Kawalan ng Pagpaparaya sa Relihiyon Ngayon
“Ang lahat ay may karapatan sa malayang kaisipan, budhi at relihiyon; kasali sa karapatang ito ang kalayaang magbago ng kaniyang relihiyon o paniniwala, at kalayaan, nag-iisa man o sa pamayanan na kasama ng iba at sa publiko o pribado, na magpahayag ng kaniyang relihiyon o paniniwala sa turo, gawain, pagsamba at pangingilin.” Artikulo 18, Pansansinukob Na Deklarasyon Ng Mga Karapatang Pantao, 1948.
NAGTATAMASA ka ba ng kalayaan sa relihiyon sa inyong bansa? Waring sumasang-ayon ang karamihan ng mga bansa sa marangal na simulaing ito, na maraming ulit na nailakip sa internasyonal na mga kapahayagan. Gayunman, tinataya na sa maraming bansa kung saan masaklap na katotohanan ang kawalan ng pagpaparaya at diskriminasyon, di-mabilang na milyun-milyong tao ang hindi nagtatamasa ng kalayaan sa relihiyon. Sa kabilang dako naman, maraming tao ang nabubuhay sa mga lipunang binubuo ng maraming lahi, bansa, o relihiyon kung saan ang kalayaan ay ginagarantiyahan ng batas at ang pagpaparaya ay waring iniingatan sa kultura ng bansa.
Gayunman, kahit sa mga lugar na ito, nanganganib ang kalayaan sa relihiyon ng ilang tao. “Ang diskriminasyon batay sa relihiyon o paniniwala ay umiiral sa halos lahat ng sistemang pangkabuhayan, panlipunan, at pang-ideolohiya at sa lahat ng panig ng daigdig,” sabi ni Angelo d’Almeida Ribeiro, dating Pantanging Tagaulat na hinirang ng UN Commission on Human Rights. Ganito ang sabi ng mga editor na sina Kevin Boyle at Juliet Sheen sa kanilang aklat na Freedom of Religion and Belief—A World Report, inilathala noong 1997: “Ang pag-uusig sa maliliit na relihiyon [at] ang pagbabawal sa mga paniniwala at malawakang diskriminasyon . . . ay pang-araw-araw na mga pangyayari sa pagtatapos ng ikadalawampung siglo.”
Subalit hindi lamang ang maliliit na relihiyon ang apektado ng relihiyosong diskriminasyon. Naniniwala si Propesor Abdelfattah Amor, Pantanging Tagaulat sa Kawalang Pagpaparaya sa Relihiyon, ng UN Commission on Human Rights, na “walang relihiyon ang ligtas sa paglabag.” Kung gayon, malamang na karaniwang napapaharap sa kawalan ng pagpaparaya at pagtatangi ang ilang relihiyon sa tinitirhan mo.
Iba’t Ibang Anyo ng Diskriminasyon
Maraming anyo ang relihiyosong diskriminasyon. Basta ipinupuwera ng ilang bansa ang lahat ng relihiyon maliban sa isa, ginagawa ito, sa diwa, na relihiyon ng Estado. Sa ibang bansa naman, nagpasa ng mga batas na nagbabawal sa gawain ng ilang relihiyon. Ang ilang lupain naman ay gumawa ng mga batas na binigyan ng kahulugan ayon lamang sa sariling kagustuhan. Isaalang-alang ang maaaring pag-abuso ng isang panukalang batas sa Israel na magparusa sa pag-aangkat, paglilimbag, pamamahagi, o pagtataglay ng mga brosyur o materyales “na doo’y may himig ng pangganyak sa pagkumberte sa relihiyon.” Hindi kataka-taka, iniulat ng pahayagang International Herald Tribune: “Sa Israel, ang mga Saksi ni Jehova ay nililigalig at sinasalakay.” Isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Lod ang tatlong ulit na pinasok at dalawang ulit na sinira ng panatiko’t sobrang ortodoksong mga zealot. Ayaw makialam ang pulisya.
Binabanggit ng aklat na Freedom of Religion and Belief ang iba pang halimbawa ng kawalan ng pagpaparaya: “Ang erehiya at mga erehes ay hindi lamang isang ideya noon. . . . Ang pagtanggi, pag-uusig at diskriminasyon sa mga tumahak ng ibang paraan ng pamumuhay ang pangunahing dahilan ng kawalan ng pagpaparaya. Ang mga Ahmadi sa Pakistan at ang mga [Baha’i] sa Ehipto, Iran, at Malaysia ay ilang halimbawa gaya rin ng mga Saksi ni Jehova sa ilang bansa sa Silangang Europa, sa Gresya at Singapore.” Maliwanag, nanganganib sa maraming bahagi ng daigdig ang kalayaan sa relihiyon.
Sa harap nito, ipinahayag ni Federico Mayor, panlahat-na-patnugot ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, na ang lilitaw na daigdig sa malapit na hinaharap “ay hindi pumupukaw ng buong-pusong kasiglahan. . . . Muling pinagdingas ng mga hangin ng kalayaan ang lumalamig na sanang mga damdamin ng pagkapoot.” Upang patunayan ang mga pangambang ito, ganito ang sabi ng patnugot ng Human Rights Centre ng University of Essex, United Kingdom: “Lahat ng katibayan ay nakaturo sa konklusyon na ang kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon . . . ay nadaragdagan sa halip na nababawasan sa modernong daigdig.” Ang dumaraming kawalan ng pagpaparaya ay nagsasapanganib sa kalayaan sa relihiyon, marahil sa iyong kalayaan sa relihiyon. Gayunman, bakit ba napakahalaga ng kalayaan sa relihiyon?
Ano ang Nakataya?
“Mahalagang kahilingan ang kalayaan sa relihiyon bago mailarawan na malaya ang anumang lipunan. . . . Kung walang kalayaan sa relihiyon at karapatang magpalaganap ng pananampalataya ay hindi magkakaroon ng mga karapatan sa budhi at walang tunay na demokrasya,” ang sabi ng sosyologong si Bryan Wilson sa kaniyang aklat na Human Values in a Changing World. At, gaya ng kinilala kamakailan ng isang korte sa Pransiya, ang “kalayaan sa paniniwala ay isa sa mahahalagang elemento ng mga kalayaang pampubliko.” Kaya, relihiyoso ka man o hindi, dapat kang maging interesado sa pagsasanggalang sa kalayaan sa relihiyon.
Ang saloobin ng isang bansa sa kalayaan sa relihiyon ay lubha ring nakaaapekto sa reputasyon at internasyonal na kredibilidad nito. Ganito ang sabi ng isang ulat noong 1997 sa isang pagtitipon ng 54-na-bansang Organization for Security and Cooperation in Europe: “Ang Kalayaan sa Relihiyon ay isa sa pinakamahalaga sa kalipunan ng mga karapatang pantao, mahalaga sa kahulugan ng dignidad ng tao. Walang sistema na lumalabag, o nagpapahintulot ng sistematikong paglabag, sa mga karapatang ito ang lehitimong makapagsasabing miyembro ito ng pamayanan ng matuwid at demokratikong mga estado na gumagalang sa mga karapatang pantao.”
Ang kalayaan sa relihiyon ay katulad sa bahagi ng pundasyon ng isang gusali. Ang iba pang kalayaan—sibil, pulitikal, pangkultura, at pangkabuhayan—ay itinatayo sa ibabaw nito. Kung mahina ang pundasyon, apektado ang buong gusali. Ganito ang pagkakasabi ni Propesor Francesco Margiotta-Broglio sa maikli: “Kailanma’t nilalabag ang kalayaan [sa relihiyon], susunod na naaapektuhan ang iba pang mga kalayaan.” Kung dapat ipagsanggalang ang iba pang mga kalayaan, kailangan munang ingatan ang kalayaan sa relihiyon.
Upang malaman kung paano pinakamabuting mapangalagaan ang isang bagay, mahalagang maunawaan ito. Ano ba ang mga ugat ng kalayaan sa relihiyon? Paano ito naitatag, at ano ang naging kapalit?
[Larawan sa pahina 4]
May mahabang kasaysayan ang kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon