Anorexia at Bulimia—Ang mga Katotohanan, ang mga Panganib
“Ang pagkain ay mas mabigat na pasanin sa emosyon kaysa sa anupaman na maaaring sukatin sa pamamagitan ng mga kalori o gramo.”—Janet Greeson, awtor.
ANG anorexia at bulimia ay dalawa sa pinakakaraniwang mga sakit na nauugnay sa pagkain. Bawat isa ay may naiibang katangian. Gayunman, gaya ng makikita natin, ang dalawang ito ay maaaring maging mapanganib—nakamamatay pa nga.
Anorexia—Paggutom sa Sarili
Ang mga pinahihirapan ng anorexia, ang mga anorexic, ay ayaw kumain o kaya’y kaunti lamang kung kumain anupat nagkukulang sila sa sustansiya. Tingnan ang 17-taong-gulang na si Antoinette, na nagsabing may pagkakataon na bumaba ang kaniyang timbang hanggang sa 82 libra—napakababa para sa isang tin-edyer na may taas na limang talampakan at pitong pulgada. “Hindi lalampas sa 250 kalori bawat araw ang kinakain ko at inililista ko kung ano ang kinain ko,” sabi niya.
Ang mga anorexic ay hibang sa pagkain, at kung anu-ano ang gagawin nila para huwag maragdagan ang timbang. “Iniluluwa ko ang aking pagkain sa serbilyeta na parang pinupunasan ko ang aking bibig,” sabi ni Heather. Si Susan naman ay nag-eehersisyo nang labis-labis para manatiling mababa ang kaniyang timbang. “Halos araw-araw,” sabi niya, “tumatakbo ako ng labindalawang kilometro, o lumalangoy sa loob ng isang oras, kung hindi ay balisang-balisa ako at sisisihin ko ang aking sarili. At tuwing umaga ay nasisiyahan ako nang husto, kadalasang ang aking tanging kasiyahan, kapag nagtitimbang ako upang matiyak na ang aking timbang ay mababa sa 100 libra.”
Balintuna, ang ilang anorexic ay nagiging masasarap magluto at maghahain ng pagkasasarap na pagkain na ayaw nila mismong kainin. “Kapag malalang-malala ako,” sabi ni Antoinette, “ako ang naghahanda ng lahat ng pagkain sa bahay at lahat ng baon ng aking nakababatang mga kapatid. Hindi ko sila palalapitin sa refrigerator. Para bang sa akin lamang ang kusina.”
Ayon sa aklat na A Parent’s Guide to Anorexia and Bulimia, ang ilang anorexic ay “nagiging labis-labis na masinop at maaari niyang igiit sa buong pamilya na sundin ang kanilang di-makatotohanang mahihigpit na pamantayan. Walang dapat maiwang nakakalat na magasin o pares ng sinelas o tasa ng kape na sandaling naiwan nang wala sa lugar. Sila’y maaari rin namang maging gayundin kametikuloso, o higit pa nga, sa personal na kalinisan o hitsura, anupat gumugugol ng maraming oras sa banyo nang nakakandado ang pintuan at ayaw magpapasok ng iba para makapaghanda sa pagpasok sa paaralan o trabaho.”
Paano ba nagkakaroon ang isa ng ganitong di-pangkaraniwang sakit na tinatawag na anorexia? Karaniwan, ang isang tin-edyer o kabataang adulto—kadalasang isang babae—ay nagpapasiyang magbawas ng timbang. Kapag naabot na niya ang kaniyang tunguhin, hindi pa siya nasisiyahan. Kapag nagsalamin siya, mataba pa rin ang tingin niya sa kaniyang sarili, kaya iniisip niyang makabubuti kung magbabawas pa siya ng kaunting timbang. Nagpapatuloy ang ganitong siklo hanggang sa ang timbang ng nagdidiyeta ay bumaba na sa 15 porsiyento o mas mababa pa sa kung ano ang normal para sa kaniyang taas.
Sa pagkakataong ito ay magsisimula nang magpahayag ng pagkabahala ang mga kaibigan at kapamilya dahil mukhang payat na payat na ang nagdidiyeta, anupat parang buto’t balat na. Pero iba naman ang pangmalas ng anorexic. “Sa palagay ko’y hindi ako payat,” sabi ni Alan, isang anorexic na may taas na limang talampakan at siyam na pulgada na sa isang pagkakataon ay bumaba ang timbang hanggang sa 72 libra. “Habang lalong nababawasan ang iyong timbang,” sabi niya, “lalong nagiging pilipit ang iyong pag-iisip at hindi mo na nakikita nang malinaw ang iyong sarili.”a
Sa kalaunan, ang anorexia ay maaaring humantong sa malulubhang suliranin sa kalusugan, kasali na ang osteoporosis at pinsala sa bato. Maaari pa itong makamatay. “Sinabi sa akin ng aking doktor na pinagkaitan ko ang aking katawan ng napakaraming sustansiya anupat kung ganito pa rin ang paraan ng pagkain ko sa loob ng dalawang buwan, mamamatay na ako dahil sa malnutrisyon,” sabi ni Heather. Iniulat ng The Harvard Mental Health Letter na sa loob ng mahigit na sampung taon, mga 5 porsiyento ng mga babae na nasuring anorexic ang namatay.
Bulimia—Pagpapakalabis at Pagpurga
Ang sakit na nauugnay sa pagkain na kilala bilang bulimia nervosa ay kakikitaan ng pagpapakalabis (mabilis na pagkonsumo ng maraming pagkain, marahil hanggang 5,000 kalori o higit pa) at saka pagpupurga (inilalabas ang laman ng sikmura, kadalasan sa pamamagitan ng pagsuka o pag-inom ng mga panunaw).b
Kung ihahambing sa anorexia, ang bulimia ay hindi madaling mahalata. Ang maysakit ay maaaring hindi gaanong payat, at waring normal naman ang kaniyang mga kaugalian sa pagkain—sa paano man sa tingin ng iba. Ngunit para sa isang bulimic, ang buhay ay talagang hindi normal. Sa katunayan, nahihibang na siya sa pagkain anupat hindi na mahalaga ang iba pang bagay. “Habang lalo akong nagpapakalabis at nagsusuka, lalo akong walang pakialam tungkol sa ibang mga bagay o mga tao,” sabi ng 16-na-taong-gulang na si Melinda. “Talagang nakalimutan ko na kung paano ang magsaya kasama ng mga kaibigan.”
Inilarawan ni Geneen Roth, isang manunulat at guro sa larangan ng mga sakit na nauugnay sa pagkain, ang pagpapakalabis bilang “isang tatlumpung-minutong kahibangan, isang pagsisid sa impiyerno.” Sinasabi niya na sa panahon ng pagpapakalabis, “wala nang mahalaga—kahit ang mga kaibigan, kahit ang pamilya . . . Walang mahalaga kundi ang pagkain.” Inilarawan ng 17-taong-gulang na maysakit na nagngangalang Lydia ang kaniyang kalagayan sa pamamagitan ng isang malinaw na pagkakahawig. “Para akong tagapikpik ng basura,” sabi niya. “Tatambakan mo, dudurugin, itatapon. Paulit-ulit, iyon at iyon din.”
Ang bulimic ay desperado na huwag maragdagan ang kaniyang timbang na karaniwang resulta ng kaniyang di-mapigil na pagkain. Kaya agad-agad pagkatapos magpakalabis, pinipilit niyang magsuka o kaya’y umiinom ng mga pamurga para lumabas ang pagkain bago ito maging taba sa katawan.c Bagaman waring nakaririmarim ang mismong ideyang ito, hindi ganiyan ang pangmalas ng makaranasang bulimic. “Habang lalo kang nagpapakalabis at nagpupurga, nagiging lalong madali ito para sa iyo,” paliwanag ng social worker na si Nancy Kolodny. “Ang una mong nadaramang pagkarimarim o maging pagkatakot ay agad na nahahalinhan ng matinding paghahangad na ulitin ang mga nakagawiang ito ng bulimic.”
Lubhang mapanganib ang bulimia. Halimbawa, ang paulit-ulit na pagpupurga sa pamamagitan ng pagsusuka ay naglalantad sa bibig sa nakapipinsalang mga asido sa sikmura, na maaaring sumira sa enamel ng ngipin ng bulimic. Ang gawaing ito ay maaari ring puminsala sa lalamunan, atay, baga, at puso ng maysakit. Sa malulubhang kaso, ang pagsusuka ay maaaring maging sanhi ng pagsabog ng sikmura at maging ng kamatayan. Maaari ring maging mapanganib ang labis na pag-inom ng mga pamurga. Maaaring pinsalain nito ang normal na gawain ng mga bituka at maaari ring humantong sa namamalaging diarrhea at pagdurugo ng puwitan. Katulad ng paulit-ulit na pagsusuka, ang pag-aabuso sa mga pamurga, sa malulubhang kalagayan, ay maaaring humantong sa pagkamatay.
Ayon sa National Institute of Mental Health, dumarami ang mga kaso ng mga sakit na nauugnay sa pagkain. Ano ba ang nag-uudyok sa isang kabataang babae na makipaglaro sa kamatayan sa pamamagitan ng pagkakait ng pagkain sa kaniyang sarili? Bakit ang iba naman ay waring hibang na hibang sa pagkain anupat siya’y nagpapakalabis at saka lubhang nababahala sa kaniyang timbang anupat napipilitang ilabas ang kaniyang kinain? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Sinasabi ng ilang eksperto na ang 20- hanggang 25-porsiyentong kabawasan sa kabuuang timbang ng isang tao ay maaaring lumikha ng kemikal na mga pagbabago sa utak na maaaring makaapekto sa kaniyang pang-unawa, anupat makakita siya ng taba kahit wala naman.
b Ang hindi mapigil na labis-labis na pagkain nang hindi nagpupurga ay itinuturing din ng ilan bilang isang sakit na nauugnay sa pagkain.
c Upang hindi maragdagan ang timbang, maraming bulimic ang nag-eehersisyo nang labis-labis araw-araw. Gayon na lamang katagumpay ang ilan sa mga ito sa pagbabawas ng kanilang timbang anupat sa kalaunan sila ay nagiging anorexic, at pagkatapos nito ay maaaring sila’y magsalitan sa pagitan ng pagiging anorexic at pagiging bulimic.