Nakatutulong at Maligaya sa Kabila ng Aking Pagiging Bulag
Ayon sa pagkalahad ni Polytimi Venetsianos
Naglalaro ako noon kasama ng aking tatlong kapatid at isang pinsan nang may isang bagay na humagis sa bintana. Iyon ay isang granada, at nang sumabog ito, pawang namatay ang tatlo kong kapatid at ako ay lubusang nabulag.
ANG petsa ay Hulyo 16, 1942, noong ako ay isang munting bata na limang taóng gulang pa lamang. Ilang araw rin akong paulit-ulit na walang malay. Nang magkamalay na ako, hinanap ko ang aking mga kapatid. Nang malaman kong sila’y namatay, hinangad kong sana’y namatay na rin ako.
Nang ako’y isilang, ang aking pamilya ay nakatira sa isla ng Salamis sa Gresya, malapit sa Piraiévs, ang daungan ng Atenas. Sa kabila ng aming kahirapan, mapayapa naman ang aming buhay. Lahat ng iyan ay nasira nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, noong 1939. Ang aking ama ay isang magdaragat sa Mediteraneo. Madalas ay kailangan niyang iwasan ang mga submarino, mga barkong pandigma, torpedo, at mga bomba ng kapuwa mga kapangyarihang Axis at Allied. Ang Gresya ay nasa ilalim noon ng kapangyarihan ng Pasismo at Nazismo.
Tinuruang Mapoot sa Diyos
Dahil sa kakila-kilabot na mga kalagayan noong digmaan, namatayan si Inay ng ikaapat na anak. Labis siyang nanlumo, nagkasakit ng tuberkulosis at, matapos isilang ang kaniyang ikaanim na anak, sa dakong huli ay namatay siya noong Agosto 1945. Sinabi ng aming mga relihiyosong kapitbahay na pinarurusahan kami ng Diyos. Sa pagsisikap na magpatibay-loob, ngunit nagpasama lamang ng mga bagay-bagay, sinabi ng ilang paring Griego Ortodokso na kinuha ng Diyos ang aking mga kapatid upang dalhin sa langit para maging mumunting anghel.
Galit na galit si Itay. Bakit aagawin ng Diyos ang apat na mumunting bata mula sa isang mahirap na pamilya gayong milyun-milyong anghel naman ang kasama niya? Ang mga paniniwalang ito ng Simbahang Ortodokso ang nagpaalab sa kaniya ng matinding damdamin laban sa Diyos at sa relihiyon. Mula noon, ayaw na niyang magkaroon ng anumang kaugnayan sa relihiyon. Tinuruan niya akong kapootan at hamakin ang Diyos, anupat idiniriin na ang Diyos ang may kagagawan sa aming pasakit at kahapisan.
Gaya ng Isang Hayop sa Kulungan
Di-nagtagal pagkamatay ng aking inay noong 1945, nagkasakit din si Itay ng tuberkulosis at naratay sa isang pagamutan. Ang aking kapatid na sanggol na babae ay dinala naman sa isang pampublikong nursery. Pagkaraan, nang makalabas na si Itay sa pagamutan at magpunta sa nursery upang kunin siya, sinabihan siya na ito ay namatay na. Ako naman ay ipinasok sa isang paaralan para sa mga bulag, kung saan ginugol ko ang sumunod na walong taon ng aking buhay. Sa simula ay nasiraan ako ng loob. Lalo na akong nanlulumo kapag mga araw ng pagdalaw. May dumadalaw sa karamihan sa aking mga bulag na kaeskuwela, pero sa akin ay wala.
Para akong hayop sa kulungan. Tinawag akong maton sa paaralan. Bunga nito, ako’y binugbog at kinailangang paupuin sa ‘naughty chair.’ Madalas kong pag-isipan ang pagpapakamatay. Subalit dumating ang panahon na natanto kong kailangan kong matutong masiyahan sa aking sarili. Nakasumpong ako ng kasiyahan sa pagtulong sa bulag na mga kaeskuwela, kadalasa’y tinutulungan silang magbihis o mag-ayos ng kanilang higaan.
Sinabi sa amin ng mga pari na binulag kami ng Diyos dahil sa ilang matinding pagkakasala ng aming mga magulang. Lalo lamang nitong pinatindi ang pagkamuhi ko sa Diyos, na wari’y malupit at mapaminsala. Ang isang relihiyosong ideya na ikinatakot at ipinaghinanakit ko ay ang bagay na ginugulo ng mga espiritu ng mga namatay yaong mga nabubuhay. Kaya naman, sa kabila ng aking pag-ibig sa aking yumaong mga kapatid at ina, takot ako sa kanilang mga “espiritu.”
Tinulungan ng Aking Ama
Nang maglaon, nakilala ni Itay ang mga Saksi ni Jehova. Namangha siyang malaman mula sa Bibliya na si Satanas, at hindi si Jehova, ang pinagmumulan ng pasakit at kamatayan. (Awit 100:3; Santiago 1:13, 17; Apocalipsis 12:9, 12) Di-nagtagal at ang aking naliwanagang ama ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, sumulong sa espirituwal, at nabautismuhan noong 1947. Ilang buwan bago nito, siya’y nag-asawang-muli at ngayon ay mayroon nang isang anak na lalaki. Nang maglaon, nakisama na rin sa kaniya ang kaniyang bagong asawa sa pagsamba kay Jehova.
Sa edad na 16, nilisan ko ang paaralan para sa mga bulag. Anong laking kaaliwan na magbalik sa isang mapagmahal na pamilyang Kristiyano! Mayroon sila ng tinatawag nilang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, na dito’y inanyayahan akong dumalo. Dumalo ako bilang paggalang, bagaman hindi naman ako talagang nagbibigay-pansin. Labis pa rin ang pagkamuhi ko sa Diyos at sa relihiyon.
Pinag-aaralan ng pamilya ang buklet na God’s Way Is Love. Sa pasimula, hindi ako interesado, pero narinig kong tinalakay ni Itay ang tungkol sa kalagayan ng mga patay. Nakatawag ito ng aking pansin. Binasa ang Eclesiastes 9:5, 10 mula sa Bibliya: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.”
Natanto ko na walang dahilan para ako matakot. Hindi ako maaaring saktan ng aking namatay na ina at mga kapatid. Humantong ang talakayan sa paksa ng pagkabuhay-muli. Gumana nang husto ang aking “mga antena.” ang aking atensiyon. Galak na galak akong marinig ang pangako ng Bibliya na bubuhayin ang mga patay sa ilalim ng paghahari ni Kristo! (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:12, 13) Ngayon ay naging kawili-wili sa akin ang pag-aaral. Sabik kong hinihintay ang araw ng talakayan na ito ng pamilya, at sa kabila ng aking pagiging bulag, naghahanda akong mabuti.
Pagtatamo ng Espirituwal na Paningin
Habang lumalago ang aking kaalaman sa Kasulatan, naglaho ang mga maling ideya tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga pakikitungo. Nalaman ko na ako o ang sinuman ay hindi binulag ng Diyos kundi ang ugat ng lahat ng kasamaan ay ang kaniyang Kaaway, si Satanas na Diyablo. Anong lungkot ko na dahil sa aking ganap na kawalang-alam ay sinisi ko ang Diyos! Palibhasa’y sabik na sabik, kumuha ako ng higit pang tumpak na kaalaman sa Bibliya. Ako’y dumalo at nakibahagi sa lahat ng mga pulong Kristiyano, bagaman maraming kilometro ang layo ng tirahan namin mula sa Kingdom Hall. Ako’y aktibo rin sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral, anupat hindi ko hinahayaang mahadlangan ako ng aking kapansanan sa paningin.
Anong ligaya ko nang mabautismuhan ako noong Hulyo 27, 1958, mahigit na 16 na taon mula noong kalunus-lunos na pangyayaring naging sanhi ng aking pagkabulag! Ako’y nagkaroon ng bagong pasimula at punung-puno ng pag-asa. Ngayon ay may layunin na ang aking buhay—ang paglingkuran ang aking maibiging Ama sa langit. Ang kaalaman tungkol sa kaniya ay nagpalaya sa akin mula sa huwad na mga turo at nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang harapin ang aking pagkabulag at ang mga suliranin nito taglay ang determinasyon at pag-asa. Regular akong gumugol ng 75 o higit pang mga oras sa isang buwan sa pangangaral sa iba ng maluwalhating mabuting balita.
Paghihiwalay
Noong 1966, nagpakasal ako sa isang lalaking kapareho ko ang mga tunguhin sa buhay. Sa wari’y tatamasahin naming dalawa ang isang maligayang pagsasama habang pinalalawak namin ang aming gawaing pangangaral. May mga buwan na gumugugol kami ng maraming oras sa nagliligtas-buhay na gawaing iyan. Lumipat kami sa isang nakabukod na lugar malapit sa Livadiá, gitnang Gresya. Noong mga taon na naroon kami, mula 1970 hanggang 1972, sa kabila ng mapaniil na hunta militar na noo’y nangingibabaw sa Gresya, natulungan namin ang ilang tao na makaalam ng katotohanan sa Bibliya at maging bautisadong mga Kristiyano. Maligaya rin kaming tumulong sa isang maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon.
Subalit nang maglaon, ang aking asawa ay nagsimulang magpabaya sa pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa aming mga pulong Kristiyano, at sa wakas ay lubusan na niyang tinalikuran ang mga turo ng Bibliya. Lumikha ito ng maraming igting sa aming pagsasama, na nagwakas sa diborsiyo noong 1977. Halos madurog ang aking puso.
Isang Maligaya at Mabungang Buhay
Sa napakalungkot na yugtong ito ng aking buhay, muli akong sinagip ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Ipinaliwanag ng isang maibiging kapatid na Kristiyano na kung hahayaan kong mawala ang aking kagalakan dahil sa ginawa ng aking dating asawa, kung gayon, sa diwa, ako ay magiging kaniyang alipin. Siya ang hahawak ng susi sa aking kaligayahan. Nang panahong ito, isang nakatatandang miyembro ng kongregasyong Kristiyano ang humingi ng tulong upang mapasulong niya ang kaniyang kakayahan sa pangangaral. Di-nagtagal at ako’y naging lubusang okupado sa isang bagay na nagdulot sa akin ng pinakamatinding kagalakan—ang pakikibahagi sa ministeryo!
Pagkatapos, isa pang Kristiyano ang nagmungkahi ng ganito: “Maaari kang magpatuloy na tumulong sa mga lugar kung saan higit kang kailangan. Maaari kang maging isang parola na ginagamit ng Diyos na Jehova.” Nakatutuwang isipin! Isang bulag na naging “isang parola na ginagamit ng Diyos na Jehova”! (Filipos 2:15) Agad akong lumisan sa Atenas at nanirahan sa nayon ng Amárinthos, sa timugang Évvoia, isang lugar na may kakaunting guro sa Bibliya. Sa tulong ng mga kaibigan doon, nakapagpatayo ako ng isang bahay at naasikaso nang sapat ang aking mga pangangailangan.
Kaya sa loob ng mahigit na 20 taon na ngayon, nakagugugol ako ng ilang buwan bawat taon sa ilang anyo ng pinalawak na gawaing pangangaral. Sa pamamagitan ng lakas mula kay Jehova, nagawa kong makibahagi sa lahat ng anyo ng ministeryo, kasali na ang pagdalaw sa mga tao sa kanilang tahanan, pagdaraos ng pag-aaral ng Bibliya sa mga interesado, at pakikipag-usap sa mga tao sa lansangan. Sa kasalukuyan, may pribilehiyo ako na makapagdaos ng apat na pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado sa ating Maylalang. Anong ligaya ko at nagkaroon ng tatlong kongregasyon sa lugar na ito mula sa iilang kapatid 20 taon na ang nakaraan!
Dalawang beses sa isang linggo, naglalakbay ako ng mahigit sa 30 kilometro papunta at ganoon din pauwi upang makadalo sa mga pulong Kristiyano, anupat determinado na huwag lumiban kahit sa isa man lamang sa mga ito. Kapag—dahil sa hindi ko nakikita ang tagapagsalita—lumilipad ang aking isip sa panahon ng pulong, ginagamit ko ang aking pantanging kuwadernong Braille para kumuha ng maiikling nota. Sa ganitong paraan ay nagagawa kong ituon ang aking pakinig at isip sa pahayag. Isa pa, isang pribilehiyo na idinaraos sa aking tahanan ang isa sa mga pulong ng kongregasyon. Nanggaling ang mga tao mula sa kalapit na mga nayon upang dumalo sa tinatawag na Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Sa halip na laging asahan ang iba na dalawin ako sa aking bahay, ako’y nagkukusang dumalaw sa kanila, isang bagay na nagbubunga ng pagpapalitan ng pampatibay-loob.—Roma 1:12.
Nang nakatira ako sa aking ama noong ako’y isang tin-edyer, hindi niya ako kailanman pinakitunguhan na gaya ng isang bulag na bata. Sa pagtitiis at pagtitiyaga, gumugol siya ng malaking panahon upang turuan ako na gamitin ang aking mga kamay. Ang praktikal na pagsasanay na ito ay nagpangyari sa akin na maasikasong mabuti ang aking hardin at maliit na hayupan. Nagtatrabaho ako nang husto sa aking tahanan, na pinananatiling malinis ang bahay at naghahanda ng pagkain. Natuklasan ko na maaari tayong makasumpong ng kagalakan at kasiyahan sa mga simpleng bagay sa buhay, sa kung ano ang taglay natin. Nakagawa ako ng maraming bagay sa pamamagitan ng aking apat na natitirang pandamdam—pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama—at nagpadama ito sa akin ng di-masukat na kasiyahan. Ito rin naman ay naging isang malaking patotoo sa mga tagalabas.
Inalalayan ng Aking Diyos
Nagtataka ang marami kung paano ko nagagawang maging positibo at nasisiyahan sa sarili sa kabila ng aking mga limitasyon. Higit sa lahat, ang kapurihan ay dapat iukol kay Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Nang mabulag ako, madalas kong isipin ang pagpapakamatay. Kaya naman, hindi ako naniniwalang buháy pa ako ngayon kung hindi dahil kay Jehova at sa katotohanan sa Bibliya. Natanto ko na binigyan tayo ng ating Maylalang ng maraming kaloob—hindi lamang paningin—at na kung gagamitin natin ang mga ito, maaari tayong lumigaya. Minsan nang mangaral ang mga Saksi sa aming nayon, ganito ang sabi sa kanila ng isang babae tungkol sa akin: “Ang Diyos na sinasamba niya ang siyang tumutulong sa kaniya na magawa ang lahat ng ito!”
Lalo akong napalapit sa Diyos dahil sa lahat ng pagsubok sa akin. Nakapagpatibay ito ng pananampalataya. Napaalaala sa akin na dumanas din si apostol Pablo ng tinatawag niyang “isang tinik sa laman,” marahil isang karamdaman sa kaniyang mga mata. (2 Corinto 12:7; Galacia 4:13) Hindi ito nakahadlang sa kaniya mula sa pagiging “lubhang abala” sa mabuting balita. Tulad niya, masasabi ko: “Kaya nga, may malaking katuwaan pa nga na maghahambog ako kung hinggil sa aking mga kahinaan . . . Sapagkat kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.”—Gawa 18:5; 2 Corinto 12:9, 10.
Higit sa lahat, ang aking salig-Bibliyang pag-asa na makita ko sa pamamagitan ng aking sariling mga mata ang aking minamahal na ina at mga kapatid sa pagkabuhay-muli ay talagang may positibo at kapaki-pakinabang na epekto sa akin. Nangangako ang Bibliya na “madidilat ang mga mata ng mga bulag” at “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Isaias 35:5; Gawa 24:15) Ang pag-asang ito ay nagpapalakas ng aking loob at ako’y sabik na naghihintay sa maluwalhating kinabukasan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos!
[Larawan sa pahina 15]
Ang aking ama, na nakipag-aral ng Bibliya sa akin
[Larawan sa pahina 15]
Sa aking kusina
[Larawan sa pahina 15]
Kasama ng isang kaibigan sa ministeryo