Mula sa Aming mga Mambabasa
Binabago ba Natin ang Lagay ng Panahon? Ako po’y 17 taong gulang at pinaghahandaan ko po ang pagkuha ng aking diploma. Kasali sa eksamen ang heograpiya, at ang serye ng “Binabago ba Natin ang Lagay ng Panahon?” (Mayo 22, 1998) ay naging malaking tulong para sa aking paghahanda. Pagkatapos ng eksamen, tinanong ako ng aking mga kaklase kung saan ko raw nakuha ang ganitong impormasyon tungkol sa lagay ng panahon, at kalahati sa kanila ang humingi ng mga kopya.
A. G., Switzerland
Tuwang-tuwa ako at nagulat sa pag-aanalisang ginawa sa labas na ito ng Gumising! tungkol sa greenhouse effect. Ako’y isang taimtim na ekologo at Kristiyano. Madalas na binabatikos ng media ang mga Saksi ni Jehova. Subalit ang laman ng inyong magasin ay sulit na pag-isipan. Naglalaho na ang ekolohiya at pananampalataya. Sa wakas, may mga relihiyosong tao na interesado sa paglalang ng Diyos!
M. C., Pransiya
Ako po’y 14 na taong gulang at nagpapasalamat sa inyo sa mga artikulo. Kailanman’y hindi ko pinag-isipan ang tungkol sa lagay ng panahon, subalit ngayo’y pinag-iisipan kong mabuti sa kauna-unahang pagkakataon kung ano na nga ang ginagawa natin sa ating planeta. Dapat na gisingin ng mga artikulong ito ang maraming tao, sapagkat sino ang may gusto na sirain ang ating kapaligiran? Hindi natin dapat na basta ipagwalang-bahala ang regalo ng Diyos.
S. Q., Alemanya
Nakaluluwag ng dibdib na makabasa ng isang paksa tungkol sa lagay ng panahon, sa isang magasin na itinuturing na relihiyoso ng mga tao. Ipinakikita lamang nito kung gaano nagmamalasakit ang Gumising! sa mga tao—hindi lamang sa kalagayang relihiyoso kundi sa pisikal din naman. Bagaman ipinagwawalang-bahala natin ito, talagang naaapektuhan ng lagay ng panahon ang ating mga buhay.
M. F. M., Alemanya
Pangangalaga sa Kuko Nakagugulat na sa loob ng halos 52 taon, maliban sa dalawang sandaling panahon, ay kinakagat ko ang aking mga kuko. Dahil sa nabasa ko sa Gumising! ng Mayo 22, 1998, ang artikulong “Ang Iyong mga Kuko—Inaalagaan Mo ba ang mga Ito?,” inihinto ko na ito. Bakit? Sapagkat ang Diyos na Jehova ang Disenyador ng mga ito at ibig niya na ingatan natin ang mga ito, gaya ng iba pang bagay. Salamat sa inyong maibiging mga paalaala.
D. H., Inglatera
Yamang ako ang nangangalaga sa bahay at hardin at nag-aasikaso sa aking may kapansanang biyenan na babae, maiisip mo kung mayroon pa nga akong panahon para pangalagaan ang aking mga kamay. Kung minsa’y nakababahala sa akin ang aking mga kuko, dahil ang mga ito’y napuputol at nababali. Kaya tamang-tama ang pagdating ng artikulo.
W. B., Alemanya
Simula sa aking pagkabata, kinakagat ko ang aking mga kuko kung kaya nahihiya ako dahil sa di-pantay-pantay na hugis nito. Habang binabasa ko ang artikulo, lumalim ang pagpapahalaga ko sa bagay na ang mga kuko ay kahanga-hangang bahagi ng ating katawan. Pinasigla ako nito na ituwid ang aking nakagawian.
K. Y., Hapon
Huwaran Nang mabasa ko ang isang artikulo sa Mayo 22, 1998, Gumising! na pinamagatang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Sino ang Dapat na Maging Huwaran Ko?,” nagbulay-bulay ako kung paano pinagyaman ng isang artikulong gaya nito ang aking buhay. Nang magkahiwa-hiwalay ang aking pamilya, natural lamang para sa akin na makisama sa mga kaibigan ko na kaedad ko. Pero pinag-isipan kong mabuti ang mga tao na may pinakamabuting epekto sa aking buhay—ang mga may edad nang Kristiyanong kapatid na babae. Tinutuklas ko ngayon ang mga ugnayang gaya ng kina Pablo at Timoteo o Ruth at Naomi. Ang pinakamatalik kong kaibigan ay isang sister na mga 50 taóng gulang na nagturo sa akin ng tungkol sa kagalakan, pag-ibig, kaawaan, kabaitan, at pagkabukas-palad. Magkatuwang kami—naging magkasama kami sa kuwarto at masaya kaming pumasok sa pambuong-panahong pagmiministro. Salamat sa mainam na patnubay at gabay.
C. F., Estados Unidos