Pagdalaw sa Pangit na Nakaraan ng Pang-aalipin
LAMPAS lamang ng baybayin ng Aprikanong bansa na Senegal, malapit sa lunsod ng Dakar, naroon ang Île de Gorée. Sa loob ng 312 taon, hanggang noong 1848, ang islang ito’y nagsilbing isang sentro para sa umuunlad na kalakalan ng mga alipin. Ang mga artsibo sa Pranses na daungan ng Nantes ay nagpapakita na sa pagitan ng 1763 at 1775 lamang, mahigit na 103,000 alipin mula sa Gorée ang kinalakal sa daungan ng Nantes.
Sa ngayon isang katamtamang bilang ng 200 bisita isang araw ang naglilibot sa Maison des Esclaves, ang museo ng Bahay Alipin. Ginunita ng giya sa pamamasyal na si Joseph Ndiaye ang ilang kakila-kilabot na karanasan ng kaawa-awang mga biktima: “Ang aming mga ninuno ay itinapon, ang kanilang mga pamilya’y pinaghiwalay, ang kanilang mga balat ay hineruhan, na parang mga baka.” Buong mga pamilya ang dumating na nakatanikala. “Ang ina ay maaaring magtungo sa Amerika, ang ama sa Brazil, ang mga anak sa Antilles,” sabi ng giya.
“Pagkatapos timbangin,” paliwanag ni Ndiaye, “ang mga lalaki’y pinepresyuhan ayon sa kanilang edad at pinagmulan, na ang ilang etnikong grupo ay itinuturing na mataas ang halaga dahil sa kanilang kalusugan o sa ipinagpapalagay na pagkapalaanakin. Halimbawa, ang mga Yoruba ay itinuturing na mataas ang halaga gaya ng mga ‘lalaking kabayo na ginagamit sa pagpapalahi.’”
Ang mga payat na bihag ay pinatataba na parang mga gansa bago isubasta ang mga ito. Pinipili ng mga mangangalakal ng alipin ang mga kabataang babae upang gamitin para sa kanilang kaluguran sa sekso sa bawat gabi. Ang mapaghimagsik na mga alipin ay binibigti sa dibdib sa halip na sa lalamunan, upang patagalin ang paghihirap nito.
Dinalaw ni Papa John Paul II ang Gorée noong 1992. Iniulat ng The New York Times na “humingi siya ng tawad dahil sa kalakalan ng alipin, anupat humihingi ng tawad para sa lahat ng nakibahagi rito, pati na ang mga misyonerong Katoliko na sumang-ayon sa pang-aalipin sa mga Aprikano bilang bahagi ng normal na kalakaran.”
Gayunman, hindi lahat ay handang umamin sa kung ano ang nangyari. Dalawa at kalahating taon ang nakalipas, bago nahukay ang mga rekord ng Nantes, iginiit ng isang Jesuitang Pranses na 200 hanggang 500 alipin lamang sa isang taon ang ipinagbili sa Gorée. Hanggang sa ngayon, sabi ni G. Ndiaye, “hindi pa kailanman natutuhan ng daigdig na aminin at harapin ang labis-labis na kasamaang ito.”
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
Gianni Dagli Orti/Corbis
Yann Arthus-Bertrand/Corbis
Kinopya muli mula sa DESPOTISM—A Pictorial History of Tyranny