Walang Salapi Para sa mga Bulag
Walumpung porsiyento ng mga bulag sa buong daigdig ang naninirahan sa umuunlad na mga bansa. Ang pinakamalaking bilang ay nasa Timog-silangang Asia. Doon, isa sa bawat 25 katao ay bulag o bahagya ang pagkabulag, ulat ng WHO (World Health Organization). Ano ba ang pangunahing mga dahilan? Kakulangan ng masustansiyang pagkain at mga impeksiyong bunga ng kakulangan ng kalinisan.
Sang-ayon sa magasing Olandes na Internationale Samenwerking, sinasabi ng WHO na sa halagang dalawang libong milyong dolyar na U.S. sa isang taon, maisasakatuparan nito ang isang epektibong kampanya laban sa pagkabulag sa mga umuunlad na bansa. Bagaman ang halagang ito ay mas maliit kaysa ginugugol ng mga pamahalaan sa daigdig sa isang araw sa mga layuning pangmilitar, ipinahayag ng WHO na hindi ito nakakuha ng kinakailangang mga pondo.
Kaya, dahilan sa kakulangan ng sapat na pondo, ang tanging nagagawa nito sa ngayon ay sikaping hadlangan ang pagkabulag sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kapsulang bitamina A sa mga bata. Halos 400,000 mga bata sa India, Indonesia, Bangladesh, at sa Pilipinas ang dumaranas ng sakit sa mata bunga ng kakulangan ng bitamina A. Subalit malungkot na inihuhula ng WHO na, sa kasalukuyang bilis, ang daigdig ay magkakaroon ng 84 milyong mga bulag at mga taong bahagya ang pagkabulag sa taóng 2000.