Mula sa Aming mga Mambabasa
Maulang Gubat Salamat sa malinaw at nakaaaliw na impormasyon na inilathala ninyo tungkol sa mga maulang gubat. (Mayo 8, 1998) Nakalulungkot makita kung paanong sinisira ng kabaliwan at kasakiman ng tao ang ating planeta at ang mahahalagang hayop at pananim nito. Natutuwa akong malaman na hindi na magtatagal at ang ating Dakilang Maylalang, si Jehova, ay makikialam at magtatanggol sa mahalagang hiyas na ito at sa mga nabubuhay na organismo nito.
F. A., Brazil
Natutuwa akong sabihin na ang inyong artikulo ay labis na nagpaliwanag sa maraming problema at mga isyu na may kinalaman sa pagkasira ng ating mga maulang gubat ngayon. Nais kong pasalamatan kayo lalo na sa pagbibigay ng impormasyon sa huling parapo—ang bagay na may pag-asa pa para sa ating natitirang mga gubat at na tiyak na tutubo ang isang lahi ng mga maulang gubat sa hinaharap.
J. T., Australia
Kababasa ko pa lamang ng mahusay na labas ng magasing Gumising! na ibinigay sa akin ng isang palakaibigang estranghero na isang Saksi ni Jehova. Miyembro ako ng Edinburgh University Ecological Society, na may titulo sa agham ng pagkakahuyan (forestry) sa Edinburgh University noong 1939. Maraming itinuro sa amin tungkol sa tropikal na maulang gubat. Binabati ko kayo at ang inyong mga kawani sa napakahusay na mga serye na “Maililigtas Pa Kaya ang Ating Maulang Gubat?” Binasa ko itong mabuti. Magtagumpay sana ang inyong relihiyosong kilusan! Magtatagumpay ito.
L. M., Inglatera
Ang Taóng 2000 Ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Gaano Kahalaga ang Taóng 2000?” sa Mayo 8, 1998, ng Gumising! ay isang mainam na paalaala. Pinahahalagahan ko ang inyong tahasang pagpigil sa anumang hilig na magsapantaha at ang inyong katapatan sa pagpapaliwanag sa mga pahayag noon may kinalaman sa kaganapan ng araw ni Jehova.
S. W., Estados Unidos
Matagumpay sa Harap ng Kamatayan Isang kasiyahang sulatan at pasalamatan kayo sa paglalathala ng mga karanasan ng ating mga kapatid noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig at pagkatapos, gaya ng serye na “Matagumpay sa Harap ng Kamatayan.” (Mayo 8, 1993) Napatibay ako ng seryeng ito na patuloy na maglingkod kay Jehova, na sumusunod sa mga yapak ng kaniyang matagumpay na mga Saksi. Kahit na ang banta ng kamatayan ay hindi nakapagpahinto sa kanila na ibigin si Jehova.
A. A., Albania
Buhay at Kamatayan sa Cambodia Salamat sa artikulong “Ang Aking Mahabang Paglalakbay Mula sa Buhay at Kamatayan sa Cambodia.” (Mayo 8, 1998) Kamangha-manghang maglingkod kay Jehova nang may katapatan at malaman na katulad ni Wathana Meas, na isang sundalong pumatay ng iba upang mabuhay, marami ang tumatahak ng landasing ito sa kabila ng malulungkot na alaala. Nagitla akong mabasa na gumugol siya ng tatlong buwan na nakatago sa isang hukay. Wala siyang kamalay-malay na malapit na niyang maranasan ang pinakadakilang pribilehiyo sa kaniyang buhay—ang makilala si Jehova!
C. M. S. L., Brazil
Humahatol Ka ba Ayon sa Hitsura? Ang mga hitsura ay maaaring maging mapanlinlang, gaya ng ipinakita ng isang kuwentong-bayan tungkol kay Nasreddin Hoja. (Mayo 8, 1998) Salamat sa pagpapaalaala sa amin na hindi namin dapat hatulan ang iba nang pabor o di-pabor ayon lamang sa kanilang hitsura—at na hinahatulan tayo ni Jehova ayon sa kalagayan ng ating puso, hindi sa ating hitsura.
A. O. F. A., Brazil
Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso sa maikli ngunit malaman at mahusay na artikulong “‘Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo’—Ikaw?” (Mayo 8, 1998) Ang mga ideyang tinalakay may kinalaman sa iba’t ibang aspekto ng tunay na pag-ibig ay lubhang nakaantig at nagpatibay sa akin, lalo na’t dumating ang artikulo sa panahon na talagang kailangan ko ng tulong. Kumbinsido na ako ngayon na sa anumang kalagayan, ang tunay na pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.
S. G., Pransiya