mo ang iyong sarili sa espirituwal na paraan. Sikaping magkaroon ng isang timbang na rutin ng mga gawaing espirituwal. (Filipos 3:16) Halimbawa, sa mga Saksi ni Jehova, naging ugali na ng mga pamilya na talakayin ang isang teksto sa Bibliya araw-araw. Bakit hindi mo ito isama sa iyong rutin? Ang isang rutin ng pag-aaral sa Bibliya at regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano ay tutulong din sa iyo na manatiling malakas sa espirituwal.​—Hebreo 10:24, 25.

Pagharap sa Hamon

Ang pamumuhay nang walang mga magulang ay napakahirap, ngunit hindi naman dapat masiraan ng loob. Ang nanay ng dalawampung-taóng-gulang na si Paola ay namatay nang si Paola ay anim na taon lamang. Ang kaniyang tatay ay namatay nang siya’y sampu. Isang mabait na babae ang kumupkop sa kaniya at sa kaniyang apat na kapatid na pawang mga babae. Naging miserable kaya ang kaniyang buhay? Hindi. Sabi ni Paola: “Hindi naman siguro kami isang tipikong pamilya, pero medyo normal naman ang buhay namin. Sa katunayan, ang pagmamahalan namin sa isa’t isa ay mas matindi kaysa sa karamihan ng pamilya.”

Idinagdag pa ng kapatid ni Paola na si Irene: “Kahit wala kaming mga magulang, tulad pa rin kami ng ibang kabataan.” Ang payo niya sa iba na may ganitong kalagayan? “Huwag ninyong isipin na mahirap ang inyong kalagayan.” Ganito rin ang sabi ni Horacio: “Dahil sa kalagayang ito ay nahusto agad ang aking isip.”

Ang pagkawala ng mga magulang ay isa sa pinakamasakit na pangyayaring maaaring isipin. Gayunman, makaaasa ka, na sa tulong ni Jehova, makakayanan mo rin ito at tatanggap ka ng kaniyang pagpapala.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangan Kong Mamuhay Nang Walang mga Magulang?,” sa Nobyembre 22, 1998, isyu ng Gumising!

[Larawan sa pahina 26]

Makasusumpong ka ng suporta mula sa Kristiyanong matatanda

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share