Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 8/15 p. 3-4
  • Anong Pag-asa Para sa mga Bulag?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Pag-asa Para sa mga Bulag?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapagaling ng mga Bulag Noong Kaarawan ni Jesus
  • Pagkabulag
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagbubukas ng mga Mata sa Mabuting Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Tulungan ang mga Bulag na Matuto Tungkol kay Jehova
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2015
  • River Blindness—Paggapi sa Isang Nakatatakot na Salot
    Gumising!—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 8/15 p. 3-4

Anong Pag-asa Para sa mga Bulag?

KINATHA ni John Milton ang kaniyang mga tulang Paradise Lost at Paradise Regained bagaman siya ay lubusang bulag. Ang pagiging bulag at bingi ay hindi nakahadlang kay Hellen Keller sa kaniyang pagtulong sa mga may pisikal na kapansanan. Oo, maraming bulag ang nagtatagumpay sa mga suliranin. Subalit anong inam kung lahat ay may mabuting paningin! Lalo kang sasang-ayon kung mayroon kang isang mahal sa buhay o isang kaibigan na bulag o may depekto ang paningin.

Totoo, sa ilang lupain ay may mga programa sa rehabilitasyon na nagtuturo ng mga kakayahan sa pang-araw-araw na pamumuhay para sa mga may taong may depekto ang paningin. Ang braille at ang mga asong sinanay upang maging giya ang tumutulong sa mga bulag upang mag-asikaso ng marami sa kanilang mga pangangailangan. Gayunpaman, may palagay ang maraming tao na ang pagkabulag ang pinakamalubhang kapansanan. Isang manunulat ang nagsabi: “Ang maging bulag ay nag-aalis sa isa ng kalayaang magamit ang pinakamahalagang bahagi ng ating nakikitang daigdig.” Kasabay nito, marami ang kailangang lubhang umasa sa iba.

Maaaring ipagtaka mo, bakit kaya napakalaganap ang pagkabulag? Buweno, narinig mo na ba ang tungkol sa trachoma? Ito ang sanhi ng mga siyam na milyong kaso ng pagkabulag. Ganito ang sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica tungkol dito: “Ang sakit ay nakakahawa at lumalaganap kung saan ang mga tao ay namumuhay nang siksikan sa isang di malinis na kapaligiran. Ang kakulangan ng tubig para sa paghuhugas, at ang laksa-laksang langaw na dumadapo sa dumi ng tao, ay nakapagpapabilis sa paglaganap ng sakit. Sa ilang paraan ang trachoma ay pangunahin nang suliraning panglipunan kaysa medikal; kung mapabubuti ang kalagayan ng pamumuhay, mababawasan ang pagsisiksikan, mahahadlangan ang mga langaw, at matitiyak ang sapat na suplay ng tubig, ang mga kaso ng trachoma ay mabilis na mababawasan.” Isang milyon o mahigit pa ang may sakit na onchocerciasis, o river blindness. Kumusta naman ang xerophthalmia? Bagaman ang tawag ay mahirap, ito sa katunayan ang kadalasang sanhi ng pagkabulag. Ang diyabetes, dipterya, tigdas, scarlet fever, at mga sakit na nakukuha sa pagtatalik ay maaaring humantong din sa pagkabulag.

Habang tayo’y nagkakaedad, marahil humihina ang ating paningin bilang resulta ng mga sakit gaya ng macular degeneration at glaucoma, hindi rin natin maaaring kaligtaan ang mga katarata. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Nangunguna pa rin ang katarata sa listahan ng mga sanhi ng pagkabulag sa maraming bansa sa daigdig, at ito’y higit na nakalulungkot dahil sa madali namang pagalingin ito sa pamamagitan ng operasyon.”

Sa kabila ng mga bagong tuklas sa optalmolohiya, waring malayo na malipol ang pagkabulag. Sinasabi pa ng ensayklopidiya ring iyan: “Ang mga pagsulong sa paghadlang at ang paggamot at operasyon ng pagkabulag ay pakikinabangan lamang ng isang populasyon na may kakayahang magpagamot. Hangga’t hindi napahuhusay ang mga pamantayan sa nutrisyon at kalinisan ng isang malaking bahagi ng populasyon ng daigdig, ang pagkabulag na maaaring maiwasan ay mananatili pa rin sa kasalukuyang mataas na antas nito.”

Samantalang ang mga antibayotiko at mga operasyon ay tunay na may kani-kaniyang dako sa pakikipagbaka laban sa pagkabulag, ang pag-asa ng permanenteng paggaling ay may kaugnayan sa isang pangyayari halos dalawang libong taon na ngayon ang lumipas.

Pagpapagaling ng mga Bulag Noong Kaarawan ni Jesus

Gunigunihin ang isang taong nasa edad 30 na naglalakad sa isang maalikabok na daan. Sa pagkarinig na siya’y dumaraan, dalawang lalaking bulag na nasa tabi ng daan ang humiyaw: “Maawa ka sa amin!” Bagaman pinagsabihan sila ng mga nagmamasid na manatiling tahimik, ang mga bulag ay sumigaw nang malakas: “Maawa ka sa amin!” Ang lalaki ay may kabaitang nagtanong: “Ano ang nais ninyong gawin ko para sa inyo?” May pananabik na sila’y sumagot: “Buksan mo ang aming mga mata.” Ngayon ay gunigunihin: Hinipo ng lalaki ang kanilang mga mata, at kaagad-agad sila ay tumanggap ng paningin!​—Mateo 20:29-34.

Anong laking kagalakan para sa mga lalaking ito na dating bulag! Subalit, lubhang malaganap ang pagkabulag. Ito’y isa lamang insidente. Bakit ito dapat makatawag ng iyong pansin? Sapagkat si Jesus ng Nazaret ang nagkaloob sa mga lalaking bulag na iyon ng biyaya na makakita. Sa katunayan, bukod sa pagiging ‘pinahiran upang ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha,’ si Jesus ay ‘isinugo upang papanumbalikin ang paningin ng mga bulag.’​—Lucas 4:18.

Namangha ang mga tao sa gayong makahimalang pagpapagaling na isinagawa sa pamamagitan ng makapangyarihang banal na espiritu ng Diyos. Mababasa natin: “Ang pulutong ay namangha habang nakikita nila ang pipi na nagsasalita at ang pilay na naglalakad at ang bulag na nakakakita, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.” (Mateo 15:31) Palibhasa’y walang anumang gastos o pagpaparangalan ng kaniyang mga kakayahan o paghahangad ng kaniyang sariling kaluwalhatian sa gayong mga pagpapagaling, itinampok ni Jesus ang pag-ibig at awa ng Diyos na Jehova. Gayunman, nahabag din si Jesus sa mga bulag sa espirituwal at mga dukha na “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”​—Mateo 9:36.

Bagaman kawili-wili ang gayong kasaysayan, marahil ay itatanong mo, Kumusta naman sa ngayon? Yamang walang sinuman ngayon ang nagpapagaling sa mga tao na kagaya ng ginawa ni Jesus, may kahulugan ba para sa atin ang mga pagpapagaling na iyon? Mayroon bang anumang pag-asa para sa mga bulag? Pakisuyong basahin ang sumusunod na artikulo.

[Blurb sa pahina 4]

“Hangga’t hindi napahuhusay ang mga pamantayan sa nutrisyon at kalinisan ng isang malaking bahagi ng populasyon ng daigdig, ang pagkabulag na maaaring maiwasan ay mananatili pa rin sa kasalukuyang mataas na antas nito.”​—The New Encyclopædia Britannica

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share