Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 11/15 p. 7-9
  • Ang Buhay ng Isang Bulag

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Buhay ng Isang Bulag
  • Gumising!—2015
  • Kaparehong Materyal
  • Tulungan ang mga Bulag na Matuto Tungkol kay Jehova
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2015
  • Mga Tuldok na Bumabago ng Buhay
    Saan Napupunta ang Donasyon Mo?
  • Pasulungin ang Kakayahan sa Ministeryo—Pagpapatotoo sa mga Bulag
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2020
  • Louis Braille—Nagbibigay-Liwanag sa mga Bilanggo ng Kadiliman
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—2015
g 11/15 p. 7-9
Si Paqui at ang asawa niya

Ang Buhay ng Isang Bulag

“Nang ipanganak ako, nasira ang paningin ko dahil sa matapang na eye drops. Nang magtin-edyer ako, tuluyan na akong nabulag at talagang nanlumo ako.”—Paqui, isang babae na bulag din ang asawa.

IBA-IBA ang sanhi ng pagkabulag o malubhang pinsala sa mata, kasama na rito ang aksidente at sakit. Maaaring maapektuhan nito ang mata, mga optic nerve, o utak. Ang mga taong nasira ang paningin o tuluyang nabulag ay kadalasan nang nanlulumo, natatakot, at hindi iyon matanggap. Pero natutuhan ng marami na harapin ang kanilang sitwasyon at maging masaya.

Karaniwan nang mata ang pangunahing ginagamit natin para makakuha ng impormasyon sa ating paligid. Kaya kapag nabulag ang isa, mas aasa siya sa iba pa niyang pandamdam—pandinig, pang-amoy, pandama, at panlasa.

Ayon sa magasing Scientific American, may kakayahan ang utak na “magbago dahil sa karanasan.” Sinabi pa ng artikulo: “Ipinakikita ng mga katibayan na kapag ang utak ay hindi nakatatanggap ng impormasyon mula sa isa sa ating mga pandamdam, kaya nitong makibagay para tulungan at palakasin ang ibang pandamdam.” Tingnan ang sumusunod.

Pandinig: Mula sa boses hanggang sa yabag, ang mga tunog ay nakalilikha ng larawan sa isipan. “Natatandaan ko at nakikilala ang mga tao dahil sa kanilang boses o paraan ng paglakad,” ang sabi ng bulag na si Fernando. Sinabi ni Juan na isa ring bulag, “Para sa isang bulag, nakikilala niya ang isang tao dahil sa boses nito.” At gaya rin natin, pinakikinggang mabuti ng mga bulag ang tono ng boses dahil nagpapahiwatig ito ng iba’t ibang emosyon.

Dahil sanay sa mga tunog ang pandinig ng isang bulag, marami siyang nalalaman tungkol sa paligid niya, gaya ng direksiyon ng trapiko, sukat ng isang kuwarto, at lokasyon ng partikular na mga harang.

Pang-amoy: Marami ring nakukuhang impormasyon dahil sa pang-amoy, pero hindi lang tungkol sa pinanggagalingan nito. Halimbawa, kapag ang bulag ay naglalakad sa isang partikular na daan, matutulungan siya ng kaniyang pang-amoy na makabuo ng mapa sa isipan, gaya ng lokasyon ng mga coffee shop, restawran, palengke, at iba pa. Siyempre pa, nakadaragdag sa mapa ang pamilyar na mga tunog at detalyeng nasasalat ng bulag.

Pandama: “Ang mga daliri ko ang nagsisilbing mga mata ko,” ang sabi ni Francisco. Mas marami pang magagawa ang gayong mga “mata” sa tulong ng isang tungkod. Sinabi ni Manasés, na ipinanganak na bulag at natutong gumamit ng tungkod mula pagkabata, “Sa tulong ng iba kong pandamdam, ng memorya ko, at ng mga bagay na nasasalat ng tungkod ko, alam na alam ko kung nasaan ako.”

Nagbabasa ng magasing Bantayan sa Braille

Nagbabasa ng magasing Bantayan sa Braille

Ang pandama ay nakatutulong din sa maraming bulag para makapagbasa ng literatura sa Braille. Sa ngayon, hindi na mahirap para sa isang bulag na makakuha ng impormasyon para sumulong ang kaniyang kaalaman at espirituwalidad. Maliban sa mga publikasyon sa Braille, nariyan din ang mga audio recording at mga computer program. Sa tulong ng mga ito, ang mga bulag ay makapagbabasa ng Bibliya at ng iba pang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya.a

Ang gayong espirituwal na mga paglalaan ay talagang nagbibigay ng kaaliwan at pag-asa kay Paqui at sa kaniyang asawa, na binanggit sa simula. Tinutulungan din sila ng isang malaking espirituwal na pamilya, ang kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar. “Maligaya na ang buhay namin at hindi kami palaging umaasa sa iba,” ang sabi ni Paqui.

Talagang maraming hamon ang napapaharap sa mga bulag. Pero posible pa ring maging maligaya kapag naharap at napakibagayan ang mga hamong iyon!

a Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa Braille sa mahigit 25 wika.

Maligaya Ako Kahit Bulag

Si Marco Antonio at ang kaniyang guide dog na si Dante

Si Marco Antonio ay isang asawa, ama, at kasosyo sa negosyo. Ipinanganak siyang bulag. Ikinuwento niya sa Gumising! ang ilan sa mga naging hamon at magagandang karanasan niya.

May negosyo ka. Paano mo ito napapatakbo?

Ako ang nag-aasikaso sa mga tumatawag sa telepono, nakikipag-usap sa mga kliyente at mga supplier, at pumupunta sa bangko.

Ano ang libangan mo?

Mahilig ako sa musika dahil nakakarelaks ito. Tumutugtog ako ng piano, pero mahirap iyon kasi hindi ko naman puwedeng pagsabayin ang pagbabasa ng musika sa Braille at ang pagtugtog gamit ang dalawang kamay. Bago ko tugtugin ang isang piyesa, binabasa ko muna ito sa pamamagitan ng kanang kamay, at tinutugtog ito gamit naman ang kaliwang kamay. Pagkatapos ay inuulit ko ito, pero nagpapalitan ang mga kamay ko sa pagbasa at pagtugtog. Kapag saulado ko na ang piyesa, tutugtugin ko na ito gamit ang dalawang kamay.

Anong kakaibang mga hamon ang napaharap sa iyo?

Habang lumalaki ako, inaalalayan ako ng aking mga magulang at mga kapatid, at itinuring nila akong parang hindi bulag. Totoo, madalas akong nabubunggo at nadadapa, pero halos nagagawa ko ang lahat ng nagagawa ng isang taong nakakakita. Ang tanging pinanghihinayangan ko ay na hindi ako makapagmaneho.

Ngayon, isa na akong asawa’t ama, at may mapagmahal na pamilya na sinusuportahan ko at sumusuporta rin sa akin. Namana ng anak kong si David ang sakit ko—optic nerve atrophy. Kaya sinisikap kong maging isang mabuting halimbawa sa kaniya. Gusto kong matutuhan niya na kung matiyaga siya at determinado, magagawa niya ang maraming bagay.

Bakit ka kumuha ng guide dog?

Sa tulong ni Dante—ang aso ko—mas mabilis at mas ligtas ang paglalakad ko. Kapag unang beses pa lang kaming pupunta ni Dante sa isang lugar, sinasamahan kami ng asawa kong si Loli, na nakakakita, para matutuhan namin ang daan. Aaminin ko na no’ng una, wala akong tiwala kay Dante pero nang bandang huli, nagtiwala na ako sa kaniya. Kahit anong mangyari sa paligid namin, nakapokus siya sa trabaho niya. Pero kapag inalis ko na ang tali n’ya, katulad din siya ng ibang aso.

Bilang isang Saksi ni Jehova, paano ka nag-aaral ng Bibliya?

Noong wala pang gaanong kagamitan para sa mga bulag, binabasahan ako ni Loli ng Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Napakalaking tulong niya sa akin. Dahil dito, nakakapagpahayag ako sa mga pulong sa kongregasyon. Pero ngayon, kaya ko nang magbasang mag-isa dahil mayroon nang Bibliya at mga pantulong sa Braille. Nakakapunta na rin ako sa website ng mga Saksi ni Jehova—ang jw.org—kung saan nakakapag-download ako ng mga audio recording. Mayroon din akong Braille display, na nakakatulong sa akin para mabasa ko ang nasa screen ng computer. Ang display na ito ay may maliliit na pin na umaangat para makabuo ng mga karakter sa Braille. Kahanga-hanga talaga ito!

Ang isang pribilehiyo na talagang nagustuhan ko ay ang pagtulong sa Braille transcription sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Madrid, Spain. Para mapahusay ang kalidad ng mga publikasyon sa Braille, hinihingan ng mungkahi ang mga bulag. Sa totoo lang, damang-dama ko ang pagmamahal at pagpapahalaga ng aking mga kapananampalataya.

Nasisiyahan ka bang makisama sa iba?

Oo, lalo na sa pamilya’t mga kapananampalataya ko, na nakakasama ko sa pagbabahay-bahay. Pinakikitunguhan nila ako gaya ng pakikitungo nila sa iba. Kung minsan, nakakalimutan pa nga nilang bulag ako!

Dahil sa ministeryo, naibabahagi ko sa iba ang napakagandang pag-asa mula sa Bibliya. Halimbawa, sa Isaias 35:5, mababasa natin na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, “madidilat ang mga mata ng mga bulag.” Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, pinagaling niya ang mga bulag, isang patikim ng mangyayari sa hinaharap. (Mateo 15:30, 31) Kaya tulad ng iba pang kapansanan, ang pagkabulag ay pansamantala lang. Sa nalalapit na Paraiso sa lupa, walang sinuman ang magsasabi, ‘Ako ay may sakit o kapansanan.’—Isaias 33:24; Lucas 23:43.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share