Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/8 p. 4-5
  • “Tiyak na Walang Hadlang sa Himpapawid”!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Tiyak na Walang Hadlang sa Himpapawid”!
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Fire Balloon at “Madaling Magliyab na Hangin”
  • Kaalinsabay ng Hangin
    Gumising!—2002
  • Ang Pinakamalaking Pagtatanghal ng mga Lobo sa Buong Daigdig!
    Gumising!—2004
  • “Mga Sasakyang Pamuksa”—Nakini-kinita
    Gumising!—2007
  • Paano Nagkaroon ng mga Eroplano?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/8 p. 4-5

“Tiyak na Walang Hadlang sa Himpapawid”!

“ANG hangaring lumipad ay kasintanda na ng sangkatauhan,” sabi ng mananalaysay na si Berthold Laufer sa The Prehistory of Aviation. Ang mga ulat-kasaysayan ng mitolohiya ng mga sinaunang Griego, Ehipsiyo, Asiryano, at taga-Silangan ay naglalaman ng maraming alamat ng mga hari, diyos, at mga bayani na nagtangkang gumamit sa kakayahang lumipad. Sa halos lahat ng kaso, ang mga kuwento ay tungkol sa paggaya ng mga tao sa paglipad ng mga ibon sa pamamagitan ng mga pakpak nito.

Halimbawa, may kuwento ang mga Tsino tungkol sa pantas at mapusok na si Emperador Shun, na ipinagpapalagay na nabuhay mahigit 2,000 taon bago isilang si Jesu-Kristo. Ayon sa alamat, nasukol si Shun sa itaas ng nasusunog na imbakan ng butil, dinamtan niya ang sarili ng mga balahibo, at tumakas sa pamamagitan ng paglipad. Sinasabi naman ng isa pang salaysay na tumalon siya mula sa isang tore at gumamit ng dalawang malalaking sombrerong yari sa tambo upang ligtas na makapagparakaida sa lupa.

Ang mga Griego naman ay may 3,000-taong-gulang na kuwento tungkol kay Daedalus, isang dakilang dalubsining at imbentor, na gumawa ng mga pakpak na yari sa mga balahibo, pisi, at pagkit upang sila ng anak niyang si Icarus ay makatakas mula sa Creta, kung saan sila ay ipinatapon. “Tiyak na walang hadlang sa himpapawid, at diyan tayo daraan,” sabi ni Daedalus. Sa simula, naging mabisa ang mga pakpak. Pero si Icarus, na manghang-mangha sa kaniyang kakayahang pumailanlang sa himpapawid, ay lumipad pa nang paitaas nang paitaas hanggang sa matunaw ng init ng araw ang pagkit na nagdikit sa kaniyang mga pakpak. Ang bata ay bumulusok sa dagat sa ibaba at namatay.

Ang gayong mga kuwento ay pumukaw sa imahinasyon ng mga imbentor at mga pilosopo na naghahangad na makalipad nang totoo. Noon pa mang ikatlong siglo C.E., ang mga Tsino ay gumagawa at nag-eeksperimento na sa mga saranggola, anupat nagpapakita ng kaunawaan sa ilang simulain sa aeronautics matagal na bago pa sinimulan sa Europa ang ganitong mga eksperimento. Noong ika-15 siglo, nag-eksperimento si Giovanni da Fontana, isang manggagamot na taga-Venice, sa mga rocket na yari lamang sa kahoy at papel na unang pinalipad sa pamamagitan ng pagpapaputok ng pulbura. Noong mga 1420, sumulat si da Fontana: “Talagang wala akong kaali-alinlangan na posibleng kabitan ang tao ng mga pakpak na maaaring pagalawin sa artipisyal na paraan, na sa pamamagitan nito ay maiaangat niya ang kaniyang sarili sa hangin at makalilipat sa iba’t ibang lugar at makaaakyat sa mga tore at makatatawid sa katubigan.”

Sa pagsisimula ng ika-16 na siglo, si Leonardo da Vinci, isang pintor, eskultor, at dalubhasang mechanical engineer, ay gumuhit ng pahapyaw na mga disenyo ng mga helikopter at parakaida gayundin ng mga glider na may pumapagaspas na mga dulo ng pakpak. Ipinahihiwatig ng mga katibayan na gumawa siya ng mga modelo ng ilan sa kaniyang panukalang mga makinang lumilipad. Gayunman, wala sa mga disenyo ni da Vinci ang talagang mapapakinabangan.

Sa dalawang sumunod na siglo ay lumitaw ang iba’t ibang salaysay ng mga pagsisikap ng mapupusok na taong nagkabit sa kanilang katawan ng artipisyal na mga pakpak at nagtangkang ipagaspas ang mga ito habang tumatalon sila mula sa mga gilid ng burol at mga tore. Ang kauna-unahang mga ‘test pilot’ na ito ay isang matapang at mapagsapalarang lahi​—ngunit naging ganap na kabiguan ang kanilang mga pagsisikap.

Mga Fire Balloon at “Madaling Magliyab na Hangin”

Noong 1783, kumalat sa Paris at sa mga lalawigan ng Pransiya ang balita tungkol sa kagila-gilalas na tagumpay sa aeronautics. Natuklasan ng dalawang magkapatid, sina Joseph-Michel at Jacques-Étienne Montgolfier, na ang maliliit na lobong yari sa papel ay maaari nilang mapalutang nang mabilis at tuluy-tuloy sa himpapawid kung bobombahan ang mga ito ng mainit na hangin. Ang kanilang unang malaking fire balloon, gaya ng tawag dito, ay gawa sa papel at lino at pinunô ito ng mabahong usok mula sa isang malaking siga. Ang walang-taong lobo ay tumaas nang hanggang sa mahigit sa 1,800 metro sa unang paglipad nito. Noong Nobyembre 21, 1783, ang lobo ay naglulan ng dalawang pasahero​—na tinaguriang mga aeronaut ng publiko​—sa isang 25-minutong biyahe sa himpapawid ng Paris. Nang taon ding iyon, inilabas din ng isa pang imbentor, si Jacques Charles, ang unang lobong binombahan ng gas, na pinunô ng hidroheno, o “madaling magliyab na hangin,” gaya ng tawag dito noon.

Habang sumusulong ang teknolohiya tungkol sa lobo, ang himpapawid ay mabilis na ‘nabuksan’ sa mapagsapalarang mga aeronaut. Pagsapit ng 1784, ang mga lobo ay umaabot na sa taas na mahigit sa 3,400 metro. Pagkaraan lamang ng isang taon, matagumpay na natawid ni Jean-Pierre-François Blanchard ang English Channel sakay ng isang lobong may hidroheno na dala ang mga unang liham sa koreong-panghimpapawid. Noong 1862, ang mga aeronaut ay naglakbay patawid sa Europa at sa buong Estados Unidos at nakaabot sa taas na mahigit sa walong kilometro!

Ngunit ang mga unang aeronaut ay wala pa ring kalaban-laban sa mga hangin; walang paraan para makontrol ang direksiyon o bilis ng paglipad ng mga lobo. Ang pagkabuo ng malalaking sasakyang panghimpapawid na pinaaandar ng gasolina at kuryente noong huling kalahatian ng ika-19 na siglo ay nagpangyari na maging posible ang nabigasyon sa mas malawak na antas, ngunit ang hugis-langgunisa na sasakyang mas magaan pa sa hangin ay mabagal maglakbay​—karaniwan nang sa pagitan ng 10 at 30 kilometro bawat oras. Kailangan ang bagong pamamaraan upang ‘maiangat [ng tao] ang kaniyang sarili sa hangin at makalipat sa iba’t ibang lugar,’ gaya ng inihula ni da Fontana.

[Larawan sa pahina 4]

Ang maalamat na sina Daedalus at Icarus

[Larawan sa pahina 4]

Leonardo da Vinci

[Credit Line]

Mula sa aklat na Leonardo da Vinci, 1898

[Larawan sa pahina 4]

Dinisenyo ng magkapatid na Montgolfier ang unang pampasaherong lobo na may mainit na hangin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share