Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 10/8 p. 24-27
  • River Blindness—Paggapi sa Isang Nakatatakot na Salot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • River Blindness—Paggapi sa Isang Nakatatakot na Salot
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kahila-hilakbot na Sakit
  • Pagsugpo sa Blackfly
  • Isa o Dalawang Tableta sa Isang Taon
  • Mga Inaasahan sa Hinaharap
  • Anong Pag-asa Para sa mga Bulag?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pagkabulag
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagbubukas ng mga Mata sa Mabuting Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Walang Salapi Para sa mga Bulag
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 10/8 p. 24-27

River Blindness​—Paggapi sa Isang Nakatatakot na Salot

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA

ANG tagpo ay karaniwan sa maraming tabing-ilog na mga nayon sa Kanlurang Aprika. Ang grupo ng mga tao ay nakaupo sa mga bangko sa ilalim ng malaking puno na lumililim sa kanila mula sa nakapapasong araw. Silang lima​—apat na lalaki at isang babae​—ay ganap at permanenteng bulag.

“Hindi nila alam kung bakit sila nabubulag sa matandang nayon,” sabi ng pinuno ng nayon, na nakadamit ng maluwang na puting bata. “Karamihan sa matatanda na roon ay namatay nang bulag. . . . Inaakala nila na galit sa kanila ang mga demonyo. Sila’y nagsusumamo sa kanilang mga agimat upang ingatan sila. Sinabi sa kanila ng kanilang mga ninuno na alayan nila ng pagkain ang mga agimat. Kaya sila’y nagpatay ng mga manok at tupa bilang mga handog. Subalit sila’y nabubulag pa rin.”

Di-nagtagal, dumating ang mga doktor at nagpaliwanag na ang pagkabulag ay hindi nagmula sa isang sobrenatural. Ito’y bunga ng sakit na onchocerciasis, o river blindness, na pinangalanan ng gayon dahil sa ang maliit, nangangagat na langaw na nagkakalat nito ay nangingitlog sa mabilis-umagos na mga ilog.

Mabuti naman, ang river blindness ay hindi gayong kadaling makahawa na gaya ng ibang tropikal na mga sakit. Hindi nito isinasapanganib ang mga nakatira sa lungsod ni ang saglit na dumadalaw sa lugar na may sakit na gaya nito. Ang pagkabulag ay nagaganap lamang pagkatapos ng paulit-ulit na pagkahawa nito sa loob ng maraming taon.

Gayunpaman, ang river blindness ay nakatatakot na tropikal na sakit, nagwawasak ng buhay ng milyun-milyon. Habang ito’y nananalot sa ilang lugar sa Gitnang Silangan at sa Gitna at Timog Amerika, ang lubos na naaapektuhan ay yaong mga nagtatrabaho at nakatira malapit sa mga ilog na pinamumugaran ng langaw sa Aprika sa ekwador. Sa ilang nayon ang lahat halos ay may sakit nito. Ayon sa mga pagtaya ng The Carter Center sa Atlanta, Georgia, E.U.A., halos 126 na milyong tao ang nanganganib na mahawahan. Ang iba pang 18 milyon katao ang nagtataglay ng mga parasitikong bulati sa kanilang mga katawan na sanhi ng river blindness. Ang bilang ng tao na bahagya o lubusang nabulag ay tinatayang nasa pagitan ng isa at dalawang milyon.

Ngayon, ang matagal nang salot ay sinusugpo ng sama-samang pagsisikap ng WHO (World Health Organization) at ng iba pang ahensiya, lakip na ang mga pamahalaan ng iba’t ibang bansa. Sa kabila ng mga kalagayan ng pagkakapootan at kawalang pag-asa sa kalakhan ng Aprika, ito’y isang programa na mabisa namang sumusupil ng sakit. Ang programa ay ipinagpaparangalan bilang “isa sa dakilang mga tagumpay ng ikadalawampung siglo sa medisina at pag-unlad.”

Isang Kahila-hilakbot na Sakit

Ang river blindness ay kinakalat ng ilang uri ng babaing blackfly (uring Simulium). Kapag kinagat ng langaw na nagtataglay ng sakit ang isang tao, nag-iiwan ito ng mga uod ng parasitikong bulati (Onchocerca volvulus). Unti-unti, sa ilalim ng balat ng taong nahawahan, ang uod ay lumalaki at nagiging mga bulati na umaabot ng animnapung centimetro ang haba.

Pagkatapos na maging pertilisado ng mga ito, ang bawat babaing bulati ay naglalabas ng uod na tinatawag na microfilariae; patuloy nitong ginagawa ito sa loob ng 8 hanggang 12 taon, naglalabas ng milyun-milyon ng mga ito. Ang mga microfilariae ay hindi lumalaki maliban na ito’y nadampot ng isang blackfly, sumailalim ng pagbabago sa loob ng langaw, at naipapasa sa isang tao. Para sa kalakhang bahagi nito, ang maliit, di pa lumalaking mga bulati ay namumutiktik sa balat at sa wakas ay maaaring sumalakay sa mata. Kasindami ng 200 milyong bulati ang maaaring magkulumpunan sa isang biktima. Gayon na lamang ito karami anupat kalakip sa pagrekunusi ang paggupit ng kaunting balat para sa pagsusuri. Sa ilalim ng mikroskopyo, ang isang sampol ng balat ay maaaring magsiwalat ng daan-daang kumikislut-kislot na ubod ng liit na mga bulati.

Pinahihirapan ng mga parasitong ito ang kanilang mga biktimang tao. Sa loob ng mga taon ang balat ng nahawahang tao ay kumakapal at nangangaliskis. Kalimitan nang lumilitaw ang maiitim na batik sa balat. Ang mga biktima ay nagkakaroon ng katulad ng balat ng buwaya, balat ng bayawak, o balat ng leopardo. Napakatindi ng pangangati, iniulat na halos ibuyo ang ilan sa pagpapatiwakal. Sa wakas, kung ang mga uod ay maaaring sumalakay sa mga mata, ang paningin ay humihina, at ang biktima ay lubusang nabubulag.

Sa mahihirap, rural na mga lugar kung saan naglipana ang blackfly, ang pagkabulag ay totoong mabigat na dalhing pasanin. Ang isang dahilan ay maraming taganayon ang naniniwala sa pamahiin na ang pagkabulag ay bunga ng pagpaparusa ng Diyos at na ang mga taong bulag ay walang silbi sa kanilang mga komunidad. Ang isa pang dahilan ay na walang panlipunang mga benepisyo na galing sa pamahalaan, nagpapangyari sa mga biktima na lubusang dumipende sa kanilang mga pamilya. Si Sata, isang babaing biktima ng river blindness sa Burkina Faso, ang nagsabi: “Para sa isang taong bulag, lalaki man o babae, pareho lang ang pagdurusa. Kung isang kabataang babae ang bulag at walang-asawa, hindi siya makapag-aasawa. Ako’y nag-asawa bago ako nabulag, subalit namatay ang mister ko. Ang kapatid kong lalaki ay nabulag nang siya’y bata pa at hindi siya nakapag-asawa. Pareho kaming sinuportahan ng aming pamilya​—para sa pagkain, para sa lahat ng bagay. Grabe talaga.”

Sa mga lugar kung saan karaniwan ang river blindness, karaniwang iniiwan ng mga tao ang kanilang mga nayon, pinuwersa ng langaw at ng sakit na sila’y lumisan. Ang matabang lupa maliban pa sa tubig ang nakakaranas ng kapabayaan at nagiging tiwangwang na lupain. Kaya, ito nama’y nakadaragdag sa karukhaan at taggutom.

Pagsugpo sa Blackfly

Ang mga pagsisikap sa buong mundo upang masugpo ang river blindness sa pitong bansa sa Kanlurang Aprika ay nag-umpisa noong pasimula ng dekada ng 1970. Nasasangkapan ng natutunaw na mga pamatay ng uod, mga pamatay-insekto na pumapatay ng mga uod, nilusob ng mga helikopter, maliliit na eroplano, at mga trak ang blackfly, ang tagapagdala ng sakit. Ang layunin ay upang lipulin at patayin ang blackfly kapag ito’y mahina​—sa yugto nitong isang uod.

Hindi kinakailangang lasunin ang buong ilog. Batid ng mga dalubhasa na ang mga babaing blackfly ay nangingitlog sa tubig at ang mga itlog ay dumidikit sa mga sanga at mga bato sa ilalim lamang ng matutulin na agos ng ilog. Ang mabilis-umagos na tubig lamang ang naglalaan sa sumusulpot na mga uod ng saganang oksiheno na kailangan ng mga ito upang mabuhay. Ito’y nangangahulugan na ang mga lugar na pinamumugaran sa kahabaan ng mga ilog ay limitado at madaling matunton.

Ang layunin ng pag-iisprey sa mga lugar na pinamumugaran ay hindi upang lubusang lipulin ang mga blackfly, isang imposibleng gawain. Subalit sa pamamagitan ng pagbawas sa mga bilang ng langaw, umaasa ang mga dalubhasa na ang kawing ng pagpapalipat-lipat ng parasito ay matitigil. Ang kakaunting langaw ay nangangahulugan ng kakaunting bagong nakahahawang sakit. Kung teoriya ang pag-uusapan, kung masusugpo ang mga langaw hanggang sa unti-unting mamatay ang umiiral na mga parasito sa mga taong nahawahan na, darating ang panahon na wala nang mga parasito ang matitira. Kaya, kapag kinagat ng langaw ang isang tao, wala na itong madadampot na mga parasito na maililipat sa iba.

Ang proyekto ay isang hamon. Ang mga langaw ay namumugad sa pagkarami-raming lugar na mahirap maabot. Gayundin, yamang ang mga ito’y makalilipad nang daan-daang milya, ang mga blackfly ay kailangang sugpuin sa malawak na lugar. Karagdagan pa, kakailanganin ang pantanging pagbabantay yamang maging ang isang buwan na kapabayaan ay maaaring magbunga ng pagsulpot muli ng pagkarami-raming langaw, sinasayang ang mga taon ng pagpapagal.

Pasimula ng dekada ng 1970, piniling inisprey ng mga eroplano ang mahigit na 19,000 kilometro ng liblib na mga daanan ng tubig. Bilang resulta, ang sakit ay naalis mula sa 80 porsiyento ng mga impektadong mga lugar sa mga bansang nakibahagi sa programa.

Isa o Dalawang Tableta sa Isang Taon

Pagkatapos, pasimula noong 1987, isa pang panlaban ang nagawa sa pagsugpo laban sa river blindness. Sa pagkakataong ito, sa halip na lipulin ang blackfly, ang target ay ang mga parasito sa loob ng katawan ng tao. Ang panlaban ay ang ligtas at mabisang gamot na tinaguriang Mectizan (ivermectin), nagawa sa mga laboratoryo ng isang parmaseutikong kompanya sa Amerika.

Upang masugpo ang pagkalat ng sakit, ang isang nahawahang tao ay kailangang uminom ng isang dosis​—isa o dalawang tableta​—bawat taon. Ang Mectizan ay hindi pumapatay ng malaki nang parasitong bulati sa katawan, kundi pinapatay nito ang pagkaliliit na mga bulati at sinusugpo nito ang paglalabas ng malaki nang bulati ng higit pang microfilariae. Sinusugpo nito ang pagkalat ng sakit sa biktima at pinababagal nito ang paglilipat ng sakit sa iba. Ang gamot ay mabisa rin upang mapawalang-bisa ang maagang mga pamamaga sa cornea ng mata at humahadlang sa paglala pa ng pamamaga. Gayunman, hindi nito maaaring mapagaling ang dati nang mga pamamaga, ni maibalik pang muli ang paningin minsang ito’y mabulag.

Gayunman, ang problema ay ang pamamahagi​—pagpapaabot ng gamot sa mga taong nangangailangan. Ang maraming tao na nakatira sa liblib na mga nayon ay maaabot lamang sa pamamagitan ng paglalakad. Ang pagdadala ng sasakyan ay kalimitang humihiling ng paghawan sa mga palumpong o maging ng paggawa ng mga tulay. Kung minsan ang sibil na mga alitan, kakulangan ng pondo, at lokal na pulitika ang higit na nagpapahirap pa sa pamamahagi. Subalit, sa kabila ng mga hadlang na ito, noong pasimula ng 1995 halos 31 milyong tableta ng Mectizan ang naipamahagi na, karamihan ay sa Aprika.

Mga Inaasahan sa Hinaharap

Sa loob ng nakalipas na 20 taon, nasugpo ng Onchocerciasis Control Programme ang river blindness sa 11 bansa sa Kanlurang Aprika, isang lugar na tatlong ulit ng laki ng Pransiya. Ano ang naging mga resulta? Ayon sa mga bilang ng WHO, ang pinagsamang paggamit ng mga pamatay ng uod at Mectizan ay naging mabisa upang maingatan ang mahigit na 30 milyon katao na minsang pinagbantaan ng sinauna at nakatatakot na salot na ito. Mahigit na 1.5 milyon katao na malubhang nahawahan ng parasito ay lubusan na ngayong gumaling. Higit pa rito, ang pagsugpo sa river blindness ay nagpangyari rin sa halos 25 milyong ektarya ng nabubungkal na lupain na matirhan at malinang​—sapat na lupain upang mapakain ang halos 17 milyon katao taun-taon.

Ang paglipol ay hindi pa tapos. Ang mga bansa sa Aprika kung saan sinusugpo ang river blindness ay mayroong di-kukulangin sa kalahati ng mga tao na nanganganib magkasakit.

Sa nakalipas na mga taon ang mga pagsisikap na masugpo ang sakit ay pinag-ibayo pa. Sa loob lamang ng dalawang taon, mula 1992 hanggang 1994, ang dami ng tao na nagamot ng Mectizan ay nadoble pa nang higit, mula 5.4 hanggang 11 milyon. Sa dakong huli ng 1994 mga 32 bansa sa Aprika, Latin Amerika, at Gitnang Silangan ang nagtatag ng mga programa sa paggamot na gamit ang Mectizan, na sa pagdating ng panahon ay makapag-iingat sa kasindami ng 24 na milyon katao mula sa pagkabulag.

Ang Pan American Health Organization ay umaasang malipol ang sakit na siyang panganib sa kalusugan ng publiko sa mga bansa sa Amerika sa taóng 2002. Mangyari pa, mas malaki pa ang gawain sa Aprika. Gayunman, ganito ang sabi ng United Nations Children’s Fund: “Maliwanag na sa lumalaking henerasyon ngayon ang pagkabulag ay hindi na nagbabanta ng nakatatakot na kinabukasan na minsang ginawa nito, sa isang rehiyon na kung saan ang pagkabulag ay matagal nang naging isang pangkaraniwang bahagi ng pagtanda.”

Nakapagpapagalak ng puso na malaman ang mga pagsisikap na ginawa upang tulungan ang mga tao na nanganganib mabulag. Sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, si Jesu-Kristo ay nagpakita rin ng maibiging pagkabahala sa mga tao sa pamamagitan ng makahimalang pagsasauli ng paningin ng maraming bulag. (Mateo 15:30, 31; 21:14) Ipinakita nito sa maliit na antas kung ano ang magaganap sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Oo, darating ang panahon kapag wala nang pahihirapan ng anumang uri ng pagkabulag. Ganito ang hula ng Salita ng Diyos: “Sa panahong iyon madidilat ang mga mata ng bulag.”​—Isaias 35:5.

[Blurb sa pahina 25]

“Dati-rati’y isinisisi nila ang pagkabulag sa mga espiritu. Ngayon, batid nila na ito’y dahil sa mga bulati”

[Blurb sa pahina 27]

Ang isa o dalawang tableta sa isang taon ay maaaring makahadlang sa river blindness

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share