Tulungan ang mga Bulag na Matuto Tungkol kay Jehova
1. Paano ipinakita ni Jesus na nahahabag siya sa mga bulag?
1 Ilang araw na lang, papatayin na si Jesus. Habang papalabas siya sa lunsod ng Jerico, dalawang bulag na pulubi ang sumigaw: “Panginoon, maawa ka sa amin!” Bagaman nababahala sa naghihintay na mga pagsubok sa kaniya, huminto si Jesus, pinalapit sa kaniya ang mga lalaki, at pinagaling sila. (Mateo 20:29-34) Paano natin matutularan ang habag na ipinakita ni Jesus sa mga bulag?
2. Paano tayo makapagpapatotoo sa mga bulag na natatagpuan natin sa pampublikong lugar?
2 Maging Matulungin: Kapag nakakita ka ng isang bulag, marahil sa pampublikong lugar, magpakilala at mag-alok ng tulong. Dahil madalas na sinasamantala ang mga tulad nila, baka magsuspetsa siya sa umpisa. Pero dahil palakaibigan ka at talagang nagmamalasakit sa kaniya, baka maging palagay siya. Tandaan din na iba’t iba ang antas ng pagkabulag at nakadepende rito kung anong tulong ang maibibigay mo. Pagkatapos, puwede mong sabihin sa kaniya na nakikibahagi ka sa pagtuturo ng Bibliya. Tanungin kung puwede mong basahin sa kaniya ang isang teksto, gaya ng Awit 146:8 o Isaias 35:5, 6. Kung nakapagbabasa siya ng Braille, tanungin kung gusto niyang magkaroon ng publikasyon sa Braille para matuto pa siya nang higit sa Bibliya. Puwede mo rin siyang tulungan na makakuha ng mga audio file mula sa jw.org. Kung ang computer niya ay may screen reader program na nagbabasa ng nakasulat sa screen, puwede niyang gamitin ito para mapakinggan ang mga artikulo na nasa jw.org pati na ang mga publikasyon na mada-download sa RTF (Rich Text Format).—Tingnan ang kahong “Kapag Tinutulungan ang Isang Bulag . . .”
3. Paano natin mahahanap ang mga bulag sa ating teritoryo?
3 Hanapin ang mga Bulag: Bihira nating matagpuan sa bahay-bahay ang mga bulag dahil marami sa kanila ang ayaw makipag-usap sa mga hindi nila kakilala. Kaya kailangan talagang magsikap para mahanap at magpatotoo sa kanila. (Mat. 10:11) May katrabaho ka ba o kaeskuwelang bulag? Kausapin mo siya. Kung may paaralan para sa mga bulag sa inyong teritoryo, ialok ang ilan sa ating publikasyon sa Braille para sa kanilang library. May kakilala ka ba na may kapamilyang bulag? Sa inyo bang teritoryo ay may mga organisasyong naglalaan ng serbisyo para sa mga bulag o may mga pasilidad na nagsisilbing tirahan ng mga bulag? Ipaliwanag sa miyembro ng pamilya, receptionist, o direktor na ang mga Saksi ni Jehova ay talagang interesadong tumulong sa mga bulag, at nag-aalok ng mga literatura sa Braille o mga audio recording. Ipakita sa kaniya ang pangako ng Bibliya na malapit nang alisin ng Diyos ang pagkabulag. Maaari mo ring ipakita sa kaniya ang video sa jw.org na may pamagat na “Without It, I Would Feel Lost.” (Paano Na Ako Kung Wala Ito?) Ang videong iyan ay tungkol sa karanasan ng isang bulag na lalaking nakinabang sa pagkakaroon ng Bibliya sa Braille. Kung ipaliliwanag mo ang layunin ng iyong pagdalaw, posibleng makausap mo ang mga bulag.
4. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Janet?
4 Si Janet, isang sister na bulag, ay bumisita sa isang pasilidad na may mga residenteng bulag. Nakipag-usap siya sa isang kabataang babae. Sinabi ni Janet, “Pinagaling ni Jesus ang mga bulag para ipakita kung ano ang gagawin niya para sa lahat ng bulag.” Pinag-usapan nila ang Apocalipsis 21:3, 4, at ipinaliwanag ni Janet kung paano tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang pangakong iyan. Napatahimik ang babae at pagkatapos ay sinabi: “Ngayon ko lang narinig iyan mula sa isang bulag. Naniniwala ang maraming hindi bulag na ang dahilan kung bakit may mga taong bulag ay dahil sa isang bagay na nagawa nila o ng kanilang mga ninuno.” Ipinadala ni Janet sa e-mail ng babae ang link para sa aklat na Itinuturo ng Bibliya. At ngayon, dalawang beses sa isang linggo silang nag-aaral ng Bibliya.
5. Bagaman hindi tayo makapagpapagaling gaya ni Jesus, anong pagpapala ang matatanggap natin sa pagpapakita ng interes sa mga bulag?
5 Siyempre, hindi natin mapagagaling ang mga bulag gaya ng ginawa ni Jesus. Pero matutulungan natin ang lahat ng taong ang kaisipan ay binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay, pati na ang literal na mga bulag, para maintindihan nila ang katotohanan sa Salita ng Diyos. (2 Cor. 4:4) Pinagaling ni Jesus ang dalawang lalaki malapit sa Jerico dahil nahabag siya sa kanila. (Mat. 20:34) Kung magpapakita tayo ng gayong pagmamalasakit sa mga bulag, magkakapribilehiyo tayong makatulong sa ilan na matuto tungkol kay Jehova, ang isa na mag-aalis ng pagkabulag magpakailanman.