‘Pangit na Tanawin Para sa Kalusugang Mental’
“Sa kabila ng kahanga-hangang mga pagsulong sa medisina sa maraming aspekto ng pangangalaga sa kalusugan,” sabi ng isang artikulong inilathala sa Synergy, isang pahayagan ng Canadian Society for International Health, “nakakaharap natin ang isang pangit na tanawin para sa kalusugang mental.”
Isang ulat ang naghinuha na 1 sa 4 katao sa buong daigdig ang pinahihirapan ng mga sakit sa isip, emosyon, o paggawi. Ipinakita ng isa pang pag-aaral na 1 sa 3 pasyente ang kumokonsulta sa isang manggagawang pangkalusugan dahil sa dumaranas ng panlulumo o mga problema sa kabalisahan. At dumarami ang bilang na ito, sabi ng mga mananaliksik.
Bakit? Binabanggit ng isang pag-aaral na isinagawa ng Department of Social Medicine ng Harvard University na ang mga karamdamang ito na gaya ng clinical depression, schizophrenia, at dementia ay dumarami dahil sa “parami nang paraming tao ang nabubuhay nang mahaba.” Gayunman, hindi lamang ang mas mahabang buhay ang dahilan. Sinisisi rin ang mga problema sa kabuhayan, gayundin ang tumitinding kaigtingan ng modernong pamumuhay.
Paano mababago ang malungkot na larawang ito? Sa gitna ng maraming aspekto ng pangangalaga sa kalusugan, sabi ng mga eksperto, dapat bigyan ng pangunahing dako ang kalusugang mental sapagkat ito’y “kumakatawan sa isa sa huling larangan sa pagpapaunlad sa kalagayan ng tao.”