Mga Karapatan na Walang Pananagutan?
“ANG pagkilala sa likas na dignidad at sa pantay-pantay at di-maiwawaksing mga karapatan ng lahat ng miyembro ng sangkatauhan ang siyang saligan ng kalayaan, katarungan at kapayapaan sa daigdig.” Ganiyan ang isinasaad sa pambungad ng Pansansinukob na Deklarasyon ng Karapatang Pantao, na sumapit sa ika-50 anibersaryo nito noong Disyembre 1998. Gayunman, iminungkahi kamakailan ng 24 na dating presidente at punong ministro, na kumakatawan sa lahat ng kontinente, na karagdagan sa deklarasyong iyon, isang pansansinukob na deklarasyon ng pananagutang pantao ang dapat pagtibayin ng United Nations. Bakit nakadarama ang marami ng pangangailangan para sa gayong proyekto?
“Ang mga karapatan at mga pananagutan ay magkakambal. Nakalulungkot, pagkalipas ng kalahating siglo, ang katotohanang ito ay nakalimutan na at naging waring di-kanais-nais. Iginigiit ng marami ang kanilang mga karapatan nang hindi nadarama ang pangangailangang balikatin ang kaakibat na mga pananagutan,” paliwanag ni Propesor Jean-Claude Soyer, miyembro ng European Commission for Human Rights. Nahahalata ng marami ang pagpapabayang ito sa mga pananagutan. “May kapansin-pansing pag-asam, lalo na sa gitna ng mga kabataan, ukol sa isang uri ng nagkakaisang pangmalas, isang kalipunan ng mga kinikilalang huwaran na siyang gagamitin upang maharap at masupil ang impluwensiya ng kasakiman, ng kaimbutan, ng kawalan ng pakikipagkapuwa, na waring nangingibabaw sa daigdig. . . . Ang tumitinding debateng ito tungkol sa pangangailangan ukol sa isang pangglobong etika ay isang pag-amin na may bagay na kulang,” sabi ng pahayagan sa Paris na International Herald Tribune. Kaya naman, pinag-uusapan na ng mga pulitiko, teologo, at mga pilosopo ang isang “pansansinukob na proyekto sa etika,” gaya ng tawag dito ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, upang punan ang kakulangan at tiyakin kung anu-ano ang mga pananagutan ng tao. Gayunman, may suliranin sila.
Bagaman hindi gaanong mahirap tiyakin kung aling karapatang pantao ang dapat ipagsanggalang, hindi laging madaling tukuyin kung aling mga pananagutan ng tao ang dapat tanggapin ng lahat. Gayunman, ang ilan sa mga simulain na nasa panukalang Deklarasyon ng mga Pananagutan ay matutunton sa walang-kupas at pansansinukob na Ginintuang Alituntunin, na ibinigay ni Jesus mga dalawang libong taon na ang nakararaan: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.
Bagaman ang Bibliya ang siyang karaniwang impluwensiya na nasa likod ng mga batas na nagsasanggalang sa mga karapatang pantao, idiniriin nito ang tungkol sa personal na pananagutan. “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya,” ang sabi ng alagad na si Santiago. (Santiago 4:17) Kung paanong humanap si Jesus ng mga pagkakataon upang makagawa ng mabuti sa iba, sinisikap din ng tunay na mga Kristiyano na gumawa ng mabuti sa kanilang kapuwa. Palibhasa’y hindi kontento sa basta pagsasagawa ng kanilang mga karapatan, nauunawaan nila na ang mga karapatan ay may kaakibat na mga pananagutan at na ang mga gawa ng bawat isa sa atin ay pananagután natin sa Diyos.